Pamiminsala ng mga dayuhang minahan sa Palawan

Ang Bayan
Marso 7, 2012

Download PDF here

Hungkag ang ipinangangalandakan ng gubyernong Aquino na pinangangalagaan nito ang Palawan at ang mayamang kalikasan at natatanging mga hayop at tanim na matatagpuan doon. Ang totoo, halos buong isla ng Palawan ay ipinaubaya na nito sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina.

Hitik sa yamang mineral ang Palawan. Tinatayang may mahigit P300 bilyong nickel ang matatagpuan sa Palawan. Kaya naman mula nang pagtibayin ang Mining Act of 1995, nagkandarapa na sa pag-uunahan ang mapandambong na mga dayuhang kumpanya na makapasok at saklutin ang buong Palawan.

Sa ngayon, sinasabing may aplikasyon para sa pagmimina sa bawat metro-kwadrado ng lupa, ilog, at dagat ng Palawan. Sa katimugang bahagi pa lamang ng isla, 16 na permit na ang ibinigay sa iba’t ibang kumpanya ng pagmimina sa kanlurang bahagi ng dagat ng Palawan, sa tinaguriang “Recto Bank”, isang maliit na islang kadikit ng isla ng Palawan. Matatagpuan dito ang 3 trilyong kubikong piye ng natural gas na mas malaki pa sa namimina mula sa Malampaya, isang mina ng langis at natural gas sa hilagang bahagi ng Palawan. Maging ang bantog na Puerto Princesa Subterranean River National Park o Palawan Underground River ay nais makuha ng mga mandarambong.

Kabilang sa mga dayuhang kumpanya na nagmimina sa Palawan ang MBMI Resources Incorporated na nakabase sa Vancouver, Canada. Nagmimina ito ng nickel, isang mineral na sangkap ng maraming gamit pang-industriya at pangkonsumo gaya ng kagamitang stainless steel at rechargeable batteries. Sa Pilipinas, mayroon itong siyam na minahan ng nickel na sumasaklaw sa 22,000 ektarya, kabilang ang 3,277 ektarya sa mga bayan ng Rizal, Bataraza, at Narra sa Palawan.

Sakop ang mga bayang ito ng kabundukan ng Mt. Bulanjao sa timog ng Palawan. Ito’y isang magubat na lugar na pinanggagalingan ng anim na malalaking ilog na nagsusuplay ng tubig sa buong populasyon. Dahil sa pagmimina, pinangangambahang mapipinsala at malalason ang mga ilog na ito, mga lupang ninuno at produktibong lupaing agrikultural.

Nagmimina rin sa Palawan ang Toledo Mining Corporation, na nakabase sa London at nagmamay-ari ng isang minahan ng nickel sa prubinsya. Isa pa ang Rio Tuba Nickel Mining Corporation, na planong magmina sa kabundukan ng Bulanjao Range. Pinatatakbo rin ito ng MBMI Resources Incorporated.

Noong 2011, kumita ng P3 bilyon ang ilang kumpanya sa pagmimina ng nickel sa Palawan. Kabilang sa inaprubahan nang mga aplikasyon sa pagmimina ng nickel ay yaong sa Narra Nickel Mining and Development, Inc. (NNMDI), Tesoro Mining and Development, Inc. (TMDI), at McArthur Mining, Inc. (MMI).

Nagmimina rin sa Palawan ang kumpanyang MacroAsia, na pagmamay-ari ng bilyunaryong si Lucio Tan, isang malaking kumprador burgis sa Pilipinas. Plano nitong magmina sa 1,114 ektaryang lupang ninuno ng mga Tagbanua sa kabundukan ng Mt. Gantong at Mantalingahan Range.

Mamamayan ng Palawan, tutol sa pagmimina. Matagumpay na inilunsad ng mamamayan ng Palawan ang isang demonstrasyon noong Enero 24 laban sa pagmimina sa isla. Mahigit 1,000 ang nakadalo sa rali na idinaos sa Puerto Princesa City sa kabila ng matinding panggigipit ng militar. Itinaon ang rali sa unang anibersaryo ng pagpaslang kay Dr. Gerry Ortega, isang mamamahayag at aktibistang kontramina, na hanggang ngayo’y hindi pa nabibigyan ng katarungan.

Ito ang unang pinakamalaking rali na inilunsad sa buong prubinsya mula noong taong 2005-2006. Pinangunahan ito ng Alyansang MKM (Mamamayan Kontra Mina). Mula sa iba’t ibang bahagi ng isla, sumakay ng mga bus at bangka ang mga dumalo sa rali. Niluto at inihanda ng mga boluntir ang mga inambag na pagkain tulad ng bigas at isda.

Hindi napigilan ng apat na suson ng mga tsekpoynt ng militar ang pagdalo ng mga ralyista. Pinahinto ang mga sasakyan nila sa dahilang may nakatakas umano sa bilangguan. Pinababa sa bus ang mga pasahero at kinapkapan at tinakot ng militar. Kaya hapon na nang makarating ang ibang delegasyon at nabawasan ang oras na nailaan sa programa.

Gayunman, matagumpay na naidaos ang rali kung saan sama-samang binatikos ng mga demonstrador ang pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina sa Palawan at isinigaw nila ang katarungan para kay Ortega.

Download PDF here