Magbalikwas laban sa pagpapahirap at pang-aapi ng rehimeng Aquino!

Editorial
Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF Here

Malinaw na ipinakita ni Benigno Aquino III kung sino ang tunay niyang amo nang isagawa ng mga tauhan niyang pulis ang madugong demolisyon ng komunidad ng mga maralita sa Silverio Compound, ParaƱaque City. Tahasang ginamit ng rehimeng Aquino ang mga baril at batuta laban sa mga residenteng nagtatanggol ng kanilang mga bahay at kabuhayan. Sa Silverio at iba pang komunidad, pinadadanak ni Aquino ang dugo ng mga maralita at itinataboy sila para angkinin ang pinaninirahan nilang lupa at ipaubaya iyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng malalaking burges-kumprador at dayuhang dambuhalang kapitalista.


Nitong Mayo 1, tuwirang hinadlangan ni Aquino ang matagal nang kinakailangan at hinihinging P125 umento sa minimum na arawang sahod ng mga manggagawa. Katwiran ni Aquino, ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa ay hindi makatutulong sa pag-akit ng pamumuhunan sa Pilipinas ng dayuhang malalaking kapitalista. Para kay Aquino, mas maganda kung pinakamababa ang sahod ng mga Pilipino kumpara sa mga manggagawa sa ibang bansa -- di bale na kung ang kasalukuyang sahod ay wala pang kalahati ng kinakailangang halaga para mabuhay nang disente ang kanilang mga pamilya.

Sa kabila naman ng desisyon ng reaksyunaryong korte na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita, patuloy ang maniobra ng angkan ng mga Cojuangco at Aquino na ipagkait ito sa mga manggagawang bukid. Malalaki pang laban ang kakaharapin ng mga manggagawang bukid sa asyenda sa paggamit ni Aquino ng kapangyarihan ng burukrasya at mga probisyon ng batas ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) upang panatilihin ang lupa sa kanilang mga kamay.

Kabaligtaran ng pang-aalipusta at panghahamak sa masang anakpawis, magarbong pagsalubong ang inihanda ni Aquino sa mga pinuno't upisyal ng dayuhang malalaking bangko at kapitalista na dumalo sa pulong ng Asian Development Bank (ADB) sa Maynila. Sayawan, kantahan at maluluhong piging ang inihain ni Aquino sa mga dayuhang turista para palabasing "mas masaya" sa Pilipinas. Katulad ni Imelda Marcos, pinabakuran ni Aquino ang kahabaan ng mga dadaanan ng mga turista sa Pasay para ikubli sa kanila ang mga maralitang pamilyang naninirahan sa ilalim ng tulay at sa  tabi ng maruming ilog.

Ang mga kilos at hakbangin ng rehimeng Aquino nito lamang ilang linggo ay nagpapatampok sa walang habas na mga atake nito sa masang anakpawis. Sa loob ng dalawang taon, walang ginawa si Aquino na pabor sa interes ng mga inaapi at pinagsasamantalahang uri at sektor. Ipinakikita niya ang makauring katangian bilang malaking asendero at kapanalig ng dayuhang malalaking kapitalista at lokal na malalaking burges-kumprador.

Sa ilalim ng paghahari ni Aquino, tuluy-tuloy ang pagsirit ng presyo ng langis at ang pagpapaimbulog ng halaga ng pagkain, gamot, tubig, kuryente at batayang mga bilihin at serbisyo. Hindi lamang nagpapakainutil si Aquino sa ngalan ng "deregulasyon", pinagkakakitaan pa niya ang pagdurusa ng mamamayan sa pagpapataw ng buwis sa presyo ng langis. Alinsunod sa atas ng International Monetary Fund (IMF), karagdagang buwis pa ang ipinataw ng rehimen sa paggamit ng kalsada at pamasahe sa tren. Balak din nitong magpataw ng buwis sa sigarilyo at alak. Kung ang IMF ang masusunod, maging ang pagte-text ay papatawan din ng dagdag pang buwis.

Napakalaking krimen ni Aquino ang pagpapataw sa mamamayan ng pabigat na mga buwis habang halos lunod na sila sa kahirapan at pagdarahop. Lalong malaking krimen ang hindi pagbayarin ng buwis ang dayuhang malalaking kapitalista habang sila'y nagkakamal ng malaking tubo sa pagsasamantala sa mga manggagawa at paghuthot ng ginto at iba pang likas na yaman ng bansa.

