MAMAMAYAN NG GITNANG LUZON: Basagin ang Katahimikan, Wakasan ang Kahirapan! Isulong ang Digmang Bayan!

Pahayag ng Kabataang Makabayan - Gitnang Luzon Sa Ika-43 Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan
Marso 2012

Ipinapaabot ng Kabataang Makabayan-Gitnang Luzon ang aming maalab na pagbati para sa ika-43 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan! Walang hanggang pagpupugay sa kadakilaan ng mga rebolusyonaryong nag-alay ng buhay para sa ating pakikibaka sa pagsasamantala, sa mga magigiting na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, sa buong rebolusyonaryong kilusan at sa masang lumalaban! Ang apat na dekada ng pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan ng Bagong Hukbong Bayan sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (MLM) ay salamin sa magiting na paglaban ng sambayanan para agawin ang kapangyarihan mula sa mga naghaharing-uri at ibagsak ang Mala-kolonyal at Mala-pyudal na lipunan!

*Ang Maningning na Kasaysayan ng Pakikibaka sa Gitnang Luzon*

Sinuong ng buong rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan ang matiyagang pagtatayo ng mga rebolusyonaryong base, ang matapang na pagharap sa mga kahayupan ng pasistang kaaway at ang puspusang pagwawasto sa mga kamalian mismo ng ating hanay. Hindi hiwalay ang Gitnang Luzon sa laganap na kahirapan sa ating bansa. Mula noong panahon ng mga Kastila ay laganap ang pangangamkam ng lupa sa mga magsasaka, pagpapahirap sa mga manggagawa sa pabrika at kawalan ng karapatan ng mamamayan. Ang pambubusabos na ito ay maigting na sinalubong ng mamamayan ng paglaban.

Maningning ang rebolusyonaryong kasaysayan ng Gitnang Luzon. Mula pa sa pakikibaka ng mga Pilipino para sa paglaya sa mga dayuhang sumakop sa atin hanggang sa kasalukuyang pakikibaka natin sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba ay maalab at masikhay na nag-aambag ang ating rehiyon. Nakibahagi tayo sa armadong paglaban ng KKK sa mga Espanyol, sa pagpapatuloy ng paglaban sa mga Amerikano hanggang sa paglaban ng HUKBALAHAP sa mga Hapones.

Nang muling sumibol ang mga kilusan para sa pambansang demokratikong pakikibaka noong 1960s ay naging mainit din ang pagsuporta ng mamamayan ng Gitnang Luzon dito. Sa katunayan, ang unang rehiyonal na pormasyon ng Kabataang Makabayan na tahasang nananawagan para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan ay itinatag sa Republic Central Colleges, Angeles City, Pampanga noong 1965. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay muling itinatag sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa Tayug, Pangasinan noong Disyembre 26, 1968 samantalang ang Bagong Hukbong Bayan naman na namumuno sa armadong pakikibaka ay itinatag sa Capas, Tarlac noong Marso 29, 1969. Salamin lamang ito na saanman may matinding pagsasamantala, malambot ang lupa para sa pamumukadkad ng rebolusyon.

Apatnapu't tatlong taon na ang nakalilipas mula nang itatag ang Bagong Hukbong Bayan at ngayon ang pinakamainam na panahon para paigtingin pa ang armadong pakikibakang kanilang kinakatawan! Sa buong Gitnang Luzon, ang kakarampot na mayroon ang mamamayan ay pilit pang inaagaw sa kanila. Walang katapusang mga programa at proyekto ang inilulunsad ng rehimeng US-Aquino para kamkamin ang natitirang lupain ng mga magsasaka at ang mga munting barung-barong ng maralita, sairin ang barya-baryang sahod ng mga manggagawa at itodo pa ang pagsasapribado ng mga serbisyong panlipunan.

*Patuloy ang Sagad-sagaring Pagpapahirap sa Mamamayan ng Gitnang Luzon*

Labis na naaapektuhan ang mamamayan ng GL sa programang Private-Public Partnership ng Philippine Development Plan 2011-2016 ng rehimeng US-Aquino. Ang PPP na ito ay walang iba kundi ang higit na pagtubo pa ng pribadong sektor sa pamamagitan ng pagbubukas sa kanila sa panghuhuthot sa mga proyektong pampubliko at serbisyong panlipunan. Naglalaan ng pera ang mga mamamayan ang gobyerno sa mga institusyon at proyektong pampamahalaan at ibinubukas ito sa mga pribadong sektor. Ang programang pangkaularan na ito ay para lamang sa kaunlaran ng mga iilang naghaharing-uri sa ating lipunan.

