Kasamang Rechel at Rodel: Mga martir ng manggagawa at sambayanan

Fortunato Magtanggol
Southern Tagalog Chapter (RCTU)
April 26, 2012

Logo.rctuIpinanganak si Rechel Tanteo noong Agosto 24, 1979 sa Mabato, Catanduanes. Panganay siya sa dalawang magkapatid. Sa kahirapan ng buhay, lumuwas na siya ng Maynila upang makapaghanap ng trabaho nang makapagtapos ng hayskul noong 1995. Pansamantala siyang nag-aral ng computer secretarial sa AMA sa Diliman, Quezon City subalit hindi niya natapos ang kurso sa pangangailangang agad na makapaghanap ng ikabubuhay.




Sa tulong ng ilang kamag-anak, nakapasok siya bilang mananahi sa Berlei Hestia Philippines Incorporated sa Dasmariñas, Cavite noong Abril 1996. Kontraktwal na manggagawa siya dito hanggang magtapos ang kanyang kontrata noong Oktubre ng taon ding iyon.


Naging kontraktwal na manggagawa din siya sa Sensuous Lingerie sa Calamba, Laguna mula 2003 hanggang 2006 at sa Laws Textile Philippines Limited Incorporated sa Taguig noong 2006. Kontraktwal din siya bilang production sorter sa semiconductor company na Samhongsa Philippines Incorporated sa Calamba, Laguna mula 2007 hanggang sa iligal siyang tanggalin dito noong Hunyo 22, 2009.


Hindi niya minsan naranasan maging regular na manggagawa kung kaya batid niya ang kalam na sikmurang naghihintay tuwing magtatapos ang isang kontrata. Ang tila habambuhay na pagiging kontraktwal na sinuklian ng iligal na pagtatanggal sa kanya sa pagawaan ang naging mitsa ng pagkamulat niya at magpasyang kumawala sa tanikala ng pang-aalipin ng kapital.


Hindi rin niya naranasang maorganisa bilang kasapi ng isang unyon o tamasahin ang mga benepisyo ng naisarang collective bargaining agreement. Ngunit higit pa dito, unti-unti niyang naunawaang hindi nakapinid sa apat na sulok ng pabrika o mala-garisong export processing zone ang paghihirap o paglaya ng isang manggagawa. 


Hindi naging mahirap para sa kanya upang unawain ang mga bagay na ito. Kung kaya sinuong niyang gampanan ang mga gawaing tumatagos sa pagmumulat at pagkalinga ng manggagawa at mamamayang pilit iginugupo ng panlipunang kanser. Sa pagkakataong ito ay sumapi siya sa RCTU-ST at gumampan ng mga rebolusyunrayong Gawain ditto.


Gumampan ng gawaing pag-oorganisa si Kasamang Rechel sa mga manggagawa at maralitang komunidad. Bukas siyang matuto sa mga batayang prinsipyo, mga pamamaraan, at istilo ng paggawa. Dala na rin marahil ng kanyang mahabang karanasan bilang kontraktwal na manggagawa na kailangang aralin ang ispesipikong trabaho sa bawat pabrikang kanyang pinasukan, kung kaya ang pagiging bukas matuto ni Kasamang Rechel ay praktikal na katangiang itinanim at pinagyabong ng kanyang uri sa kanyang aktitud sa gawain.


Sa kasagsagan ng kampanya para sa eleksyong 2010, naging boluntaryong organisador-kampanyador siya ng progresibong PartyList sa mga maralitang komunidad ng Laguna. Dito lalong umusbong ang kanyang mga magagandang aktitud kung paano makisalamuha sa masang maralita. Sa mga eryang kanyang nakilusan, minahal siya ng mga masang kanyang nakilala at naorganisa, kilala siya sa una na tahimik lamang, palangiti pero kapag nagpaliwanag na ay madaling makuha ang atensyon ng masang kanyang kasalamuha. Kinagigiliwan siya ng mga kasama at masang kanyang kasalamuha.


Sumapi si Kasamang Rechel sa Partido Komunista ng Pilipinas noong  unang kwarto ng 2010.


Noong Agosto 201O, personal na nagpasya si Kasamang Rechel na makipag-integrasyon sa kanayunan ng Quezon. Nasaksihan at naranasan niya ang mas kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka. Higit niyang naunawaan na walang ibang solusyon kundi isulong ang rebolusyong magpapalaya sa pagkaalipin ng magsasaka, manggagawa, at buong sambayanan. Anim na buwan siyang nakipamuhay sa magsasaka at nag-organisa kasama ng Bagong Hukbong Bayan.


Sa integrasyon ding ito, nakilala niya si Rodel.


