Labanan ang panghihimasok-militar ng US at pagpapakatuta ni Aquino

Ang Bayan
February 7, 2012

Download PDF here

Ang kagaganap lamang na Strategic Defense Dialogue (SDD) noong Enero 26-28 sa Washington D.C. ay naghuhudyat ng papaigting na panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas at buong Asia-Pacific. Tanda rin ito ng papatinding pagkasangkapan ng US sa papet na rehimeng Aquino at Armed Forces of the Philippines (AFP) para maipatupad ang layuning supilin ang China at maging dominanteng kapangyarihan sa rehiyon ng Asia-Pacific. Kasabay ang layuning pahigpitin pa ang kontrol nito sa ekonomya at pulitika ng Pilipi-nas.

Malaon nang nagsisilbing malaking base militar ng US ang Pilipinas. Malayang nakalalabas-masok ang mga tropang Amerikano sa anumang bahagi ng bansa. Nitong humigit-kumulang 15 taon, permanente na ring nakapwesto ang 600-kataong Joint Special Operations Task Force-Philippines sa isang eksklusibong erya sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga City. Ang mga tropang Amerikanong ito ay matagal nang sangkot sa mga operasyong surbeylans, sibil-militar at su-portang kombat at lohistika para sa mga kontra-gerilyang operasyong militar ng AFP.

Lalo pa ngayong patitindihin ang panghihimasok-militar at dominasyon ng US sa Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Aquino. Marami nang patunay si Benigno Aquino III na isa siyang napakamasunuring papet ng imperyalistang US.

Mahusay na ginagampanan ni Aquino ang iniatas sa kanya ng US na papel sa opensibang saywar nito sa midya na palabasing isang butangero ang China na nagnanais mang-agaw ng teritoryo ng Pilipinas. Ito ay upang bigyang-matwid ang papalaking presensya ng militar ng US na diumano'y para palakasin ang depensa ng Pilipinas.

Ang totoo, kinakasangkapan lamang ng US ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga operasyon nito sa South China Sea, isang mayor na rutang pangkalakalan na nais nitong kontrolin. Ang dalawang segunda manong barkong pandigma na ibinenta sa AFP ay nagagamit pansuporta sa layuning anti-China ng US.

Gayundin, papadalas ang pagronda dito ng mga barkong pandigma ng US at pagdaong ng mga ito sa Pilipinas. Bukod sa Pilipinas, may mga base mili-tar,kasun-duan o kaayusang militar ang US sa Japan, South Korea, Australia, Singapore, Malaysia, Taiwan at Indonesia. Sa pamamagitan ng pagmamantine ng presensya sa mga bansang ito, magagawa ng US na mabilisang maipakat ang mga pwersa nito saanmang bahagi ng Asia-Pacific.

Padadalasin din ang pagdaraos ng mga pinagsanib na pagsasanay-militar ng AFP at mga tropa ng US upang lalong uma-yon sa mga layuning militar ng US ang mga prayoridad-militar ng papet na gubyerno sa Pilipinas. Paparami na ang mga tropang Amerikanong pinapayagang pumasok sa hedkwarters ng AFP Western Command habang pinaghahandaan ang pagdaraos ng Balikatan exercises ngayong taon sa kanlurang baybayin ng Palawan.

Kahit pagkukunwari ay wala nang ginagawa ang rehimeng Aquino sa pagtatanggol ng pambansang soberanya laban sa panghihimasok-militar at dominasyon ng US. Sukdulan na ang pagpapakatuta nito at pagtataksil sa pambansang interes. Wala itong independyenteng patakarang panlabas. Pinalalabas nito na katumbas ng pambansang interes ng Pilipinas ang ultra-nasyunal na interes ng US na maghari sa buong daigdig. Sa utos ng amo nito, itinuturing na ring kaaway ng rehimeng Aquino ang alinmang kaaway ng US. Ipinagkakait nito sa mamamayang Pilipino ang karapatan at inisyatibang magbuo ng mga alyansa at makipagkaibigan sa bata-yang kapaki-pakinabang at umaayon sa interes ng magkabilang panig.

Alinsunod din sa ipinapataw na patakaran ng US, ipinagpapatuloy ng rehimeng Aquino ang bigong mga neoliberal na patakaran sa ekonomya ng nagdaang 30 taon. Patuloy nitong pinapayagan ang dayuhang malalaking kapitalista na maghari-harian sa lokal na ekonomya, ibagsak ang sahod ng mga manggagawa, at gamitin ang estado upang garantiyahan ang tubo ng dayuhang puhunan, magbigay ng kaluwagan sa buwis at iba pang mga insentibo. Patuloy ang monopolyong pag-aari ng lupa ng malalaking panginoong maylupa, mga dayuhang malalaking minahan at plantasyon at pang-aagaw nila ng lupa ng mga magsasaka.

Ang masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka, mga walang trabaho, maliliit na sahurang empleyado at iba pang karaniwang mamamayan ang patuloy na bumabalikat sa papabigat na epekto ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon at ng kabiguan ng rehimeng Aquino na maglunsad ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Ikinakasa rin ang planong lubusin ang rekolonisasyon sa ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga probisyon ng konstitusyon ng 1987 na nagtataguyod at pumoprotekta sa pambansang patrimonya.

Upang madepensahan ang pambansang kasarinlan at matiyak ang progresibo at demokratikong kinabukasan, mahigpit na tungkulin ng mamamayang Pilipino na paigtingin ang kanilang pakikibaka laban sa panghihimasok-militar at dominasyon ng US sa ekonomya ng Pilipinas at laban sa pagpapakatuta at sukdulang kataksilan ng rehimeng Aquino.

Dapat nilang igiit ang pagbasura sa di pantay na mga kasunduan sa imperyalismong US tulad ng Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement. Dapat din nilang tutulan ang pakana ng rehimeng Obama at rehimeng Aquino na gamitin ang Pilipinas sa pang-uupat ng US ng tensyon at pagpapalakas at pagmamaniobrang militar laban sa China sa layuning sagkaan ang paglakas nito. Dapat nilang tutulan ang mga pinagsanib na pagsasanay-militar na may layuning ipagmayabang ang kapangyarihan ng US at ipundar ang presenyang militar nito sa South China Sea.

Nananawagan ang PKP sa Bagong Hukbong Bayan na paigtingin pa ang digmang bayan at mga taktikal na opensiba laban sa AFP at iba pang armadong grupo ng estado na inaarmasan ng US at pumoprotekta sa malalaking kapitalistang interes ng US at iba pang dayuhan sa Pilipinas. Dapat maglunsad ang BHB ng mas malalaki at mas madadalas na taktikal na opensiba para parusahan ang rehimeng Aquino sa pambansang pagkakanulo at pagsusunud-sunuran nito sa imperyalismong US.

Nananawagan din ang PKP sa lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa na gawin ang lahat ng makakaya para abutin ang milyun-milyong mamamayan upang pukawin ang kanilang patriyotismo at himukin silang igiit ang kanilang mithiin para sa pambansang paglaya.

-------------------
Download PDF here

Lumalakas na panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas

Lumalakas at lalakas pa ang armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas sa ilalim ng estratehiyang inilatag ng rehimeng Obama. Idinadaan ito sa pagpakat ng karagdagang mga tropang militar ng US sa Pilipinas sa mga darating na buwan sa anyo ng mga pagsasanay, operasyong sibilyan-militar at iba pang pakana ng US at kakutsaba nitong rehimeng Aquino.

Ang iba't ibang iskema para pahintulutan ang panghihimasok ng mga tropang Amerikano at paggamit nito sa Pilipinas bilang base ng mga operasyon nito sa Asia-Pacific ay pinag-usapan sa isinagawang Strategic Defense Dialogue (SDD) noong Enero 26-28.

Kabilang sa mga pinag-usapan sa SDD ang planong magsagawa ng malakihang "joint military exercise" sa ilalim ng Balikatan 2012 sa darating na Abril na lalahukan ng aabot sa 1,500 sundalong Amerikano. Isasagawa ang Balikatan 2012 sa South China Sea malapit sa baybayin ng Palawan. Ang gayong ehersisyong militar ay lalong nang-uupat ng kaguluhan sa usapin ng Spratly Islands sa pagitan ng China, Pilipinas at iba pang mga bansa sa rehiyon.

Napagkaisahan din sa SDD ang patuloy na pagpapanatili ng US ng presensyang militar nito sa Pilipinas. Bukod sa pananatili ng 600-kataong Joint Special Operations Task Force-Philip-pines (JSOTF-P), magsasagawa rin ang US ng mas marami at mas madalas na pagbisita at pagdaong ng mga barko de gera sa Pilipinas at pagpapababa ng mga tropang Amerikano. Plano ring magsagawa ng paparaming mga tinaguriang "pagsasanay-militar".

Kabilang din sa pinag-usapan sa SDD ang "pagpapalakas ng depensang nabal ng Pilipinas" sa pamamagitan ng pagbenta ng mga karagdagang pinaglumaang barko de gera ng US. Sa gayong paraan, nagagawa ng US na permanenteng mag-istasyon ng kanyang barkong pandigma sa South China Sea na tinatauhan at dinedepensahan ng mga sundalong Pilipino sa ilalim ng kontrol at direksyon ng US.

Sa ilalim ng planong Pacific Century ng US, mas mahigpit na nakikipagsabwatan ang imper-yalismong US sa rehimeng Aquino upang magamit ang Pilipinas para sa layuning pulitika-militar nito. Sunud-sunod ang mga bisita ng mga upisyal ng US sa Pilipinas. Nitong nagdaang Enero, bumisita sa bansa sina Sen. John McCain, Joseph Lieberman, Sheldon Whitehouse at Kelly Ayotte para makipagkita kay Benigno Aquino III at susing mga upisyal ng militar at depensa.

Bago bumisita sina McCain sa Pilipinas, noong Nobyembre 2011 ay bumisita rin si US Secretary of State Hillary Clinton. Noong Abril 2011, pumunta rito sina US Sen. Daniel Inouye at Thad Cochran. Napabalitang pinuntahan ng dalawa ang Subic Naval Base, ang dating base militar ng US sa Olongapo.

Samantala, sa mahigit lamang isa't kalahating taong panunungkulan ni Aquino, nakatatlong beses na siyang pumunta sa US para makipagkita sa mga susing upisyal ng depensa at militar ng US. Dalawang beses din siyang ipinatawag ng mga upisyal ng US at direktang inilipad ng mga helikopter patungo sa isang barko de gera ng US para kausapin.

------------------
Download PDF here

US, desperadong mapanatili ang dominasyon sa buong mundo

Noong Enero 2, inilabas ng Department of Defense ng US ang "Sustaining U.S. Global Leadership: Priorities for 21st Century Defense," isang dokumentong naglalatag ng estratehiyang militar nito para sa darating na mga taon. Inilalatag ng dokumentong ito ang mga prayoridad at diin ng imperyalismong US para mapanatili ang pandaigdigang dominasyon sa kalagayang lugmok ito sa krisis at lumalaki ang hamon sa kapangyarihan nito.

Habang hindi iniaalis ng rehimeng Obama ang pansin sa Middle East at Africa, binigyang-diin nito ang tinatawag nitong "rebalancing" o paglilipat ng diin ng pakat at gastusing militar nito sa Asia-Paci-fic. Isa sa mga bibigyang-diin ng US ang paggapi sa mga itinuturing nitong banta sa interes nito sa South Asia at Middle East.

Plano nitong maglatag ng mga mekanismo para subaybayan at tiktikan ang mga armado at rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na itinuturing nitong banta. Makikipagsabwatan ito sa mga papet at reaksyunar-yong uri para kontrolin ang hindi pa nasasakop na mga teritoryo, at kung kinakailangan ay direktang maglunsad ng mga strike operations laban sa pinakamapanganib na mga grupo at indibidwal.

Tuwirang inaamin ng US na ang interes nito sa ekonomya at seguridad ay mahigpit na nakaugnay sa mga sitwasyon sa mga bansang bumubuo ng arko mula Western Pacific at East Asia patungong Indian Ocean region at South Asia. Kinikilala ng US na para mapanatili ang dominanteng papel nito sa buong mundo, kailangan nitong bigyan ng diin ang mga pwersa nito sa rehiyon ng Asia-Pacific.

Isa sa ikinababahala ng US ang paglago ng China bilang kapangyarihan sa rehiyon at buong mundo. Ang gayong paglago ng China ay itinuturing ng imperyalismong US na banta sa ekonomya at seguridad nito. Ang pangamba nito sa paglakas ng kapangyarihang militar ng China ang nagtutulak sa US na palakasin pang lalo ang pwersang militar nito na nakapakat na sa Asia. Target ng US, sa partikular, ang tiyakin ang kontrol sa South China Sea, na nagsisilbing isa sa mga mayor na rutang pangkalakalan mula Asia patungo sa America at Europe.

Binibigyang-diin ng US ang halaga ng pagpapamalas ng kapangyarihan (o "power projec-tion") sa Asia-Pacific. Gamit ang mga barkong pandigma at mga base militar nito sa Japan, South Korea, Guam at Australia at kasunduang militar sa Pilipinas, plano ng US na tuluy-tuloy na rumonda ang aabot sa ilampung-libong sundalong Amerikano sa rehiyon.

Target ng bagong estratehiya ng US na binalangkas ng rehimeng Obama ang pagpapanatili nito ng pandaigdigang kapangyarihan ng US habang binabawasan ang gastos nito sa militar. Nitong katapusan ng Enero, inianunsyo ni US Secretary of Defense Leon Panetta ang planong pagbawas ng 100,000 tropang militar ng US at pagtatapyas ng $487 bilyon sa badyet sa depensa sa susunod na sampung taon. Tutol ang ilang kampo sa US sa ganitong plano.

----------------
Download PDF here

Ang monopolyo kapitalismo at pagpepresyo ng langis

Kontrolado ng iilang malalaking monopolyo-kapitalista ang pandaigdigang industriya ng langis. Ang limang pinakamalalaking halimaw sa industriya ay ang Exxon Mobil, British Petroleum, Royal Dutch Shell, Chevron Texaco at Total. Kontrolado ng limang ito ang eksplorasyon, pagmimina ng krudo, pagrerepina, pagbibyahe nito sa iba't ibang bahagi ng mundo hanggang sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo sa mga lokal na pamilihan. Isang ilusyon ang "malayang kompetisyon" sa pandaigdigan at lokal na industriya ng langis.

Ang monopolyong pagpepresyo sa langis ay pagtatakda ng presyo sa pamilihan na malayong nakahiwalay sa aktwal na halaga ng produksyon nito. Noong 2008, nabunyag na halos 2/3 ng presyo ng bawat bariles ng krudo ay tubo ng mga monopolyong kumpanya. Sa bawat bariles ($92 noon sa pandaigdidang pamilihan), umaabot lamang sa $10-12/bariles ($3-4 sa eksplorasyon at $7-8 sa pagmimina at pagrepina). Ang $13 ay mga "royalty" o kabayaran sa mga bansang pinagmiminahan nito tulad ng Saudi Arabia at mga bansa sa Middle East. Ang natitira ($67-69) ay tubo na ng mga kumpanya.

Pinalalaki nang pinalalaki ang supertubo ng mga monopolyo sa pamamagitan ng pagbababa ng gastos sa produksyon at artipisyal na pagtataas ng presyo ng mga produkto sa pamilihan. Nagagawa ng mga monopolyo kapitalista na tuluy-tuloy na itaas ang presyo ng langis dahil pamalagiang malaki ang pamilihan nito. Taun-taon ay lumalaki nang 2.65% ang konsumo ng langis noong 1965-2010. Sa buong mundo, 33% ng produksyon ng enerhiya ay nakasalalay sa langis.

Tinatayang umaabot sa $160 bilyon ang pinagkombi-nang tubo ng limang pinakamalalaking kumpanya sa langis noong 2011 (katumbas ng 75% ng buong ekonomya ng Pilipinas). Pinakamalaki ang tubo ng Exxon Mobil na umabot sa $41.1 bilyon (o P3.5 milyon kada minuto). Nagkamal naman ang Royal Dutch Shell ng $28.6 bilyong tubo habang ang Chevron-Texaco (punong kumpanya ng Caltex) ay kumita ng $26.9 bil-yon.

Palagiang isi-sangkalan ng mga kumpanya ng langis ang samutsaring kaguluhan sa mundo para bigyang-matwid ang pagtataas ng presyo ng langis, laluna kung mayroong sumiklab na gera sa mga bansang nagpoprodyus ng langis. Pero kahit sa mga taong walang gera o kaguluhan sa mga bansang pinagkukunan ng langis, tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Nitong 2012, halimbawa, tumaas pa ang presyo ng langis, sa kabila ng muling pagbwelo ng produksyon ng langis sa Libya at simula ng paghupa ng tensyon sa Iran.

Sa mga pagkakataong biglaan at malakihan ang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, hindi usapin kung sapat o kulang ang suplay ng langis. Sa aktwal, tumataas ang presyo ng langis pangunahin dahil sa ispekulasyon sa pamilihan ng langis. Kasabwat ng monopolyong kumpanya sa langis ang imperyalistang oligarkiya sa pinansya (malalaking bangko at kapitalista sa pinansya tulad ng Goldman Sachs at Morgan Stanley) sa pagpapasirit sa presyo ng langis. Sa ilang pananaliksik, tinatayang umaabot sa 60% ng presyo ng langis ay bunga ng ispekulasyon.

Deregulasyon para sa tubo ng mga halimaw

Ang deregulasyon sa industriya ng langis ay isa sa pangunahing mga patakarang itinulak ng imperyalismong US noong dekada 1990. Kabilang ito sa iginiit na mga patakarang neoliberal na naglayong ibayong bigyang-laya ang malalaking dayuhang kapitalista na makapagkamal ng tubo sa pandarambong at pagsasamantala sa Pilipinas.

Sa ilalim ng rehimeng US-Ramos binalangkas ang batas para rito. Binigyang-matwid ito sa pagsabing kailangan umanong agapan ang pagsirit ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan na nagresulta diumano sa pagsaid ng Oil Price Stabilization Fund (pondong pantiyak ng tubo ng mga kumpanya ng langis sa panahong kontrolado ang presyo ng langis sa pamilihan).

Ibinasura ng Korte Suprema noong 1997 ang unang batas sa deregulasyon ng industriya ng langis sa katwirang wala namang tunay na kompetisyon sa industriya ng langis. Ang bagong bersyon ay pinagtibay ng Kongreso noong 1998. Para raw mas madaling makapasok ang iba pang mga kumpanya ng langis, binawasan ang ipinapataw na buwis sa mga ito.

Ipinatupad noong taon ding iyon ang deregulasyon sa industriya ng langis. Mula tatlo ay naging 35 ang mga kumpanyang nagnenegosyo sa pagbebenta ng mga produktong petrolyo. Pero ang katotohanan, nanatiling dominante ang tatlong malalaking kumpanya (Shell, Petron at Caltex/Chevron) sa pagkontrol nito sa mahigit 90% ng lokal na merkado. Kontrolado pa rin ng mga ito ang halos 100% ng importasyon ng langis. Ang mga ito ang nagtatakda ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pamilihan.

Mula nang isailalim sa deregulasyon ang industriya ng langis, tuluy-tuloy at walang patid ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mula P11.76 kada litro (gasolina) at P8.25/litro (diesel) noong 1998, tumalon ito tungong P29.13 at P26.02 pagsapit ng 2005. Lalo pa itong sumirit nitong nagdaang tatlong taon at umaabot na ngayon sa P53.66 at P45.82 kada litro. Ibig sabihin, sa panahon ng deregulasyon, ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas ay lumaki nang halos 500%.

Malinaw na bangkarote at walang pinagsisilbihan ang deregulasyon kundi ang mga monopol-yong kumpanya ng langis. Nasa wastong landas ang mamamayan sa panawagang muling ipailalim ang industriya ng langis sa regulasyon ng estado, sentralisadong iangkat ang langis, isabansa ang mga refineries at ang Petron at limitahan ang tubo ng mga kumpanya ng langis para agapan ang sumisirit na presyo. Pero higit pa rito, dapat ibunyag at labanan ang imperyalistang kontrol sa langis at ang pagsusunud-sunuran ng papet na estado sa mga dikta at kapritso ng mga dayuhan at lokal na kartel sa lahat ng larangan at pagkakataon.

-----------------------
Download PDF here

PAF sa Batangas, pinarusahan ng BHB

Dalawang magkasunod na pang-aatake sa mga sundalo ng Philippine Air Force (PAF) ang inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Enero 25 at 26 para parusahan sila sa pagiging instrumento ng pananakot at pandarahas ng malalaking panginoong maylupa at burgesyang kumprador tulad ni Eduardo "Danding" Cojuangco at pamilyang Zobel.

Ayon sa ulat ni Ka Apolinario Matienza, tagapagsalita ng Eduardo Dagli Command (BHB- Batangas), noong Enero 25, bandang alas-9 ng gabi, isang yunit ng BHB ang naghagis ng dalawang granada sa kampo ng 732nd Combat Squadron ng PAF sa Barangay Biga, bayan ng Calatagan. Nasira ang kubo ng mga pasista at nasugatan ang ilan sa kanila. Hinagisan din ng dalawang granada ang isang laking-iskwad na detatsment ng parehong yunit-militar sa Barangay Matabungkay, bayan ng Lian noong Enero 26, bandang alas-11 ng gabi. Isa ang napa-tay at ilan ang nasugatan.

Isinusuka ng mamamayan ng Calatagan ang mga pasistang sundalo ng PAF dahil nagsisilbi silang mga pwersang panakot at pandahas ng mga pamilyang Cojuangco at Zobel. Halos pagmamay-ari ng pamilyang Zobel ang buong bayan ng Calatagan. Dahil sa kanilang impluwensya sa reaksyunaryong gubyerno, nailusot ng pamil-yang Zobel na mabigyang titulo ang 2,000 ektaryang lupa sa baybaying dagat ng Calatagan. Nilabanan ito ng mamamayan hanggang sa Korte Suprema at nagbaba ito ng desisyong pabor sa mamamayan. Nasa pamumuno ito noon ni Chief Justice Claudio Teehankee. Gayunpaman, nang ibaba ang desisyon ay naibenta na ng pamilyang Zobel ang mga lupa sa mga pribadong kumpanya.

Inireklamo naman ng mamamayan ng Lian ang pangongotong ng mga elemento ng 732nd Combat Squadron sa mga resort at mga mangingisda. Dagdag dito, madalas na nagpapaputok ang mga pasista na ikinatatakot ng mga residente at may-ari ng mga resort sa nasabing bayan.

Samantala, nakaamba naman ang pagtatayo ng pabrika ng semento mula sa mina ng limestone (apog) kung saan mayaman ang bundok ng Calata-gan. Pinag-iinteresan ito ng Asturias Mining, kumpanyang pag-aari ni Danding Cojuangco na tiyuhin ng kasalukuyang pangulo ng bansa. Magsisimula ito sa Barangay Baha at Barangay Talibayog at sasaklaw sa anim pang karatig na mga barangay. Nilalabanan ng mamamayan ang operasyong ito dahil sa lilikhain nitong polusyon at pagkakalkbo ng kanilang bundok na magdudulot ng pagbaha at pagkawasak ng kanilang mga tahanan.

Reyd sa Northern Samar. Napatay ang isang badigard ni Mayor Romualdo Menzon nang manlaban ito sa mga Pulang mandirigma ng Rodante Urtal Command-BHB noong Enero 20. Balak disarmahan ng BHB ang abusadong pribadong hukbo ng alkalde ng Lapinig, Northern Samar ngunit mabilis silang nagsipulasan bago pa man dumating ang BHB sakay ng isang dump truck sa Barangay Poblacion del Sur. Dumiretso ang BHB sa istasyon ng pulisya na nasa harapan ng plasa ng bayan ngunit nagsitakbuhan patungong Barangay Imelda ang limang pulis kasama ang kanilang hepe pagkaraan ng ilang putukan.

Pinabulaanan ng pagsalakay na ito ng BHB ang pagyayabang ni Col. Oscar Lopez, hepe ng 803rd Infantry Brigade, at ni Maj. Gen. Mario Chan, hepe ng 8th Infantry Division ng Philippine Army na lubusang nagapi na nila ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa lugar, ani Ka Karlos Manuel ng Efren Martires Command (BHB-Eastern Visayas).

--------------
Download PDF here

2 koordinadong atake ng AFP, binigo ng BHB sa Negros

Anim na sundalo ng Philippine Army ang napa-tay at marami ang nasugatan nang biguin ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang dalawang hiwalay na koordinadong atake ng militar sa Negros Occidental noong huling linggo ng Enero.

Bago ang mga labanang ito, ipinagyayabang ni Col. Oscar Lactao, hepe ng 303rd Infantry Brigade na humihina na raw ang BHB sa Negros, nawawa-lan na ng impluwensya, ginugutom, mababa ang moral sa pakikipaglaban at palaging tinutugis.

Noong Enero 31, tinangkang salakayin ng 62nd IB ang isang yunit ng BHB sa ilalim ng Roselyn "Ka Jean" Pelle Command-North Negros. Ngunit nabigo ang koordinadong atake ng kaaway nang salu-bungin sila ng BHB sa Hacienda Lope, Barangay Andres Bonifacio, bayan ng Cadiz. Batay sa inisyal na ulat ng Apolinario "Boy" Gatmaitan Command (AGC) ng BHB-Negros, dalawa ang napatay sa mga tropa ng 62nd IB at marami ang nasugatan sa labanang ito.

