Mga tropa ng 57th at 8th IB, inambus sa Bukidnon at North Cotabato

ANG BAYAN
7 April 2012

Download PDF
Inambus ng Front 53 sa ilalim ng Herminio Alfonso Command ng Bagong Hukbong Bayan-Southern Mindanao ang mga pwersa ng 57th at 8th IB sa Sityo Bantaan, Bagumbayan, Magpet noong Marso 29. Napatay ang isang sundalo at isa pa ang nasugatan sa pananambang. Ang mga yunit-militar na ito ang responsable sa pagsasagawa ng mga mabangis na special operation, panggigipit sa mamamayan at walang pakundangang pambobomba sa Magpet, North Cotabato at Kibawe, Bukidnon. Bunga nito, naganap ang malawakang dislokasyon ng mga sibilyan at samutsaring paglabag sa karapatang-tao sa lugar.

Namartir si Ka Nonoy, isang Pulang mandirigma, sa labanan.

Bilang ganti, nagpadala ang AFP ng dalawang eroplanong pandigma at isang OV-10 at walang pakundangang nambomba sa mga sibilyang komunidad ng Bagumbayan, Magpet sa loob ng dalawang araw. Dagdag dito, ipinusisyon din ng AFP ang dalawa nitong 105 kanyong howitzer sa likod ng pampublikong paaralan ng Bagumbayan at sa baybay ng ilog ng Kabacan sa Barangay Binay, Magpet. Umabot sa 122 pamilya ang napilitang lumikas sa lugar dahil sa tindi ng mga pambobomba.

Noong Abril 1, sa kasagsasagan ng operasyong militar ng AFP, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ng BHB ng command detonated explosive (CDX) ang isang siksbay na nagdadala ng reimporsment habang binabaybay ang haywey sa Purok 4, Mateo, Kidapawan City. Dahil dito, nadiskaril ang nakatakdang operasyong militar ng AFP sa lugar.

Sa parehong araw, inambus ng mga Pulang mandirigma ang isang tim ng 8th IB sa Barangay Sampaguita, Kibawe, Bukidnon. Dalawang sundalo ang napatay. Pagkatapos ng pananambang, naghulog ng walong bomba ang mga eroplano ng AFP sa lugar na pumatay kay Jenis Maguate, isang sibilyan. Napatay din ang ilang hayop na ginagamit sa sakahan dulot ng pambobomba.

Para bigyang-matwid ang pambobomba at pananalakay sa mga sibilyang komunidad, inilulusot ng AFP ang mga operasyon laban diumano kay Ka Parago, kumander ng 1st Pulang Bagani Company. Nakakuta umano sa kabundukan ng North Cotabato-Bukidnon si Parago. Pero ang totoo, ang mga operasyong militar ay ganting-salakay ng AFP sa pagparusa ng BHB kay Patrick Wineger, isang mahalagang aset ng AFP, na nagpasimuno sa pagpatay kay Fr. Fausto Tentorio.

Hindi mapagtatakpan ng AFP ng anumang paninira sa BHB ang kahindik-hindik na mga krimen nito laban sa mamamayan ng Mindanao. Kabilang dito ang malawakang militarisasyong na nagbunga ng mga ekstrahudisyal na pagpaslang ng mga katulad ni Fr. Tentorio at marami pang paglabag sa karapatang-tao.