Tampok ngayon ang pagpapatayo ng mga malawak na kalsada sa GL. Ititindig ang North East Luzon Expressway (NELEX) na tatagos mula sa Bulacan hanggang Nueva Ecija (Cabanatuan), ang Central Luzon Expressway (CLEX) na tatagos mula Tarlac Patungong Nueva Ecija (San Jose) at ang Tarlac Pangasinan Launion Expressway (TPLEX) . Ang mga proyektong ito ay siyang dahilan sa pagwasak sa mga tahanan at pagkakamkam sa mga bukirin ng kapwa maralita sa lungsod at magsasaka sa kanayunan. Daang libong mamamayan ang mawawalan ng tahanan at kabuhayan para magbigay daan sa mga kalsadang ito na ang mga dayuhan at naghaharing uri lamang ang makikinabang. Ang karagdagang expressway na ito ay siya ring magiging sanhi ng mas mataas pang presyo ng ngayo'y sumisirit nang pamasahe sa mga bus na kinakailangang magbayad ng mahal na toll. Dobleng pasakit ang mararanasan ng mga mamamayan sa kadahilanang doon na nga napupunta ang mga buwis nila ay binabayaran pa nila ang paggamit dito.

Mula pa noong nakaraang taon ay nagsimula na ang demolisyon sa mga bayan na tatamaan ng TPLEX habang ngayong taon ay higit na sa P10 ang itinaas ng pamasahe sa bus. Nagtaas na rin ng P0.50 ang pampublikong transportasyon. Pabibilisin lamang ng mga daang ito ang pagkasaid ng mga likas na yaman sa ating mga kalupaan at ang pagpapabaha ng produkto ng dayuhan maging sa kasuluk-sulukan ng ating bayan. Ang tuwid na daan ni PNoy ay malinaw na daan patungo sa pagpapayaman niya at ng kaniyang mga kasapakat samantalang daan patungong impyerno naman ito para sa masang Pilipino.

Kasama rin sa mga proyekto sa Gitnang Luzon ang pagpapatayo ng MRT-7, ang tren na tatagos mula sa Quezon City hanggang sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Ang proyektong ito ay sanhi rin ng malawakang kamkaman ng lupa at demolisyon ngayon sa Bulacan. Ang pondo dito ay magmumula sa pondo ng sambayanan, ng San Miguel Corporation at Japan International Cooperation Agency. Sa pag-gana nito, ang 70% ng kikitain ay mapupunta sa mga namuhunang pribadong korporasyon samantalang magbabayad pa sa kanila ang pamahalaan ng $108 Milyon sa loob ng 20 taon. Malinaw na ang makikinabang lamang dito ay ang mga dayuhang Hapones at ang mga naghaharing-uri na mga Cojuangco.

Sa buong rehiyon, napakatindi rin ng pagsalaula ng mga dayuhan at naghaharing uri sa kalikasan. Kabi-kabilaan ang pagtatayo ng mga dam at pagmimina mula sa pinakatuktok ng mga bundok hanggang sa pinakamalalim na mga karagatan. Sa gawing Bulacan-Nueva Ecija ay tinatayo ang Balintingon Dam at sa Tarlac naman ay ang Balug-balug Dam. Ang mga ito ay maglulubog sa mga lupain ng mga magsasaka at magkakait sa mga katutubo sa kanilang pangangahoy at pangangaso na siyang tangi nilang ikinabubuhay. Sa Pangasinan ay itinatayo ang Alabamas (Alaminos-Burgos-Mabini) Dam habang pinapalaki pa ang San Roque Dam sa proyektong Agno River Integrated Irrigation Project o ARIIP kahit na napatunayan na ng bagyong Ondoy na ang mapanganib na pagpapakawala ng tubig ng mga dam ang sanhi ng libu-libong pagkamatay ng mamamayan at pagkasira ng mga istruktura tuwing malakas ang ulan. Sa tuwing tag-araw kung kailan kinakailangan ng mga magsasaka ang tubig para sa mga pananim ay isinasara ang patubig ng dam para manatiling sapat ang tubig sa pagpapa-andar ng kuryente na siyang negosyo ng mga nagpatayo sa dam. Sa tuwing malakas naman ang ulan ay agad na nagpapakawala ng tubig ang dam na siyang nakapamiminsala sa buong Pangasinan hanggang sa Tarlac. Malinaw na ang mga dam na ito ay hindi para sa mamamayan kundi para sa mga ganansya ng mga naglalakihang kumpanya ng mga naghaharing uri at mga dayuhan.

Tulad ng nagaganap sa buong Pilipinas, hindi ligtas ang mayamang kalupaan at karagatan sa sugapang pagmimina ng mga dayuhang korporasyon. Ang bawat probinsya ng GL ay pinagpapakasasaan ng iba't ibang dayuhan at lokal na kumpanya. Kumikita ang mga ito ng bilyong dolyares sa araw-araw na pag-aangkat ng libu-libong trak ng ating yamang mineral. Sinasaid nila ang ating mga lupa at dalampasigan mula sa mga chromite, nickel, marmol, semento, copper, black sand atbp. Ang dayuhang pangangayupapa nito ay pagpapakita lamang ng patuloy na imperyalistang pandarambong sa mamamayan. Hanggang sa ngayon, ang yaman natin ay dayuhan pa rin ang nakikinabang habang unti-unting namamatay ang sambayanan sa kahirapan.

Ang mga bagong proyektong "pangkaunlaran" ng pamahalaan ni Noynoy Aquino sa rehiyon -- pagpapatayo ng mga expressway, MRT, dam at pagmimina -- ay nagpapaigting lamang sa daantaong pagsasamantala sa mga mamamayan sa rehiyon. Hindi nito ibinibigay sa mamamayan ang ating batayang pangangailangan sa halip ay pinapalala pa nito ang paglapastangan sa ating mga karapatan. Pinananatili lamang ni PNoy ang tatlong ugat ng kahirapan ng sambayanan -- Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo.

Ibinubuyangyang ni PNoy ang rehiyon para sa malawakang pangangamkam ng lupain ng mga dayuhan at Panginoong Maylupa (PML). Ang kanila mismong 6,000 ektaryang lupain sa Hacienda Luisita, Tarlac ay patuloy nilang ipinagkakait sa mga magsasaka. Umaabot sa kasukdulan ngayon ang di pantay na relasyon ng mga PML at magsasaka. Ang pinakamasaklap na hatian sa ani ay 90-10 kung saan sa bawat 10 kabang bigas, 9 kaban ang mapupunta sa PML at 1 kaban lamang sa magsasaka. Ang mga manggagawang bukid ay umaabot sa kalunus-lunos na P9.50 lamang ang kinikita. Ang mga komersyante-usurero naman ay nagkakamal din ng labis na patubo sa kanilang mga pautang.

Ang malawak na kalupaan ay tinatamnan ng produktong iaangkat lamang sa ibang bansa. Ang pinakamahusay na uri ng bigas ng Nueva Ecija, ang pinakamatatamis na mangga ng Zambales, ang pinakamalalaking isda sa Pangasinan ay para lahat sa iilang mayayaman at sa dayuhan. Ang bawat probinsya sa Gitnang Luzon ay pinaghaharian ng mga Panginoong Maylupa (PML) na siya ring may hawak sa mga matataas na posisyon sa lokal na pamahalaan. Tinitiyak nila ang pag-iral ng labis na pagsasamantala sa mamamayan. Ang mga magsasakang araw-araw na namumuhunan ng dugo't pawis para pakainin ang sambayanan ay walang makain.

Laganap rin ang pagpiga sa mga mga manggagawang ng mga kapitalista. Ang mga mga manggagawa ay binibigyan lamang ng kakarampot na sahod, sapat lang para manatiling sahurang-robot ng kanilang mga ganid na amo. Nakakadkad sa buong Gitnang Luzon ang mga Economic Zones kung saan ang mga dayuhang kapitalista ay malayang todo-todong magsamantala. Nariyan ang Subic, Clark, Bataan at ngayon ay itinatayo na rin ang sa Aurora. Habang binibigyan sila ng pamahalaan ng libreng lupain para sa kanilang mga pagawaaan, kawalan ng buwis na babayaran at diskwento sa kuryente ay hinahayaan din silang sagarin sa trabaho ang mga manggagawa. Sa kabila ng napakahaba at iregular na oras ng trabaho, mapanganib na kalagayan sa pag-gawa at napakalaking quota sa kanilang mga ginagawa ay napakababa pa ng kanilang sahod.

