Palakasin ang hukbong bayan at paigtingin ang digmang bayan

Mensahe ng Komite Sentral
ng Partido Komunista ng Pilipinas
sa mga Pulang kumander at mandirigma
ng Bagong Hukbong Bayan
29 Marso 2012

Alternative link to download


Download Pilipino PDF
Sa ika-43 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, kami sa Komite Sentral at ang buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas ay sumasaludo sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa puspusang pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya laban sa imperyalismong US at mga lokal na nagsasamantalang uri.

Binabati namin kayo sa lahat ng inyong tagumpay sa pagsisikap na isulong ang digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Ibayo pa kayong nagtagumpay sa pagsasanib ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa tunay na reporma sa lupa at pagtatayo ng baseng masa. Pinararangalan natin ang ating mga rebolusyonaryong martir at bayani para sa kanilang pakikibaka at mga sakripisyo sa pamamagitan ng pagpapaigting ng ating mga taktikal na opensiba at pagparusa sa mga kaaway ng bayan.

Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay humantong na sa matagalang pandaigdigang depresyon. Magtatagal pa ito laluna't nagmamatigas ang mga imperyalistang kapangyarihan sa neoliberal na patakaran sa ekonomya at may tendensyang pakawalan ang terorismo ng estado at mga gerang agresyon. Ang mamamayan ng daigdig ay labis na nagdurusa at lumalaban. Niyayanig ng malaking kaguluhan at mga pag-aalsa ang maraming bansa sa lahat ng kontinente.

Ang pandaigdigang krisis ay nagpapalala sa internal na kabulukan at pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema sa Pilipinas. Walang inilalatag na solusyon ang rehimeng Aquino sa krisis, bagkus ay ipinatutupad ang mga patakarang antinasyunal at anti-demokratiko na nagpapalala sa krisis. Labis ang galit ng malawak na masa ng sambayanan sa tumitinding pang-aapi at pagsasamantala.

Ang mga kundisyon ng krisis sa daigdig at sa Pilipinas ay nagdudulot ng labis na pagdurusa sa sambayanan at nagtutulak sa kanilang maglunsad ng iba't ibang anyo ng paglaban. Paborable ito sa paglulunsad ng digmang bayan at sa katuparan ng planong sumulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

*I. Pandaigdigang depresyon, malaking kaguluhan at paglaban ng bayan*

Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay tuluy-tuloy at lumalala. Winawasak ng isang depresyong pang-ekonomya ang buhay ng ilang bilyong tao. Patuloy na pinalalala ng mga lider sa pulitika at negosyo sa mga imperyalistang bansa ang krisis sa ekonomya at pinansya at nabibigo silang muling buhayin ang produksyon at empleyo at itaas ang nakapakong mga tantos ng paglago ng pambansang ekonomya. Hindi kayang lutasin ng G-8, G-20, IMF, World Bank at WTO ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Pinalalala lamang nila ito.

Patuloy silang tumatalima sa neoliberal na patakaran sa ekonomya na nagluluwal ng malalang krisis sa pinansya at ekonomya. Binubulag sila ng dogma ng "malayang pamilihan" sa sistema ng monopolyo at pampinansyang kapitalismo. Patuloy nilang hinahayaan ang monopolyong burgesya na magkamal ng kapital sa lahat ng paraan, ibaba ang antas ng sahod at kaltasan ang mga serbisyong panlipunan nang hindi iniisip ang mapaminsalang epekto nito sa ekonomya at bayan.

Nakikinabang ang oligarkiya sa pinansya at ang pinakamalalaking korporasyon sa malalaking pondong ipinansasalba ng estado. Patuloy silang kumakamal ng supertubo sa pagsasamantala sa mataas na tantos ng disempleyo at pagpapataas sa tantos ng pagsasamantala sa absolutong paraan. Ang pumapalyang mga bangko at empresa ay nilalamon ng malalaki. Kaya ang proseso ng akumulasyon ng kapital ay ipinagpapatuloy ng lalong malalaki at mas kaunting mga monopolyong bangko at empresa.

Kapwa sa mga imperyalista at dinodominahang bansa, lumalaki ang mga depisit at utang ng gubyerno bunsod ng mga pagsalba, pagkaltas sa buwis ng mga korporasyon at mayayaman at pagliit ng kinukulektang buwis dahil sa depresyon sa ekonomya. Gayunman, malaki pa rin ang gastusing burukratiko at pangmilitar.

Bilang reaksyon sa krisis sa utang ng gubyerno, nagpapatupad ang mga imperyalista at pinaghahariang estado ng mga patakaran sa pagtitipid sa pamamagitan ng lalong pagbawas sa mga serbisyong panlipunan, mga kawani ng gubyerno, sahod at pensyon ng mga manggagawa. Bunsod nito, lalong lumalala ang depresyon sa ekonomya at kumakalat ang disgustong panlipunan. Ang mamamayan, kung gayon, ay naglulunsad ng iba't ibang anyo ng paglaban.

Ang US ay nasa sentro ng krisis ng monopolyong kapitalismo. Nananatili itong Numero Unong imperyalista laluna dahil sa high-tech na kapangyarihang militar nito. Subalit malaki na ang pag-atras ng ekonomya nito, na lubhang nagpapahina sa kapangyarihang militar nito. Hindi na ito ang tanging superpower na tulad ng pagkilala rito noong dekada matapos malusaw ang Soviet Union.

Lumitaw na ang isang mundong multipolar gaya ng ipinakikita ng paglawak ng G-8 tungong G-20 bilang larangan ng mga maniobra at kontra-maniobra ng mga kapangyarihang imperyalista. Ang krisis ay nagpapasiklab ng masidhing kumpetisyong pang-ekonomya at ribalang pampulitika sa kanilang hanay. Lumalaki ang banggaan nila sa mga patakarang pandaigdig at panrehiyon at lumalakas ang tendensya nilang muling hatiin ang mundo. Kiling ang kumbinasyon ng Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) na tutulan ang pinakamalalalang patakarang ipinapataw ng US.

May panahon na itinuring ng mga imperyalista ang ganap na integrasyon ng Russia at China sa pandaigdigang sistemang kapitalista bilang tagumpay ng paglawak ng kapitalismo at pagwakas ng sosyalistang adhikain. Subalit kalaunan, ang paglaki ng bilang ng mga nagtutunggaliang kapitalistang kapangyarihan ay lalong nagpakipot ng larangan para sa pagkakamal ng supertubo ng mga dominanteng monopolyong kapitalistang kapangyarihan. Pinatitindi niyon ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga imperyalista.

Ang US at China ang pangunahing magkatuwang sa ekonomya sa ilalim ng neoliberal na patakaran ng globalisasyon. Subalit mula nang sumambulat ang krisis sa pinansya at ekonomya noong 2008, lumitaw ang mga kontradiksyon sa pagitan nila sa kabila ng nagpapatuloy nilang kolaborasyon. Papaling-paling ang US sa pagbatikos sa China bilang dahilan ng mga problema ng US at pagpuri rito bilang katuwang sa iba't ibang bagay.

Ang paglipat ng US ng produksyong pangkonsumo tungo sa China ay nakapagpahina sa baseng pangmanupaktura ng US at nakapagpapalala sa disempleyo at depisit sa kalakalan. Ginagamit ng China ang malaking bahagi ng kita nito sa eksport para bumili ng US securities (papeles ng utang), kaya ito na ngayon ang naging pinakamalaking pinagkakautangan ng US.

Nabiyak na ang tinaguriang alyansang anti-terorista na lumitaw pagkatapos ng 9/11. Ang alyansang US-NATO ay kinokontra ng China at Russia sa pamamagitan ng Shanghai Cooperation Organization. Ang China at Russia ay dinedehado ng mga gerang agresyong inudyok ng US at papatindi ang pagkontra nila sa pusisyon ng US sa isyu ng Afghanistan, Iraq, Libya, Iran, Syria at North Korea.

Sa kabila ng tumitinding kontradiksyong inter-imperyalista na nagreresulta sa papalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo, nagkakaisa pa rin ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan ng daigdig at sa pagharap sa iba't ibang isyu, tulad ng krisis sa ekonomya at pinansya, pandaigdigang kalakalan, pagbabago sa klima at mga armas nukleyar at kahirapan, upang itago ang mga ugat ng mga problema at ibayong pagsamantalahan ang masang anakpawis.

Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang pag-igting ng imperyalistang pandarambong at gera ay nag-uudyok sa proletaryado at mamamayan na maglunsad ng iba't ibang anyo ng paglaban. Ang pandaigdigang depresyon ay nagbunga ng malaking kaguluhan at malalaking pag-aalsa. Tumitindi ang mga kontradiksyon sa mga paksyon ng naghaharing uri sa iba't ibang bansa. Lumalakas ang loob ng malawak na masa ng sambayanan na makibaka para sa di hamak na mas mahusay na buhay at maningning na kinabukasan.

Sa mismong bakuran ng Numero Unong imperyalista, lumalawak na ang kilusang Occupy ng 99% laban sa 1%. Maaasahang lumitaw ang mas malalakas na protestang masa laban sa naghaharing monopolyong burgesya sa pagkawala ng mga trabaho at bahay, sa papalalang diskriminasyon laban sa mga di puti at mga imigrante at sa papalakas na agos ng pasismo at mga gerang agresyon.

Sa Eurozone, tinatamaan ng krisis sa pautang ang karamihan ng mga bansa at hinaharap ito sa pamamagitan ng mga hakbanging pagtitipid sa kapinsalaan ng masang anakpawis. Mga pangkalahatang welga at malawakang protestang rali ang tugon ng uring manggagawa, kabataan, kababaihan at iba pang mamamayan laluna sa Greece, Spain, Portugal at Italy. Muling bumabangon ang mga partido ng uring manggagawa at mga progresibong organisasyong masa.

Sa Japan at South Korea, ligalig ang proletaryado at mamamayan sa harap ng pagkatigil ng ekonomya at paglaki ng disempleyo. Disgustado sila sa mga patakaran ng magkakasunod na gubyerno. Sa Australia at New Zealand, nagsisimula nang maramdaman ng mamamayan ang masasamang epekto ng lumiliit na eksport ng mga produktong agrikultural at mineral.

Sa China, lumalaki at dumadalas ang mga protestang masa ng mga manggagawa at magsasaka laluna laban sa disempleyo, pang-aagaw ng lupa at korapsyon. Inuudyok ng US ang mga kilusang separatista sa Taiwan, Tibet at Xinjiang, ang tinaguriang kilusang demokratiko upang igiit ang pagwaksi sa komunistang karatula ng rehimen at ang pribatisasyon ng mga empresa ng estado. Kasabay nito, iginigiit ng mga pwersang Maoista ang muling pagtahak sa sosyalistang landas.

Mistulang tumatag ang ekonomya at lipunan ng Russia sa ilalim ng rehimen ng tambalang Putin-Medvedev. Subalit labis ang pagsalalay nito sa pagluluwas ng langis at iba pang rekursong mineral. Muling lumilitaw ang pagkabuway sa pulitika bunsod ng malawakang pagkadismaya at tumitinding kontradiksyon sa pagitan ng malalaking burges na sindikatong kriminal.

Ang India at kabuuan ng South Asia ay malawak na larangan ng ligalig panlipunan. Ang digmang bayan ay malakihang sumusulong sa India at sa ilang teritoryo kung saan nagnanais ang mamamayan na magtayo ng sarili nilang independyenteng estado. Sa Nepal, may potensyal para agawin ng partidong Maoista ang kapangyarihan sa sentro at kung hindi, dapat itong bumalik sa digmang bayan sa kanayunan. Nagsisikap ang mga partidong Maoista na isulong ang digmang bayan sa maraming bansa sa South Asia.

Paborable para sa matagal nang mga armadong kilusan para sa pambansang paglaya sa Pilipinas, Colombia, Peru, Turkey, Kurdistan at Niger Delta ang lumalalang pandaigdigan at lokal na kundisyon ng krisis. Sa maraming iba pang bansa, ang mga partidong rebolusyonaryo ng proletaryado ay naghahandang maglunsad ng digmang bayan.

Ang mga popular na pag-aalsa sa Middle East at North Africa ay nagbunga ng pagbagsak ng mga mapaniil na rehimeng suportado ng US tulad sa Tunisia, Egypt at Yemen. Subalit dismayado ang mamamayan dahil sa bawat pagkakataon ay hinahalinhinan ang mga ito ng iba na namang reaksyunaryong rehimeng suportado rin ng US. Kaya lumalakas ang tunguhing isulong ang pakikibaka sa rebolusyonaryong landas laban sa naghaharing sistema.

Sa Libya, ang rehimeng Gaddafi ay naibagsak ng mga reaksyunaryong pwersang suportado ng US at iba pang kapangyarihan sa NATO. Subalit lumilitaw ang isang bagong kilusan para sa pambansang paglaya. Nais ding ibagsak ng mga kapangyarihan ng Kanluran ang rehimeng Assad sa Syria upang bigyang-daan ang isang gerang agresyon laban sa Iran. Subalit lumalaban ang rehimeng Assad at naghahanda ang Iran laban sa agresyon.

Ang pinakamaiigting na armadong pakikibaka ay isinusulong ngayon sa mga bansang biktima ng mga gerang agresyon at pananakop na pinamunuan ng US tulad sa Iraq, Afghanistan, Pakistan at Libya. Ang mga papet na rehimeng itinayo ng US at mga alyadong imperyalista ay nayayanig bunga ng panloob ng kontradiksyon at lumalaking mga armadong kilusan para sa pambansang paglaya.

Sa Latin America, isinusulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa ilang bansa habang ang ibang gubyerno tulad sa Cuba, Venezuela at Bolivia ay naggigiit ng pambansang kalayaan, pagsasabansa ng dayong mga empresa at pagbibigay ng mga benepisyong panlipunan upang makuha ang suporta ng malawak na masa ng mamamayan. Sa umiiral na sitwasyon, nagagawa ng US na todong manghimasok sa mga bansa tulad ng Colombia subalit di nito kayang kumubabaw sa buong rehiyon na hindi hinaharap ang malawak na paglaban ng mamamayan.

Idineklara kamakailan ng US na ililipat nito ang tuon ng mga pwersa nito sa East Asia at hindi babawasan ang gastos at presensyang militar sa rehiyon. Nais nitong kontrahin ang tinaguriang lumalaking kapangyarihan ng China, lalong idiin ang Democratic People's Republic of Korea at igiit ang hegemonya ng US sa buong rehiyon. Ginagamit nito ang mga base militar, forward station at mga daungan sa Japan, South Korea, Taiwan, Pilipinas at Singapore bilang unahang hanay na may malawak na suporta ng mga pwersa nito sa Hawaii, Guam at Australia.

Itinutulak ng US ang Trans-Pacific Partnership Agreement upang bantaan ang China na mahihiwalay ito sa ekonomya at pilitin itong isapribado ang mga empresa ng estado. Ginagatungan nito ang mga tensyon sa South China Sea sa pamamagitan ng pag-udyok sa reaksyunaryong gubyernong Pilipino na ipagyabang ang suportang militar ng US sa pag-angkin nito ng ilang isla sa Spratlys at sa pagpapalakas ng presensyang militar at pagpapadalas ng mga pagsasanay-militar at iba pang mga operasyon pati na sa pagpapalayag ng grupo-grupo ng mga barkong pandigma ng US sa rehiyon.

Maaasahan natin ang pagpapatuloy ng krisis ng pandaigdigang kapitalismo nang ilan pang taon. Tatamaan ng ibayo pang krisis ang US at iba pang mga imperyalistang bansa. Ang mga kontradiksyong inter-imperyalista ay lalo pang sisidhi bunsod ng krisis at ng paghahabol ng bawat imperyalistang kapangyarihan na pangalagaan ang sarili nitong pambansa at ultranasyunal na interes at makibahagi sa muling paghahati ng mundo.

Magkahiwalay man o magkasama, ang mga imperyalistang kapangyarihan ay lalong nang-aapi at nagsasamantala sa proletaryado at mamamayan. Kasabwat ng kanilang mga imperyalistang amo, pinatitindi ng mga reaksyunaryong papet na estado ang pang-aapi at pagsasamantala sa proletaryado at mamamayan sa atrasadong mga bansa.

Subalit ang nagpapatuloy at lumalalang pang-aapi at pagsasamantala ay nagtutulak sa proletaryado at mamamayan ng daigdig na makibaka para sa pambansang paglaya, demokrasya, katarungang panlipunan at lahatang-panig na pag-unlad. Ang mamamayang Pilipino at kanilang mga pwersang rebolusyonaryo ay nakikinabang sa lumalakas na kilusang anti-imperyalista at komunista sa mundo at nahihikayat na makapag-ambag sa mga kilusang ito.

*II. Ang naghaharing sistema sa landas ng napipintong kapahamakan*

Ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema ay nasa landas ng napipintong kapahamakan. Ang krisis ng pandaigdigang kapitalismo ay marahas na tumatama sa ekonomya at lipunang Pilipino. Anupaman ang laman nito, ang tantos ng pag-unlad ng ekonomya ay dumadausdos na mula noong 2010. Ang krisis ay naglalantad sa pagkabangkarote at kabulukan ng naghaharing sistema sa usaping pang-ekonomya, panlipunan, pampulitika, pangkultura at pangmoral.

Higit kailanman, ang mga ahenteng pampulitika ng naghaharing mapagsamantalang uri ng malalaking komprador at panginoong maylupa ay naglalantad ng kanilang papet na karakter. Labis ang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Aquino sa imperyalismong US. Patuloy itong tumatalima sa neoliberal na patakaran sa ekonomya na udyok ng US sa pinakamapangayupapang paraan at binubuksan ang pinto sa ibayong presensya at panghihimasok-militar ng US.

Ang labis na pagsalalay ng ekonomya ng Pilipinas sa pagluluwas ng mga hilaw na materyales at mala-manupaktura ay labis na pumipinsala sa mamamayan, laluna sa panahong ito ng depresyong pandaigdig. Mas mura na ang halaga ng iniluluwas na mga hilaw na materyales (pang-agrikultura at mineral) at mga mala-manupakturang may mababang dagdag na halaga (na ang mahigit 50% ay bahagyang naprosesong mga pyesang elektroniko) at lumiliit ang kita mula rito dahil sa pagbagsak ng demand sa pandaigdigang merkado.

Papaliit ang pandaigdigang demand para sa mga OCW (overseas contract worker). Resulta ito ng lumalalang krisis sa ibayong dagat, ang pumapaimbulog na disempleyo, ang anti-migranteng agos at mga pag-aalsa sa Middle East at North Africa. Ang pagliit ng remitans mula sa mga OCW, kasama ng lalong lumalaking depisit sa kalakalan at pagbabayad-utang, ay nagpapalala sa malaki nang mga depisit sa balanse sa bayaran at kalakalan. Ang utang panlabas, na ngayo'y nasa US$63 bilyon na, ay lalaki pa at papatawan ng mas mabibigat na kundisyon.

Ang tantos sa disempleyo ay lalong tumataas. Ito'y tinatayang nasa 24% sa pinakabagong sarbey ng Social Weather Stations, di hamak na mas mataas kaysa labis na pinaliit na tantyang 7% ng Labor Force Survey ng reaksyunaryong gubyerno. Nakapako ang sahod habang pumapaimbulog ang presyo ng saligang mga bilihin at serbisyo. Ang tantos ng implasyon ay pinaliliit din ng reaksyunaryong gubyerno. Linggu-linggong tumataas ang presyo ng langis at itinutulak nito pataas ang presyo ng saligang mga bilihin at serbisyo.

Habang sadsad ang ekonomya, pinabibigat ang pasaning buwis at itinataas ang mga bayarin para sa mga serbisyong administratibo at panlipunan. Winawaldas sa walang awat na korapsyong burukratiko at gastusing militar ang kinikita ng gubyerno habang kinakaltasan ang badyet para sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan.

Walang inilalatag na solusyon ang rehimeng Aquino sa lumalalang krisis pang-ekonomya at panlipunan. Sa ilalim ng patakarang neoliberal, patuloy nitong ibinubukas ang bansa sa walang habas na importasyon ng kung anu-anong mga produktong pangkonsumo, laluna para sa luho ng mga naghaharing uri. Pinapaburan nito ang ispekulasyon sa mga gusali at lupa, walang patumanggang pagtotroso at pagmimina at lahat ng iba pang mga aktibidad na nagbibigay-daan sa pagkakamal ng supertubo ng dayong malalaking empresang monopolyo at mga kasabwat nitong malalaking komprador. Salungat ito sa pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa na iginigiit ng bayan.

Ang tinaguriang Philippine Development Plan ng kasalukuyang rehimen ay walang pinagkaiba sa katunaya'y mga planong kontra-kaunlaran ng mga nagdaang rehimen. Ang pangunahing diin nito ay akitin ang dayong pamumuhunan sa malalaking proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng programang Public-Private Partnership upang ibukas ang buong ekonomya sa walang habas na pandarambong at pagwasak ng mga dayong kumpanya sa pagmimina sa kapaligiran.

Ipinagmamalaki ng rehimen ang programang kontra-kahirapan na tinatawag na Conditional Cash Transfer, na pamimigay ng pera sa mga pamilya (kabilang yaong sa mga upisyal ng barangay at mayayamang magsasaka) sa layuning bilhin pansamantala ang katapatan ng ilang komunidad. Nakatuon ito sa mga larangang gerilya at naglalayong suportahan ang diumano'y planong counterinsurgency na Oplan Bayanihan.

Ang masang anakpawis na mga manggagawa at magsasaka at maging ang mga panggitang saray ay agrabyado sa malawakang pagkawala ng mga trabaho at pagliit ng kita. Laganap at umiigting ang ligalig panlipunan. Sumisiklab ang mga aksyong protesta sa mga pabrika, mga komunidad ng maralita sa lunsod at kanayunan at mga paaralan. Naglulunsad ng mga welga ang mga manggagawa at iba pang anyo ng paglaban sa kapitalistang pagsasamantala at panunupil ng estado. Ang mga magsasaka ay nagsasagawa ng okupasyon ng lupa, protesta sa lansangan, aklasang-bukid, mga petisyon- at kumprontasyong masa, pati na mga iligal at armadong aksyon upang labanan ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala, pang-aagaw ng lupa at mga pasistang kabuktutan. Ang higanteng mga aksyong masa ay tiyak na ilulunsad sa harap ng pagtanggi ng rehimeng Aquino na tuparin ang demokratikong mga kahilingan ng mamamayan. Malawak na inaasahan na sa kasalukuyan o susunod na taon, lilitaw ang panawagan para sa pag-aalsang bayan, sa kabila ng pagsisikap ng rehimeng Aquino na ilihis ang atensyon ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpopropagandang anti-Arroyo at anti-komunista.