Nagngangalit ang mga maralitang Pilipino na habang sa balikat nila pinapapasan ang mas malaking buwis, sila naman ang pinakahuli sa prayoridad ng reaksyunaryong gubyerno. Kulang na kulang na nga'y kinakaltasan pa ang badyet sa mga serbisyong pang-edukasyon at pangkalusugan, habang lalong ginagawang negosyo ang mga eskwelahan at ospital.

Nagngangalit sila na wala na nga silang makuhang disente at regular na hanapbuhay ay ginigipit at inaatake pa ng reaksyunaryong gubyerno ang kanilang mga ikinabubuhay. Nagngangalit silang sa araw-araw ay kulang ang kanilang kinakain, wala silang maipanggamot sa maysakit, na hindi makapag-aral ang kanilang mga anak, na winawasak ang kanilang mga barungbarong at itinataboy sila sa mga lugar na wala lalong ikabubuhay.

Nagbabalikwas ang mga manggagawa, maralita, mga gutom at walang hanapbuhay. Naghihimagsik sila laban sa pang-aapi at pagsasamantala. Naninindigan sila laban sa rehimeng Aquino na nagsisilbi sa malalaking kapitalistang dayuhan at kumprador at malalaking asendero. Kumikilos sila at lumalaban sa mga patakarang nagdudulot ng ibayong kahirapan at kagutuman.

Inilulunsad nila ang kanilang mga pakikibaka sa mga pabrika, maralitang komunidad, mga paaralan at mga tanggapan sa kalunsuran. Umaalingawngaw ang sigaw nila para sa karagdagang sahod, karapatan sa regular na trabaho, karapatang mag-unyon at magwelga. Niyayanig ang mga pasilyo, tulay at lansangan ng sama-samang yabag nila sa pagmartsa laban sa demolisyon at mga panggigipit sa kanilang kabuhayan. Sumusuntok ang kuyom nilang mga kamao laban sa walang awat na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin at para sa libreng edukasyon, libreng gamot at pagpapagamot.

Pumapagaspas ang pulang bandila ng mga pakikibakang agraryo ng masang magsasaka sa kanayunan. Mula sa mga kulu-kulumpon ng mga baryo, nagkakaisa ang mga magsasaka hanggang sa buo-buong mga distrito, bayan, prubinsya at rehiyon at nakikibaka laban sa iba't ibang anyo ng pyudal na pagsasamantala ng malalaking asendero, dayuhang plantasyon, mga komersyante at usurero. Determinado silang isulong ang kanilang interes para sa makatwirang hatian sa ani, mas mataas na pagpapasahod sa mga manggagawang bukid at wastong pagpepresyo sa mga produktong agrikultural. Ubos-kayang isinusulong ng rebolusyonaryong masa ang rebolusyong agraryo upang abutin, pakinabangan at ipagdiwang ito ng milyun-milyong magsasaka.

Animo'y bakal na moog ang determinasyon nilang itaguyod ang pambansang patrimonya at hadlangan ang dayuhang malalaking kumpanyang nangangamkam ng mga lupaing agrikultural at lupaing ninuno para sa pagmimina, pagtotroso at mga plantasyon. Buong tapang nilang hinaharap ang pandarahas at panlilinlang ng pasistang militar na naghahari-harian at nananalasa sa kanilang mga baryo.

Ang pang-aalipusta, pang-aapi at pagmamalupit ni Benigno Aquino III ay tutumbasan ng masang anakpawis at aping mamamayan ng malawak, maigting at pursigidong pakikibaka. Aahon mula sa mga pabrika, komunidad, paaralan at mga baryo sa kanayunan ang nag-aalimpuyong galit ng mamamayan at babaha sa mga lansangan ang kanilang malalaking laban.

Ang malakas na daluyong ng mga pakikibakang masa ay lalong nagpapaalab sa apoy ng armadong rebolusyon. Daan-daang libo ang gustong lumahok sa armadong paglaban bilang kasapi ng milisyang bayan o buong-panahong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Papadalas, papalaki at papalaganap ang mga taktikal na opensiba ng BHB upang pahinain ang kaaway, makasamsam ng libu-libong mga sandata at itatag ang Pulang kapangyarihan ng mamamayan.

Yayanigin ng mga pag-aklas, demonstrasyon at armadong opensiba ang paghahari hindi lamang ni Aquino kundi ng imperyalismong US sa Pilipinas. Babakbakin nito ang mga pundasyon ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Isusulong nito ang digmang bayan at lalong ilalapit sa tarangkahan ng estratehikong pagkapatas.