Paglilitis kay CJ Corona

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Sinimulan na noong Enero 16 ang paglilitis ng Senado kay Chief Justice Renato Corona.

Tinututukan ng mamamayang Pilipino ang paglilitis na ito dahil nais nilang maging bahagi ito ng pagsisikap nila na idiin si Gloria Arroyo sa mga krimen niya laban sa bayan. Ang pagtatalaga kay Corona bilang pinuno ng Korte Suprema ay ihinabol ni Arroyo sa hangaring mapaburan siya sa kanyang oras ng pangangailangan.

Sinimulan nang busisiin ng mga kongresistang taga-usig ang mga umano’y nakatagong yaman ni Corona. Anila, mayroong 45 ari-arian si Corona na nagkakahalagang mahigit P200 milyon na nakapangalan sa kanyang asawa at malalapit na kamag-anak na hindi niya inilista sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Sa pagpapatuloy ng paglilitis, inaaasahang ididiin ng mga tagausig kung papaanong ang mga desisyon ni Corona ay pumapabor kay Arroyo.

Habang tumatagal ay lalong nalalantad sa publiko ang internal na bangayan at hanayan ng bawat pampulitikang interes sa loob ng Korte Suprema. Nag-uunahan ang mga mahistrado at mga padrino nila na mailuklok sila sa makapangyarihang pwesto kapalit ni Corona.

Bago pa man magsimula ang paglilitis, mainit na ang labanan ng dalawang kampo. Bukambibig ni Corona na ang tunay na dahilan ng pagsasampa ng kasong impeachment laban sa kanya ay ang pagmamadali ni Aquino na tanggalin siya bilang punong mahistrado.

Sa kabilang banda, walang awat ang pagbubunyag ng mga alyado ng rehimeng Aquino sa Mababang Kapulungan sa baho at korapsyon ni Corona at kanyang pamilya. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mga bank account na may malalaking deposito.

Ginamit din ng Malacañang ang ulat kamakailan ng World Bank na nagrereklamo sa pagkakagamit ng ipinautang nitong pondo noong 2003 sa Korte Suprema. Ayon sa ulat, ginamit ng Korte Suprema ang bahagi ng pondo sa iba’t ibang gastusin nito labas sa itinakdang “reporma sa hudikatura.”

Sa punto de bista ng mga organisasyong demokratiko at ng mamamayang Pilipino, sakaling mapanagot si Corona sa kanyang mga kasalanan ay may isang balakid na mawawala sa tuluyang paglilitis kina Arroyo at kanyang mga alipures.