Pitong magsasaka, inaresto sa Pangasinan

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Pitong magsasaka ang inaresto ng mga pulis noong Enero 13 matapos nilang pigilan ang pagbabakod ng kanilang mga sakahan sa bayan ng Bayambang sa Pangasinan.

Kinilala ang mga inaresto na sina Rodolfo Natividad, Emeterio Paningbatan, Felipe Caron, Bernardito Dizon, Rudy Peralta, Rodrigo Asuncion at Ludivico Mejia—mga kasapi ng Ulopan Na Umbaley Ed Camp Gregg Military Reservation.

Ayon sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), hinuli ang pitong magsasaka matapos nilang pigilan ang pagbabakod sa halos 300 ektaryang sakahan na matagal na nilang binubungkal sa Barangay Bical Sur sa Bayambang. Iniutos ni Gov. Amado Espino na bakuran ang mga sakahan para tayuan ng isang pribadong resort. Dagdag pa ng AMGL, idineklara ng Department of Environment and Natural Resources na pampublikong lupain ang bahaging ito ng Camp Gregg Military Reservation at hindi ito dapat angkinin ninuman. Napabalitang interesado rin dito ang pamilyang Cojuangco-Aquino.

Pinalaya noong araw ding iyon ang apat na magsasaka. Ikinulong sa istasyon ng pulis ang natirang tatlo at kinasuhan ng attempted murder.

Samantala, pinapaaresto naman ng Rizal Commercial Banking Corporation ang 22 lider-magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita dahil iligal umano nilang inokupa ang lupain ng RCBC. Nanindgan ang Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) na lehitimo ang kanilang pag-okupa dahil matagal nang nakatiwangwang ang mahigit 500 ektaryang lupain ng RCBC na hindi naman pinakikinabangan. Dagdag pa ng AMBALA, nagsampa rin sila ng petisyon sa Department of Agrarian Reform para pawalambisa ang kumbersyon ng lupa at ipamahagi na ito sa kanila.