Paghahanap kay Palparan, pinaiigting

Ang Bayan
January 7, 2012

Download PDF here

Pinaiigting ngayon ng iba't ibang sektor ang paghahanap sa retiradong heneral na si Jovito Palparan Jr. upang harapin nito ang kasong kriminal na nakasampa sa Malolos Regional Trial Court Branch 14. Inilabas ng RTC noong Disyembre 20 ang mandamyento de aresto laban kay Palparan at tatlo pang akusadong sundalo upang litisin sila sa kasong pagkidnap at iligal na detensyon kina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño at Manuel Meriño. Sina Cadapan at Empeño ay mga estudyante ng University of the Philippines at si Meriño ay isang aktibistang magsasaka. Dinukot sila ng mga tauhan ni Palparan sa Hagonoy, Bulacan noong Hunyo 2006.

Noong Disyembre 19 ay nagtangka si Palparan na tumakas patungo sa ibang bansa. Ngunit naharang siya sa paliparan ng mga ahente ng Bureau of Immigration. Sumuko agad sina Lt. Col. Felipe Anotado at S/Sgt. Edgardo Osorio. Subalit si Palparan at ang kanang kamay niyang si M/Sgt. Rizal Hilario ay nagtago na mula noon.

Noong Disyembre 27 ay ipinaskil sa iba't ibang lugar sa Metro Manila ng KARAPATAN, kamag-anak ng mga biktima at iba pang mga progresibong organisasyon ang mga poster na naglalaman ng "Wanted: Jovito Palparan Jr., aka 'Berdugo'". Nakapaskil ito ngayon sa mga mayor na kalsada upang ipanawagan sa mamamayan na ipaabot sa KARAPATAN ang anumang impormasyon hinggil sa kinaroroonan ni Palparan. Inilista roon ang numero ng telepono ng tanggapan ng KARAPATAN (435-5146).

Ang paglalabas ng poster ay bahagi ng "People's Manhunt" o pagtugis ng mamamayan na inilunsad noong Disyembre 21. Nanguna rito sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, mga ina ng dalawang babaeng aktibista. Sinuportahan sila ng mga kaibigan at mga kasapi ng Families of Desaparecidos for Justice (Desaparecidos), Victims United for Justice (Hustisya), Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Aresto at Detensyon (SELDA) at KARAPATAN. Kumalat na rin sa internet ang pagtutulungan para hanapin si Palparan. Itinaas na rin ng Department of Justice sa P1 milyon ang pabuya para sa ikadarakip ni Palparan.

Binabatikos naman ng iba't ibang sektor ang kabiguan ng pulis na isakatuparan ang pag-aresto kay Palparan. Nagdududa ang maraming sektor na si Palparan ay kinakanlong ng AFP at ng aktibo at retiradong mga upisyal nito na kasama niyang nagpatupad ng malupit na Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo at mga kasabwat sa malalalang paglabag sa karapatang-tao. Iginigiit ng KARAPATAN sa Malacañang na palawakin ang paghahanap kay Palparan hanggang sa loob ng mga kampo militar.