Pagpapahirap at panlilinlang ng 4Ps sa Southern Mindanao

Ang Bayan
Marso 7, 2012

Download PDF here

Malinaw sa Southern Mindanao ang huwad at mapanlinlang na katangian ng ipinangangalandakang programang kontra-kahirapan ng rehimeng US-Aquino — ang Programang Pantawid Pamilyang Pilipino (4Ps).

Sa Paquibato District, Davao City, binabatikos ng masa ang paglakip sa mayayamang magsasaka at maliliit na negosyante sa listahan ng mga benepisyaryo ng 4Ps habang wala naman sa listahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga maralitang magsasaka. Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng National Democratic Front-Southern Mindanao, tanging ang DSWD ang tumutukoy kung sinu-sino ang magiging mga benepisyaryo ng programang 4Ps.

Ganito rin ang kaso sa mga bayan ng Laak, Monkayo at Montevista sa Compostela Valley dahil nauuna pa sa listahan ang mga upisyal ng barangay, kanilang mga kamag-anak at matatalik na kaibigan na kalimitan ay mayayamang magsasaka.

Nakakapagod, magulo at magastos ang pagkuha ng subsidyo para sa mga benepisyaryo na nanggagaling pa sa malalayong barangay. Kailangan pa nilang gumastos para sa pasahe sa motorsiklo para sa kakarampot lang namang tulong. May ilan nga na mas malaki pa ang nagagastos sa pamasahe kung ikukumpara sa kanilang natatanggap na subsidyo.

Arbitraryong pinagtatanggal sa listahan ang mga karaniwang benepisyaryo sa Paquibato at iba pang lugar sa Davao City. Ang mga nakatira naman sa mga barangay na nasa mga hangganan ng mga prubinsya ay nahihirapan sa pagkuha ng kanilang subsidyo, lalo na kung hindi sila napabilang sa pinakabagong listahan ng mga botante dahil hindi sila nakaboto noong nakaraang eleksyon.

Sa Kitaotao, Bukidnon naman, pinagbawalan ng militar ang kababaihang benepisyaryo na lumahok sa mga demokratikong organisasyong masa. Sadyang tinatarget ng programang 4Ps ang Davao City at iba pang mga lugar na malakas ang mga progresibong partido at organisasyong masa. Ito ay hindi lamang para pigilan ang paglaban ng mga organisasyon ng kababaihan kundi upang ilihis ang pakikibaka ng mga maralitang lunsod para sa serbisyong panlipunan, makataong sahod at trabaho.

Download PDF here