Disgustado ang malawak na masa ng mamamayan sa kabiguan ni Aquino na tuparin ang kanyang mga pangako sa eleksyon at sa hilig niyang gumamit ng publisidad at bayarang mga sarbey para ilihis ang atensyon ng mamamayan, pagtakpan ang mga krimen ng kasalukuyang rehimen at magpagwapo. Bigo siyang pagbayarin sina Arroyo at mga kasapakat niya sa pandarambong at paglabag sa karapatang-tao. Sa halip, lumalala ang mga ito sa ilalim ng kanyang rehimen.

Pinagdurusahan ng mga manggagawa at maralitang lunsod hindi lamang ang pagkawala ng hanapbuhay at kita kundi pati ang demolisyon ng kanilang mga barungbarong at komunidad, na walang ibinibigay na alternatibong pabahay, hanapbuhay at iba pang mapagkakakitaan, para bigyang-daan ang malalaking proyekto sa real estate at pang-imprastruktura. Ang masang magsasaka ay nagdurusa sa ibayong lumalalang pyudal at malapyudal na pagsasamantala at sila ang pinakatinatamaan ng mga kampanyang panunupil ng militar sa kanayunan.

Ang salungat na tindig ni Aquino sa reporma sa lupa ay matingkad na ipinakikita ng patuloy na paggamit ng pwersa laban sa mga magsasaka at manggagawang bukid at ng kanyang paggigiit ng labis na mataas na presyong P10 bilyon bilang kabayaran sa Hacienda Luisita sa kapakinabangan ng kanyang pamilya. Ito ang tunay na bulok na makasariling layunin sa pagtutulak ni Aquino sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na patalsikin ang punong mahistradong si Renato Corona ng Korte Suprema bilang reaksyon sa desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa sa mga manggagawang bukid sa abot-kayang presyo.

Ang panlipunang bulkan sa Pilipinas ay muling nakaambang sumabog. Laganap ang rebolusyonaryong kalooban sa masang anakpawis ng mga manggagawa at magsasaka at panggitnang saray ng lipunan. Sa kasalukuyang kalagayan, ang mga magkaribal na paksyong pampulitika ng nagsasamantalang uri ng malalaking komprador at panginoong maylupa ay lalong sangkot sa mapait at mararahas na kontradiksyon. Malawak ang hanay ng mga pwersang handang kumilos laban sa rehimen.

Sa pambansang antas, ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga paksyong maka-Aquino at maka-Arroyo ay litaw sa pagpapaaresto kay dating presidente Gloria M. Arroyo at sa pagpapatalsik at paglilitis sa Senado ng punong mahistradong Corona ng Korte Suprema. Subalit nananatiling bigo si Aquino na panagutin sina Arroyo at pangunahing mga kasapakat nito sa pandarambong at malulubhang paglabag sa karapatang-tao. Pinahihintulutan niya silang hawakan ang nakaw nilang yaman at makalusot sa pinakamalalalang paglabag sa karapatang-tao, habang siya naman at kanyang pangkatin ang nagkakamal ng yaman sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon at pagsisilbi sa mga imperyalista at pyudal na interes at nagpapakawala ng karahasan laban sa mamamayan.

Gayunpaman, sinisikap ngayon ng paksyong Arroyo na udyukan ang mga upisyal ng militar at pulisya na dating napaburan ng rehimeng Arroyo para tuligsain, siraan at patalsikin kung maaari ang rehimeng Aquino. Ipinagkakalat nito ang intriga na nakatakdang hirangin ni Aquino ang tagapangulong tagapagtatag ng PKP sa gabinete at nabigyang-puwang na ang mga komunista sa kanyang gubyerno. Kasabay nito'y inaakusahan si Aquino na walang kakayahan at korap.

Bigo si Aquino na lutasin ang mga problema ng disempleyo, kahirapan at korapsyon at siya ngayo'y responsable sa pagpapalala nito. Ang pagkabigo niyang tuparin ang mga pangako noong eleksyon sa bayan at kanyang mga alyado sa pulitika ay tiyak na hahantong sa pagbubuo ng malawak na hanay ng oposisyon sa kanyang rehimen.

Bigo rin siya na panagutin sina Arroyo at kanyang mga pangunahing kasapakat sa mga kaso ng pandarambong at malalalang paglabag sa karapatang-tao. Sa kabila ng islogang "matuwid na daan," siya naman at ang kanyang pangkatin ang nagpapayaman sa pamamagitan ng burukratikong korapsyon at pagpapakawala ng mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan.

Pinaparalisa ng rehimeng Aquino ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ginawang malinaw na sa NDFP ng tagapayo ng presidente sa prosesong pangkapayapaan at panel nito sa negosasyon na wala silang interes kundi pawalambisa ang dating mga kasunduan at pasukuin ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Inaatake nila ang The Hague Joint Declaration at binabansagan itong dokumento ng habampanahong pagkakahati. Tumatanggi silang tumalima sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Hindi pa nila iniimbestigahan at iwinawasto ang mga ekstrahudisyal na pagpatay, pagtortyur at pagdukot sa mga konsultant na saklaw ng JASIG. Tumatanggi silang palayain ang mga bilanggong konsultant na saklaw ng JASIG.

Ang rehimeng Arroyo ang responsable sa pagtutulak sa gubyernong Dutch na arestuhin ang punong pampulitikang konsultant ng NDFP sa gawa-gawang mga kaso ng pagpatay, salakayin ang International Office ng NDFP at mga bahay ng anim na Pilipinong refugee, agawin ang mga dokumentong may kinalaman sa usapang pangkapayapaan at wasakin ang mga disk ng kompyuter na gamit sa pagbukas ng mga nakasayper na file hinggil sa mga humahawak ng dokumento ng identipikasyon. Subalit ngayo'y binabara ng rehimeng Aquino ang muling pagbubuo ng mga dokumento ng identipikasyon sa ilalim ng JASIG.

Pinalaya ng rehimeng Aquino ang mahigit 400 bilanggong sundalo na sangkot sa ilang pag-aaklas noong panahon ng rehimeng Arroyo. Subalit patuloy nitong ibinibimbin ang mahigit 350 bilanggong pulitikal na nakadetine sa mga gawa-gawang kasong kriminal na labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), laluna sa doktrinang Hernandez hinggil sa pampulitikang pagkakasala.

Hindi lamang kinukunsinti ng kasalukuyang rehimen ang mga paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang-tao, ito mismo'y lumalabag. Sa halip na palayain ang mga bilanggong pulitikal, pinalalakas nito ang loob ng militar at pulis na magsagawa ng mas marami pang pagdukot, pagtortyur at ekstrahudisyal na pagpatay sa mga pinagsususpetsahang rebolusyonaryo. Sa bilis ng pagdami ngayon ng mga paglabag sa karapatang-tao, kakayaning higitan ng rehimeng Aquino ang rekord ng nagdaang rehimen.

Lulong ang rehimeng Aquino na isulong ang Oplan Bayanihan alinsunod sa US Counterinsurgency Guide upang makakuha ng ayuda-militar mula sa US. Layon ng Oplan Bayanihan na lagpasan ang Oplan Bantay Laya sa pagiging mautak sa saywar sa pagtawag sa mga operasyong militar bilang "operasyon para sa kapayapaan at kaunlaran" at sa mga paglabag sa karapatang-tao bilang "paggalang sa karapatang-tao" at pagkuha ng tiyak at napapanahong datos-paniktik sa pamamagitan ng diumano'y mga operasyong sibil-militar.

Kasimbrutal ng rehimeng Aquino ang rehimeng Arroyo sa paglulunsad ng mga kampanyang mapanupil ng militar. Aprubado nito ang malalala at sistematikong paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang-tao at itinutulak ang mga pwersang militar, pulisya at paramilitar na ituloy ang kanilang kabuktutan. Pinararami nito ang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa batayan ng mga gawa-gawang kasong kriminal na labag sa CARHRIHL.

