Libreng pamamahagi ng Hacienda Luisita, sigaw ng mga magbubukid

Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF here

Pinagtibay ng Korte Suprema noong Abril 24 ang nauna nitong desisyon na ipamahagi ang 4,915 ektaryang lupain ng Hacienda Luisita Incorporated (HLI). Tinanggihan ng korte ang petisyon ng pamilyang Cojuangco na makakuha ng P5 bilyong kompensasyon para sa asyenda.


Ayon sa korte, ang kompensasyon ay ibabatay sa halaga ng lupa noong 1989 imbes na sa 2006, katumbas ng kabuuang P196 milyon. Isinasaad din ng desisyon ng korte na ang mga manggagawang bukid ng asyenda ay magbabayad ng amortisasyon na P40,000 kada ektarya sa loob ng 30 taon.

Ikinatutuwa ng mga magsasaka ang pagkilala ng Korte Suprema na dapat nang ipamahagi  ang Hacienda Luisita. Gayunman, kapos sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa ang desisyon ng korte. Ang pamamahagi na may kompensasyon ay nakapaloob pa rin sa mga probisyon ng huwad na programa sa reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno, ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms o CARPER. Ang mga probisyong ito ay kabilang sa mga ginagamit ng mga panginoong maylupa para mapanatili o maibalik sa kanilang kontrol ang monopolyo sa lupa.

Libreng pamamahagi ng lupa ang sigaw ng manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Walang karapatang humingi ng kompensasyon o kabayaran ang mga Cojuangco matapos nila agawin ang lupa at anim na dekadang mapasasaan ang pawis at dugo ng mga magsasaka.

Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema, wala pa ring katiyakan na mapapasakamay ng mga manggagawang bukid ang lupa. Gagamitin ng mga Cojuangco ang kapangyarihan ng estado upang isagawa ang iba't ibang maniobra para sa kalaunan, mapanatili pa rin sa kanila ang kontrol sa lupa.

Sa kabila ng kanilang mga pahayag na irerespeto ang desisyon, nagmamaniobra sila para maantala ang pagpapatupad  at ikutan ang desisyon. Katuwang ang Department of Agrarian Reform, inaasahan nilang aabot sa anim na buwan hanggang isang taon bago maiproseso ang pamamahagi ng lupa. Sapat na panahon ito para masabotahe ang proseso.

Kakutsaba ang DAR, lumilikha sila ng gulo sa pagpipirme ng listahan ng mga lehitimong benepisyaryo. Pinalaki ng mga Cojuangco sa mahigit 6,000 ang bilang ng benepisyaryong mga manggagawang bukid, mula sa orihinal na bilang na 4,500. Sa gayong paraan, tinataya ng mga Cojuangco na habang mas marami ang "benepisyaryo", mas maliit ang lupang makukuha ng bawat isa, mas mahihirapang gawing produktibo ang lupa at maoobliga kalaunan na mangutang, magsanla at magbenta ng lupa. Marami sa mga nadagdag ay mga bagong mga manggagawang bukid na nagmula sa ibang lugar. Pinalalabas din ng mga Cojuangco na maraming orihinal na benepisyaryo ay patay na umano at kailangan pang matukoy kung sino ang dapat pumalit sa kanila, na dagdag na magpapahaba ng proseso. Ito ang taktikang ipinatupad sa maraming ibang asyenda sa nagdaang mahigit 25 taon.

Ipinipilit ng mga Cojuangco na ipamahagi sa mga indibidwal ang lupa, sa halip na sa samahan, taliwas sa iginigiit naman ng mga manggagawang bukid.

Iginigiit din ng mga Cojuangco na hindi na masaklaw ng ipamamahaging lupa ang 3,000 ektaryang lupang sinasabing pinaupahan na sa mga pinagkakautangan ng HLI. Sa gayon, ang lupang dapat ay kabilang sa mapupunta sa mga manggagawang bukid ay maaangkin na nila.

Batid ng manggagawang bukid ng Hacienda Luisita na hindi pa tapos ang kanilang laban. Higit na kailangang pagtibayin ang bigkis ng pagkakaisa, isustini ang militansya at mahigpit na magmatyag sa anumang mga maniobra. Sa kasaysayan, makakamit lamang ang tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng sustenido at mataas na antas ng pakikibakang anti-pyudal na nakakawing sa pambansang demokratikong paglaban ng buong mamamayan.