Menor de edad, ginahasa ng militar sa Benguet

ANG BAYAN
7 April 2012

Download PDF
Patuloy ang pananalasa ng mga elemento ng estado sa mga progresibong lider at sibilyan. Tampok dito ang panggagahasa ng isang upisyal-militar sa isang menor de edad; panggigipit sa isang abugado at lider-kababaihan; at pang-aaresto sa mga menor de edad at mga lider-masa. Sumusunod ang mga nakalap na ulat ng Ang Bayan nitong mga nakalipas na buwan.

Abril 3. Inaresto ng Bacolod City Police Office (BCPO) ang dalawang lider-masa ng Negros noong Abril 3. Sa bisa ng warrant of arrest sa gawa-gawang kaso ng pagnanakaw, inaresto sina Christian Tuayon, pangkalahatang kalihim ng Bayan-Negros at si Ian Evidente, tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno-Negros habang nagsasagawa sila ng protesta sa harap ng Bacolod San Sebastian Cathedral.

Abril 3. Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group si Reynante Gamara, kampanyador ng Bayan Muna sa National Capital Region, sa Las Pinas City. Isiningit ng mga operatiba ang pangalan ni Gamara sa isang warrant of arrest sa kaso ng pagpaslang noong 2007 sa isang nagngangalang PFC Eriberto Eclavea at Richard Cortizano, isa umanong surenderi, sa Mauban, Quezon. Ayon sa kaanak ni Gamara, imposibleng sangkot siya sa kaso dahil sa panahong ito ay nasa Maynila siya. Nakadetine siya ngayon sa PNP Costudial Center sa Camp Crame.

Ilang oras bago ito, hinaras ng mga pinaghihinalaang operatiba ng rehimen si Nikki Gamara, anak ni Reynante at myembro ng Anakbayan-University of the Philippines (UP)-Manila, at ang kanyang kaibigan na si Cleve Arguelles, myembro rin ng Anakbayan at konsehal ng Student Council ng UP-Manila.

Ayon sa kanilang salaysay, dalawang beses silang hinaras ng mga operatiba. Una, binuntutan sila ng mga operatiba at nagkunwaring nagtatanong ng direksyon para makalapit sa tinutuluyang bahay ni Nikki. Kinabukasan, binuntutan ng sasakyan si Arguelles nang pauwi siya mula sa tinutuluyan ni Gamara. Nang magpasya si Arguelles na tumigil sa isang kainan, sinundan siya ng isang operatiba at niyayang sumama sa kanila. Paulit-ulit siyang tinanong kung saan siya nakatira at kung ano ang relasyon niya sa isang nagngangalang “Nikki.”

Marso 31. Binantaan ang buhay ni Atty. Robert Tudayan, isang tagapagtaguyod sa karapatang-tao at bokal mula sa ikalawang distrito ng Ilocos Sur. Ito ay matapos ilabas ni Lt. Col. Rogelio Mesias, commanding officer ng 3rd IB ng Philippine Army ang ulat na nakita raw si Tudayan kasama ang isang upisyal ng barangay sa Barangay Lopez, Lidlida, Ilocos Sur na naliligo sa sapa kasama ang mga gerilya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mariing itinanggi ni Atty. Tudayan ang paratang ng militar at sinabing bahagi ito ng harasment sa kanya dahil sa pagtulong niya sa mahihirap gayundin sa isang kasong naibasura kaugnay sa dalawang diumano’y kasapi ng BHB na inaresto ng militar.

Samantala, isang organisador ng Bayan Muna ang tinakot at pinagnakawan sa kanyang tahanan sa Barangay Casantaan, Sto. Tomas, La Union. Sa salaysay ni Clarita “Nanay Caling” Bilog, natutulog siya dakong hatinggabi nang maramdaman niyang may gumagapos sa kanyang kamay at paa. Nang magpilit siyang manlaban ay bigla siyang sinaktan at binusalan. Kinuha ang kanyang mga cellphone, pera at alagang kambing.

