86th IB, pinarusahan sa Ifugao

Ang Bayan
May 07, 2012


Download PDF Here

Pinarusahan ng Nona del Rosario Command (Bagong Hukbong Bayan-Ifugao) ang pusakal na 86th IB dahil sa talamak na mga krimen nito laban sa mamamayan ng Ifugao.

Labing-isang sundalo ng Bravo Company ng kriminal na batalyong ito ang nalipol sa ambus na inilunsad ng mga Pulang mandirigma  noong Abril 25 ng umaga sa Sityo Dontogto, Binablayan, bayan ng Tinoc, Ifugao. Nasugatan ang dalawa pang sundalo habang walang kaswalti sa panig ng BHB.

Isa sa mga napatay ang battalion operations officer ng 96th IB na si Capt. Siegfred Kafilas. Mariing sampal din ito sa pamunuan ng AFP dahil noon lamang Disyembre 2011 ay idineklara nitong "napalaya na" ang Ifugao sa impluwensya ng rebolusyonaryong kilusan.

Makaraan ang 30 minutong labanan, ligtas na nakaatras ang 14-kataong yunit ng BHB. Nakasamsam ito ng limang armas -- apat na M16 at isang K3 SAW (Squad Automatic Weapon), isang radyong Harris VHF, walong magasin at 150 bala ng M16.  

Malaking salik sa matagumpay na ambus na ito ang suporta ng masa na naipamalas sa paglilihim nila sa presensya ng mga Pulang mandirigma sa tabing kalsada. Galit ang mamamayan sa armadong pwersa ng reaksyunaryong gubyerno bunga ng mahabang kasaysayan ng pang-aabuso nila sa mamamayan. Kaya sa kabila ng walang patlang na mga operasyong militar ng 86th IB at Philippine National Police ay naitago pa rin ng mamamayan ang kanilang hukbong bayan.

Mula nang ideploy ang 86th IB at ang Philippine National Police Public Safety Battalion (PNP-PSB o dating Regional Mobile Group) sa bayan ng Tinoc at iba pang bahagi ng prubinsya, sunud-sunod na ang mga pang-aabusong dinanas ng mga mamamayan ng Ifugao.

Pinakabago ang panggagahasa sa dalawang menor de edad na  katutubong babae mula sa Mankayan, Benguet noong Disyembre 2011 at Pebrero 2012. Kapwa sila ginahasa ni Capt. Danilo Lalin sa loob mismo ng kampo ng 86th ID.

Karakaraka namang pinagbabaril hanggang sa mapatay noong Setyembre 12, 2011 ang sibilyang si Ama Bahiwag Puguon sa kanyang kaingin sa Barangay Binablayan gayong malayo siya sa nagaganap noon na labanan sa pagitan ng AFP at BHB. Walang sabi-sabi ring pinasok at pinaghahalughog ng mga sundalo ang mga bahay ng sibilyan sa Sityo Bagnet, Barangay Amduntog nang tugisin na ng militar ang BHB. Ninakawan ng mga sundalo ang mga residente ng mahahalagang kagamitan.

Noon namang Hulyo 2011 ay namaril at nakapatay ng apat katao ang isang lasing na elemento ng 2nd Coy ng PNP-PSB. Isa pa ang nasugatan sa insidente.

Bago pa ang pamamaril, matagal nang inirereklamo ng mamamayan na pinagkakakitaan sila ng PNP-PSB sa pamamagitan ng hindi makatarungang pagkumpiska sa kanilang mga chainsaw at motorsiklo upang ipatubos lamang, kapalit ng malaking halaga.

Samantala, humingi ng taos-pusong paumanhin ang Nona del Rosario Command sa mga kamag-anak ng dalawang sibilyang nadamay sa ambus (isa ang napatay at nasugatan ang isa pa).

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng BHB ang mga sibilyan na huwag sumakay sa mga sasakyang militar para maiwasang madamay sa mga labanan.