Aktibistang pangkalikasan, pinaslang


Ang Bayan
May 21, 2012

Download PDF here

Kabilang sa pinakahuling mga biktima ng Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino ang isang aktibistang pangkalikasan, isang sibilyan, isang kapatid ng testigo laban sa berdugong heneral na si Jovito Palparan at isang madre.

Mayo 16. Napatay si Rolando Manalo, 41 anyos, sa San Rafael, Bulacan bunga ng anim na tama ng bala sa kanyang katawan. Hindi pa agad mapag-alaman kung sino ang pumaslang kay Manalo subalit mga elemento ng 306th Provincial Mobile Group ng PNP ang nagdala sa kanyang bangkay sa Baliwag District Hospital. Si Manalo ay isa sa mga kapatid ni Raymond Manalo, ang pangunahing saksi laban kay Ret. Maj. Gen. Jovito Palparan, Jr. sa kasong pagdukot at pagtortyur sa dalawang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan at sa magsasakang si Manuel Meriño noong 2006.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Raymond Manalo, hinahanap noon ng mga dumukot sa kanila si Rolando dahil isa umano itong Pulang mandirigma.

Mayo 8. Pinagbabaril hanggang sa mapatay si Margarito Cabal, lider ng Task Force Save Pulangi sa Barangay Palma, Kibawe, Bukidnon.  Ang Task Force Save Pulangi ay isang organisasyon na nangangampanya laban sa pagtatayo ng hydroelectric dam sa Pulangi River. Tinatayang humigit-kumulang 6,000 pamilya ang mawawalan ng lupa at kabuhayan kung matutuloy ang proyekto. Maitataboy din ang tribong Manobo mula sa kanilang lupang ninuno.

Bago siya pinatay, binansagan ng militar si Cabal na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Si Cabal ang ika-13 aktibistang pangkalikasan na pinatay sa ilalim ng rehimeng Aquino. Siyam sa 13 kaso ng pagpatay sa mga aktibistang pangkalikasan sa ilalim ng rehimeng Aquino ay naganap sa Mindanao.

Mayo 8. Isang sibilyan ang pinatay ng mga sundalo sa Barangay Pinamanaan, Donsol, Sorsogon. Kasama ni Jocelyn Trinidad, 37 anyos, ang mga Pulang mandirigma sa Barangay Pinamanaan, Donsol, Sorsogon, bandang alas-5 ng umaga nang paulanan ng bala ng mga sundalo. Si Trinidad ay malubhang nasugatan at isinugod sa ospital ng mga kasama subalit hindi na siya umabot nang buhay sa pagamutan. Tatlong kasama ang namartir sa labanan, kabilang ang asawa ni Trinidad na si Leopoldo "Ka Jig" Nebres, 43 anyos.

Marso 2. Tahasang pinaratangan ni 1Lt. Hermie Montelibano ng 28th IB si Sr. Stella Matutina na kasapi ng BHB at nagpapanggap lamang daw na madre. Ginawa ito sa isang pulong na ipinatawag ng militar sa Barangay Lantawan, Lupon, Davao Oriental. Si Sr. Matutina, isang madreng Benedectine, ay pangkalahatang kalihim ng Panalipdan (Defenders and Advocates of Environment, Creation and Patrimony).

Inireklamo na ni Sr. Matutina ang harasment laban sa kanya sa Commission on Human Rights at sa United Nations Human Rights council meeting sa Geneva, Switzerland noong Marso  na dinaluhan niya bilang kinatawan ng Panalipdan at Sisters Association in Mindanao.