Katarungan para sa mga biktima ng sunog sa Novo Dept. Store

Ang Bayan
May 21, 2012

Download PDF here

Sumisigaw ng hustisya ang mga kamag-anak at kapwa manggagawa ng mga biktima ng sunog sa Novo Jeans and Shirts Department Store sa Montilla Boulevard, Butuan City noong madaling araw ng Mayo 9.

Hinihiling nila sa gubyernong Aquino na magsagawa ng agarang imbestigasyon dito. Nais nilang matiyak na mananagot ang may-ari ng Novo sa pagkamatay ng di bababa sa 17. Isa rin ang nawawala at tatlo ang nasugatan sa sunog.
Karamihan sa mga namatay ay mga babae at ang isa ay limang buwang buntis, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), na kinabibilangan ng unyon ng mga manggagawa rito. Ayon sa mga paunang ulat, nakulong ang mga manggagawa dahil  nakakandado ang mga pintuan nito mula sa labas at maging sa loob para umano hindi manakawan. Napag-alaman din na ang tindahan ay walang sapat na emergency exit.

Umaabot sa 40 ang empleyado ng Novo at kalahati rito ay nakatira sa dormitoryo ng tindahan, ayon kay Jacinto Tanduyan, pangkalahatang kalihim ng KMU-Caraga. Nagtatrabaho sila ng 12-14 oras at sumasahod lamang ng P160 kada araw. Wala silang dagdag na bayad kung mag-oobertaym at wala ring natatanggap na iba pang benepisyo. Pawang kontraktwal sila at natatapos ang kontrata kada anim na buwan.

Ipinakita ng insidenteng ito ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa sa rehiyon.