Manggagawa at masang anakpawis, magkaisa at pag-ibayuhin ang pakikibaka laban sa imperyalistang pang-aapi!

Partido Komunista ng Pilipinas
Mayo 1, 2012

Mahigpit na nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa uring manggagawang Pilipino sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Gunitain natin sa araw na ito ang maningning na kasaysayan ng pakikibaka ng uring manggagawa para labanan at wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala sa ilalim ng kapitalistang sistema at ng walang kapagurang pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon.

Isinasagawa natin ang pagdiriwang ng Mayo Uno ngayong taon sa gitna ng nag-aalimpuyong krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang kasalukuyang krisis ng kapitalismo ay isa na sa pinakamalawak, pinakamasidhi at pinakamatagal sa kasaysayan ng imperyalismo. May mga palatandaan na hihigitan nito ang tindi ng pinsalang idinulot ng Great Depression noong dekada 1930 sa uring manggagawa at masang anakpawis sa buong daigdig.

Katulad sa iba't ibang bansa, ang uring manggagawa sa Pilipinas ay lalong pinipiga ng dayuhang mga monopolyong kapitalista at malalaking burgesyang komprador sa desperasyon ng mga ito na pangibabawan ang krisis. Ipinatutupad nila ang pinakamalulupit na anyo ng pagsasamantala upang pigain ang pinakamalaking tubo mula sa lakas-paggawa ng mga manggagawa.

Ipinagpapatuloy ng rehimeng Aquino ang kontra-manggagawang mga patakaran ng nagdaang mga rehimen alinsunod sa utos ng imperyalismong US at mga dayong malalaking kapitalista at institusyong pampinansya. Patuloy nitong pinapako ang sahod sa kabila ng kulang na kulang na ang nakatakdang minimum para makaagapay ang mga manggagawa sa pumapaimbulog na gastos sa pamumuhay. Lalo pang pinagtitibay ni Aquino ang malawakang sistema ng kontraktwalisasyon at iba pang anyo ng pleksibilisasyon sa paggawa kung saan hinuhuthot nito ang maksimum na tubo mula sa pawis at pagod ng mga manggagawa.

Itinataguyod ni Aquino ang mga neoliberal na patakaran ng imperyalistang "globalisasyon" sa kabila ng labis na pinsalang idinulot nito sa nagdaang tatlong dekada. Tuluy-tuloy na sumasadsad sa krisis ang atrasadong ekonomyang pinaghaharian ng dayuhang malalaking kapitalista at nagsisilbi sa kanilang interes. Hinahadlangan ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Walang pang kapantay sa nakaraan ang tindi at lawak ng disempleyo. Sa desperasyong makapaghanapbuhay, ang masang manggagawa ay kumakapit kahit sa patalim ng trabahong de kontrata, mababang pasahod, malulupit na kundisyon sa trabaho at iba pang labis na mapang-api at mapagsamantalang kaayusan sa trabaho.

Ipinamamalas ni Aquino ang labis na paghamak at kawalang malasakit sa masang anakpawis. Sa harap ng malawak na kagutuman at pagdarahop, nagawa pa ni Aquino na kaltasan ang badyet para sa mga batayang serbisyo, laluna sa kalusugan at edukasyon; habang kaliwa't kanan ang karagdagang mga buwis na ipinapataw at ipapapasan pa sa balikat ng mamamayan. Wala itong ibang maipagmalaki kundi ang pakitang-taong programang "conditional cash transfer" na minana nito mula kay Arroyo nanilikha at pinopondohan ng pautang mula sa World Bank.

Sa kabilang panig, dinadagdagan ni Aquino ang badyet para suportahan ang pamumuhunan at garantiyahan ang tubo ng mga dayuhang malalaking kapitalista sa ilalim ng programang Private-Public Partnership. Ginagamit ni Aquino ang buong makinarya ng estado upang bigyang-daan ang pamumuhunan ng mga dayuhang malalaking kapitalista katuwang ng mga lokal na malalaking burgesyang komprador. Walang pag-aalinlangang pinakawalan ni Aquino ang karahasan at brutalidad sa isinagawang mga demolisyon ng mga komunidad ng mga maralita sa iba't ibang panig ng Kamaynilaan at iba pang syudad para lamang bigyang-daan ang mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng PPP.

Katulad ng walang pakundangang pagpapalayas sa mga maralita para lamang mabigyang-daan ang mga dayuhang malalaking kapitalista, walang pakundangan ding niyuyurakan ni Aquino ang pambansang kasarinlan ng Pilipinas sa pagbibigay-daan sa mga tropa ng gubyernong US na gamitin ang bansa para sa mga operasyon nito. Pinagagamit ni Aquino sa militar ng US ang lupa, himpapawid at karagatan ng Pilipinas para sa layunin ng US na itatag ang paghahari nito sa Pilipinas at Asia-Pacific.

Nag-aalimpuyo ang galit ang mamamayang Pilipino sa rehimeng Aquino. Naghihimagsik ang kanilang damdamin laban sa mapang-api at mapagsamantalang sistemang pinagsisilbihan ng naghaharing reaksyunaryong papet na rehimen. Kaliwa't kanan ay sumisiklab ang mga aksyong protesta. Nag-aapoy ang landas ng mga pakikibakang masa.

