Ang Pasyon ng Pilipino sa Ilalim ng Imperyalistang US

Francisco de Jesus (Ka Kiko)
Kabataang Makabayan - Manila Chapter
April 04, 2012

Ngayong Linggo ay ginugunita ng sangka-Kristyanuhan ang Semana Santa o ang Linggo ng pag-alala sa mga pasakit na dinanas ni Kristo sa kamay ng naghaharing-uri noong panahon niya sa Israel.

Si Kristo mismo, na ayon sa mga banal na kasulatan ay isang karpintero ay kasama natin bilang uring anakpawis na uring pinagsasamantalahan. Kung tutuusin, si Kristo mismo ay kasama natin sa pakikibaka, sapagkat siya mismo, sa kaniyang pagpapangaral ay makikita ang kaniyang pagtuligsa sa mga namamantala at mapag-mataas na uri noong mga panahong iyon: ang iilang mga pinuno ng relihiyon ng mga Hudyo at ang dating imperyalistang imperyo ng mga Romano.

Dahil sa mga pangangaral ni Kristo, pinag-bintangan siya na ‘rebelde’ at ‘rebolusyonaryo’ na kaya raw magpakilos at magpa-aklas laban sa mga Romano at sa mga pinuno ng relihiyon. At ito rin ang nagdulot ng kaniyang pagpapakasakit at kamatayan sa Krus: ang pasyon ng pagpapakasakit na may malaking paralelismo sa mga kasalukuyang pasakit na dinaranas natin mula sa isa sa mga ugat ng matinding kahirapan: ang Imperyalistang US.

Gaya ng mga Romano sa mga Israelito noon, nagdudulot ng matinding pasakit ang imperyalistang US sa ating mga Pilipino. Dahil sa mga pinaggagawa ng mga imperyalista, nagiging mas kumplikado ang landas na ating tinatahak patungo sa matagal na nating hinahangad na Pambansang Demokrasya. Ang landas nating tinatahak upang makamit ang minimithing kalayaan para sa malawak na masa ay kalbaryo na mas pinabibigat at mas pinapasakit pa masyado ng imperyalismo.

Ang patuloy na paghuthot ng mga imperyalista ng ating mga hilaw na materyales ay mas nagpapalayo sa atin sa pambansang industrialisasyon na ating ninanais na makatulong sa pagpapaunlad ng ating ekonomya. Ang kanilang panghihimasok sa produksyon ay labis-labis na nakakapag-dulot sa matindi at dagdag na pahirap para sa masa, isang bagay na hindi makatarungan: ang pagmamahal ng mga produkto na binuo at piniraso ng mga hilaw na materyales, tulad na lamang ng kotse, damit, pabango, at iba pa. Hindi ito makatarungan sapagkat ang kayamanan ng Pilipinas ang puhunan kung bakit nabuo ang mga produktong katulad ng aking nabanggit. At kung bakit mas lumulubog tayo sa utang ay dahil rin sa US na kung saan hindi tayo napapa-unlad sa larangan ng industriya at malawakang agrikultura.

Ang pakikialam rin ng imperyalismo sa huwad nating gobyerno na nagpapatakbo rin sa huwad nating populistang demokrasya ay labis rin ang epekto sa masa. Sa mga pautang nilang pang-uuto sa gobyerno natin ay bumabaka ng sangkaterbang utang sa ating pamahalaan, dahilan kung bakit halos binabarat na ng pamahalaan ang mamamayan ng (kahit iyong mga basic) na serbisyong panlipunan sa masa, katulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, at iba pa. Ito rin ang nagtutulak sa ating mga papet na pinuno na pumasok na lamang sa P-P-P (Private-Public Partnership) na kung saan, ang mga serbisyong nakalaan at dapat libre sa mamamayan ay gagawing pagkakakitaan ng mga pribadong kumpanya. Katulad na lamang ng ilang mga pampublikong ospital na kung saan pinagbabayad na ang mga pobreng pasyente ng ilang mga bayarin: dahilan kung bakit minsan hindi na naagagpan ang ilang maralitang pasyente na nagtatapos sa kamatayan. Isa pa, tinitipid na rin ng gobyerno ang kanilang serbisyo sa ilang mga migrante sa ibang bansa sa pagsasara ng ilang sentro ng pagtulong (mga embahada) sa mga manggagawang migrante.

