Parangal kay kasamang Zeny “Ka Lily” Cadiang at Kasamang Erwin “Ka Gab” Manalo

“Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Sierra Madre, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo.”

Ang Kabataang Makabayan ng Gitnang Luzon ay nagpupugay sa sakripisyo at kadakilaang naiambag nina Ka Lily at Ka Gab para sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa mga naghaharing-uri’t nagsasamantala. Inialay nila ang kanilang buhay para sa ating adhikaing makamit ang pambansang demokrasya tungong sosyalistang lipunan. Ang pagkamatay nila ay magiging dagdag na inspirasyon para sa mga rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante at sambayanan upang isulong pa ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!

Para kay Ka Lily...

“Tayo ay naninindigan sa rebolusyon dahil ito ang tanging paraan upang baguhin natin ang kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan...Totoong mahirap ito...pero handa natin itong gawin...sa ngalan ng rebolusyon at sambayanan!”

Ito ang katagang malimit banggitin ni Kasamang Lily Cadiang o Ka Ye sa tuwing siya ay nakikipagtalakayan sa hanay ng masa at mga kasama, mga katagang nagbibigay inspirasyon sa lahat. Ang kataga ring ito ang tila nagsusuma sa katangian ni Ka Lily—isang kasamang palangiti, magiliw, masayahin, maalab makisalamuha, mabuting kaibigan, mabait na anak, mapagmahal na asawa’t ina, mahusay sumulat ng tula, at tigib ng ahitasyon sa paggampan sa bawat tungkulin sa rebolusyon.

Sa maagang yugto ng kanyang kabataan madaling naunawaan ni Ka Lily ang kalagayan ng lipunang kanyang ginagalawan dala na rin ng impluwensya at pagpapaliwanag ng kanyang ama na noon ay isa ring lider at aktibong nakikibaka para sa pambansang demokrasya. Pinalaki si Ka Lily ng kanyang mga magulang bilang responsable at may malasakit sa kapwa.

Nag-aral si Ka Lily sa Central Luzon State University at kumuha ng kursong BS Biology. Kilala siya ng kanyang mga kaklase bilang masipag at matalinong estudyante. Sa unibersidad ay naging aktibo siya sa pagkilos bilang lider-organisador ng Anakbayan, isang komprehensibong organisasyon ng mga kabataan na nagsusulong ng pambansang demokrasya. Malaki ang naging papel niya upang maipamulat sa mga estudyante na tutulan ang pagtaas ng matrikula at labanan ang mga mapaniil na palisiya ng unibersidad.

Batid ni Ka Lily na ang kabulukan ng sistema ng edukasyon ay bunga ng mas malaking suliranin ng lipunan kaya naman wala siyang inaksayang oras upang organisahin ang mga estudyante sa loob ng unibersidad at makipamuhay sa mga magsasaka at maralitang lungsod. Dito ay tumutulong siyang magbigay ng mga pag-aaral at paglilinaw sa kalagayan ng lipunan at sa kahalagahan ng pakikibaka at rebolusyon. Higit pang naging masigasig si Ka Lily at nang maglaon ay ibinuhos ang kanyang lakas at panahon sa pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan.

Taong 2002 nang mahalal siya bilang Pangkahalatang Kalihim ng Anakbayan-Gitnang Luzon at bilang isang hayag na lider-kabataan, makikita ang kanyang determinasyon upang pamunuan ang mga rehiyunal na pakikibaka ng mga kabataan at estudyante. Alam ni Ka Lily na bagamat masikhay ang kilusang masa sa kalunsuran hindi ito sasapat upang tuluyang baguhin at durugin ang naghaharing sistema. Malinaw sa kanya na ang tunay na pagbabago ng lipunan ay makakamit lamang sa pagtatayo ng sarili natin gobyernong bayan sa kanayunan.

Hindi nasapatan ng mga kilos protesta sa lansangan ang nag-aalab na damdamin ni Ka Lily na pawiin ang pagsasamantala sa mamamayan. Noon din ay buong kapasiyahan siyang sumapi sa Kabataang Makabayan na tahasang sumusuporta sa armadong pakikibaka at nagsusulong sa Demokratikong Rebolusyong Bayan. Naunawaan niya ang kawastuhan ng pagtangan ng armas sa pagkamit ng masa sa inaasam nitong kalayaan. Hindi nagtagal, taong 2003 ay nagpasya na si Ka Lily na tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Para kay Ka Gab...

Si Ka Erwin o Ka Otoy, Ka Elmo at Ka Gab sa iba pa niyang kakilala ay pinaslang sa puso ng Sierra Madre ngunit inialay niya ang kaniyang buong buhay para sa isang simple ngunit dakilang layunin, ang pawiin ang pagsasamantala. Isinalarawan niya ang walang pag-iimbot na pag-aalay ng kaniyang sarili para sa sambayan.

Si Ka Erwin ay nag-aral bilang iskolar at nagtapos ng kursong Engineering sa Angeles University Foundation, isa sa pinakamamahaling unibersidad sa Pampanga. Bagamat marami sa mga mag-aaral ng AUF ay mayayamang hinuhubog na maging makasarili, siya ay tumahak nang naiibang landas. Dahil sa kaniyang likas na pagiging mapanuri, ginamit niya ang kaniyang talino hindi lamang upang makakuha ng matataas na marka sa paaralan kundi upang solusyunan ang mas malaki pang problema ng ating lipunan. Papatapos ang dekada ’90 nang sumali siya sa League of Filipino Students (LFS), isang progresibong organisasyon ng mga mag-aaral na isinusulong ang ating pambansang demokrasya laban sa Imperyalistang Estados Unidos. Naging aktibong kasapi at di naglaon ay naging pinuno siya ng LFS sa probinsya. Noong itayo ang Anakbayan taong 1998, pinamunuan din nila ang pagtatayo ng probinsyal na balangay nito sa Pampanga.

