Ka Ramon: Komunista, bayani ng magsasaka

Ang Bayan
May 21, 2012

Download PDF here

Hindi iilan ang nagluksa nang pumanaw si Ka Ramon noong Setyembre 1, 2011 sa edad na 46. Lumuha ang daan-daang mga magsasaka sa kanilang baryo at mga kanugnog na baryo, mga Pulang mandirigma at kadre ng PKP. Tumigil ang lahat sa kanyang libing upang nagbigay ng rebolusyonaryong pagpupugay.

Si Ka Ramon ay isa sa mga nagsilbing lider ng Partido Komunista ng Pilipinas sa sangay nito sa isang baryo sa Northern Samar. Isa siya sa mga mayabong na punong umusbong sa pag-ugat ng Partido sa matabang lupa ng kanayunan.

Bagamat nagmula sa uring mayamang magsasaka, si Ka Ramon ay nasabak sa mahirap na gawain sa produksyon sa lupa. Nang maging kasapi ng Partido, mahigpit siyang nagpanibagong-hubog at buong-pusong niyakap ang mga prinsipyo ng Partido Komunista. Nakilala siya sa kanyang mapagkumbaba ngunit determinado at militanteng estilo at paninindigan. Mapagmalasakit siya sa mga inaapi at pinagsasamantalahan.

Laging nangingibabaw ang diwa ng Partido sa anumang usaping hinarap ni Ka Ramon. Matingkad niyang ipinamalas ang di pagkamakasarili. Bagamat masasagasaan ang interes ng kanilang pamilya sa pagpababa ng upa sa lupa sa palayan at niyugan at maging sa pagpapataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, hindi nag-alinlangan si Ka Ramon sa pagsusulong ng kampanya at sa pagiging huwaran sa pagpapatupad ng mga pinagkaisahang patakaran. Matiyaga niyang pinaliwanagan at kinumbinse ang kanyang asawa at mga kamag-anak sa pagkamakatarungan at kawastuan ng patakaran.

Hindi nakatuntong sa paaralan si Ka Ramon noong bata pa. May edad na siya nang matutong magsulat at magbasa sa paaralang pangliterasiya na pinamunuan ng BHB. Sa kabila ng mga limitasyon sa pagbabasa at pagsusulat, mabilis niyang nagagap ang mga batayang prinsipyo ng Partido at mahigpit niya iyong niyakap. Malalim ang pag-unawa niya sa prinsipyo ng linyang masa at linyang makauri.

Nagsimula siyang kumilos sa kanilang baryo noong binatilyo pa lamang. Sa edad na 15, sumapi siya sa Kabataang Makabayan. Mula noon, naging buhay na ni Ka Ramon ang rebolusyonaryong kilusan. Lumahok siya sa mga pakikibakang antipyudal at naging isa sa pangunahing tagapagpakilos sa kanilang baryo.

Kalaunan ay naging kasapi siya ng Partido. Puspusan siyang lumahok sa mga pag-aaral at nagpunyaging itaas ang kanyang kamulatan at kaalaman para sa pagrerebolusyon. Hindi nagtagal at isa siya sa naging pinuno ng sangay ng Partido sa kanilang baryo. Nahalal siya sa pamunuan ng seksyon ng Partido na sumasaklaw sa kulumpon ng mga baryo. Sa panahong may presensya ng mga pasistang sundalo sa kanilang lugar, pumapaloob siya sa BHB at nagbibigay-serbisyo bilang Pulang mandirigma.

Hindi kailanman humina ang paninindigan ni Ka Ramon para sa rebolusyon, kahit pa nagsimulang humina ang kanyang katawan noong 2009 dahil sa sakit na kanser. Laging laman ng kanyang isip ang interes ng kilusan, ang kalagayan ng mga gawain at kapakanan ng mga kasama sa kanilang sangay. Kahit katatapos pa lamang siyang operahan, nagpilit siyang makatawag sa kanyang mga kakolektibo upang ipabatid ang kanyang kalagayan at pawiin ang pag-aalala ng iba. Nais niyang tiyakin na patuloy na gumagana ang kanilang kolektibo at mahusay na nasasalo ang mga susing gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Partido.

Noong agaw-buhay si Ka Ramon, paulit-ulit niyang itinagubilin at ikinintal sa kamulatan ng kanyang asawa at limang anak ang pangangailangang laging magkaisa at magtiwala sa rebolusyonaryong kilusan. Pinaalalahanan niya ang bawat isa na tuluy-tuloy na tuparin ang kanilang mga rebolusyonaryong gawain.

Ang buhay ni Ka Ramon na inilaan para sa iba at hindi lang para sa sariling pamilya ay mananatiling inspirasyon sa mga magsasakang kanyang pinagsilbihan. Ang kanyang alaala ay magsisilbing tanglaw para sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan.