Pagtaas ng presyo ng langis, sinalubong ng mga protesta

ANG BAYAN
21 February 2012

Download PDF
Sinalubong ng mga kilos-protesta ang muling pagtaas ng presyo ng langis noong Pebrero 14--ang araw na binansagan nilang "Heartless Valentine's Day". Naglunsad ng rali ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at mga alyado nito sa Quezon City Welcome Rotonda. Inakusahan nila si Benigno Aquino III na walang puso para sa mamamayan. Iginiit ng BAYAN na walang batayan ang pagtaas ng presyo ng langis dahil puro lamang ispekulasyon at manipulasyon sa presyo ang ginagawa ng mga dayuhang kartel.

Naglunsad din ng kilos-protesta ang grupong GABRIELA sa Divisoria, Maynila at sa San Pedro Street sa Davao City noong araw na iyon. Kinabukasan, nagpiket ang GABRIELA sa oil depot sa Pandacan, Maynila. Anito, parang "linta" ang mga dayuhang kumpanya ng langis dahil sa napakalakas sumipsip ng tubo habang patuloy naman nitong pinahihirapan ang taumbayan. Nananawagan sila sa gubyernong Aquino na ibasura ang Oil Deregulation Law at Value Added Tax sa langis.

Ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ika-anim na nitong unang dalawang buwan ng taon. Nagtaas ng 50 sentimos kada litro sa regular at premium gasoline ang Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum, Chevron Philippines, SeaOil Philippines at Total Philippines. Singkwenta sentimos din kada litro ng gaas ang itinaas ng Shell, Petron at Chevron.

Bunsod ng panibagong pagtaas ng presyo ng langis, iginigiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na pataasan din ang presyo ng pagbili ng palay ng P20 kada kilo. Ang "procurement price" ng palay ng National Food Authority (NFA) ay P17 kada kilo.

Ayon sa pangkalahatang kalihim ng KMP na si Danilo Ramos, tumaas ang gastos sa produksyon ng palay bunsod ng walang patlang na pagtaas ng presyo ng mga produktong langis. Dapat lamang pataasan ang presyo ng pagbili ng palay dahil umaabot ang gastos ng magsasaka sa P75,000 kada ektarya kung bibilangin ang bayad sa upa ng lupa, mga abono, pestisidyo, at bayad sa pagrenta ng makinaryang pansaka.