Marso 28. Tatlong kabataan ang iligal na inaresto ng mga elemento ng 74th IB ng Philippine Air Force sa Sityo Tagbakan, Barangay Pansoy, San Andres, Quezon. Hinuli ng militar ang mga menor de edad na sina Elmer Desoyo at Rey Rodrigo na kapwa 17 anyos at si Reynaldo delos Reyes. Pinaratangan silang mga kasapi ng BHB at nangongolekta raw ng buwis sa mga residente. Naghahanap lamang ang tatlong kabataan ng pagkakakitaan sa isang niyugan nang sila ay arestuhin.

Marso 27. Pitong magsasaka sa Hacienda Luisita ang inaresto ng mga pulis matapos buwagin ng mga elemento ng Tarlac City Police at mga militar ang kampo-protesta ng mga magsasaka sa Barangay Balite, Luisita, Tarlac. Hinuli sina Winky Esteban at Jay Martinez-Dionisio, mga upisyal ng Barangay Balite kasama sina Manuel Mandigma at Robert Mendoza at mga menor de edad na sina Alfred Martinez, 17 anyos at Meric Trinidad, 16 anyos. Sinampahan sila ng kasong malicious mischief at idinetine sa himpilan ng Philippine National Police sa Tarlac City. Pinakawalan sina Martinez at Trinidad bandang hapon. Samantala, kinaladkad ng dalawang pulis si Flor Sibayan, isang lider-kababaihan at tinutukan ng baril si Becky Canlas habang nagaganap ang pagbuwag sa kanilang kampo-protesta.

Marso 8. Hinaras ng mga sundalo ang mga residente at isang guro sa Pantukan, Compostela Valley. Labingwalong sundalo ng 71st IB na pinamunuan nina Sergeant Macalanda at Sergeant Mabalot ang pumasok sa Purok 9, Sityo Sapang Tin-aw, Barangay Tibagon sa Pantukan gamit ang isang trak na pag-aari ng isang minahan. Inokupahan nila ang tatlong bahay at ininteroga ang mga sibilyang sina Nellyn Calva at Herculano Sumilhig nang anim na oras. Pilit na pinaamin ang dalawa na mga kasapi sila ng Bagong Hukbong Bayan.

Naulit pa ang pangyayari noong Marso 11 nang magpatawag ang mga sundalo ng pulong para pag-usapan umano ang programa ng 4Ps sa Sityo Cadapa; Sityo Sapang Tin-aw; at Sityo Sapang Lubog. Pinapaamin ni Macalanda si Marilou Lambo, isang guro sa Sayong Edukasyon Pambata na ang kanilang eskwelahan ay itinayo ng BHB. Pinagsisigawan ni Macalanda si Lambo at sinabing ang mga residente sa kanilang komunidad ay pawang myembro ng BHB.

Nagsilikas naman ang ilang residente ng Purok 10 dahil sa takot at pananalasa ng militar. Nagtayo rin ang mga sundalo ng tsekpoynt at hinarangan ang Quick Reaction Team ng Karapatan-Southern Mindanao na magsisiyasat sana sa naganap na harasment.

Pebrero 17. Isang 16 anyos na dalaga ang ginahasa ng isang upisyal ng militar sa Mankayan, Benguet. Si Isabel (di tunay na pangalan), ay tatlong araw nang pinaghahanap ng kanyang mga magulang nang umuwi siya sa kanilang bahay na nanghihina na at hindi na makapagsalita. Ayon sa Innabuyog-GABRIELA, nakaranas ng matinding trauma si Isabel kaya hindi na ito nakakuha ng pasulit para makapagtapos ng hayskul.

Kinilala ang salarin na si Capt. Danilo Lalin, upisyal ng Highlander 86 ng 50th IB ng Philippine Army. Napag-alaman din na ginawa munang text mate ni Lalin si Isabel bago pagsamantalahan. Pinainom pa niya ito ng contraceptive pills bago halayin nang ilang beses. Humihingi ngayon ng katarungan ang mga magulang at tagasuporta ni Isabel at ipinanawagan na dapat managot si Lalin.

Ang kaso ni Isabel ay pangalawang insidente na nangyari sa Cordillera. Noong 1999, isang 14 anyos na dalaga ang ginahasa ng tatlong sundalo sa Abra, ayon sa rekord ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA).

Anang CHRA, maaaring maraming pang hindi naiuulat na pang-aabuso sa mga babae at mamamayan ng Cordillera dahil sa patuloy na militarisasyon sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino.