66 armas, nasamsam ng BHB sa Butuan City

Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF Here

Matagumpay na nireyd ng mga Pulang mandirigma ng Cesar Cayon Command-Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Agusan del Norte ang "Earth Saver" Security Agency sa Arujville Subdivision, Butuan City noong Abril 23 bandang alas-8 ng gabi.

Nasamsam ng BHB ang 66 iba't ibang armas na kinabibilangan ng 46 AK-47, tatlong M14 sniper rifle, sampung automatic shotgun, pitong pistolang 9 mm at mga magasin, bala at iba pang kagamitang  militar.

Binati ng Julito Tiro Command-North Central Mindanao Region ang Cesar Cayon Command sa matagumpay na reyd. Ito ang pinakamalaking bilang ng mga armas na nasamsam nitong nakaraang ilang taon.  

Malapit lamang sa Caraga Regional PNP Headquarters at 402nd Brigade Advance Command Post ng AFP sa Bancasi, Butuan City,  ang naturang ahensya. Sa kabila nito, mabilis na naisagawa ang reyd. Nagpanggap ng mga Pulang mandirigma na mga ahente ng National Bureau of Investigation para linlangin at madaling sukulin ang apat na gwardya ng Earth Saver.

Tumagal lamang nang sampung minuto ang reyd. Nakamit ang tagumpay na ito dahil sa malakas na suporta ng masa sa BHB, masinop na gawaing paniktik at mahusay na taktikang militar.

Sapat ang mga sandatang nasamsam para maarmasan ang isang bagong kumpanya ng mga Pulang mandirigma, mapalakas ang kanilang kakayahan sa paglipol ng armadong reaksyon at mapaabante ang rebolusyong agraryo na mayor na nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan.

Alam ng mamamayan na ang security agency ay pagmamay-ari ni Ret. General Nario, nasasandatahan ng malalakas na arnas na ginagamit sa panggigipit sa mga komunidad para matiyak ang pagpasok at operasyon ng mga mapangwasak kumpanya ng minahan sa Sta. Maria, Trento at Rosario, Agusan del Sur. Sinasalubong ito ng malakas na paglaban ng mamamayan.