Hindi interesado ang rehimeng Aquino sa seryosong negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Sa balangkas ng Oplan Bayanihan nito, itinuturing nito ang usapang pangkapayapaan bilang paraan lamang para hatiin at pahinain ang mga rebolusyonaryong pwersa habang pinaiigting ang mga kampanyang mapanupil ng militar upang "lipulin" ang armadong rebolusyon at supilin ang paglaban ng mamamayan. Di sadyang inuudyok nito ang mamamayan at ang mga rebolusyonaryong pwersa na paigtingin ang armadong paglaban at isulong ang digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas.

Bigo rin ang rehimeng Aquino na gamitin ang usapang pangkapayapaan para liluhin ang Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang Komite Sentral ng MILF sa pamamagitan ng Negotiating Panel nito ay mataman pa ring naggigiit ng karapatan ng Bangsamoro para sa sariling pagpapasya at nilalabanan at binibigo ang mga iskema ng rehimeng Aquino na pawalambisa ang naunang mga kasunduan nito sa NDFP. Ang mga pwersang militar at pulisya ng reaksyunaryong gubyerno ay gumawa ng mga probokasyon laban sa MILF at responsable sa mayor na mga pagsiklab ng karahasan. Dapat lalong palakasin ang alyansa ng MILF at NDFP upang mamaksimisa ang suportahan laban sa komun na kaaway.

Sagad-sagaran ang pagiging sunud-sunuran ng rehimeng Aquino sa imperyalismong US. Pinahihintulutan nito ang US na mag-istasyon ng mga pwersang militar at magtatag ng mga pasilidad sa Pilipinas. Tinataya nitong magbibigay ang US ng todong suporta para sa kampanya ng panunupil ng rehimen at para sa umano'y depensang panlabas.

Nakikipagsabwatan ang rehimeng Aquino sa US sa pag-udyok ng tensyon sa isyu ng Spratlys upang bigyang-daan ang pagpapalakas ng pwersang militar ng US nito sa Pilipinas. Nagsasagawa ito ng mga probokasyong anti-China at nagtatangkang papaniwalain ang mamamayan na papanig ang US sa Pilipinas laban sa China sakaling magkadigma. Pinagtatakpan nito na sa Mutual Defense Treaty ng US at Pilipinas ay walang probisyon para sa awtomatikong paghiganti at mas malaki ang interes ng US sa relasyon nito sa China kaysa sa Pilipinas.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ay dapat magbantay sa papalaking panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas kaugnay ng suporta ng US sa reaksyunaryong gubyerno sa digmang sibil pati na kaugnay ng iskema ng US na palakasin ang paghahari nito sa Asia-Pacific. Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ay dapat lumaban upang tiyakin na sa kalauna'y walang magiging puwang sa Pilipinas ang US at mga papet nito.

*III. Katayuan at mga tungkulin ng BHB*

Sa absolutong pamumuno ng Partido, nakapagkamit ang BHB ng mga tagumpay at nakapagpalakas sa pulitika, militar at organisasyon mula noong nakaraang taon. Batay sa kasalukuyan nitong lakas, matatag nitong binabagtas ang landas ng pagtupad sa planong isulong ang digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Itinutulak ng Partido ang paglalagom ng karanasan, paghalaw ng positibo at negatibong mga aral at pagsasakatuparan ng mga tungkulin sa pagpapalakas at sa pagsulong laban sa mga pwersa ng kaaway.

Ang BHB ay may baseng masang umaabot nang milyun-milyon. Kumikilos ito sa mahigit 100 larangang gerilya na nakakalat sa 70 prubinsya sa buong bansa. Saklaw ng mga larangang gerilya ang ilanlibong baryo at malawak na erya ng ilandaang bayan at mga syudad. Saklaw ng malalaking larangang gerilya ang 60-100 baryo habang saklaw ng maliliit at katamtamang-laking larangan ang 40-59 baryo. Mas mabilis na nabubuo ngayon ang bagong mga larangang gerilya at pinagpupunyagiang abutin at paunlarin ang bagong mga erya. Kailangang buong-lakas na palawakin ang pakikidigmang gerilya upang mabisang labanan at biguin ang kaaway sa mga taktika nito ng konstriksyon at dalhin ang digmang bayan sa bagong mga antas.

Libu-libo ang mga Pulang mandirigma at dumarami sila dahil sa tuluy-tuloy na rekrutment at mga programa ng pagsasanay at pinaigting na mga taktikal na opensiba. Ang mga taktikal na opensiba ay nagbubunga ng mga sandata upang armasan ang mas maraming Pulang mandirigma at mabuo ang bagong mga yunit pangkombat.

Nalulugod ang malawak na masa ng sambayanan sa BHB sa pagsagpang nito sa inisyatiba at sa matagumpay na paglulunsad ng mga opensiba laban sa papatitinding mga atake ng reaksyunaryong armadong pwersa. Habang lalong umaatake ang kaaway, lalong dapat agawin ng hukbong bayan ang inisyatiba sa paglaban. Sa pagmantine lamang ng gayong diwang opensibo at pagpapaunlad ng inisyatiba magagawa ng isang pwersang gerilya na makapagpreserba at makapagpalakas laban sa malakihan at matagalang mga kampanya ng pagkubkob, konstriksyon at panunupil ng mga pasistang tropa.

Nagkokonsentra ang kaaway ng mga dalawang batalyon sa isang 15-20 kilometrong radius na target na erya. Upang mababaran at malalimang salakayin ang pokus na erya, karaniwang gumagamit ang kaaway ng mahigit 200 tropa na ipinapakat sa mga kolum na laking-iskwad at seksyon upang maghanap ng makakasagupa at kung may mabangga, upang mabilis na magkonsentra sa pamamagitan ng modernong komunikasyon at mas maunlad na kakayahan sa mabilisang pagkilos.

Dapat matalino at mahusay na gamitin ang mga taktikang gerilya ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat-lipat upang maiwasan ang malalakas na pwersa ng kaaway habang aktibong sinasalakay ang mahihina niyang bahagi, panatilihin ang matatag na pamumuno at paggabay sa masa at mga rebolusyonaryong organisasyon sa mga eryang sinasalakay upang aktibong lumaban at magpunyagi sa pakikibaka, makapagpalawak sa labas ng kinokonsentrahan ng pwersa ng kaaway at pukawin at pakilusin ang mas masaklaw pang hanay ng masa para sa rebolusyon.

Ang nagsasariling operasyon ng mga yunit-gerilya ay esensyal upang matamo ang pleksibilidad, subalit krusyal ang wasto at matatag na pamumuno, pagpaplano at kumand ng Partido at hukbo sa antas ng rehiyon, subrehiyon at larangan. Kritikal ang wasto at napapanahong pagtatasa ng sitwasyong pampulitika at pangmilitar at ang wasto at napapanahong paghahanay ng mga tungkulin, disposisyon at pagtukoy ng pangunahin at sekundaryong direksyon ng mga pagsisikap. Ang pagpapalakas ng pagpaplano, kumand at koordinasyon sa antas-larangan at inter-larangan ay kailangang-kailangan para pag-ibayuhin ang kakayahan sa maniobra, pleksibilidad at inisyatiba.

Sa antas ng mga subrehiyon o prubinsya, mayroong tatlo hanggang limang larangang gerilya na may kumpletong istruktura ng mga pwersang subrehiyunal, panlarangan at lokal hanggang sa antas ng milisya at kwerpo sa sariling depensa, pati na mga partisano o yunit isparo para sa mga espeyal na operasyon sa mga lunsod at bayan. Isinasaalang-alang at lubos na sinasamantala sa antas na ito ang paborableng tereyn sa mga hangganan ng prubinsya, kombinasyon ng mabundok at patag na tereyn, sistema ng katubigan, ugnayan sa malalapit na eryang gerilya at mga sentrong pampulitika. Ang hatiang heograpiko ng mga erya na ito ay nagpapalit-palit depende sa mga pagbabago sa sitwasyong militar sa erya.

