2 mangangaso, pinatay ng militar

ANG BAYAN
21 February 2012

Download PDF
Dalawang mangangaso ang walang awang pinatay ng mga pwersang militar habang dalawang myembro ng grupo ng mga maralita ang iligal na inaresto.

Pebrero 16. Pinagbabaril ng isang tim ng Philippine Army Special Forces ang apat na mangangaso sa Barangay Ilayang Atingay, Magdalena, Laguna. Pinabulaanan ng mga residente na nakakakilala sa apat na biktima ang paratang ng militar na mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at armado ng malalakas na kalibreng baril. Agad na napatay sina Jessie Perez, 15 anyos, at Christian Luceto, 35 anyos. Ang dalawa pa na dinala sa ospital ay nasa malubhang kalagayan.

Pebrero 13. Hinaras ng mga tauhan at gwardya ng University of St. La Salle si Jan Earl Enerlan, estudyante ng unibersidad, dahil sa paglahok niya sa kampanya laban sa pagtaas ng matrikula. Naglunsad ng mga pagkilos ang mga mag-aaral dito para batikusin ang nakaambang pagtaas ng matrikula at ang kawalan ng konsultasyon para rito. Binatikos ng League of Filipino Students-Negros ang panggigipit ng mga upisyal sa lumalabang mga estudyante.

Pebrero 12. Hindi bababa sa 12 mamamahayag mula sa Pagadian City, Zamboanga del Sur ang hinarang at idinetine ng mga elementong paramilitar habang sila ay papunta sa napaulat na demolisyon ng mga bahay malapit sa lugar ng minahan ng TVI Resources sa Sityo Balabag, Barangay Depore, Bayog. Pinalaya na lamang sila kinabukasan ng Special Citizens Armed Forces Geographical Unit na sinuswelduhan ng TVI, ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP). Kasama ng grupo ng mga mamamahayag ang mga kasapi ng isang organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao nang sila ay harangin ng mga paramilitar. Ilang buwan nang tinututulan ng mga residente ng Bayog ang operasyon ng minahan sa komunidad nila.

Pebrero 7. Iligal na inaresto ng pinagsanib na mga operatiba ng pulis at militar ang dalawang myembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap-Southern Tagalog (Kadamay-ST) sa Barangay Maitim, Bai, Laguna. Inaresto sina Evelyn Legaspi, 53 anyos, myembro ng rehiyunal na konseho ng Kadamay at si Pastora Latagan, 33 anyos, istap ng rehiyunal na tsapter. Tinamnan ng militar ng subersibo umanong mga dokumento, 14 na eksplosibo, apat na blasting cap at iba't ibang gamot ang kinalalagyan ng dalawang akusado para palabasing mga rebelde sila. Walang ipinresentang mandamyento de aresto ang mga nangreyd na militar.

Pebrero 3. Pinatay ng dalawang lalaki si Loida Pagatpat, 51 anyos, isang guro ng Antipolo Elementary School sa Palanas, Masbate. Si Pagatpat ay binaril mismo sa loob ng silid-aralan sa harap ng kanyang mga estudyante. Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala sa ulo. Ang mga salarin ay tumakas sakay ng motorsiklo.

Bago ito, pinaratangan ng militar si Pagatpat ng pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan. Isinangkot din siya sa pagpatay sa isang upisyal ng barangay noong 2011. Siya ang ikatlong gurong pinaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng Aquino.