Wakasan ang makadayuhan at anti-mamamayang sistema sa ekonomya

Editoryal
ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Labis-labis ang pagkasuklam ng mamamayang Pilipino sa nagpapatuloy na paglubha ng kanilang kalagayang pangkabuhayan sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Matapos ang isa’t kalahating taon, maliwanag na ipinakikita ni Benigno Aquino III na walang pinag-iba ang kanyang rehimen sa nagdaang rehimeng Arroyo at mga nauna pang papet na rehimen sa usapin ng ekonomya at pagharap sa mga tampok na suliranin ng kahirapan at kagutuman ng mamamayan.

Patuloy na lumalala ang problema ng disempleyo, mababang sahod, pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pagkain at iba pang saligang bilihin at mga serbisyo. Gayundin, lumalala ang kawalan ng lupa, kawalan ng disenteng tirahan ng mga maralita, laganap na mga sakit, pagkabulok ng mga serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan. Malawakang nawawasak ang kapaligiran na nagdudulot ng dagdag na kahirapan sa kabuhayan ng mamamayan.

Lalong tumitingkad ang di pagkakapantay-pantay sa lipunan. Sa isang panig, pahirap nang pahirap ang buhay ng masang manggagawa, magsasaka, mga manggagawang bukid, minoryang mamamayan, karaniwang kawani, maliliit na propesyunal, mga estudyante at ibang sektor. Sa kabilang panig, lalong nakapagpapasasa ang malalaking dayuhang kapitalista, kasabwat nilang malalaking kapitalistang komprador, mga panginoong maylupa at burukratang kapitalista sa pamamagitan ng pagpapatindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis, pagdambong sa likas na yaman ng bansa at paggamit sa kapangyarihan ng reaksyunaryong estado upang paburan at bigyang-proteksyon ang kanilang negosyo at mga pag-aari.

Pinalalabas ng rehimeng Aquino na tumatahak ito sa “matuwid na daan,” taliwas umano sa talamak na korapsyon ng nagdaang rehimen. Ang totoo, lumalala hindi lamang ang burukratang kapitalismo at korapsyon sa ilalim ng rehimeng Aquino, patuloy din nitong ipinatutupad ang mga patakaran ng liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon na siya ring ipinatupad ni Arroyo..

Ang nagpapatuloy na mga batas sa deregulasyon ang ginagamit ng malalaking kapitalistang dayuhan at kanilang mga kasapakat para walang patumanggang itaas ang presyo ng langis, tubig, kuryente, pamasahe sa tren, toll fee, serbisyong medikal, edukasyon at iba pa. Deregulasyon din ang balangkas upang bigyang-matwid ang pagkaltas sa badyet ng estado sa mga serbisyong panlipunan at pagbibigay-laya sa “pribadong sektor” ng malalaking kapitalista at komprador para gawing negosyo ang mga paaralan, ospital, mga kalsada at iba pa.

Ang pinaiiral pa ring liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan ang balangkas ng mga batas tulad ng Mining Act of 1995, Foreign Investments Incentives Act, Omnibus Investments Code at mga probisyon ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT). Nagdudulot ang mga ito ng malaking pinsala sa lokal na mga pwersa sa produksyon, laluna sa masang manggagawang Pilipino. Sa layuning akitin ang dayuhang pamumuhunan, ipinapako ang sahod upang manatiling mura ang halaga ng lakas-paggawa at malawakang ipinatutupad ang kaswalisasyon, kontraktwalisasyon at iba pang sistema ng pleksibleng paggawa.

Patuloy na pinapaburan ng rehimeng Aquino ang dayuhang malalaking kapitalista sa anyo ng paglilibre sa kanila sa buwis at pagbibigay-kaluwagan sa pag-eeksport at pag-uwi ng tubo at kapital. Para lumikha umano ng lokal na empleyo, pinoproteksyunan ang mga operasyon at binibigyang-laya ni Aquino ang mga dayong malalaking kumpanya sa pagmimina na dambungin ang yamang mineral ng bansa. Kapalit ng wala pang 1% na ambag nila sa empleyo sa bansa ay ang pagkasaid ng yaman ng bansa at permanenteng pinsala sa kapaligiran.

Ang liberalisasyon naman sa sektor ng agrikultura ay ilang dekada nang isinasangkalan ng malalaking kapitalistang bansa para magtambak ng mga produktong agrikultural sa Pilipinas sa kapinsalaan ng lokal na produksyon sa agrikultura. Sa ilalim nito, maluwag na nakakapasok ang dayuhang malalaking agribisnes na nagpapalaganap ng mga binhi, pestisidyo at iba pang produktong sumisira sa nakaasa sa sariling produksyon at nagtatali sa lokal na produksyon sa mamahaling mga dayong produktong pangkapital. Patuloy na nangangamkam ng lupa ang mga dayuhang kumpanyang multinasyunal. Lalong sumisidhi ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka at manggagawang bukid ng malalaking asendero, komersyante at dayuhang malalaking kapitalista.

Malaking bahagi ng badyet ng bansa ang inilalaan ni Aquino sa pakinabang ng dayuhang malalaking kapitalista sa pamamagitan ng Public-Private-Partnership Program. Dito ay pinauubaya sa dayuhang malalaking kapitalista at mga kasosyong lokal na negosyante ang malalaking proyektong pang-imprastruktura. Pinopondohan ito ng gubyerno at ng mga pautang mula sa mga dayuhang bangko na ginagarantiyahan naman ng gubyerno. Katulad ng mga proyektong LRT, South Luzon Expressway at iba pa, malao’y ibibigay ang buong kontrol nito sa “pribadong sektor” ng malalaking kapitalista para magkamal ng tubo.

Ang mga patakaran sa ekonomya ng rehimeng Aquino ay pawang nakatuon sa pagpapanatili ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal. Pinasisidhi nito ang pagsasamantala at pang-aapi sa masang anakpawis at mamamayang Pilipino. Inilulugmok nito ang buong bansa sa krisis. Binabansot nito ang lokal na mga industriya at pinipigilan ang pag-usbong ng independyenteng ekonomyang nakatitindig sa sarili. Pinananatili nito ang monopolyong kontrol sa lupa. Winawasak nito ang lokal na produksyon at iniluluwal ang palagiang problema ng malawakang disempleyo. Nagkakasya ito sa pag-eeksport ng lakas-paggawa sa ibang bansa at panandaliang mga programang pampasiklab na nagdudulot lamang ng pansamantalang empleyo.

Lalo pang sisidhi ang paghihirap at pang-aapi sa mamamayang Pilipino sa harap ng mga balakin ng rehimeng Aquino na higit pang buksan ang ekonomya ng Pilipinas alinsunod sa dikta ng imperyalismong US.

Itinutulak ng krisis ang mamamayang Pilipino sa landas ng mga pakikibakang masa upang ipaglaban ang kanilang demokratikong interes. Ang nag-iibayong krisis na bumabayo sa mamamayang Pilipino ay lumilikha ng kundisyon para mamulat sila sa mga saligang suliraning nasa ugat ng kanilang paghihirap at pagdurusa.

Tungkulin ng mga rebolusyonaryong pwersa na abutin ang milyun-milyong mamamayan at pukawin sila sa pangangailangan ng pambansa at demokratikong pagbabago. Dapat puspusang ilantad ng mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa ang mga ugat ng krisis at pawiin ang mga kontra-rebolusyonaryo at repormistang kaisipang pinalalaganap ng mga imperyalista sa pamamagitan ng mga paaralan, masmidya, internet at iba pang daluyan ng impormasyon.

Dapat magpunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa na mapakilos ang milyun-milyong mamamayan sa landas ng digmang bayan at sa pagtulak nito sa susunod na yugto ng pagsulong. Paparami ang namumulat sa katotohanang matutugunan lamang ang interes ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng gubyernong tunay na naglilingkod sa kanilang interes.