Oplan Bayanihan, hindi binibigyang-puwang sa Bicol

ANG BAYAN
7 April 2012

Download PDF
Hindi binibigyang-puwang ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na basta na lamang manalasa ang mga pasistang tropa sa Bicol sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Mula Enero hanggang Marso nitong taon, naglunsad ang mga yunit ng BHB ng mga aksyong harasment, isnayping, ambus at operasyong sapper para biguin ang kontra-rebolusyonaryong pakana ng rehimeng US-Aquino.

Bunsod nito, nagka-misencounter sa pagitan ng mga sundalo ng 9th IB at 93rd Division Reconnaissance Coy noong Marso 19 sa Sityo Balunos, Barangay Rizal, Dimasalang, Masbate. Ayon sa ulat ng NDF-Bicol Information Office, dalawang sundalo ang napatay at nasugatan ang iba pang kasamahan nila sa nasabing misencounter.

Bago ito, isang tim ng BHB sa ilalim ng Jose Rapsing Command (BHB-Masbate) ang nag-abang sa mga nag-ooperasyong sundalo ngunit nakita sila ng impormer ng militar. Agad na lumipat ng pwesto ang tim ng BHB. Halos magkakasabay na inatake ng tatlong kolum ng sundalo ang mataas na lugar sa pag-aakala nilang naroon pa ang mga Pulang mandirigma. Umabot sa 30 minuto ang putukan sa pagitan ng mga pasista bago nila nalaman na sila-sila na ang naglalabanan. Upang mailihim sa mga taumbaryo ang kanilang kapalpakan, naghintay munang dumilim ang mga sundalo bago nila kunin ang kanilang mga patay at sugatan.

Binigo ng BHB ang operasyong militar ng tatlong platun ng 93rd DRC na naglulunsad ng Oplan Bayanihan sa bayan ng Mobo, Masbate. Kanilang pinaputukan ang isang platun ng 93rd DRC sa Barangay Sta. Maria bandang alas-11 ng gabi noong Marso 10 at muli bandang alas-4 ng madaling araw noong Marso 12. Ganito rin ang ginawa ng BHB sa Barangay Holhogon, sa bayan pa rin ng Mobo. Bunga nito, hindi natuloy ang anti-komunistang pulong na ipinatawag ng mga sundalo at napilitan silang umuwi sa kanilang kampo noong Marso 14.

Sa Albay, hinaras ng isang tim ng Santos Binamera Command (SBC) noong Marso 9 ang detatsment ng Special CAFGU Active Auxiliary (SCAA) sa Puro, Legazpi City, bandang alas-8:30 ng gabi. Tarantang nagsitakbuhan ang mga paramilitar at inabandona ang kanilang detatsment. Kasabay din nito, hinaras ng isa pang tim ng SBC ang Community Police Assistance Center (CPAC-4) sa Taysan sa parehong syudad.

Sa Sorsogon naman noong Marso 4, hinaras ng isang tim ng Celso Minguez Command ang isang platun ng 31st IB na nagpapatupad ng Oplan Bayanihan sa mga barangay ng Lapinig at Biton, sa bayan ng Magallanes. Dakong alas-4 ng hapon, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang siyam na sundalong naglalaro ng basketbol sa Barangay Lapinig. Takot na takot na nagsitakbuhan ang mga sundalo, pati ang mga nakapusisyon sa mataas na bahagi ng burol. Kinaumagahan ay umuwi sila sa kanilang kampo. Hinaras din ang detatsment ng 22nd IB sa San Francisco, Legazpi City.

Noong Pebrero 28, lima ang napatay at nasugatan ang maraming iba pang sundalo ng 9th IB nang pasabugan sila ng command-detonated explosive ng isang tim ng Jose Rapsing Command sa Barangay Cabangrayan, Pio V. Corpuz, Masbate. Sakay sila noon ng isang trak nang pasabugan ng eksplosibo. Bago ito, noong Pebrero 25, bandang alas-8 ng gabi ay hinaras ng isang tim ng BHB ang detatsment ng 22nd IB sa Banuang Gurang.

Hinaras ng isang tim ng mga Pulang mandirigma noong Pebrero 23 ang mga tropa ng 31st IB sa Barangay San Juan Daan, Bulan, Sorsogon. Nagpapahinga at nagsasaing ang mga sundalo dakong alas-10 ng umaga nang paputukan sila ng BHB. Marami ang nasugatan sa kanila ngunit pinalitaw sa midya ng mga upisyal ng 31st IB na walang nangyaring labanan sa lugar na iyon.

Noong Pebrero 10, patraydor na sinalakay ng isang platun ng 31st IB ang isang platun ng Celso Minguez Command sa Barangay Upper Calomayon, Juban, Sorsogon. Ngunit mabilis na nakapusisyon sa mataas na bahagi ang BHB at mahusay na nakipaglaban. Napilitang umatras ang mga sundalong umaatake at iniwan ang limang patay at isang malubhang nasugatan na kasamahan nila. Malalim na ang gabi nang palihim na isakay sa trak sa Barangay Calpi, Bulan ang apat na bangkay habang inilabas naman sa Barangay Catanusan, Juban ang isa pang patay at sugatan na sundalo. Nagpanggap na mga kasapi ng BHB ang 23 sundalo na nakadamit-sibilyan ngunit bistado pa rin sila ng mamamayan.

Pawang kasinungalingan ang iniulat sa midya ng militar na anim na kasapi raw ng BHB ang napatay sa labanan at walang kaswalti sa panig ng militar. Isang Pulang mandirigma lamang ang nasugatan nang bahagya o daplis sa labanang ito.

Noong Pebrero 9 sa Barangay Daguit, bayan ng Labo, tatlong sundalo ng 49th IB ang nasugatan nang paputukan ng isang tim ng Armando Catapia Command (BHB-Camarines Norte). Dakong ala-una ng madaling araw nang lapitan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalong ginawang baraks ang barangay hall. Nang matiyak na walang sibilyan sa lugar ay pinaputukan sila ng BHB.

Naglunsad naman ng dalawang operasyong sapper ang mga Pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command noong Enero 28. Lihim na nakalapit sila sa hedkwarters ng Charlie Coy ng 9th IB sa Barangay Pawican, Cataingan, Masbate at pinasabugan ito ng command-detonated explosive. Tatlong sundalo na nagbabantay ng kampo ang napatay. Noong Enero 26 ng madaling araw, pinasabugan ng eksplosibo ang detatsment ng Regional Public Safety Battalion ng PNP (dating RMG) at CAFGU sa Barangay Poblacion, Batuan. Isinasagawa ang operasyong sapper para bulabugin ang kaaway sa kanila mismong teritoryo.

Nagsagawa naman ng sunud-sunod na operasyong isnayping noong Enero 16 at 19 ang BHB sa bayan ng Guinobatan, Albay laban sa pasistang tropa ng 2nd IB sa Barangay Balite, Guinobatan.