Ang kakarampot na P201 hanggang P330 (depende sa uri ng trabaho) na minimum wage sa Gitnang Luzon ay hindi sasapat upang tustusan ang P957 na daily cost of living o siyang kinakailangan ng isang pamilya para mabuhay sa isang araw. Ang napakaliit na sahod na ito ay hindi desenteng makabubuhay ng isang pamilya. Ibinabaon ng mga kapitalista ang mga manggagawa sa kumunoy ng kahirapan -- mag-anak na dilat ang mata sa gutom, nagsisiksikan sa isang barung-barong, hindi makapag-aral o makapagpagamot man lang sa tuwing may sakit. Nariyan pa ang kontraktwalisasyon na lalong nagpapahirap sa mga manggagawa dahil bukod sa walang benepisyong ibinibigay, matapos ang 6 na buwan ay wala na namang trabaho.

Karamihan sa mga nasa lungsod ay nagiging mala-manggagawa na walang permanenteng sahod. Pinagkakasiya nila ang barya-baryang kinikita sa pangangalakal o pangangalahig ng basura, pagtatrabaho sa konstruksyon ng mga gusali, pagtitinda ng kung anu-ano at pakikipamitas sa tuwing may anihan. Ang iba pa ay naitutulak sa mga anti-sosyal o lumpen na gawain tulad ng pagnanakaw, pagpatay, pagbebenta ng ilegal na droga at pagbebenta mismo ng laman. Sa Red district sa Angeles City, Pampanga ay aabot sa 18,000 ang mga babaeng nagbebenta ng kanilang katawan kaya't tinagurian itong Prostitute Capital of the Philippines. Ang ganitong mga trabaho ay higit pang mababa ang sahod, mapanganib at tuluyang inaalisan ng dangal ang mamamayan.

Kasabay sa pagkakait ng lupain at trabaho sa mamamayan ay ipinagkakait din ang serbisyong panlipunan. Ang mga pangunahing serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay, transportasyon, kuryente at patubig ay patuloy na isinasapribado at ginagawang negosyo. Napakababa ng badyet na inilalaan ng pamahalaan sa serbisyong panlipunan habang itinutulak nila ang papalaking papel ng pribadong sektor dito.

Napakababa ang badyet sa sektor ng edukasyon kaya't taun-taong tumataas ang matrikula at dumarami ang miscellaneous fees na binabayaran kaya't iilan na lamang ang nakakapagtapos ng pag-aaral. Ang mga may sakit naman ay hindi makapagpagamot dahil sa kawalan ng libreng gamot at pasilidad sa mga pampublikong ospital na kakarampot din ang badyet. Wala ring napapakibanangan ang mamamayan sa libreng pabahay habang ang kuryente at tubig ay isinapribado at patuloy ang pagtaas. Maging ang pagsasapribado sa industriya ng langis ay sanhi sa walang-awat na pagtaas ng pamasahe at mga bilihin. Malinaw na inaabandona ng pamahalaan ang kanyang tungkulin sa mamamayan.

Ang 12% buwis na binabayaran ng bawat isa sa atin sa lahat ng ating binibili't sinasahod ay napupunta lamang sa bulsa ng mga naghaharing-uri at sa utang panlabas sa mga dayuhan. Ipinapakita lamang nito ang pagiging inutil ng pamahalaan at ang kaniyang pagsisilbi lamang para sa iilang naghaharing uri. Ang kasalukuyang gobyerno ni PNoy ay gobyerno ng naghaharing uri at hindi kailanman magiging gobyerno ng bayan.

Malinaw na ang nakikinabang pa rin sa Pilipinas ngayon ay ang mga dayuhan sa pamumuno ng Estados Unidos at ang iilan na naghaharing uri sa katawan ng mga Panginoong Maylupa na nagsasamantala sa mga magsasaka at mga Malalaking Burgesya Kumprador na nagsasamantala sa mga mangagagawa. Ang mga ito'y patuloy na nagsasabwatan para panatilihin ang kasalukuyang sistemang mapagsamantala at sila-sila lamang ang nakikinabang. Ang Gitnang Luzon at buong Pilipinas ay nasasakluban pa rin ng lagim ng Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo.

*Paglagablabin ang Digmang Bayan sa Gitnang Luzon at buong Bayan!*

Ang matinding pagsasamantala ng Estados Unidos at mga dyuhan, ng mga Panginoong Maylupa, Kapitalista at ng buong naghaharing uri ang higit lamang nagtutulak sa mamamayan sa landas ng rebolusyon. Ang pag-agaw pa sa kakarampot na mayroon ang masang api ang siyang papatid sa huling hibla ng ating pasensya at tiyak na magpapalagblab sa ating poot sa kasalukuyang sistema at sa pagkamuhi sa iilang nagsasamantala. Ang pagbabatuhan ng baho ni PNoy sa isang kampo at nina GMA-Corona-Palparan sa isa pa ay malinaw na labanan lamang ng naghaharing 1% sa ating lipunan. Habang sinisikap na pagtakpan ni PNoy ang kaniyang sariling kainutilan sa pamamagitan ng pagdidiin sa kampo ni GMA ay tinitiyak din niyang mapaalis sa mga susing pwesto ang mga galamay niya tulad ni Corona na siyang pinuno ng Korte Suprema. Habang kasalukuyang nagbabangayan ang kampo ni PNoy at ni GMA kinakailangan nating sunggaban ang pagkakataon upang konsolidahin ang hanay ng inaaping 99% ng ating populasyon. Ang kanilang alitan ay nagpapakita sa patuloy na paghina ng lakas ng mismong naghaharing uri.

Sa desperasyon ng rehimeng US-Aquino para sa pagpapaigting ng panunupil nila sa mamayan ay inilulunsad nila sa kasalukuyan ang Balikatan Exercises sa Gitnang Luzon at sa buong bansa. Kaakibat nito ang Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino na nakabatay sa Counter Insurgency Guide ng US. Layunin nitong gumamit ng ibayong dahas at panlilinlang upang ilayo ang mamamayan sa landas ng paglaban para sa kanilang mga lehitimong karapatan.

Sa kabilang banda ang masang inaapi ay hindi nagpapagapi at lalo pang pinapaigting ang palaban. Saanmang dako ay kakikitaan ng matibay na pagharap ng mamamayan sa marahas na mukha ng kaaway at ng puspusang pagpupursige para maipagtagumpay ang ating pakikibaka. Naging masigla ang mga inilunsad na kampanya't pakikibakang masa sa kalunsuran ng rehiyon noong 2001 hanggang 2004. Tampok dito ang malawakang welga ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita, ang mga welga ng mga manggagawa sa mga pabrika sa Clark at Subic, ang mga matatagumpay na pagboykot ng klase ng mga kabataan sa mga pamantasan para pababain ang kanilang matrikula at magiging ang malakas na pagrerehistro sa mga usaping pambayan tulad ng pagpapatalsik kay ERAP, kampanyang-talsik kay GMA at pagtutol sa panukalang Charter Change.

Noong panahong iyon, maging ang isinusulong na agraryong rebolusyon at armadong pakikibaka sa kanayunan ay masigla. Kasabay sa pagtatayo ng mga Bagong Hukbong Bayan - Gitnang Luzon ng baseng masa ay ang pagkamit ng mga magsasaka ng kanilang ganansya na bunga ng kanilang pakikibaka. Nakapaglulunsad din ng matatagumpay na taktikal na opensiba ang BHB upang manamsam ng armas sa mga militar at mamarusa sa mga may inutang na dugo sa masa. Hindi maikakaila ang malawak na presensya ng BHB sa buong rehiyon.

Dahil sa pagpapaigting ng desperadong rehimeng US-Arroyo sa kanyang kampanyang panunupil, ibinuhos nito ang lakas militar sa pitong rehiyong may masiglang pakikibaka ang mamamayan, isa na rito ang Gitnang Luzon. Kinaharap ng rehiyon ang malagim na Oplan Bantay Laya I at II kung saan nagpakawala ng mga pasistang militar sa pamumuno ni Gen. Jovito Palparan. Dito ay daan-daan ang mga pinaslang at ikinulong, libu-libo ang sinupil at itinaboy ng mga militar. Ang mga lehitimong organisasyon ng masa na nakikipaglaban para sa kanilang karapatan ay pinaslangan ng mga lider at sinunugan ng mga opisina. Ang mga masa sa kanayunan ay pilit na pinagbibintangang mga NPA at nakaranas ng labis na pagpapahirap.

Ang kahayupang ito ay lumaganap sa buong rehiyon upang pahinain ang diwang mapanlaban ng mamamayan at patahimikin ang sinumang nagnanais matamasa ang kaniyang karapatan. Pilit na itinanim sa isip ng masa ang takot upang ilayo sila sa landas ng rebolusyon. Ang hindi nauunawaan ng mga naghaharing-uri at berdugong militar ay higit lamang nilang ipinakikita sa masa na walang ibang landas para makamit ang kanilang mga interes kundi ang armadong rebolusyon. Ang bawat pagpaslang ng mga kaaway ay dagdag lamang na dahilan para higit pang pagpursigihan ang pagsusulong ng Digmang Bayan.

