Edukasyon para sa tubo

Ang Bayan
Marso 7, 2012

Download PDF here

Sa darating na pasukan (2012-2013), mahigit 300 pribadong paaralan ang magtataas ng matrikula sa kabila ng mariing pagtutol ng mga estudyante at kanilang mga magulang. Umaabot sa abereyds na 10-15% ang itataas sa mga bayarin. Noong nakaraang taon (2011-2012), nagtaas ang 324 kolehiyo at unibersidad ng matrikula sa abereyds na P37 kada yunit.

Sa ginawang pag-aaral ng mga samahang mag-aaral, mahigit doble na ang kasalukuyang halaga ng matrikula sa Pilipinas kumpara noong 2001. Sa National Capital Region (NCR), nasa abereyds na 143% o halos triple ang pagtaas ng matrikula. Umaabot na sa P2,000-3,000 kada yunit ang matrikula o P36,000-54,000 para sa isang 18-yunit na semestre sa malalaking unibersidad.

Wala pa rito ang miscellaneous fees — ang iba’t ibang bayaring pinalaki o inimbento ng mga may-ari ng mga paaralan, gastusin para sa uniporme at mga teksbuk at iba pang mga pangangailangang pang-akademiko. Ipinatutupad ng maraming pribadong unibersidad ang tatlong semestre kada taon na lalong nagpapalaki sa mga bayarin.

Umaabot na sa P120,000 ang taunang bayarin sa Far Eastern University (FEU) at Philippine Women’s Universtiy (PWU), hanggang P145,000 sa Ateneo de Manila University (ADMU), P160,000 sa Mapua Institute of Technology at P198,000 sa De La Salle University.

Kabilang sa mga magtataas ng matrikula ngayong 2012 ang FEU (5%), University of Sto. Tomas (UST, 19% para sa mga bagong mag-aaral), Centro Escolar University (CEU,), University of the East (UE, 3-5%) at DLSU (3%), mga unibersidad na dati nang mataas sumingil.

Tumatabo ng milyun-milyon ang mga eskwelahang ito, gayundin ang ibang katulad na pribadong unibersidad sa pagbebenta ng diumano’y de-kalidad na edukasyon. Noong 2010, nagtala ng P585 milyong kita ang FEU, P300 milyon ang UE at P248 milyon ang CEU. Sa panahong 2003-2009, umabot sa P3.45 bilyon ang pinagsamang kita ng Mapua, CEU, UE at University of Perpetual Help, pawang kabilang sa Top 1000 Corporations o pinakamalalaking korporasyon sa Pilipinas.

Sa harap ng tuluy-tuloy na pagsirit ng halaga ng edukasyon, wasto lamang na ipanawagan ng mga estudyante ang pagpataw ng moratoryum o pagpapatigil sa bagong mga pagtaas ng halaga ng matrikula. Nananawagan din sila na repasuhin ang mga pagtaas noong nakaraang mga taon. Tama lamang na batikusin ang mga kapitalistang may-ari ng eskwelahan na tumatabo ng milyun-milyong piso sa pagbebenta ng isang serbisyong dapat libreng tinatamasa ng kabataang Pilipino.

Wasto ring papanagutin ang rehimeng Aquino sa pagpapaubaya nito ng pagpapatakbo ng mga pribadong paaralan sa kasakiman ng mga kapitalista.

Nitong Pebrero, lalo pang lumawak ang pagtutol ng mga estudyante laban sa pabigat at di makatarungang pagtaas ng matrikula. Inilunsad ng National Union of Students of the Philippines, ang pinakamalawak na alyansa ng mga konsehong pangmag-aaral — ang Tuition Monitor para subaybayan ang pagtaas ng singil ng mga bayarin. Gayundin, ipinaglalaban ng Kabataan Partylist sa kongreso ang regulasyon ng pribadong edukasyon. Nangako naman ang mga progresibong organisasyong estudyante na maglulunsad ng mga pagkilos laban dito. Inaasahang lalo pang titindi ang paglaban ng mga mag-aaral sa darating na pasukan.

Kasabay nito, dapat tuluy-tuloy na labanan ang pagbabawas ng reaksyunaryong gubyerno ng badyet para sa edukasyon. Ang deka-dekadang pagpapabaya sa pampublikong sistema ng edukasyon ang nagbunsod ng pribatisasyon nito.

Hindi ligtas sa ganitong sistema kahit ang mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Ang taunang pagliit ng badyet ay nagresulta na sa pagsirit ng halaga ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Halimbawa, mula 2007-2009, tuluy-tuloy ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa University of the Philippines (UP) dahil sa pagbabawas sa badyet nito. Gayundin ang nangyari sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at tinatangkang gawin sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Para punuan ang kakulangan sa pondo, itinutulak ng gubyerno na pumasok ang mga ito sa mga komersyal na kontrata sa malalaking kumpanya o di kaya’y magbenta ng lupang nakalaan sa ekspansyong pang-akademiko.

Isang tagumpay ang pagsulong ng mga pagkilos ng kabataan at estudyante noong nakaraang taon laban sa tusong pagbabawas ng rehimeng Aquino sa badyet sa edukasyon. Nabunyag ng mga pagkilos ang ipinangangalandakang “reporma” ng bagong rehimen at ang kainutilan ng mga programa nitong kontra-kahirapan. Habang namumudmod ito ng limos sa “pinakamahihirap” na pamilyang Pilipino, binawasan naman nito ang pondo para sa pinakabatayang mga serbisyo at ibayong binibigyang-laya ang pribadong sektor na pagkakitaan ang mga ito.

Habang sumusulong ang paglaban sa pagtaas ng matrikula at komersyalisasyon ng edukasyon sa pangkalahatan, dapat itong isakonteksto sa paglaban sa isang sistemang elitista, kontra-mamamayan at nakatuon sa pangangailangan ng mga dayuhang kapitalista. Kasabay ng pagyurak sa batayang karapatan ng kabataang makapag-aral, ihinahanda sila sa kalauna’y pagsasamantala ng mga kumpanyang makikinabang sa sobrang mahal na edukasyon.

Download PDF here