Nasa unahan ng mga pakikibaka ng mamamayang Pilipino ang uring manggagawa. Nakapwesto sila sa unahan ng martsa ng mamamayang Pilipino para isulong ang kanilang demokratikong mga kahilingan at labanan ang patuloy na pagtindi ng imperyalistang pang-aapi.

Itinatanghal at binabandila ng uring manggagawa ang sigaw para sa karagdagang sahod, para sa karapatan sa hanapbuhay at disenteng pamumuhay. Pinalalakas ng kilusang manggagawa ang kanilang organisadong hanay sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagbubuo ng mga unyon at iba anyo ng mga organisasyon sa loob at labas ng pabrika para isulong ang kanilang mga pakikibaka. Patuloy na lumalaki at lumalakas ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) at iba pang rebolusyonaryong organisasyon ng masang anakpawis.

Mahigpit na nag-uugnayan, nagtutulungan at sabayang kumikilos ang mga unyon at organisasyon ng mga manggagawa at iba't ibang samahan ng masang anakpawis sa mga komunidad para paalingawngawin ang kanilang demokratikong mga kahilingan. Kumikilos ang mga manggagawa hindi lamang sa loob ng mga pabrika kundi maging sa kani-kanilang mga komunidad katuwang ng masang anakpawis. Sama-sama nilang nilalabanan ang mga mapang-aping patakaran ng kontraktwalisasyon at iba pang labis na pang-aapi ng mga kapitalista sa kani-kanilang lugar. Sumusulong ang kilusan ng mga manggagawa at masang anakpawis sa loob at labas ng mga pabrika, sa mga komunidad at lansangan.

Magkatuwang na kumikilos ang mga manggagawa at masang anakpawis para labanan ang mga tanggalan sa trabaho, pagbuwag ng mga unyon, pagtaas ng presyo ng langis at mga saligang bilihin, demolisyon, dagdag na mga buwis at iba't ibang mga patakaran ng rehimeng Aquino na lalong nagpapahirap sa mamamayan.

Kumikilos, nakikiisa at naglilingkod ang mga kabataang estudyante sa mga pakikibakang demokratiko ng masang manggagawa at anakpawis. Pinupukaw ang patriyotiko at rebolusyonaryong damdamin ng mga kabataan. Kumikilos sila bilang isang malaking pwersang pangkultura na determinadong punitin ang mga luma, baluktot, kolonyal at anti-demokratikong kaisipang pinalalaganap ng imperyalismo. Napasisigla ang pagkilos ng mga kabataang manggagawa at kabataang anakpawis. Pinalalaganap nila ang siyentipiko, maka-masa, demokratiko at makabayang kaisipan sa mga paaralan, pabrika at komunidad.

Nasa unahan rin ang uring manggagawa sa mga pakikibaka laban sa panghihimasok militar ng US sa Pilipinas. Napupukaw ang patriyotismo ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino. Sumusulong sila sa landas ng paglaban para wakasan ang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas at makibaka para sa pambansang kalayaan.

Mabilis na sumusulong ang digmang bayan sa buong bansa. Lumalaganap, dumadalas at lumalaki ang mga inilulunsad na taktikal na opensiba ng BHB. Lumalaganap at patuloy na kumakalat ang apoy ng rebolusyong agraryo. Antas-antas na itinatayo ang bagong demokratikong gubyernong bayan. Tinatanaw ang lalong paglakas ng digmang bayan sa mga darating na panahon kaakibat ng pagpapalaking paglahok ng masang manggagawa sa armadong pakikibaka, mga pakikibakang agraryo at pagtangan ng demokratikong kapangyarihang bayan.

Determinado ang mga manggagawang Pilipino na manguna sa isang malawakang kilusan ng paglahok ng mga manggagawa, masang anakpawis at mga kabataang estudyante sa armadong pakikibaka at pagsanib sa BHB. Sabik na sabik ang masang anakpawis sa kalunsuran sa mga balita ng pagsulong ng digmang bayan sa kanayunan. Ang mga tagumpay ng digmang bayan ay nakapaghihikayat sa kanila na isulong ang isang malawakang kilusan sa kalunsuran ng pagsuporta sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Maaaring palaganapin ang lihim ngunit laganap na mga pagsisikap na ipunin ang iba't ibang mga kagamitang pansuporta sa BHB, mula sa mga personal na kagamitan ng mga Pulang mandirigma, hanggang sa mga bala, baril at iba pang kailangang-kailangang mga kagamitang militar.

Daan-daang mga manggagawa ang nais na sumapi sa BHB at buong-panahong maglingkod sa hukbong bayan. Lalo pa itong darami sa mga darating na taon. Ang malawakang pagsanib at paglahok ng mga manggagawa sa armadong pakikibaka at rebolusyong agraryo ay kongretong pagsasakatuparan sa pagbubuo ng saligang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka.

Sa harap ng matindi krisis at lumulubhang pang-aapi at pagsasamantala, determinado ang mga manggagawa at masang anakpawis na bagtasin ang rebolusyonaryong landas ng paglaban. Ngayong araw ay tiyak na muli nilang ipamamalas ang determinasyong iluwal ang kanilang makapangyarihang kilusan na yayanig sa naghaharing mga uri at reaksyunaryong sistema.