Ulat mula sa NDFP-Bicol Information Office

Information Office
NDFP-Bicol
Marso 22, 2012


Marso 19, 2012

Dalawang sundalo ang patay at sugatan ang iba pa nilang kasamahang sundalo na kasapi ng Alpha Company ng 9th Infantry Battalion at 93rd Division Reconnaissance Company (DRC) nang sila-sila ang mag-engkwentro sa Sityo Balunos, Bgy. Rizal, Dimasalang, Masbate nitong Marso 19 bandang alas-10 ng umaga.

Bago ang pangyayari, isang tim ng BHB ang nag-aabang sa mga nag-ooperasyong sundalo upang pasabugan ito ng command-detonated na landmine nang makita sila ng impormer ng militar na nakalapit sa kanila. Agad na umalis ang tim ng BHB upang lumipat ng pwesto. Halos magkakasabay na inatake ng tatlong kolum ng nag-ooperasyong sundalo ang mataas na lugar sa pag- aakalang naroon pa ang mga pulang mandirigma. Umabot ng 30 minuto ang putukan sa pagitan ng mga pasistang sundalo bago nila nalaman na sila-sila na ang naglalabanan.

Upang mailihim sa mga taumbaryo ang kanilang kapalpakan naghintay munang dumilim ang mga sundalo bago kinuha ang kanilang mga patay at sugatan.

Marso 10 hanggang 14, 2012

Binigo ng mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ang operasyong militar ng tatlong platun ng 93rd Division Reconnaissance Company (DRC) ng 9th Infantry Division na naglulunsad ng Oplan Bayanihan sa bayan ng Mobo, Masbate.

Pinaputukan ng baril ng mga pulang mandirigma ang isang platun ng 93rd DRC sa Bgy. Sta. Maria bandang alas-11 ng gabi noong Marso 10 at bandang alas-4 ng madaling araw noong Marso 12. Hindi natuloy ang anti-komunistang pulong na ipinatawag ng mga sundalo sa Bgy. Holhogon, Mobo noong Marso 13 nang paputukan ng mga pulang mandirigma ang mga sundalo. Napilitang umalis ang mga sundalo at umuwi sa kanilang kampo noong Marso 14.

Nililinlang ng mga sundalo ang mamamayan sa mga anti-komunistang pulong sa pamamagitan ng mga kontra-rebolusyonaryong propaganda, paglalako ng proyektong PAMANA, at pagrirekrut ng mga kasapi ng CAFGU.

Marso 9, 2012

Hinaras ng isang tim ng Santos Binamera Command ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng SCAA na nakabase sa Puro, Legazpi City, bandang alas-8:30 ng gabi. Tarantang nagsitakbuhan ang mga CAFGU at inabandona ang detatsment nito.

Kasabay din nito, hinaras ng isa pang tim ng mga pulang mandirigma ng Santos Binamera Command ang Community Police Assistance Center o CPAC 4 sa parte ng Taysan, Legazpi City dakong alas-8:30 ng gabi noong Marso 9, 2012. Isang sibilyan ang nadaplisan, nagtamo ito tama ng bala sa braso.

Marso 5, 2012

Hinaras ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Celso Minguez Command sa Sorsogon ang isang platun ng 31st IBPA na nagsasagawa na kontra- rebolusyonaryong Oplan Bayanihan sa mga barangay ng Lapinig at Biton sa bayan ng Magallanes. Dakong alas-4 ng hapon nang magpaputok ang mga pulang mandirigma at tarantang nagtakbuhan ang 9 na sundalong naglalaro ng basketbol sa Bgy. Lapinig at ang mga sundalong nakapusisyon sa mataas na bahagi ng burol. Kinaumagahan ay umuwi agad sa kanilang kampo ang mga sundalo.

Marso 4, 2012

Hinaras ng isang tim ng Santos Binamera Command ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng 22nd Infantry Battalion na nakabase sa San Francisco, Legazpi City. Noong Marso 4, 2012 bandang alas-8:30 ng gabi.

Kasabay nito hinaras din ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Celso Minguez Command ng Sorsogon ang detatsment ng 22nd Infantry Battalion sa Mayon, Castilla. Noong Marso 4, 2012 dakong alas-8 ng gabi.

Pebrero 28, 2012

Pinasabugan ng command-detonated na landmine ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate ang isang trak na puno ng sundalo ng 9th Infantry Battalion sa Bgy. Cabangrayan, Pio V. Corpuz, Masbate noong Pebrero 28, dakong alas-4 ng hapon.

Galing sa kanilang kampo sa Bgy. Armenia, Uson ang mga sundalo at patungo sa bayan ng Pio V. Corpuz upang magsagawa ng operasyong militar nang mahagip ng pagsabog ng command-detonated landmine. Limang sundalo ang namatay at marami ang sugatan.

Pebrero 25, 2012

Hinaras ng isang tim ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng 22nd Infantry Battalion sa Banuang Gurang. Noong Pebrero 25, 2012 bandang alas-8 ng gabi.

Pebrero 25, 2012

Walang awang minasaker ng berdugong tropa ng 49th Infantry Battalion ang isang pamilya sa Sityo Mapatong, Bgy. Malaya, Labo, Camarines Norte noong tanghali ng Pebrero 25. Walang pakundangang pinaulan ng bala ang bahay ng pamilyang Mancera kahit maraming sibilyan sa loob na karamihan ay mga bata. Nakisilong at nakipahinga sa bahay ang dalawang pulang mandirigma.

Agad na namatay sa pamamaril ang magkakapatid na sina Michael, 10 taong gulang, at Richard, 7 taong gulang kasabay ang kanilang tatay na si Benjamin. Sugatan ang isa pang anak na babae ni Benjamin na 14 taong gulang. Namatay din ang isang pulang mandirigma na kinilalang si Rafael "Ka Gupi" Llantino.

Sa pahayag sa media ng kumander ng 9th Infantry Division na si Maj. Gen. Josue Gaverza pinapurihan nito ang kanyang mga tauhan at pinalitaw na isang engkwentro ang nangyari. Pinagtakpan din ni Lt. Col. Macalisang, CO ng 49th IBPA ang karumaldumal na krimen ng kanyang mga tauhan at inakusahang kasapi ng NPA si Benjamin Mancera at ginamit umanong "human shield" ng mga NPA ang mga sibilyan. Taliwas ito sa resulta ng isinagawang imbestigasyon ng iba't ibang grupong nagtataguyod ng karapatang pantao, mga kagawad ng media, lokal na upisyal ng gubyerno, at maging ng SOCO ng PNP-Labo.

Mariing pagkundena ang ipinaabot ng NDFP-Bicol at ng Armando Catapia Command ng BHB-Camarines Norte sa naturang masaker. Umani rin ng pagkundena ng mamamayan at mariing binatikos ng mass media ang krimen ng 49th IBPA at 9th IDPA.

Pebrero 23, 2012

Hinaras ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Celso Minguez Command ng Sorsogon ang mga tropa ng 31st Infantry Battalion sa Bgy. San Juan Daan, Bulan, Sorsogon. Nagpapahinga at nagsasaing ang mga sundalo dakong alas-10 ng umaga nang paputukan ng mga pulang mandirigma. Marami ang nasugatan sa mga sundalo ngunit itinago sa media ng mga upisyal ng 31st IBPA. Pinalitaw ng mga upisyal ng 31st IBPA na walang nangyaring labanan sa lugar na iyon.

Inirireklamo ng mamamayan ang mga sundalo dahil sa perwisyo sa kanilang hanapbuhay. Pinauuwi ng mga sundalo ang mga sibilyan na kanilang nasusumpungang nagtatanim sa bukid at nangunguha ng panggatong. Magda-dalawang linggo nang nagsasagawa ng operasyong militar ang isang kumpanya ng 31st IBPA sa hangganan ng mga bayan ng Bulan at Irosin bilang bahagi ng kontra- rebolusyonaryong Oplan Bayanihan sa mga barangay ng Bulawan, Gabao, at Tongdol sa bayan ng Irosin.

Pebrero 10, 2012

Binigo ng isang platun ng mga pulang mandirigma ng Celso Minguez Command ng BHB-Sorsogon ang patraydor na pag-atake ng isang platun ng 31st Infantry Battalion sa Bgy. Upper Calomayon, Juban, Sorsogon noong Pebrero 10, dakong alas-4 ng hapon.

