Pagkondena sa mga Serye ng Demolisyon sa Kalakhang Maynila

Francisco de Jesus (Ka Kiko)
Kabataang Makabayan- Manila
Abril 26, 2012

Ganap na ikinokondena ng rebolusyonaryong pangkat na Kabataang Makabayan (KM) ang serye ng mga hindi-makatao at hindi maka-masang mga demolisyon ng mga tahanan na kung saan lubhang apektado ang maraming pamilyang maralitang-lungsod sa kalakhang Maynila nitong mga nakaraang araw na lubhang naglalantad ng tunay na kulay ng rehimeng US-Aquino at sa mga galamay nitong mga dayuhang kapitalista at maging sa mga bumubuo ng huwad na pamahalaang mapag-linlang: mapag-linlang lalo’t higit sa masa na patuloy nitong binubusabos.

Noong April 24, 2012 ay ginanap ang isang malaking demolisyon sa Silverio Compound, lungsod ng ParaƱaque, na kung saan ganap na ipinakita ng umaalab na pagpalag ng inaaping masa upang panindigan ang kanilang mga katarungan at munting kabuhayan. Subalit, ipinakita ng mga swapang na reaksyunaryo at anti-masang kapulisan ang pag-pabor sa sabwatang Florencio “Jun” Bernabe (alkalde ng ParaƱaque)- Henry Sy (may-ari ng SM na may mga matunog na plano upang gamitin sa kapitalistang pamamaraan ang bahagi ng Silverio)- at Noynoy Aquino, na alam nating pinagsamantalahan lamang ang mga maralita noong eleksyon para lamang tiyakin ang pwesto sa pamahalaan para palawagin ang pananakip-butas ng pamilya nito sa mga pambubusabos nila sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa loob ng maraming dekada.

Isa ang namatay sa hanay ng maralitang ipinagtanggol ang karapatan nila para sa tahanan at kabuhayan. Hindi tamang sisihin ang mga militante na nakiisa ang paglagas ng isang kasama sa ating hanay. Sino ba ang may hawak ng mga mabibigat na armas (partikular ang M-16) noong nagka-girian? Ang hawak ng mga lumaban doon ay ang kapangyarihan ng masa na alam nating mas malakas pa, kung magsasanib, laban sa mga mapagsamantalang armas!

May mga naganap rin na mga pagbabanta ng demolisyon sa lungsod Quezon, partikular sa Sitio San Roque, Brgy. Pag-asa, dahil raw sa balak ng pagpapatuloy ng simulain ng dating ganid na alkaldeng si Feliciano Belmonte (na ngayo’y Speaker of the House sa kongreso) na binasbasan ni Gloria Arroyo, sa pamamagitan ng puro pa-poging alkaldeng-lungsod ng Quezon City na si Herbert Bautista. Ang nabanggit na simulain ay ang proyektong ‘Quezon City Business District’ dahil raw sa posibilidad ng paglaki raw ng kikitain ng lungsod na ito sa usaping buwis, na ebentwal na dadaluyong papunta sa bulsa ng mga kapitalistang ganid sa tubo. Katakataka nga lang, kung bakit nagkaroon ng malawakang sunog sa nasabing area. May mga kuru-kuru na marahil raw ay sinadya ito ng pamahalaang lungsod para diretsuhin na ang pagpapalayas sa mga itinuturing nila na ‘iskwater’- isang hindi makatarungang panlalait na pino-propaganda laban sa mga maralitang lungsod.

Dapat nating intindihin na:“walang ‘iskwater’ na Pilipino sa Pilipinas, sapagkat siya nga, mahirap man o  mayaman, ay mamamayan at kabahagi ng soberanya ng bayang Pilipinas.” Subalit, kitang-kita natin na sadyang minamaliit na yata ng pamahalaang binubuo ng mga panginoong maylupa at malaking burgesya komprador ang ating ‘soberanya’.

Isa pang kasindak-sindak na demolisyon na ating nasaksihan sa unang kwatro ng taong 2012, ay ang naganap na demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus, San Juan. Halos katulad ng bagong pagpalag ng mga taga-Silverio ang naging pagpalag ng mga mamamayan ng Corazon de Jesus. Mas marahas at talagang nakakapag-ningas ang dahilan kung bakit sila i-didemolish: gahaman at super-tubong mga pag-nanasa ng pamahalaang lungsod na pinamumunuan ng pamilyang burukrata-kapitalista ni Rep. Joseph Victor “JV” Ejercito at ng ina nitong si Mayor Guia Gomez. Napaka-baboy ng iginigiit nila na gawing pagkakitaan ang dambana ng Pinaglabanan na kung saan idinadakila ang bayani ng masa na si Andres Bonifacio. At talagang lubhang dakila ang mga naging sagot ng mamamayan: ang mag-himagsik.

Isa pa, nakakainis isipin na ang mamamayang maralitang Pilipino ay itinataboy pa agad  sa mga sobrang maliit na bahagi na nga ng bansang Pilipinas, subalit buong pusong tinatanggap ng pamahalaan natin ang mga sundalo ng imperyalistang US na maraming pangyuyurak ang nagagawa sa mga murang kaisipan ng masa (lalo ng kabataan) upang utuin sa kanilang mga mapanlinlang mga hangarin, at lalo’t higit sa mga kababaihan na mistulang ‘sex object’ lamang. Tingnan natin ang nangyari sa rape victim na si ‘Nicole’, ilang taon na ang nakalipas, na ginahasa ng sundalong si Daniel Smith. Tahimik na nga ang kaso ngayon, subalit kung titingnan natin ng buo, nagkaroon na ba ng hustisya para kay Nicole, at pati na rin sa ibang kababaihang pinagsamantalahan ng mga puting unggoy na kabilang sa hukbong imperyalista?

Matapang ang sagot ng masang inaapi. Desperado man kung ituring ang naging hakbang na ito ng maralita, hindi natin sila masisisi kung bakit ganoon na lamang ang kanilang ginawa, dahil itinuturing ito ng rebolusyonaryong diwa bilang makatarungan at wasto!

Sa mga pag-yuyurak ng mga mapagsamantalang uri na kumakahon sa masa sa lubhang kahirapan, isa lang ang tangi at tamang sagot laban rito: isulong ang digmaang bayan!