Abusadong Maritime Police sa Palawan, nilabanan

Ang Bayan
Marso 7, 2012

Download PDF here

Napatay ang isang abusadong elemento ng Maritime Police matapos itong barilin ng ginigipit nitong mga sibilyan sa Barangay Liminangcong, Taytay, Palawan noong Enero 27.

Magkasama sina SPO2 Jomar Manili at ang isang nakilala lamang na Corpuz, na kapwa armado ng ripleng M16 at pistola, nang pigilan nila ang isang grupo ng mga mangingisda na nagmula sa daungan. Tinangka nilang “arestuhin” ang apat na mangingisda na kagagaling lamang sa pier. Ngunit nakapagpaputok ang isa sa mga mangingisda na nagresulta sa pagkamatay ni Manili.

Napatay ni Corpuz si Nonoy Castillo, isa sa apat na mga mangingisdang tangkang biktimahin ng Maritime Police.

Naagaw ng apat na sibilyan ang isang M16 at isang 9 mm na pistola, mga bala, teleskopyo at iba pang gamit-militar mula sa dalawang abusadong Maritime Police. Inientrega nila ang mga armas at iba pang kagamitan sa yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

Nakabase ang mga pwersa ng Maritime Police sa Barangay Liminangcong at labis silang kinamumuhian ng taumbayan dahil sa pang-aabuso nila sa mga sibilyan. Balak ng asawa ni Castillo na sampahan ng kasong pagpatay ang abusadong Maritime Police.

Download PDF here