Itigil ang karahasan ng estado laban sa mga bata


Ang Bayan
March 21, 2012

Download PDF here

Pinatitigil sa gubyernong Aquino ang nagpapatuloy na karahasan ng estado laban sa mga bata bunsod ng Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Ito ang iginigiit ng mga nagtataguyod sa karapatan ng mga bata na nagiging biktima ng kasalukuyang kontra-rebolusyonaryong kampanya ng estado. Nitong taon lamang, umabot na sa lima ang batang napatay sa mga operasyong militar sa kanayunan. Ang pinakahuling biktima ay si Rodelyn Aquirre, 7 anyos, na taga-Tapaz, Capiz, ayon sa Children's Rehabilitation Center (CRC).

Napatay si Rodelyn nitong Marso 11 nang masabugan ng granada habang naglalaro sa bakuran ng kanilang bahay sa Barangay Tacayan. Malubhang nasugatan ang kanyang kapatid na si Roda, 4 anyos, Pinaghihinalaang galing ang granada sa isang M203 mula sa mga elemento ng 61st IB na nakahimpil sa mataas na bahagi ng barangay.

Ayon kay Julian Aguirre, lolo ng mga biktima, nasa loob siya ng bahay nang may marinig siyang malakas na pagsabog. Aniya, galing sa mataas na bahagi ang tunog. Nagtamo si Rodelyn ng mga tama sa kanyang kaliwang mata, leeg, tiyan at dalawang binti na siyang sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Malubhang nasugatan si Roda at dinala siya sa isang ospital sa Calinog, Iloilo.

Para pagtakpan ang kaugnayan nila sa krimen, kaagad-agad na nagpalabas ng pahayag sa midya si Maj. Gen. Jose Mabanta, hepe ng 3rd Infantry Division na nakabase sa Camp Jamindan, Capiz at inakusahan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nasa likod diumano ng nasabing pagsabog. Inakusahan din niyang mga myembro ng BHB ang pamilyang Aguirre at pagawaan daw ng mga land mine ang bahay nila.

Gayunman, lahat ng mga ebidensya at testimonya ng mga taumbaryo ay tumutukoy sa 61st IB bilang responsable sa madugong pangyayari. Binatikos ng KARAPATAN-Panay ang pagmamaang-maangan ng milatar sa pangyayaring ito. Pinagtatakpan lamang ng militar ang kanilang karahasan at ibinibintang na lamang ang lahat sa BHB.

Bago ang madugong insidenteng ito, iniulat na may apat na bata ang napatay sa magkahiwalay na mga operasyong militar sa Laguna at Camarines Norte, ayon kay Jacqueline Ruiz, pinuno ng CRC. Nagkakaroon ng matinding emotional trauma at umiiwas sa pakikihalubilo ang mga batang nabibiktima ng mga operasyong militar at nabubulabog ang kanilang normal na pamumuhay.

Mula nang maluklok sa poder si Benigno Aquino III ay may naitala na ang CRC na limang kaso ng pagpatay, 17 bigong pagpatay, dalawang kaso ng reyp, 10 pang-aatake sa mga paaralan at walong kaso kung saan malisyosong binabansagan ang mga bata na mga "batang sundalo".

Noong Pebrero 25, napatay kasama ng kanilang ama ang dalawang bata sa Labo, Camarines Norte nang walang pakundangang pinaputukan ng mga sundalo ang bahay ng pamilyang Mancera kung saan nagpapahinga ang isang kasapi ng BHB.

Noon namang Pebrero 16, isang 15-taong gulang na batang lalaki at kanyang nakakatandang kasama ay pinagbabaril hanggang sa mapatay sa Magdalena, Laguna matapos sila bansagang mga rebelde.

Samantala, binaril sa loob ng kanyang bahay si Jimmy Liguyon, 36, sa Barangay Dao, San Fernando, Bukidnon ng mga myembro ng grupong paramilitar na pinatatakbo ng 8th IB. Si Liguyon ay bise-presidente ng Kaugalingong Sisteme sa Igpasasindog to Lumadnong Ogpaan (KASILO), isang organisasyon ng mga lumad na nakabase sa Bukidnon. Ipinaglalaban ng KASILO ang pagdepensa sa kanilang lupang ninuno at pagtatanggol sa kalikasan laban sa malawakang pagmimina at iba pang komersyal na operasyon. Kapitan din ng barangay ng Dao si Liguyon.

Ayon sa mga saksi, binaril si Liguyon ng isang nagngangalang Aldy Salusad, anak ni Ben Salusad na tagapangulo ng San Fernando Matigsalug Tribal Datus (SANMATRIDA), isang grupong paramilitar.

Mula pa 2009, aktibo nang ikinakampanya ng SANMATRIDA ang pagpasok ng malalaking kumpanya sa pagmimina sa lugar. Matapos barilin nang malapitan si Liguyan, nagbanta si Salusad na papatayin din niya ang sinumang kokontra sa mga kasunduang pinasok ni SANMATRIDA. Myembro rin si Salusad ng New Indigenous People's Army for Reform (NIPAR), isa pang grupong paramilitar na nasa ilalim rin ng 8th IB.

Matagal nang nilalabanan ni Liguyon ang mga tangka ng SANMATRIDA na ibenta ang kanilang lupang ninuno sa mga dayuhang kumpanya. Noon pang 2011, pinagbantaan na siya ng SANMATRIDA na papatayin kung patuloy niyang sasagkaan ang pagmimina sa lugar.

Download PDF here