Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinalubong ng mga kilos-protesta

Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF Here

Umabot sa 100,000 manggagawa at kanilang mga kapanalig mula sa iba't ibang sektor ang dumalo sa mga kilos-protestang inilunsad sa iba't ibang panig ng bansa bilang pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa nitong Mayo 1.


Sa Metro Manila, nagmartsa ang 30,000 manggagawa sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno (KMU) patungong Plaza Miranda sa Quiapo at hanggang sa paanan ng Mendiola Bridge sa kabila ng matinding sikat ng araw at kalauna'y pagbuhos ng ulan. Patuloy pa rin nilang iginiit ang nakabubuhay na sahod sa kabila ng pagbasura ng rehimeng Aquino sa kanilang kahilingan para sa P125 dagdag sa arawang sahod. Ang pagtanggi ay patunay na si Aquino ay tagapagtanggol ng malalaking korporasyon, ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Ang tanging ipinagkaloob ni Aquino ay ang kakarampot na P713 na dagdag kada buwan sa minimum na sahod ng mga kawani ng gubyerno. Subalit ayon sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), napakaliit ng epekto nito sa 1.4 milyong kawani ng gubyerno sa harap ng mataas na halaga ng pamumuhay ngayon.  Tuloy pa rin nilang ipananawagan ang P6,000 na dagdag sa buwanang minimum na sahod.

Samantala, umabot sa 5,000 katao ang lumusob sa bahay ni Aquino sa Times Street, Quezon City para kundenahin ang kanyang pananahimik sa kaliwa't kanang demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita na ang pinakahuli ay ang madugong insidente sa Silverio Compound. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.) Nagprotesta rin ang isang grupo ng KMU at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa harap ng embahada ng US Embassy noong tanghali.

Iba't ibang anyo ng kilos-protesta ang isinagawa ng mga manggagawa at mga alyado nilang sektor sa mga syudad ng Baguio, Angeles, Calamba, Cavite, Legazpi, Tacloban, Cebu, Bacolod, Iloilo, Roxas, Davao at iba pang sentrong lunsod sa Mindanao; at sa bayan ng Kalibo, Aklan.