Huwad ang krisis sa kuryente sa Mindanao

ANG BAYAN
7 April 2012

Download PDF
Hindi totoong may krisis sa kuryente sa Mindanao. Ito ang pahayag ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front-Mindanao. Aniya, ang mga blackout o pagkawala ng kuryente nang apat hanggang walong oras kada araw ay engrandeng palabas lamang para lokohin ang mamamayan at pwersahin silang tanggapin ang pribatisasyon ng mga plantang pang-enerhiya at ang pagtatayo ng mga plantang karbon na lulutas daw sa krisis. Nagkukutsabahan ang rehimeng US-Aquino at ang lokal na mga komprador na pinamumunuan ni Henry Sy para palabasing tunay ang krisis sa kuryente.

Sapat ang kuryente na nalilikha ng kasalukuyang mga plantang pang-enerhiya sa isla para suplayan ang lahat ng mga rehiyon nito. Sadyang hindi ginagamit ang buong kapasidad ng mga plantang pang-enerhiya sa isla para makalikha ng artipisyal na kakulangan sa kuryente. Halimbawa, may kapasidad na magprodyus ng 180 megawatts (MW) ang plantang Agus 2 sa Lanao del Sur pero pinatatakbo ito para magprodyus ng hanggang 90 MW lamang. Gayundin ang ginagawa sa mga plantang Agus 5 hanggang 7 sa Iligan City na pinalilikha ng 200 MW lamang sa halip na kapasidad nitong magprodyus ng hanggang 309 MW. Ang mga plantang ito ay nagpoprodyus na ng 70% ng kabuuang pangangailangan ng isla. Dagdag pa rito ang malaking geothermal plant sa Mt. Apo na isa rin sa pinagkukunan ng elektrisidad ng hilagang bahagi ng isla.

Bukod rito, sadyang ipinagkakait sa mamamayan ang suplay ng kuryente dahil binibigyang-prayoridad ng mga naghaharing uri rito ang malalaking dayuhang kumpanya. Hinihigop ang suplay ng kuryente ng mga kumpanyang tulad ng mga nagmimina sa Tag-anito, SMI-Xstrata, Toronto Ventures Inc., Nestlé Phils., Phil. Sinter Corp.-Kawasaki Plant, plantasyon at pabrika ng Dole at Del Monte, Holcim Cement at iba pa. Dinadambong ng mga kumpanyang ito ang mayayamang rekurso ng Mindanao sa kapahamakan ng buhay at kabuhayan ng mga mamamayan dito.

Noong dekada 1990, ginamit ng rehimeng US-Ramos ang krisis sa enerhiya para bigyang-laya ang mga pribadong kumpanya na magtayo ng mga plantang tutugon sa kakulangan ng suplay ng kuryente. Sa Mindanao, sinamantala ng mga pamilyang Alcantara, Dominguez at Aboitiz ang sitwasyon para palawakin ang kanilang mga negosyo sa produksyon ng enerhiya noong nakaraang dalawang dekada. Ngayon naman ay ginagamit ni Henry Sy ang parehong pakana para unti-unting bilhin ang mga pribado at pampublikong planta ng enerhiya at isentro sa kanyang monopolisadong kontrol ang sektor ng enerhiya sa isla. Dahil deregularisado ang sektor ng enerhiya, maaari nang magtaas ng singil si Sy anumang oras niyang nanaisin matapos mapasakanya ang mga plantang pang-enerhiya sa isla.

Ang monopolisasyon ng sektor ng enerhiya sa isla ay lalo pang magpapahirap sa mamamayan ng Mindanao. Lalong tataas ang singil sa kuryente na dati nang abot-langit dahil sa ipinapatong na VAT dito at kasakiman sa tubo ng mga independent power producer.

Mas masahol pa, gagamitin ng rehimeng US-Aquino ang krisis na ito para itayo ang mga plantang karbon sa isla, dagdag sa mga gumagana na sa Sarangani at Misamis Oriental. Malaon nang idineklarang pinaglipasan ng panahon ang teknolohiyang ginagamit sa mga plantang pinatatakbo ng karbon at sa katunayan ay hindi na ginagamit ang mga ito sa US at Europe. Malaki rin ang idinudulot na pinsala ng mga ito sa kapaligiran at kalusugan ng mga nakapaligid sa mga plantang ito. Taliwas ito sa hiling ng mamamayan para sa abot-kaya at maka-kalikasan na pinagkukunan ng enerhiya.

Sa harap nito, nanawagan ang National Democratic Front-Mindanao sa mamamayan na ilantad at batikusin ang huwad na krisis sa kuryente na nagdudulot sa kanila ng matinding kahirapan. Dapat labanan ang pakanang ito kasabay ng paglaban sa malawakang dayuhang pagmimina, pagtotroso at mga komersyal na plantasyong nagdudulot ng pinsala sa kabuhayan at kapaligiran sa isla.