Mabilis na nakuha ng mga pulang mandirigma ang mataas na pusisyon at mahusay na nakipaglaban sa mga umatakeng sundalo. Napilitang umatras ang mga sundalo at ligtas na nakamaniobra palayo ang mga pulang mandirigma. Lima ang kumpirmadong namatay sa militar at isa ang malubhang sugatan. Malalim na ang gabi nang palihim na isinakay sa trak sa Bgy. Calpi, Bulan ang apat na patay na sundalo habang inilabas naman sa Bgy. Catanusan, Juban ang isa pang patay at sugatan na sundalo.

Nagpanggap na mga kasapi ng BHB ang 23 na sundalo na nakadamit sibilyan ngunit hindi ito pinaniwalaan ng mamamayan. Kagyat na nagpaabot ang mga taumbaryo kung kayat mabilis na nakapaghanda ang mga pulang mandirigma.

Buong kayabangang iniulat ni Col. Torribio sa media ang kasingungalingang anim na kasapi diumano ng BHB ang napatay sa labanan at walang kaswalti sa panig ng militar. Isang pulang mandirigma lamang ang di-malubhang nasugatan sa labanan.

Pebrero 9, 2012

Dalawang sundalo ng 49th Infantry Battalion ang malubhang nasugatan habang isa pa ang di-gaanong malubha nang paputukan ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Armando Catapia Command ng BHB-Camarines Norte sa Bgy. Daguit, bayan ng Labo. Dakong ala-una ng madaling araw ng lapitan ng mga pulang mandirigma ang mga sundalong ginawang baraks ang bahay-nayon ng mga sibilyan at nang matiyak na walang sibilyan sa lugar ay pinaputukan ito ng mga pulang mandirigma.

Kahit ipinagbabawal ng internasyunal na batas ng digma at ng CARHRIHL lansakang ginagamit na baraks ng mga sundalo ang mga pampublikong pasilidad ng mga sibilyan sa kanilang inilulunsad na civil-military operations sa mga barangay ng Daguit, Macogon, Maot, Maligaya, Calabasa, Malangkaw-Basud, Canapawan at Cabatuhan sa bayan ng
Labo.

Enero 28, 2012

Pinasabugan ng command-detonated na landmine ng mga pulang mandirigma ang hedkwarter ng Charlie Company ng 9th Infantry Battalion sa Bgy. Pawican, Cataingan, Masbate noong Enero 28, 2012 dakong alas-3 ng madaling araw,

Lihim na nakalapit sa kampo ang mga pulang mandirigma at pinasabog ang dala-dalang command-detonated na landmine. Tatlong sundalo na nagbabantay ng kampo ang namatay. Ligtas na nakamaniobra palayo ang mga pulang mandirigma.

Enero 26, 2012

Hinaras ng mga pulang mandirigma ang detatsment ng Regional Public Safety Battalion ng PNP (dating RMG) at CAFGU sa Bgy. Poblacion, Batuan, Masbate noong Enero 26, 2012 ng gabi. Maghahatinggabi na nang palihim na gapangin ng mga pulang mandirigma ang detatsment at pinasabugan ito ng command-detonated na landmine. Ligtas na nakamaniobra palayo ang mga pulang mandirigma.

Enero 25, 2012

Pinarusahan ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate ang isang masugid na impormer ng militar sa Bgy. Bagacay, San Jacinto, Masbate noong Enero 25, 2012. Si Armando Malana ay aktibo sa paniniktik sa aktibidad ng mamamayan sa baryo at sa pagsubaybay sa kilos ng BHB sa lugar. Isa rin itong pusakal na tulisan na kinamumuhian ng mga taumbaryo.

Enero 16-19, 2012

Nagsagawa ng sunud-sunod na operasyong isnayp at haras ang mga pulang mandirigma sa bayan ng Guinobatan, Albay laban sa pasistang tropa ng 2nd Infantry Battalion na naglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong Oplan Bayanihan.

Inisnayp ng mga pulang mandirigma dakong alas-2 ng hapon noong Enero 16 ang mga tropa ng 2nd IB sa Bgy. Balite, Guinobatan at sinundan ng pagharas sa mga tropa ng 2nd IB sa Sityo Danao, Bgy. Ongo dakong alas-3 ng hapon. Muling hinaras ng BHB ang mga tropa ng 2nd IB sa Bgy. Balite, Guinobatan noong Enero 19 ng hapon.

Matagal nang pinalalayas ng mamamayan ang 2nd IBPA sa bayan ng Guinobatan dahil sa napakalupit na rekord ng paglabag sa mga karapatang pantao sa paglulunsad nito ng Oplan Bayanihan sa lugar.