Ang pwersa sa mga maunlad na subrehiyon at mga larangan ay maaaring umabot sa lakas-batalyon o sobra sa batalyon na dinudugtungan ng lakas-brigadang mga yunit milisya at kwerpo para sa sariling depensa sa mga baryo. Ang pwersang pansubrehiyon ay maaaring magsilbing sentro de grabidad para sa mga nakakalat na yunit ng larangan at magpalakas ng opensibong tindig sa iba't ibang kapasidad ng mga pwersa ng larangan, yunit milisya at mga kwerpo sa sariling depensa sa baryo. Ang mga pwersa ng Oplan Bayanihan na nagsasagawa ng matagalan at maigting na mga malawak na operasyong militar at mga pag-atake ay paulit-ulit na inaatake ng iba't ibang yunit ng BHB at dumaranas ng mas mabibigat na kaswalti kumpara sa pinsalang idinudulot nila sa mga yunit ng BHB.

Inaatasan ng Partido ang mga kumand ng BHB sa iba't ibang antas na gumawa ng napapanahong mga ulat para sa rebolusyonaryong midya kaugnay ng mga tagumpay sa mga taktikal na opensiba. Laging sabik ang mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa na makabasa tungkol sa mga tagumpay ng BHB sa Ang Bayan at iba pang rebolusyonaryong pahayagan, at makita rin ang mga larawan at panoorin ang mga bidyo ng kanilang mga gawain na ipinamamahagi sa internet at mga DVD.

Ikinalulugod ng sambayanan ang mga pag-atake ng hukbong bayan sa buong bansa sa mga minahan, trosohan at plantasyon na nangangamkam ng lupa, nangwawasak sa kapaligiran at pumipinsala sa mga lupaing agrikultural at iba pang pinagkukunan ng kabuhayan ng mga katutubong mamamayan at mga magsasaka. Ang matagumpay na operasyon ng BHB kamakailan laban sa tatlong malalaking kumpanya sa pagmimina sa Surigao at sa plantasyon ng Sumitomo ay nagbigay-inspirasyon sa mamamayan at sa mga rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa.

Mataas ang kamulatan ng BHB na ang tunay na reporma ang pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon at siyang daan upang imulat, organisahin at pakilusin ang mga maralitang magsasaka at mga manggagawang bukid bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Kaagapay ng mga lokal na sangay ng Partido at mga organisasyong magsasaka, ipinatutupad ng mga yunit ng BHB ang minimum na programa sa reporma sa lupa sa karamihang lugar at ang maksimum na programa sa reporma sa lupa kung saan posible.

Saklaw ng minimum na reporma sa lupa ang pagpapababa sa upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid, pagtatakda ng makatwirang presyo sa pagbili sa mga produkto ng mga magsasaka at paghikayat sa produksyong agrikultural at alternatibong kabuhayan. Naninindigan ang hukbong bayan para sa masang magsasakang humihingi ng gayong reporma sa lupa at tinitiyak na nasusunod ang nauukol na mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.

Ang maksimum na programa sa reporma sa lupa ay sumasaklaw sa kumpiskasyon ng lupa o pagbabayad-pinsala, libreng pamamahagi ng lupa at pagbibigay ng tulong teknikal, pinansyal at iba pang uri ng suporta sa mga nakinabang sa reporma sa lupa. Kaagapay ng masang magsasaka, ang hukbong bayan ang mapagpasyang pwersa para matamo ang rebolusyong agraryo.

Napalawak at napatatag ng BHB ang rebolusyonaryong baseng masa sa mga larangang gerilya sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at mga lokal sa sangay ng Partido. Ang mga rebolusyonaryong pwersang ito ang responsable sa pamamahalang sibil upang ang BHB ay malayang makakilos upang labanan ang kaaway at makapagbukas ng mga bagong erya. Lahat ng Pulang kumander at mandirigma ay marubdob na naghahangad na mapaunlad ang mga larangang gerilya bilang paghahanda sa pagbubuo ng relatibong matatatag na baseng purok.

Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay sinusuportahan ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, aktibistang pangkultura at mga bata at tinutulungan ng mga komiteng nakatuon sa organisasyong masa, edukasyong publiko, reporma sa lupa, produksyon, kalusugan, depensa, gawaing pangkultura, arbitrasyon at iba pang kailangang tutukan. Pinamumunuan ng mga lokal na sangay ng Partido ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang BHB ay dinadagdagan, dinudugtungan at sinusuportahan ng ilampung libong pwersa ng milisyang bayan bilang lokal na mga pwersang pampulis at ng daan-daan libong kasapi ng mga organisasyong masa na may malusog na pangangatawan. Ang mga pandagdag-pwersang ito ay tumutupad sa mga gawain sa panloob na seguridad at batayang pagsasanay pulitiko-militar upang ang mga yunit ng BHB ay malayang makakilos at tumupad ng mga gawain sa mas masaklaw na lugar.

Bagamat ang milisyang bayan, na laking iskwad hanggang platun kada barangay, ay sa esensya'y para sa lokal na gawaing pulis, sinasanay ng BHB ang mga pangkat nito para sa paniniktik at ilang mga opensibong operasyon laban sa kaaway. Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa ay mabisang lambat sa pagmamanman at pag-uulat ng mga kilos at aktibidad ng mga pwersa ng kaaway.

Subalit upang epektibong gampanan ang susing papel nito sa pagwasak sa kaaway at gayo'y palakasin ang rebolusyonaryong kilusan, dapat sumalig ang BHB sa Partido at mamamayan at kailangang maggawaing masa at magdaos ng mga pulitiko-militar na pagsasanay ng mga yunit nito. Sapat pa ang panahon sa kasalukuyang limang-taong plano para dalhin ng BHB ang digmang bayan sa bungad ng estratehikong pagkapatas.

Itinuturing ng Partido ang BHB bilang susing pwersa sa pagsusulong ng digmang bayan mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Sa ating mensahe sa hukbong bayan noong nakaraang taon, idineklara nating kailangan natin sikaping kamtin ang gayong plano sa loob ng lima hanggang sampung taon. Subalit kaliwa't kanan ang malalaking oportunidad para sa higit na mabilis na pagsulong bunga ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema. Upang ihanda ang mga rebolusyonaryong pwersa, dapat doblehin natin ang pagsisikap na palakasin ang hukbong bayan at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa usaping pang-ideolohiya, pampulitika, pang-organisasyon, pangmilitar at pang-ekonomya.

Ang gayong pagsulong ay depende sa pagpapalawak at pagkokonsolida ng mga suhetibong pwersa ng rebolusyon, pag-abot at pagpapakilos sa di pa napapantayang bilang ng mamamayan at kung ano ang magiging reaksyon ng kaaway. Sa gitna ng matinding paglala ng krisis ng naghaharing sistema, iginigiit at hinahabol ng mamamayan ang malaking pagsulong ng kanilang rebolusyonaryong mga pakikibaka. Absolutong kinakailangan na iabante ng mga rebolusyonaryong pwersa ang panawagan para sa pagsulong dahil hinihingi ng mamamayan ang malinaw na pagtanaw sa susunod na mga kakamtin sa solidong batayan ng kasalukuyang lakas ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Nangunguna ang Partido sa pagtitiyak ng mga pampulitikang rekisito para sa pagsulong kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Dapat pukawin ng mga pwersang pinamumunuan ng Partido ang mamamayan at tipunin ang kanilang rebolusyonaryong saloobin. Ang ligal na kilusang masa sa kalunsuran ay dapat palakasin upang bigyang-linaw ang sigaw ng mamamayan para sa rebolusyonaryong pagbabago at upang sirain, pahinain at ihiwalay ang kaaway. Ang kilusang masa ng mga magsasaka ay dapat palakasin upang pakawalan ang malawak na mga pakikibakang masang agraryo sa masaklaw na erya sa kanayunan. Ang armadong rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan ay may susing papel sa pagwasak sa mga pwersa ng kaaway at sa pagpaparami ng mga larangang gerilya bilang batayan sa pag-usbong ng relatibong matatatag na baseng purok sa malapit na hinaharap.

