NPA sa Nueva Ecija, sumalakay. Kampo ng 81IB at CAFGU, pinaulanan ng bala

Ka Alexander Guerrero
Provincial Operational Command, NPA-Nueva Ecija
16 MARCH 2012

Muli na namang sumalakay ang commando unit dito ng New People's Army (NPA) sa isang CAFGU Patrol Base sa Brgy.Burgos, Carranglan, Nueva Ecija noong gabi ng March 15. Nakahimpil doon ang mahigit isang iskwad ng 81IB na nagsisilbing Tactical Command Post (TCP) nito tuwing naglulunsad sila ng regular na combat operations sa lugar.

Binulabog sila ng sunud-sunod na mga pagsabog ng M203 at rifle grenades sa loob ng kanilang kampo, bukod pa sa bugso ng mga putok mula sa matataas na kalibre ng baril. Sa sobrang gulat ay di na sila nakaganti ng putok hanggang sa tuluyang makalayo ang mga operatiba.

Bahagi ito ng kampanya upang singilin ang 81IB sa pagpatay nila sa apat na mga kasama nitong nakaraang Marso 9 sa Brgy.Digmala, Bongabon, Nueva Ecija. Pinalabas nilang nagkaroon ng labanan at nakakumpiska pa diumano ng mga baril upang pagtakpan ang kanilang krimen at brutalidad.

Tugon din ito ng mamamayan laban sa nakaambang pagpapalayas at malawakang pangangamkam ng lupa sa saklaw ng dating Hacienda Bueno, at mga komunidad ng mga katutubong Igorot sa hangganan ng Nueva Ecija at Nueva Viscaya dahil doon idaraaan ang pribadong expressway papasok ng Cagayan Valley region. Mas nauna pa, mariin ding nilang tinutulan dito ang planong pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina dahil sa panganib at pinsalang idudulot nito sa buhay, kabuhayan, at kapaligiran.

Katulad ng mga nagdaang kampanyang militar at tropa ng kaaway na naghasik ng terorismo sa ating lalawigan, kailangang puspusang ilantad at labanan ang mapanlinlang at marahas na katangian ng Oplan Bayanihan at 81IB bilang mga bayarang instrumento ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri. Gawin natin ang lahat upang papanagutin sila sa kanilang humahabang listahan ng krimen sa mamamayan.

Wala tayong maaasahang hustisya at tunay na kaunlaran sa magdadalawang-taon nang pambubuladas ng rehimeng US-Aquino sa mamamayang Pilipino. Paunlarin at paigtingin pa natin ang paglulunsad ng iba't-ibang anyo at paraan ng nagkakaisang paglaban tungo sa isang ganap na malaya, maunlad, makatarungan, at payapang lipunan.###