Ibig sabihin pala nito, tinitipid na pala tayo ng gobyerno sa kanilang responsibilidad na serbisyong panlipunan? Ang pagtitipid nila sa pagtulong ay isang direktang paghahayag ng kanilang Noynoying’ o pagpapabaya sa bayan!

Isa pa sa mga dagdag pasakit ng mga imperyalista sa atin ay ang muling pagpapasok ng kanilang mga militar. Ang pagpapasok ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas ay isang paraan ng pagbabantay ng pamahalaang imperyalista sa Pilipinas: isang paraan para dahan-dahaning ibalik ang Pilipinas sa kolonyang mapang-api at anti-masa. Ang kanilang panghihimasok sa huwad na sandatahang lakas ay isang direkta at malaking pang-uuto mismo, na kung saan binibili nila ang mga kagamitang armas na nabubulok mula sa US. Sa katotohanan ay ang mga imperyalista lang ang nag-susulsol sa pamahalaang papet na lumalaban sa Tsina sa usapin ukol sa isyu sa Spratlys Islands. Kung hindi dahil sa interes mismo ng mga Kano sa langis na makukuha mula sa nasabing mga isla ang nagtutulak sa pag-gamit ng Pilipinas bilang prente laban sa mga Tsino. Parang mauulit na naman ang kasaysayan na kung saan pinasok tayo ng mga Kano sa giyera na wala tayong kamuwang muwang. Imperyalistang US rin ang sumisira sa ating marubdob na ugnayang internasyunal sa Tsina.

Tumatayo rin sila ng mga base dito sa Pilipinas at sa ibang bahagi ng Timog-silangang Asya: isang malaking balakid na humaharang sa pag-unlad at sa pag-sulong pambansang demokrasya na bubura sa labis nilang paghahari.

Ang imperyalistang US ay nagdadala rin ng mga pasakit sa ibang bansa, katulad na lamang sa North Korea at sa gitnang silangan (Middle East) na kung saan patuloy nilang sinisiraan sa pandaigdigang media dahil hindi nila napapasunod sa kanilang mga ayon ang mga tao sa nasabing bansa. Lalo na sa mga bansa sa Middle East na kung saan gumagawa sila ng paraan para pag-giyerahin ang mga tao doon, habang pa-simple silang humuhuthot ng langis para sa sariling konsumo at pagkakitaan ng malakihan mula sa mga bansang pinanghihimasukan nito, katulad na lamang ng ating minamahal na Pilipinas.

Makikita natin na hindi lamang Pilipinas ang pinahihirapan ng bulok at kapitalistang Imperyalistang US, kundi pati na rin ang malawak ng internasyunal na komunidad!

Ang kalbaryo na ipinapadama sa atin ng US ay mas bumibigat. Kailangan nating tibayan ang ating loob upang mapagtagumpayan sila: kagaya ng mas tumitibay at tumatatag na pambansa demokratikong rebolusyon na isinusulong ng mga rebolusyonaryong bayan, lalo na mula sa hanay ng kabataan at ng mga kasama sa kanayunan na sumusulong upang mapagtagumpayan ito.

Sa kasalukuyan, ang Kabataang Makabayan ay magpapahayag na ang aming sandata ay ang ating ideolohiya at progresibong pakikibaka; ang aming medalya ay ang aming dugo; at ang aming pinaka-dakilang tagumpay na maiiambag ay ang aming kamatayan. Katulad ng Panginoong Hesukristo, na ang kamatayan ay ang nagsilbing tagumpay niya!

May dakilang pantas na nagpahayag: “kailangan lumagas ang isang butil upang yumabong at tumubo at lumaki ang isang bagong pananim!” Isa itong dakilang aral sa ating mga kadre. Ang buhay ng mga rebolusyonaryo ang kaluluwang magmumulat sa marami: multong pupukaw sa mga natatakot at tulog pang mga makabayang diwa!

Ang pulang bituing na pinapula ng ating mga dugo ay ang siyang liwanag at tanglaw na magdadala sa atin sa dakilang tagumpay na pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba ng pagkapantay pantay sa lipunan!

Viva CPP-NPA-NDF-KM!!!