Pero nakita ni Ka Erwin na di sasapat ang legal na porma ng pakikibaka. Natanto niya na bagamat mahalaga ang pagpapasigla ng kilusang masa sa kalunsuran na siyang naglalantad sa taumbayan sa kabulukan ng lipunan ay hindi ito sasapat para mapawi ang pagsasamantala sa mamamayan. Kaya naman, sumapi si Ka Erwin sa Kabataang Makabayan. Naunawaan niya ang kawastuhan sa pag-gamit ng dahas para makamit ng mamamayan ang minimithi nitong kalayaan. Higit pang naging masigasig si Ka Erwin at hindi lumaon ay buong panahong kumilos ito sa pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan.

Taong 2001, naging malaki ang ambag ni Ka Erwin sa masiglang kampanyang pagpapatalsik kay ERAP na sugapang dinarambong ang pera ng sambayanan para sa kaniyang sariling interes. Ang mga kabataan ng Pampanga at buong Gitnang Luzon ay signipikanteng nakapag-ambag ng pwersa at lumahok sa pagkilos sa EDSA para maging matagumpay ang pagpapatalsik kay Erap. Ngunit hindi natatapos ang pagpapahirap sa mamamayan sa pagpapalit lamang ng mukha ng pangulo at alam ito ni Ka Erwin. Kaya naman, ilang araw matapos ang pagpapatalsik kay ERAP nagpasiya siyang handa na siyang mag-ambag naman sa pinakamataas na porma ng pakikibaka – ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Taong 2001, si Ka Erwin ay nagpasiyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

Ang Kanilang Buhay-Hukbo...

Walang kapaguran na nag-alay ng talino at lakas sa pag-oorganisa ng mga magsasaka sa kanayunan si Ka Lily. Isinulong niya kasama ang mga kapwa Hukbo ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka at armadong pakikibaka sa mga ganid na panginoong maylupa at pasistang militar gayundin ang pagbubuo mismo ng gobyerno ng mamamayan. Sa loob ng yunit ng BHB niya ipinagpatuloy ang pag-aaral ng agham at natutong manggamot. Ang kaniyang talino ay inialay niya sa pagpapagaling sa mga kasamang may sakit at masang walang kakayanang magbayad sa mga pribadong doktor. Siya ay naging mahusay na medik ng BHB, isang dakilang doktor ng sambayanan.

Katulad ng kay Ka Lily, naging masigasig na kasapi ng BHB si ka Gab ng higit sa isang dekada. Matapang at matagumpay na hinarap ni Ka Gab, kasama ang buong BHB ng Gitnang Luzon ang hagupit ng Oplan Bantay Laya I at II. Ubos-kaya nilang isinulong ang agraryong rebolusyon at pinaigting ang mga taktikal na opensiba sa rehiyon. Bagamat puno ng pangungulila sa mga mahal sa buhay, sila ang nagsilbing inspirasyon niya upang ipagwagi ang ating rebolusyon. Batid niyang ang kanyang layuning na nakadugtong sa rebolusyonaryong kilusan ay siya ring layunin hindi lamang ng kanyang sariling pamilya kundi ng bawat pamilyang Pilipino—pagkain sa bawat hapag, tahanan sa bawat mag-anak, maayos na kabuhayan sa bawat magulang, at edukasyon sa bawat anak.

Si Ka Lily at Ka Erwin ay Mananatiling buhay sa bawat Kabataang Makabayan at Sambayanang Lumalaban!

Noong ika-8 ng Marso, ganap na ika-siyam ng gabi sa Brgy. Digmala, Bongabon, Nueva Ecija, marahas na pinaslang ng mga berdugong militar ang apat na rebolusyonaryo. Kabilang dito ang nagdadalang-taong si Ka Lily, si Ka Erwin, Ka Sara at isa pang mula sa hanay ng makabayang kawani ng gobyerno na nakikipamuhay sa BHB.

Silang apat ay nabuwal sa pakikibaka ngunit habambuhay silang mananatili sa puso at diwa ng masang kanilang pinaglingkuran. Silang mga Kabataang Makabayan na nag-alay ng kasiglahan at kahusayan para sa interes ng nakararami ang aming tanglaw sa higit pang pagpupunyagi upang ipagpatuloy ang kanilang sinimulang pakikibaka para sa isang lipunang tunay na malaya sa pagsasamantala. Sina Ka Lily at Ka Erwin, at ang mga magigiting na rebolusyonaryong nag-alay ng buhay para sa masa, ang tunay na bayani ng ating panahon. Nananawagan ang Kabataang Makabayan Gitnang Luzon sa milyun-milyong kabataan at mamamayan na bumuhos sa kanayunan upang tanganan ang armas na kanilang nabitawan at isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang sa tagumpay!

Mabuhay sina Kasamang Zeny “Lily” Cadiang at Kasamang Erwin “Gab” Manalo!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang Tagumpay!