16 sibilyang Afghan, minasaker ng tropang US


Ang Bayan
March 21, 2012

Download PDF here

Labing-anim na inosenteng sibilyan, kabilang ang siyam na bata at tatlong babae ang minasaker ng mga tropa ng US noong Marso 8 sa Afghanistan. Naganap ang pangyayari sa distrito ng Panjwaii sa prubinsya ng Kandahar. Anim na iba pa ang malubhang nasugatan. Ang pangyayari ay reaksyon ng mga pwersa ng NATO na pinamumunuan ng US sa sunud-sunod na pagkatalo sa labanan.

Alas-3 ng madaling araw nang biglang pasukin ng mga tropa ng US ang bahay ng tatlong pamilya at walang patumanggang pagbabarilin ang natutulog na mga biktima. Pagkatapos ng pamamaril, binuhusan ng petrolyo ang mga bangkay at sinunog ang mga ito. Isang magsasakang padre de pamilya ang halos masiraan ng ulo nang malaman niyang 11 myembro ng kanyang pamilya ang napatay.

Batay sa salaysay ng mga nabubuhay na biktima, mga tropa ng US ang namaril sa kanila. May nakarinig sa pagdaong ng helikopter sakay ang humigit-kumulang 20 sundalo. Ang mga kapitbahay ay ginising ng sunud-sunod na putok ng mga baril na galing sa iba't ibang direksyon. Naririnig din nila ang pagtatawanan ng mga lasing na tropa ng US.

Pero pinalalabas ng mga upisyal-militar ng US at NATO na ang pangyayari ay aksidente at hindi resulta ng kanilang operasyong militar. Kagagawan daw ito ng isang sarhentong nasiraan ng bait at nag-iisang lumabas sa kampo, naglakad ng mahigit dalawang kilometro at pumasok sa lugar.

Bago ang pangyayari, sunud-sunod na kabiguan ang nalasap ng mga pwersa ng NATO at US sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng Taliban. Noong Marso 6, anim na nagpapatrolyang sundalong British ang napatay sa Kandahar nang tamaan ng bomba ang kanilang sinasakyan. Noong araw ding iyon, siyam na elemento ng Afghan Local Police ang napatay nang sorpresang salakayin ng mga pwersang Taliban ang kanilang tsekpoynt sa distrito ng Char Chino, prubinsya ng Oruzgan, sa katimugang bahagi ng Afghanistan.

Noong Pebrero 25, dalawang matataas na upisyal ng NATO ang napatay nang pagbabarilin ng isang sundalong Afghan sa loob mismo ng gusali ng Ministry of Interior sa Kabul, kabisera ng Afghanistan. Noon namang Pebrero 21-25, apat na sundalo ng US ang napatay ng mga pulis at sundalong Afghan sa timog at silangang bahagi ng Afghanistan matapos sunugin ng mga tropang US ang mga kopya ng Koran sa Bagram Base noong Pebrero 21.

Download PDF here