Pag-atras ng mga tropa ng US, susi sa kapayapaan sa South China Sea

Ang Bayan
May 7, 2012

Download PDF here

Umigting simula noong Abril 10 ang tensyon sa pagitan ng gubyernong Aquino at China matapos harangin ng mga barkong pampatrolya ng China ang Coast Guard ng Pilipinas sa tangka nitong arestuhin ang mga Chinese na nangingisda sa Panatag   Shoal. Ang Panatag ay isang hugis-triangulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Paulig, Zambales. Isa itong lugar na magkasalungat na inaangkin ng Pilipinas at ng China.


Ilang linggong nagmaniobrahan ng mga barko sa lugar ang dalawang bansang nag-aangkin ng kasarinlan sa lugar. Naganap ito habang naglulunsad ng mga pagsasanay-militar ang 4,500 tropang Amerikano sa South China Sea at iba't ibang bahagi ng Pilipinas.

Nitong Abril 21, nanawagan ang PKP para sa paggigiit ng pambansang kasarinlan at teritoryal na integridad ng Pilipinas at sa mapayapang resolusyon ng tunggalian sa Panatag. Tinukoy ng PKP ang tatlong mahahalang salik:

1) Iatras ng China ang mga barko de gera mula sa Panatag at iba pang teritoryong pinagtutunggalian, igalang ang mga internasyunal na pamantayan at  itigil ang agresibong pagpopostura nito laban sa Pilipinas.

2) Iatras ng imperyalismong US ang lahat ng mga tropa nito na nakaistasyon sa Pilipinas, laluna yaong nagsasanay malapit sa mga di pinagkakasunduang teritoryo sa South China Sea at itigil ang pagpapakitang-lakas nito sa Asia-Pacific. 

3) Itigil ng rehimeng Aquino ang panunulsol at pang-iimbita ng panghihimasok ng US sa bansa at Asia-Pacific at ang paghinging sumuporta ang US sa pag-angkin ng Pilipinas kontra sa China.

Sa tatlong ito, susi ang pagwawakas ng presensyang militar ng US sa Pilipinas at Asia-Pacific. Ang papalaking presensya ng US sa South China Sea ang pinakamalaking salik na nag-uudyok ng agresibong pagpostura ng China. Kung patuloy ang panghihimasok ng US sa mga usapin sa pagitan ng mga bansa sa Asia, hindi mabubuo ang mapayapang resolusyon.

Dapat labanan ng mamamayang Pilipino ang agresibong pagpostura ng China habang hinihimok itong mapayapang makipagkasundo. Maaaring singilin ang China sa pinirmahan nitong kasunduang Code of Conduct sa ASEAN kung saan sumang-ayon ito sa multilateral na pakikipag-dayalogo para sa mapayapang paglutas ng magkakasalungat na pag-angkin sa Panatag at Spratly Islands.

Dapat himukin ang China na makipagkaisa sa mamamayang Pilipino. Dapat ding kilalanin na ang tindig ng China ay mas nasa katangiang pagtatanggol sa sariling kasarinlan at pagsisikap na kontrahin ang pagpapalibot dito ng US. Bagamat may mga ambisyong imperyalista ang China bilang makapangyarihang kapitalistang bansa, hindi ito nagbabanta ng panghihimasok o agresyong militar laban sa Pilipinas. Kontra sa imperyalismong US, maaari itong alukin ng kooperasyong pang-ekonomiko para sa industriyalisasyon ng Pilipinas.

Ang pagpapaigting ng tensyon sa South China Sea ay sadyang hinikayat ng US bilang bahagi ng layunin nitong itaguyod ang tinagurian nitong "American Pacific Century." Mula 2010 ay ginagamit ng imperyalismong US ang rehimeng Aquino para batikusin ang "pambabraso" ng China at hingin ang "tulong" ng US para sa "pagtatanggol ng kasarinlan" ng Pilipinas.

Hindi interes ng Pilipinas laban sa China ang ipinagtatanggol ng US. Mas malaki ang interes ng US na mapanatiling sunud-sunurang alyado ang China. Ginagamit lamang nito ang Pilipinas bilang lunsaran ng mga aksyon para palibutan, idiin at panghimasukan ang China.

Pinalalabas ni Aquino na sa pamamagitan ng US-RP Mutual Defense Treaty (MDT) ay tiyak na sasaklolo ang US sakaling sumiklab ang armadong tunggalian sa pagitan ng Pilipinas at China. Ang katunayan, wala itong probisyon para sa awtomatikong retalyasyon. Sa kasaysayan, kikilos lamang ang US laban sa anumang dayuhang banta alinsunod sa pambansang interes nito. Ginamit lamang ng US ang MDT para gawing ligal ang pagpapanatili ng mga tropang militar nito sa Pilipinas.