Ilang araw bago ito, buong yabang na idineklara ng 303rd Bde na pinalaya na nila ang erya ng Cadiz sa impluwensya ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa South West Front naman, buong giting na hinarap ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Armando Sumayang Command ang di hamak na mas maraming pwersa ng komposit ng 47th IB at Scout Rangers na nagtangkang kumubkob sa kanila noong Enero 28 sa Sityo Akol, Barangay Manlocahoc, Sipalay City. Ngunit nalagasan ng apat na elemento ang Scout Rangers at marami pa ang nasugatan sa panig ng mga pasistang tropa.

Pansamantalang nakahimpil noon sa Sityo Akol ang isang yunit ng BHB nang salakayin ito ng kaaway. Tinangkang itago ng militar ang kanilang mga kaswalti ngunit nakita pa rin ang mga ito ng mga tagabaryo.

Nagbuwis ng buhay sa labanang ito si Donald Diligdilig, isang 21 taong gulang na Pulang mandirigma. Nagbigay-pugay ang AGC sa kanyang kagitingan.

--------------
Download PDF here

Kinakanlong ng reaksyunaryong sistema si Palparan

Pakitang-tao lamang ang pangako ng gubyernong Aquino na aarestuhin nito ang puganteng si Maj. Gen. Jovito Palparan, Jr. Lalong lumilinaw ito sa patuloy na kabiguan ng gubyerno na gawin ito gayong magdadalawang buwan na ang nakalilipas mula nang ibaba ng Malolos Regional Trial Court (RTC) ang mandamyento de aresto laban kina Palparan at tatlong iba pang akusado.

Sina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado, S/Sgt. Eduardo Osorio at M/Sgt. Rizal Hilario ay sinampahan ng mga kasong kriminal sa Malolos RTC dahil sa pagdukot, detensyon at pagpapahirap sa mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan, Karen Empeño at aktibistang magsasakang si Manuel Meriño. Nasa kustodiya ng militar ngayon sina Anotado at Osorio samantalang nagtatago pa rin sina Palparan at ang kanang kamay nitong si Hilario.

Sa pinakahuling pagdinig noong Enero 30, kung anu-anong maniobra ang ginawa ng mga abugado ni Palparan para pabagalin at ilihis ang paglilitis, kabilang ang pagkwestyon sa hurisdiksyon ng korte na litisin sina Palparan at pagsasabi na may natanggap daw silang impormasyon na "buhay pa" sina Cadapan at Empeño.

Lansakang lumabag si Palparan sa karapatang-tao. Sangkot siya sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot ng maraming magsasaka at manggagawa, ilang daang kaso ng iligal na detensyon at pagpapahirap at pagpapatupad ng mga patakarang mala-batas militar sa mga komunidad na sinaklaw ng kanyang panunungkulan sa Central Luzon, Southern Tagalog, Eastern Visayas at Cordillera.

Sinalamin ni Palparan ang brutal na paghahari noon ng rehimeng Arroyo sa pamamagitan ng Oplan Bantay Laya. Patuloy siyang nagsisilbing modelo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatupad nito ngayon ng Oplan Bayanihan. Bilang masugid na pasista, itinuturing niyang "banta sa pambansang seguridad" ang sinumang naninindigan at lumalaban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Ang ganuong paninindigan ni Palparan ay itinataguyod ng AFP sa dokumento nitong "Know the Enemy" (Kilalanin mo ang Kaaway) at sa mga lekturang idinadaos ng mga upisyal at tauhang militar bilang gabay sa kanilang pagsupil sa di armadong mga progresibong pwersa at lumalabang mamamayan na ina-kusahan nilang mga tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa kabila ng mga pambabatikos ng mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao sa loob at labas ng bansa, hindi man lamang pinuna o itinakwil ng rehimeng Aquino at ng AFP si Palparan at ang pasistang paniniwala nito. Sa katunayan, kinakanlong siya ng rehimeng Aquino at ng AFP dahil sa kanyang malaking serbisyo sa reaksyunaryong sistema. Binibigyan siya ng akomodasyon sa paraang ligal at iligal tulad ng iginawad din sa iba pang mga pasistang kriminal mula kay Marcos hanggang kay Arroyo.

Makatarungan lamang na igiit ng libu-libong biktima ng brutalidad ni Palparan na parusahan siya sa ilalim ng batas ng reaksyunaryong sistema. Sa harap ng patuloy na pagkabigo ng rehimeng Aquino na dakpin si Palparan, nasumbat ni Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn, na dapat nang maglabas ng "shoot to kill order" si Aquino sa halip na pabuyang isang milyong piso para umano sa ikadarakip ni Palparan.

Kasabay nito, may karapatan ang demokratikong gubyernong bayan na pairalin ang pampulitikang awtoridad at poder pang-estado nito para isailalim si General Palparan sa rebolusyonaryong hustisya. Inatasan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan na arestuhin si Palparan oras na magkaroon ito ng pagkakataon, at iharap siya sa rebolusyonaryong hukumang bayan upang litisin at harapin ang hatol nito. Bilang kinatawan ng demokratikong interes ng mamamayang Pilipino, may kakayahan at determinasyon ang demokratikong gubyernong bayan na bigyang-katarungan ang lahat ng mga biktima ng krimen laban sa bayan at mga paglabag sa karapatang-tao.

---------------
Download PDF here

Konsultant ng NDF sa Visayas, iligal na inilipat ng kulungan

Arbitraryong inilipat sa kulungang militar si Ramon Patriarca, isa sa 13 konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na kasalukuyang nakadetine sa iba't ibang piitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Kagagaling lamang ni Patriarca sa isang pagdinig noong Enero 25 nang bigla na lamang siyang dalhin sa Camp Lapu-Lapu, base ng AFP Visayas Central Command sa Cebu City. Walang kautusan ang korte sa paglipat at hindi rin inabisuhan si Patriarca o ang kanyang abugado. Dati siyang nakakulong sa Danao City Jail.

Si Patriarca ay inaresto ng mga elemento ng 78th IB noong Pebrero 5, 2009. Dinala siya noon sa Camp Lapu-Lapu kung saan siya tinortyur nang ilang araw at pinagbawalang makipag-ugnayan sa kanyang pamilya at abugado. Naigiit ng kanyang pamilya, abugado at mga tagasuporta na ilipat siya sa regular na kulungan.

Ikinatwiran ng militar na ibinalik si Patriarca sa Camp Lapu-Lapu dahil sinusulsulan niyang mag-alsa ang iba pang detenido sa Danao City Jail at dahil may plano raw ang Bagong Hukbong Bayan na itakas siya. Ginugwardyahan siya ngayon ng 12 elemento ng SWAT at di uli pinapayagang makipag-ugnayan kanino man.

Kasalukuyang nag-aayuno si Patriarca bilang protesta sa arbitraryong paglipat sa kanya.

---------------------
Download PDF here

Karahasang-militar sa Calatagan, Batangas

Inilantad ng KARAPATAN ang serye ng malalalang paglabag ng AFP sa karapatang-tao sa isang barangay sa Calatagan, Batangas na nasa sentro ngayon ng pakikibaka laban sa pangangamkam ng lupa.

Ayon sa ulat ng fact-finding mission na inilunsad ng KARAPA-TAN sa Barangay Hukay, Calatagan noong Disyembre 2011, may di bababa sa 67 kaso ng paglabag sa karapatang-tao na naganap dito kung saan apektado ang 863 indibidwal, kabilang ang 22 babae, 643 bata at 5,061 pamilya. Kabilang sa mga paglabag na naitala ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot na naganap noon pang 2010. Isa sa pinakahuling mga kaso ang tangkang pagdukot kay Isabelo Alicaya, 59 anyos, noong Nobyembre 18. Sina Alicaya at isa pang sibilyang nagngangalang Rufina Nolasco, 72 anyos, ay pilit iniuugnay ng militar sa mga kaso ng pambobomba sa Batangas. Parehong lider-mangingisda sa Barangay Hukay sina Alicaya at Nolasco na pinararatangan ng militar na mga terorista sa masmidya at sa mga polyetong ipinamumudmod sa mga lokal na residente.

Sinimulang okupahin ng mga pinagsanib na pwersa ng 16th IB ng Philippine Army at 730th Combat Group ng Philippine Air Force ang Barangay Hukay noong Pebrero 2010 sa ilalim pa ng rehimeng Arroyo. Nagtayo ng mga detatsment ang mga yunit-militar na ito sa barangay hall at mga lugar na malapit sa mga eskwelahan.

--------------------
Download PDF here

Mga estudyante ng UP, hinaras ng militar

Tatlong estudyante ng University of the Philippines College of Social Work and Community Development (UPCSWCD) ang hinaras ng militar sa Katutubo Village, Barangay Planas, Porac, Pampanga noong Enero 21. Ang mga estudyante--sina Rafael Antonio Dulce, Ricardo Louis Flores at Marie Gold Villar--ay nagsasagawa noon ng field work sa lugar bilang bahagi ng kanilang kurso.

Paakyat noon ang mga estudyante sa kalapit na Barangay Camias kasama ang apat na batang Aeta nang daanan sila ng isang van na may sakay na mga ahenteng paniktik ng AFP na nakadamit-sibilyan. Apat sa mga sundalo ang bumaba at nagtanong ng mga pangalan ng mga estudyante. Inakusahan sila ng militar na mga organisador ng Bagong Hukbong Bayan. Isang oras silang pinagsisigawan at pinaratangan. Si Dulce ay pinagtutulak pa ng isa sa mga sundalo, na nagpakilala lamang na "Chris" para hamuning makipagsuntukan.

Agad na inireport ng mga estudyante ang harasment sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya. Pansamantala silang umalis sa lugar para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ang mga sundalo ay nagpanggap na mga empleyado ng "DPWH Region 3" pero kinilala sila ng kumander ng detatsment ng CAFGU sa Barangay Camias bilang mga elemento ng Military Intelligence Battalion.

Mariing kinundena ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP) at ng UPCSWCD ang pangyayari.

---------------
Download PDF here

Kaso ng Mendiola masaker, muling pinabubuksan

Mahigit 2,000 magsasaka ang nagrali sa Mendiola sa Maynila noong Enero 22 para gunitain ang madugong masa-ker may dalawampu't limang taon na ang nakalilipas at igiit ang muling pagbubukas ng kaso hinggil dito.

Kabilang sa mga nanawagang buksan muli ang kaso ang ina ng isa sa mga naging biktima ng masaker. Naganap ang masaker nang libu-libong magsasaka ang pinagbabaril noong Enero 22, 1987 ng mga armadong alipures ng rehimen ni Corazon Aquino, ang ina ng kasalukuyang presidente.

Labintatlong magsasaka ang napatay noon. Sila sina Danilo Arjona, Leopoldo Alonso, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez at Roberto Yumul. Mahigit 100 pa ang nasugatan nang pagbabarilin sila ng mga elemento ng Western Police District (WPD), Integrated National Police at Philippine Marines.

Noong Marso 19, 1993, inabswelto ng Korte Suprema ang gubyernong Aquino sa masaker. Gayunman, iniutos ng hukuman na bigyan ng danyos perwisyos ang mga biktima at inirekomendang kasuhan ang mga maysala. Isa rito si Mayor Alfredo Lim ng Maynila na noo'y hepe ng WPD. Ngunit hindi ito ipinatupad ng gubyernong Aquino at ng sumunod na mga administrasyon.

Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), magsasampa sila ng petisyon sa Korte Suprema na muling buksan ang kaso ng Mendiola Massacre.

Noong isang taon ay nakipagdayalogo ang mga magsasaka kay Secretary of Justice Leila de Lima hinggil dito. Inutusan ni De Lima ang Task Force on Extrajudicial Killings na pag-aralan kung may batayan ang muling pagbubukas ng kaso. Hanggang ngayon ay naghihintay ng aksyon ng Department of Justice ang mga magsasaka.

----------------------
Download PDF here

Ibalik sa amin ang pondong coco levy, giit ng mga maliliit na magniniyog

Iginiit ng maliliit na magniniyog na kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na ibalik na sa kanila ang pondong coco levy matapos maiulat na may balak ang rehimen ni Benigno Aquino III na gastusin na ang naturang pondo. Kung matutuloy ang balak na ito, patuloy na mapagkakaitan ng karapatan ang mga magniniyog na angkinin ang kanilang pondo. Ayon kay Willy Marbella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP, maglilipat-lipat lamang ang pondong coco levy mula sa kamay ng isang Cojuangco patungo sa isa pang Cojuangco. Si Eduardo "Danding" Cojuangco, ang kasalukuyang kumokontrol sa ari-ariang binili gamit ang pondo, ay tiyuhin ni Aquino. Ang coco levy ay buwis na sapilitang kinaltas noong panahon ng diktadurang Marcos sa lahat ng mga magniniyog na nagbebenta ng kopra.

Nagkamit ng panimulang tagumpay ang maliliit na magniniyog nang magbaba ang Korte Suprema ng desisyon noong Enero 24 na nagsasaad na sila ang mga lehitimong nagmamay-ari ng 24% bloke ng mga sapi na binili ni Cojuangco sa San Miguel Corporation (SMC) gamit ang pondo. Ilang araw pagkaraan nito, naiulat na plano ng administrasyong Aquino na ilagak ang multimilyon pisong pondong coco levy sa isang "trust fund". Patatakbuhin daw ito ng isang "inter-agency team" na kinabibilangan ng Department of Agriculture (DA), Department of Finance (DoF), mga bangko at mga grupo ng mga magsasaka at mga kasapi nito.

Lalabanan ng mga magsasaka ang balaking ito dahil layon lamang ng gubyerno na gamitin ang pondo para sa pansariling interes. Ayon sa mga magniniyog, hindi nila ipagkakatiwala ang kanilang pera sa mga upisyal ng DA na sangkot din sa iskandalo hinggil sa fertilizer fund noong panahon ng rehimeng Arroyo. Wala rin silang tiwala sa mga upisyal ng DoF at mga bangko dahil sila rin umano ang pangunahing responsable sa pagkakabaon sa utang ng National Food Authority. Lalo pa silang walang tiwala sa sinasabing mga kinatawan ng mga magsasaka sa binabalak na "inter-agency team" dahil sila ay magiging tau-tauhan lamang ng nasabing tim.

Iginigiit ng KMP na kagyat na kunin ang pondong coco levy mula sa SMC at ibalik ito sa mga magniniyog. Kaugnay nito, ipinanawagan ng KMP na pagtibayin ang House Bill 3443 na isinampa ni Rep. Rafael Mariano ng partidong Anakpawis na naglalayong magbuo ng "Small Coconut Farmers' Trust Fund" gamit ang pondong coconut levy.

Ang 24% bloke ng mga sapi ng SMC na umaabot sa mahigit P753 milyon ang halaga ay bahagi ng 47% bloke ng mga sapi na sinekwester ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1986. Kabilang ito sa tinukoy na kayamanang iligal na inangkin nina Cojuangco, Juan Ponce Enrile at Maria Clara Lobregat, pawang matataas na upisyal noon ng Philippine Coconut Producers Federation (COCOFED) at kilalang mga dummy noon ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.

Download PDF here