Ang mga nakatatandang kadre ng Partido at hukbong bayan na lampas 60 anyos na ay natutuwa na ang kasapian ng Partido at hukbong bayan ay palagiang bumabata at nagpapanibagong-sigla dahil sa paghugos ng mga kabataan at dahil ang malaking mayorya ng nakabababatang mga kadre ay napanday sa digmang bayan. Dapat may mulat na pagsisikap na iangat ang paparaming nakababatang kadre at kumander sa ikalawang linya ng mga namumunong komite ng Partido at istruktura ng kumand ng BHB. Sa gayon, ang mga lider ng Partido at BHB ay makapagpapaunlad ng makahahalili sa kanila, makapagpapaubaya ng paparaming mga tungkulin, makapagtutuon ng mas malaking panahon sa mga paglalagom at iba pang tungkuling pang-ideolohiya na napakahalaga sa kalitatibong pagsulong ng rebolusyon. Dapat paigtingin ang gawaing pang-ideolohiya at pang-organisasyon upang hikayatin at ihanda ang malaking bilang ng mga kadre at aktibista, laluna mula sa mga kabataan, na magtungo sa kanayunan at magboluntir sa hukbong bayan.

Kinakailangan ang mabilis na paglago ng hukbong bayan batay sa malawak at malalim na baseng masa upang malubos ang demokratikong rebolusyong bayan sa kasalukuyan o susunod na dekada. Dapat tiyakin ng Partido na ang mga nakababatang kadre na may mahusay na gagap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo ay maitalaga sa hukbong bayan at makakuha ng karanasan at kasanayan sa paglulunsad ng pinakamataas na anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang mga kadre ng Partido at mga Pulang kumander ay dapat mahigpit na magtulungan sa pagpaplano ng mga pulitiko-militar na pagsasanay at mga taktikal na opensiba. Dapat magsagawa ng rekrutment at magdaos ng edukasyong pamPartido sa loob ng hukbong bayan. Dahil ang mga Pulang mandirigma ay laging magkasama sa isang yunit, dapat mataas ang bilang o mayorya pa nga ang mga kasapi ng Partido sa kanilang hanay. Kahit habang ang hukbong bayan ay mabilis na nagpapalawak, maaari pa ring imantine ang 50-50 tumbasan ng mga kasapi at di kasapi ng Partido.

Ang mga Pulang mandirigma, maging ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga organisasyong masa ay dapat ipaloob bilang mga kandidatong kasapi ng Partido oras na tanggapin nila ang konstitusyon at programa ng Partido at bigyan ng rekomendasyon ng mga ganap na kasapi o mga grupo ng Partido. Dapat pasumpain bilang ganap na kasapi ang mga kandidatong kasapi sa loob ng anim na buwan kung kailan sila sumasailalim sa batayang edukasyon ng Partido at tumutupad ng kanilang mga tungkulin sa kinabibilangan nilang mga yunit.

Ang Partido sa loob ng hukbong bayan ang nag-iinisyatiba at nagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa sa saklaw ng kanilang mga AOR (area of responsibility) at sa mga erya ng pagpapalawak. Dapat nating ibigay ang kinakailangang pagsasanay, mga gawain at paghihikayat upang ang mga pwersang ito ay makatindig sa sarili at lumago sa diwa ng pagtitiwala at pananalig sa masa. Ang mga lokal na sangay ng Partido ay mas madaling uusbong mula sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa.

Ang BHB ay may iba't ibang gawain: pulitiko-militar na pagsasanay, kombat, gawaing masa, gawaing produksyon at pangkultura. Subalit ang pangunahing gawaing nagbibigay-tangi rito sa iba pang rebolusyonaryong pwersa ay ang kakayahan nitong magsulong ng armadong pakikibaka. Ito ang responsable sa pagwasak sa pwersang militar ng kaaway at sa paglalatag ng pundasyon para sa pagtatayo ng Pulang kapangyarihang pampulitika.

Ang hukbong bayan ay dapat maglunsad ng mga taktikal na opensibang tiyak na maipagwawagi. Sa layuning ito, kailangan nitong maglapat ng pleksibleng mga taktika at gumamit ng iba't ibang tipo at laki ng armadong pormasyon, kabilang ang maliliit na pangkat, iskwad, platun at mga kumpanya. Ang pangunahing layunin ay durugin ang mga yunit ng kaaway at makasamsam ng mga sandata upang mabuo ang mas marami pang yunit ng hukbong bayan. Ang hukbong bayan ay dapat sumamsam ng ilang libong malalakas na riple at iba pang sandata mula sa kaaway.

Subalit kailangan ding maglunsad ng mga operasyon para pinsalain at pahinain ang kaaway. Ang maliliit na pangkat ay pwedeng sanayin at pakilusin sa paggamit ng mga bombang AMFO (ammonium nitrate fuel oil), plastik, TNT at mga pansunog, kabilang ang simpleng lighter, upang wasakin ang mga target tulad ng mga sasakyang militar, pasilidad, kampuhan at iba pang nakatayong istruktura. Ang mga land mine, pang-iisnayp at paghahagis ng granada ay magagamit upang pigilan ang pagkilos ng pwersa ng kaaway o iharas ang mga nakakampong pwersa at ang bombang gasolina ay magagamit upang wasakin naman ang mga imbakan ng langis, garahe ng sasakyan at eroplano at helikopter na gamit ng militar. Ang mga yunit ng milisyang bayan at mga yunit sa sariling depensa ay hinihikayat ding gumamit ng mga katutubong sandata tulad ng mga suyak, gumawa ng mga eksplosibo mula sa mga di sumabog na bomba ng kaaway at gumamit ng mga lokal na taktika na ikinokombina at ikinokoordina sa mga pultaym na pormasyon ng BHB.

Mahalagang idemoralisa at lansagin ang mga pwersa ng kaaway sa iba't ibang paraan. Dapat himukin ng Partido at NDFP ang mga upisyal at tauhan ng kaaway, militar at pulisya na pag-aralan at unawain ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan. Dapat magtalaga ng mga kasapi ng Partido na magpaunlad ng mga kamag-anak at kaibigang nasa militar at pulisya na magbuo ng lihim na mga grupong patriyotiko at sumuporta sa anumang alyansang lumilitaw laban sa antinasyunal, anti-demokratiko at mga korap na patakaran at gawain ng naghaharing pangkatin.

Kaugnay nito, ipinagpapatuloy ng BHB ang patakaran nito ng magaang pagtrato sa mga nabibihag na tropa ng kaaway alinsunod sa alituntunin nito sa disiplina, sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, Geneva Conventions ng 1949 at Protocol I ng 1977. Isinasaalang-alang ng gayong patakaran na ang karamihan ng tropa ng kaaway ay mula sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa. Inilalatag nito ang kundisyon para sa maramihang pagsuko, mga pag-aalsa at pagpanig sa rebolusyon sa hinaharap, laluna kung nagtatagumpay na ang hukbong bayan sa pagwasak sa malalaking bilang ng yunit ng kaaway.

