Panggigipit kay Alan Jazmines, kinundena

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Mula nang iligal na idetine si NDFP Consultant Alan Jazmines, ilang ulit na siyang pinagbabantaan ng mga upisyal ng PNP Custodial Center na ilipat sa ibang kulungan.

Unang pinag-initan si Jazmines nang simulan niya ang paglalantad ng mga paglabag ng mga awtoridad sa karapatang-tao ng mga detenido, hindi makatarungang paghihigpit at bulagsak na kundisyon ng mga nakakulong. Pinamunuan ni Jazmines ang pakikibaka ng mga detenido laban sa mapaniil na mga patakaran at hindi makataong kundisyon sa loob ng kulungan.

Muling tinangkang ilipat si Jazmines nang maghain na siya ng reklamo nang pagbawalan ang pagpasok sa loob ng kulungan ng mga postcard na nagsasaad ng “Free All Political Prisoners.” Binatikos din niya ang pagbubukas ng mga pulis sa custodial center ng kanyang mga personal na komunikasyon, kabilang ang confidential na mga dokumento at komunikasyon ng NDFP hinggil sa usapang pangkapayapaan.

Nitong huli, pinagbantaan na namang ilipat si Jazmines nang magreklamo siya laban sa mga maniobra ng custodial center na pigilan sa pagbisita ang mahigit 30 tagasuporta ng tatlong detenidong NDF consultant (siya at sina Eduardo Sarmiento at Eduardo Serrano). Anang mga pulis, nakaalerto raw ang kampo. Pinigilan din ang pagpasok ng lehitimo at pampublikong mga babasahin na dala ng mga bumibisita gaya ng dokumento ng National Council of Churches in the Philippines na “Churches’ Response as Human Rights Defenders”, praymer ng KARAPATAN tungkol sa Oplan Bayanihan, at isyu ng pahayagang Pinoy Weekly.

Ayon kay Jazmines, malaking kasinungalingan ang sinasabi ng PNP Custodial Center na nagpapakita siya ng hindi magandang asal sa loob ng kulungan kung kaya siya ililipat ng piitan. Target siyang ilipat sa Bicutan, kung saan mas mahigpit at mapanupil ang mga patakaran.

Palayain ang lahat ng mga detenidong pulitikal. Samantala, inihain ng 38 kongresista ng Mababang Kapulungan ang House Resolution 1956, na nananawagang bigyan ng walang kundisyon at pangkalahatang amnestiya ang lahat ng mga detenidong pulitikal na biktima ng pampulitikang pang-aapi at sinampahan o hinatulang nagkasala ng pampulitika at/o komon na mga krimen na ginawa para ipaglaban ang kanilang mga pampulitikang paniniwala.

Tinukoy sa House Resolution 1956 na una sa mga dapat palayain agad ang sampung detenidong pulitikal na dapat sanang pinalaya na noong 2001 at 2004, batay sa kasunduan sa usapang pangkapayapaan bago ito nasabotahe ng gubyernong Arroyo. Ito ay sina Matricio Manuelito, Joshue Ungsod, Juanito Itaas, Rogelio Natividad at Darwin Rojas (2001); Ricardo Solangon, Galo Omar, Palili Jammang, Moner Taufic at Abubakar Bimbas (2004).

Pangalawang dapat palayain ang matatanda, may sakit at matagal nang nakakulong na mga detenidong pulitikal, sa partikular sina Rolando Paniamogan, pamilyang Alegria, Sandino Esguerra at Mohamadiya Hamja.

Pangatlo ang natitira pang detenidong mga konsultant ng NDFP na protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at alinsunod sa pangako ng GPH Negotiating Panel noong Pebrero 2011 na palayain ang karamihan o lahat ng mga detenidong pulitikal. Ito ay sina Alan Jazmines, Tirso “Ka Bart” Alcantara, Randy Malayao, Edgardo Friginal, Eduardo Sarmiento, Leopoldo Caloza, Eduardo Serrano, Emeterio Antalan, Ramon Patriarca, Danilo Badayos, Alfredo Mapano, Pedro Codaste at Edwin Brigano.

Pang-apat ang hors de combat na si Vanessa de los Reyes, isang mandirigma ng BHB na naparalisa mula baywang pababa matapos matamaan ng bala ang kanyang gulugod.

Panlima ang 35 babaeng detenidong pulitikal na bulnerable sa sekswal na pang-aabuso at karahasan habang nakakulong, bukod pa sa ibang tinitiis nilang kahirapan habang nakadetine sila.

Dapat ding pakawalan sina Ericson Acosta at Maricon Montajes, dalawang alagad ng sining mula sa University of the Philippines-Diliman na sumiyasat sa kalagayan ng mga magsasaka at nagbunyag sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga likhang sining. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong pag-iingat ng iligal na pasabog at armas.