2 berdugo, inambus sa Sorsogon

Ang Bayan
May 07, 2012

 Download PDF Here

Dalawang sundalong operatiba ng death squad sa ilalim ng 9th ID ang nasugatan nang tambangan sila ng isang tim mula sa Celso Minguez Command (Bagong Hukbong Bayan-Sorsogon) noong madaling araw ng Abril 29 sa Barangay Bulacao, Gubat, Sorsogon. Ang dalawang operatiba ay sina Pfc Jordan Enconado at Pfc William Acunia. 


Si Enconado ay napatunayan ng hukumang bayan na direktang sangkot at maysala sa serye ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga death squad sa lalawigan ng Sorsogon mula pa noong Oplan Bantay Laya 1 hanggang sa kasalukuyan. Bukod sa pagiging myembro ng death squad, aktibo rin sila sa pagtatayo ng lambat-paniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Ilan sa mga pinaslang ni  Enconado ang mga sibilyang sina  Edmundo Villareo (2004); Danilo Hagosojos (2006); Ruben Ermino at Raul Ferando (2007); at Raul Vihiro (2012).

Binaril din nitong Abril 15 subalit nasugatan lamang ang dalawang kabataang sina Joshua at Budoy Ferreras sa Sityo Cogon, Barangay Tabi, Gubat, Sorsogon.

Samantala, tinamaan ng bala sa paa si Salvador Estrada, residente ng Barangay Bulacao nang magwala at walang habas na magpaputok sina Pfc Enconado at Pfc Acunia nang makaatras na ang yunit ng BHB mula sa lugar ng ambus. Subalit ipinagkalat ng militar na BHB ang nakabaril kay Estrada.

Kasunod nito, alas-7 ng gabi ng Abril 29, pinaslang ng 9th ID ang magsasakang si Jovic Estrellado, residente rin ng Barangay Bulacao. Malisyoso pa ring ipinaratang ng 9th ID sa BHB ang krimeng ito.