Mga nakaamba pang demolisyon

Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF here

Matapos ang marahas na demolisyon sa Silverio Compound, patuloy na kinakaharap ng mga maralita ang banta ng pangwawasak sa kanilang kabuhayan at tirahan. Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), napipinto ang demolisyon ngayong taon sa Doña Nicasia Subdivision sa Commonwealth Avenue at North Triangle sa Quezon City, sa Pangarap Village sa Caloocan City, sa Tondo, Maynila, sa Welfareville sa Mandaluyong City, sa Freedom Island, Parañaque City at iba pa.


Mula nang maupo ang rehimeng Aquino, naging sunud-sunod at sistematiko ang pang-aatake nito sa mga maralitang lunsod. Pinakamatitingkad na mararahas na demolisyon ang sa mga komunidad sa Sityo San Roque at BIR Road sa Quezon City, Barangay Corazon de Jesus sa San Juan City, Laperal Compound sa Makati City, Pangarap Village sa Caloocan City at pinakahuli sa Silverio Compound sa Parañaque City.

Tinatayang aabot sa 500,000 pamilya ang apektado ng mga demolisyon, ayon sa pag-aaral ng Bayan Muna. Nagresulta ang mga demolisyong ito sa malawak na paglabag sa karapatang-tao. Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, noong nakaraang taon ay napatay sa demolisyon sa Pangarap Village ang mga residenteng sina Soliman Gomez at Rommel Fortade habang pinaslang naman ang dalawang lider ng mga maralita na sina Antonio "Ka Nono" Homo ng Kadiwa sa Navotas City at Simeon Bayogbog ng San Isidro sa Rodriguez, Rizal.

Ipinapakita lamang ng mga pangyayaring ito na sagad-sagaring anti-mamamayan ang rehimen sa pagpapatupad nito ng programa nitong Public-Private Partnership. Patuloy ang pagsamba nito sa lokal at dayuhang  malalaking kapitalista habang ipinagkakait naman sa mga maralita ang disenteng tirahan, maayos na trabaho at iba pang karapatan.