Pambobomba at malawakang militarisasyon sa Mindanao

ANG BAYAN
7 April 2012

Download PDF
Isang brutal at todo-todong digma ang inilulunsad ngayon ng rehimeng US-Aquino laban sa mamamayan ng Mindanao. Ito ay alinsunod sa kontra-mamamayan at anti-nasyunal na programa nito na bigyang-laya ang pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at komersyal na plantasyon sa likas na yaman ng isla.

Mula simula ng 2012, walang patumanggang pambobomba at pang-iistraping at iba pang paglabag sa karapatang-tao ang isinagawa na ng mga armadong galamay nito sa mga sibilyang komunidad.

Konsentrado ang sustenidong pang-aatakeng ito sa mga lugar ng operasyon ng mga multinasyunal na minahan at kumpanyang agribisnes tulad ng hangganan ng mga lalawigan ng South Cotabato, Sultan Kudarat, Davao del Sur at Sarangani kung nasaan ang SMI-Xstrata; sa hangganan ng Surigao del Sur, Surigao del Norte at Agusan del Norte kung nasaan ang malalaking minahan ng nickel tulad ng Tag-anito at Nickel Asia; sa malawak na kapatagan ng North at South Cotabato kung nasaan ang plantasyon ng Dole-Stanfilco; sa Davao Oriental at Compostela Valley kung nasaan ang dambuhalang Russell Mining; sa Zamboanga peninsula kung nasaan ang Toronto Ventures Inc.; at sa Bukidnon kung saan naroon ang malalawak na plantasyon ng Del Monte, Dole at Sumifru at ang First Gen hydroelectric power plant.

Mariing kinundena ng mga katutubo, mga progresibong grupo at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao ang brutal at malawakang pambobomba sa mga sibilyang komunidad ng mga katutubo sa Mindanao. Noong Marso 30, nagmartsa sa Butuan City ang mga katutubong napilitang lumikas sa kani-kanilang mga komunidad. Binatikos nila ang walang patumanggang pambobomba at iginigiit ang kagyat na paglikas ng mga tropa ng AFP sa kanilang mga komunidad.

Ang mga operasyong militar ng AFP ay pinalawak at pinasaklaw gamit ang Special CAFGU Active Auxiliary Units (SCAA) na binuo at pinalaki sa bisa ng utos ng rehimeng Aquino noong Oktubre 2011. Ang pagbubuo ng mga SCAA ay alinsunod sa patakaran ng rehimen na bigyang-laya at protektahan ang malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina.

Sa kabuuan, umabot na sa 3,000 katao ang napilitang magbakwit sa panahon pa naman ng tagtanim at tag-ani.

Tatlong hiwalay na insidente ng sapilitang ebakwasyon at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa Bukidnon, Surigao del Norte, Agusan del Norte at Compostela Valley ang naitala ng mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao nitong Pebrero-Marso. Umaabot na sa 250 pamilya ang napilitang lumikas sa kanilang komunidad mula sa Kitcharao, Cabadbaran at maburol na bahagi ng Butuan, Agusan del Norte, Claver, Surigao del Norte at Barobo, Surigao del Sur.

Mahigit 120 pamilya ang nagbakwit mula sa Magpet, North Cotabato, mahigit 50 mula sa Kibawe at 19 na pamilya mula sa San Fernando, pareho sa Bukidnon at ilan pa mula sa Barangay Tibagon, Pantukan, Compostela Valley at Barangay Balabag, Bayog, Zamboanga del Sur.

Kabilang sa mga nagbakwit ang buong pamilya ng pinaslang na lider-katutubo na si Jimmy Liguyon, kasama ang iba pang myembro ng kanilang angkan at komunidad sa gitna ng tuluy-tuloy na pagbabanta ni Aldy Salusad, lider ng New Indigenous People’s Army Reform (NIPAR), isang grupong paramilitar na pinatatakbo ng 8th IB. Pinaslang ng NIPAR si Liguyon noong Pebrero sa kanyang bahay sa Dao, San Fernando. Si Salusad ay myembro rin ng San Fernando Matigsalug Tribal Datus (Sanmatrida), isang grupong sinuhulan ng malalaking dayuhang kumpanya ng pagmimina para puksain ang lokal na pagtutol laban sa mga operasyon nito sa lugar. Nakatigil ngayon ang mga taga-Dao sa Malaybalay, kabisera ng Bukidnon.