Sa ngayon, susi sa ating tagumpay ang determinadong pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan mula sa kasulukuyang antas nitong estratehikong depensiba hanggang sa susunod na yugto ng estratehikong pagkakapatas. Pinatunayan ng masa at ng rebolusyonaryong kilusan ng Gitnang Luzon na gamitin man ng estado ang pinakamalupit nitong Oplan ay hindi nito magagapi ang sambayanang lumalaban. Pagkatapos ng unos na dala ng OBL ay nananatiling nakatindig ang Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at Pambansang Nagkakaisang Prente sa Rehiyon. Bitbit ang mga aral mula sa OBL I at II, tayo ay nasa higit na mainam na sitwasyon para sa higit na pagpapalawak at pagpapatatag.

Muling isinisikad ang kampanya't pakikibakang masa ng mamamayan sa mga sentrong lungsod. Pinupunit ng mamayan ang katahimikan sa pananawagan sa kanilang mga karapatan sa Lupa, Sahod, Trabaho at Serbisyong Panlipunan. Itinitindig ang mga barikada sa mga lugar na pinagbabantaan ng demolisyon. Naglulunsad ng mga kilos-protesta ang mga katutubo at magsasakang inaagawan ng lupa. Ang mga manggagawa ay patuloy na tumutuligsa sa mababang sahod at kontraktwalisasyon. Ang mga tsuper ay nakapagkasa ng malawakang Transport Strike laban sa pagtaas ng presyo ng langis noong nakaraang taon. Libu-libong Kabataan sa buong rehiyon ay nakibahagi sa Nationwide student strike laban sa mababang badyet sa edukasyon at pagtaas ng matrikula. Ang iba't ibang mukha ng patuloy na pagsasamantala ay tinatapatan ng mamamayan ng ibayong paglaban.

Sa kanayunan ay muli ring sumisigla ang pagsusulong ng agraryong rebolusyon, pagtatayo ng baseng masa at pagpapaigting pa ng armadong pakikibaka. Kahiya-hiya ang AFP sa pagdedeklara nitong "NPA-free" na ang mga probinsya ng Gitnang Luzon. Ang kasinungalingang ito para linlangin ang mamamayan ay pasusubalian ng kabilaang pagkakasa ng mga pagbubuo ng organisasyong masa sa kanayunan at taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan. Noong nakaraang taon ay pinasabog ng Bagong Hukbong Bayan sa Diteki, Aurora ang detachment ng mga militar at inambush mga rumesponde dito. Ang mga ito ay pagtugon sa panawagan ng mamamayan na parusahan ang mga militar na pumapaslang sa kanilang baryo at siyang nagproprotekta sa mga proyekto ng naghaharing uri sa probinsya tulad ng itinatayong economic zone dito. Nitong Pebrero, pinasabog naman ng isang yunit ng BHB ang mga heavy equipment na ginagamit para sa pagpapagawa ng TPLEX (Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway) na siyang sanhi ng malawakang demolisyon at pangangamkam ng lupa sa mga probinsyang ito. Malinaw ang mensahe ng BHB, tanging ang pag-gamit ng armas sa balangkas ng Demokratikong Rebolusyong Bayan maipagwawagi ng mamamayan ang kanilang paglaban.

Markahan natin ang pagdiriwang ng ika-43 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan ng higit pang pagpapasigla ng ating mga kampanya't pakikibakang masa sa kalunsuran at ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Kamtin natin ang walang kapares na pagpapalawak ng ating baseng masa. Armasan natin ang masa at mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan ng matibay na pang-unawa at paninindigan sa ating pakikibaka. Napakalaki ng maiaambag ng rehiyon kung ito'y magkakaisa para pahinain ang uring mapagsamantala sa mismong bukana ng Pambansang Sentrong Lungsod. Higit kailanman, ipinananawagan sa mamamayan lalung-lalo na sa mga kabataan, ang pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Ang pulang lupa ng Gitnang Luzon ay hindi lamang mataba para sa pagpupunla ng mga pananim, ang lupang ito'y malaon nang pinagpupunlaan ng ating rebolusyon. Ito'y dinilig ng dugo ng libu-libong kasamang nag-alay ng buhay para pawiin ang pagsasamantala. Dito ay sumibol at higit pa nating pamukadkarin ang ating Demokratikong Rebolusyong Bayan na siyang magbubunga ng pambansang demokrasya tungo sa landas ng isang sosyalistang lipunan.