Pambansang protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis


Ang Bayan
March 21, 2012

Download PDF here

Matagumpay ang pambansang protestang isinagawa ng mga progresibong organisasyon noong Marso 15 para labanan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at igiit sa rehimeng Aquino na tugunan ang isyung ito. Pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Koalisyon ng Progresibong mga Manggagawa at Mamamayan (KPMM), Kilusang Mayo Uno (KMU), Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at iba pang grupo ang iba't ibang porma ng protesta sa iba't ibang panig ng bansa.

Isinagawa ang mga kilos-protesta sa harap ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Mahigit P5 kada litro na ang itinaas ng mga produktong petrolyo mula simula ng taon. Umaabot na sa P50 ang kada litro ng diesel at halos P1,000 ang presyo ng 11-kg na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).

Iginiit ng mga nagprotesta ang pagbawas ng hanggang P9 kada litro ng mga produktong langis. Iginiit din nila ang pag-aalis ng ipinapataw na 12% Value Added Tax (VAT) na katumbas ng P6 sa kada litro sa diesel at P7 sa kada litro ng gasolina. Ipinanawagan din nila ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law, ang batas na nagbibigay laya sa mga kumpanya ng langis na itakda ang presyo ng langis. Kaagad na tumanggi ang rehimeng Aquino na dinggin ang sigaw ng mga nagprotesta. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.)

Sa Metro Manila, maaga pa lamang ay nagtipon na ang mga progresibong grupo sa iba't ibang lugar. Bandang alas-9 ng umaga ay nagsagawa ng transport caravan ang PISTON at kanilang mga alyadong grupo mula Elliptical Road sa Quezon City hanggang sa tanggapan ng Petron, Shell at Chevron sa Makati City. Naglunsad rin ng noise barrage sa 30 sentro ng protesta kabilang ang sa Cubao, Philcoa, Batasan Hills, Roosevelt at North Avenue sa Quezon City; España, Delpan, Sta. Mesa at Mendiola sa Maynila; at Monumento sa Caloocan.

Inilunsad ng mga kabataang nagprotesta ang tinagurian nilang "Noynoying", o ang pag-aas1tang nakatunganga at walang ginagawa, simbolo ng pagpapakainutil ni Noynoy Aquino sa harap ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng mga produktong langis.

Nagsagawa rin ng kilos-protesta at mga karaban sa iba pang mga lugar sa bansa. May mga isinagawang pagkilos sa mga syudad ng Baguio at Dagupan. Sa Laguna at Cavite, isang transport caravan ang pinangasiwaan ng STARTER-PISTON kung saan lumahok ang 100 sasakyan na umikot sa ilang bahagi ng dalawang lalawigan. Nagtayo rin ng protest center ang mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños sa mga bayan ng Sta. Cruz at Victoria. Nagkaraban naman mula Baclaran sa Pasay hanggang sa Imus sa Cavite ang 100 drayber bilang pakikiisa sa pambansang protesta.

Sa Bicol, pinangunahan ng Concerned Drivers and Operators for Reform (CONDOR-PISTON) noong Marso 11 ang isang protestang tigil-pasada na nagparalisa sa 91% ng byahe sa lalawigan ng Albay at Sorsogon at 80% sa Masbate. Nag-planking o dumapa ang mga nagrali sa Naga City.

Nagkaraban naman ang 30 dyip at taxi mula Mandurriao District hanggang Bonifacio Drive sa Iloilo City habang isang rali sa Kalibo, Aklan ang pinamunuan ng BAYAN sa bahagi ng Banga Crossing. Sa Bacolod City, nagmartsa mula sa Sacred Heart Shrine hanggang sa Fountain of Justice sa dating city hall ng Bacolod ang daan-daang kasapi ng United Negros Drivers and Operators Center (UNDOC) at BAYAN-Negros.

Sa Cebu, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kasapi ng BAYAN-Central Visayas at iba pang grupo sa upisina ng Department of Energy-Region 7 sa Cebu City. Anila, nagtataasan na ang presyo ng mga bilihin dahil sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng langis. Kapag tinanggal ang VAT sa presyo ng langis ay pansamantalang giginhawa ang kalagayan ng mga drayber at taumbayan.

Sa Cagayan de Oro, lumahok sa dalawang oras na transport caravan ang 20 asosasyon ng mga drayber.

Sa Davao City, sumugod at pinagbabato ng pintura ng TRANSMISSION-PISTON at iba pang grupo ang oil depot ng Petron at Chevron sa syudad. Binato rin nila ng pintura ang imahe ni Aquino at sinabing inutil ang gubyerno na sawatain ang pagtaas ng presyo ng langis. Nagkaroon din ng mga kilos-protesta sa mga syudad sa Surigao, Butuan at Gen. Santos.

Download PDF here