Palaging pinalalaya ng BHB sa makataong batayan ang mga sundalo, pulis at iba pang pwersang panseguridad ng reaksyunaryong gubyerno. Matingkad na taliwas ito sa ipinatutupad na patakaran ng reaksyunaryong gubyerno ng pagtortyur at ekstrahudisyal na pagpatay sa mga nadadakip na kombatant ng BHB na wala na sa katayuang lumaban (hors de combat), o ang di makataong pagtrato sa kanila sa walang taning na detensyon matapos na sampahan sila ng gawa-gawang mga kaso taliwas sa sarili nitong mga batas, sa CARHRIHL at sa internasyunal na makataong batas.

Ang kapangyarihan ng uring panginoong maylupa ay dapat wasakin sa kanayunan. Ang pangunahing target ay ang malalaking panginoong maylupa na may pampulitikang kapangyarihan at kontra sa mga rebolusyonaryong pwersa at ayaw magbigay-daan kahit man lamang sa minimum na programa sa reporma sa lupa. Dapat pagsikapang pigilan silang mapagsamantalahan pang lalo ang mga magsasaka, buwagin ang kanilang pyudal na pag-aari at kapangyarihan at parusahan yaong may mga utang na dugo.

Subalit maaaring may ilang malalaking panginoong maylupang tumatanggap sa reporma sa lupa, laluna ang minimum na programa at sang-ayong lumahok sa pambansang industriyalisasyon. Ang panggitna at maliliit na panginoong maylupa ay mas madaling makumbinsi na pumayag sa reporma sa lupa, laluna kung, gaya ng malalaking panginoong maylupa, nakikita nila ang paglakas ng kilusang magsasaka at hukbong bayan. Ang lakas na ito ay nagiging litaw kung winawasak ng BHB ang maraming yunit ng kaaway at ibinabagsak ang mga despotikong panginoong maylupa.

Mariing iginigiit ng malawak na masa ng sambayanan ang pag-aresto, paglitis at pagparusa sa mga panginoong maylupang may utang na dugo, sa lahat ng lumalabag sa karapatang-tao, sa mga mandarambong, sa mga utak ng sindikatong kriminal sa droga, pangangalakal ng tao (human trafficking) at pangangalabaw at sa mga nagpapatakbo ng mga empresang pumipinsala sa kapaligiran, agrikultura at kabuhayan ng mamamayan. Ang makatarungang paggamit ng kapangyarihang bayan ay patuloy na magpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan at magpapahina sa naghaharing sistema.

Ang pagwasak sa kapangyarihan ng uring panginoong maylupa at pag-alis ng kakayahan ng mga utusan nito ay kailangan sa pagtatayo ng relatibong matatatag na baseng purok. Ang ilang empresa'y maaaring lansagin tulad ng mga nangangamkam ng lupa sa mga magsasaka at katutubo, naglilimita sa lupa para sa reporma sa lupa, nangwawasak ng kapaligiran at agrikultura, nagluluwas ng mga rekursong nasasaid, humahadlang sa industriyalisasyon o yaong todo-todong nagsasamantala sa mga manggagawa. Kabilang dito ang mga plantasyon, minahan at mga kumpanya sa pagtotroso na pang-eksport.

Gaya ng sinundan nitong rehimeng Arroyo, ang rehimeng Aquino ay nagtataguyod at nagtatanggol sa ganitong anti-mamamayang mga empresa. Ang mga ito'y gumagamit ng militar, pulisya, mga pwersang paramilitar at mga pribadong ahensya sa seguridad upang bantayan ang kanilang mga pag-aari. Kailangang bigyan ng espesyal na pansin ang pagsalakay at pagdidisarma sa mga armadong tauhang ito tuwing kailangan hanggang mapuksa sila at ang mga empresang kanilang pinoprotektahan.

Ang baseng masa sa kanayunan ng armadong rebolusyon ay dapat buuin alinsunod sa patakaran ng nagkakaisang prenteng antipyudal. Pangunahing sumasalig sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid ang Partido at uring manggagawa, kinakabig ang panggitnang magsasaka, ninunyutralisa ang mayayamang magsasaka at sinasamantala ang hidwaan ng mga panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang kapangyarihan ng malalaking despotikong panginoong maylupa. Ang nagkakaisang prenteng antipyudal ay nasa konteksto ng pambansang nagkakaisang prente.

Alinsunod sa patakaran ng pambansang nagkakaisang prente, ang Partido at uring manggagawa ay sumasalig pangunahin sa batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, isinasanib ang masang anakpawis sa petiburgesyang lunsod upang buuin ang batayang mga pwersa ng rebolusyon, kinakabig ang panggitnang burgesya sa pagbubuo ng alyansa ng mga patriyotikong pwersa at nagsasamantala sa hidwaan ng mga reaksyunaryo sa pagkakaroon ng pansamantala at di masasaligang mga alyado upang ihiwalay at durugin ang kapangyarihan ng magkakasunod na reaksyunaryong rehimen ng malalaking komprador at panginoong maylupa.

Dahil sa antinasyunal at anti-demokratikong mga patakaran at hakbangin nitong nagpapalala sa krisis ng naghaharing sistema, tiyak na lalo pang masisira at mahihiwalay ang rehimeng Aquino. Ang naghihikahos na mamamayan ay mag-aalsa laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Paiigtingin pa ng mga karibal ng naghaharing pangkating Aquino ang kanilang oposisyon. Maaaring gamitin ng sambayanang Pilipino at mga rebolusyonaryong pwersa ang malawak na nagkakaisang prente upang ibayong ihiwalay at patalsikin ang naghaharing pangkating Aquino.

Dapat nating panatilihin at paunlarin pa ang ating relasyon sa Moro Islamic Liberation Front at iba pang rebolusyonaryong pwersa ng mamamayang Moro. Dapat nating igalang ang karapatan ng mamamayang Moro sa sariling pagpapasya. Maaari at dapat tayong makipagkoordina sa kanila sa paglipol sa lakas ng kaaway. Dapat tayong magpunyagi sa pagpapahina sa mga pwersa ng kaaway sa pagpwersa sa kanilang makipaglaban sa dalawang magkalayong larangan sa hilaga at katimugan.

Dapat tayong maging alerto sa papalaking panghihimasok-militar ng US. Ang mga interbensyunistang US ay nakatuon sa inter-operability (o pagsasanib ng operasyon) sa mga papet na tropa nito sa mga operasyong saywar, paniktik at kombat. Ginagamit nila ang kung anu-anong huwad na misyong makatao tulad ng aksyong sibiko, gawaing relief, pagtugon sa sakuna, pagtatayo ng mga kalsada at mga tulong medikal bilang pantabing sa saywar at mga operasyon sa pagtitipon ng datos-paniktik. Gumagamit din sila ng mga instrumentong elektroniko, drones at iba pang high-tech na instrumento at kagamitan na koordinado sa kanilang mga papet na tropang Pilipino. Dapat nating igiit at ipagtanggol ang soberanya ng sambayanang Pilipino at ang teirtoryal na integridad ng Pilipinas.

Dapat nating paghusayan ang pagganyak ng suporta para sa digmang bayan mula sa mga kababayan natin sa ibang bansa laluna ang mga migranteng manggagawang napwersang iwan ang kanilang mga pamilya at maghanap ng trabaho sa ibang bansa dahil sa kahirapan at pagkaatrasado ng ating bansa. Sila'y galit na galit sa patakaran ng reaksyunaryong gubyerno ng pangungulimbat, pagpapabaya sa kanilang kagalingan at pangangailangan, pagbalewala sa idinudulog nilang tulong at pagwawaldas ng kanilang kinikita sa ibang bansa.

Dapat din tayong magpunyagi sa internasyunal na pakikipagkaisa at pagkalap ng suporta para sa sambayanang Pilipino at rebolusyong Pilipino mula sa mamamayan at iba't ibang pwersa sa ibang bansa. Dapat nating ikalugod at suportahan ang muling pagbulwak ng mga kilusang anti-imperyalista ng mga mamamayan at ng internasyunal na kilusan ng mga partido komunista at manggagawa.