Si Kasamang Rodel Peñamante, na isang pambansang minorya, ay ipinanganak noong Mayo 15, 1985 sa Infanta, Quezon. Bilang mga maralitang magsasaka, maagang nagisnan ni Kasamang Rodel ang kahirapan ng buhay gayundin ang sobinismong dulot ng isang malapyudal at malakolonyal na lipunan. Sa ganito, maaga niyang niyakap ang kawastuhan ng armadong rebolusyon bilang pangunahing anyo ng pakikibaka upang isulong ang tunay na pagbabago na magtataguyod sa kagalingan ng mga maralitang tulad niya.


Matapos ang ilang buwang integrasyon, naging magkarelasyon ang dalawa ni Kasamang Rodel at Rechel. Sa pagtatapos ng integrasyon ni kasamang Rechel sa kanayunan, pansamantala ding iniwan ni kasamang Rodel ang kanayunan upang asikasuhin muna ang pagpapagamot ng kanyang karamdaman. Ipinagpatuloy pa din nila ang kanilang Gawain sa hanay ng maralita sa kalunsuran habang inaasikaso ang kanyang pagpapagaling.


Hindi nakatuntong ng paaralan si Kasamang Rodel. Subalit hindi naging hadlang ito sa kanilang relasyon. Nagsikap si Kasamang Rechel na turuan siya, kagaya din ng ginagawang pagtuturong sumulat at bumasa ng mga kasapi ng BHB sa mga maralitang magsasaka sa kanayunan, matiyaga at walang kapagurang tinuturuan ni kasamang Rechel si Rodel na makasulat at makabasa, isang batayang karapatang makapag-aral, makabasa at sumulat na sa tanang buhay niya ay hindi naibigay ng reaksyunaryong gobyerno sa kagaya niyang maralitang magsasaka sa kanayunan.


Hindi pangkaraniwang magkasabay na pagpasyahan ng magkarelasyon o mag-asawang taluntunin ang landas ng armadong pakikibaka. Subalit matapos dumalo sa pagdiriwang ng ika-43 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 2011, ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa ay higit pang pinagtibay ng komitment na higit na paglingkuran ang sambayanan sa kanilang kapasyahang buong panahon nang kumilos sa Bagong Hukbong Bayan.
Ilang buwan lamang, sinukat ang komitment na ito noong Abril 21, 2012 dakong alas-10 ng umaga nang kubkubin ng mahigit 60 elemento ng 85th Infantry Batallion ng Philippine Army ang tinutuluyang bahay nina Kasamang Rechel at Rodel sa Barangay Peñafrancia, Lopez, Quezon. Kasama sila sa apat na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan na pinaslang ng mga berdugo.


Nakatakda sanang ikasal ang magkarelasyon ngayong Mayo.


Sa mga huling sandali ng kanilang hininga, magkatuwang at magiting na hinarap nina Kasamang Rechel at Rodel ang bangis ng mersenaryong militar. Nang bumulagta si Rodel, sunod namang inulan ng punglo ang karelasyon. Nang akmang papuputukan pa ng mga berdugo ang wala nang buhay na si Rodel, nagawa pa ni Rechel na gumapang, iharang ang sarili sa karelasyon, at tanggapin pa ang punglo na tumagos sa kanyang kanang tadyang.


Hanggang sa huli, namatay silang lumalaban. Pumanaw silang mga bayani at martir ng rebolusyon.


Ang araw ng pagbubuwis ng buhay nina Kasamang Rechel at Rodel ay ilang hakbang na lamang tungo sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. Ang Mayo Uno ngayong taon, gaya din sa kasaysayan, ay hindi inihatid sa pulang alpombra tulad ng sa mga seremonyas ng naghaharing uri. Bagkus, ito ay inihatid sa mga buhay na inialay nina Rechel “Ka Minda” Tanteo at Rodel “Ka Agum” Peñamante, ng mga pagpupuyos at pulang dugo ng mga mulat-sa-uring manggagawa at mga rebolusyonaryong martir.


Ipinagluluksa ng RCTU-ST ang kanilang kamatayan subalit buong pagpupugay ang mga bisig at kamao ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa sa kanilang pinakamataas na pag-aambag sa sambayanan at rebolusyon. Magsisilbing inspirasyon ang kanilang kabayanihan at pagiging mga huwarang kasama. Ang kanilang mga yapak tungo sa kanayunan at armadong pakikibaka ay susundan pa ng maraming manggagawa at magsasaka hanggang sa tanghalin ang Araw ng Manggagawa bilang Araw ng Paglaya ng Uri at Sambayanan, Araw ng Tagumpay!#