Serye ng mga operasyong harasment sa Abra

Ang Bayan
May 07, 2012

Download PDF Here

Anim ang napatay at isang sundalo ang nasugatan bunsod ng dalawang magkasunod na operasyong harasment ng mga armadong yunit sa ilalim ng Agustin Begnalen Command (Bagong Hukbong Bayan-Abra) laban sa 41st IB nitong huling linggo ng Abril.

Tatlong sundalo ng Charlie Company ng 41st IB ang napatay at isa pa ang nasugatan nang bulabugin ito ng isang yunit ng Procopio Tauro Front  noong Abril 26 sa Sityo Bantogo, Poblacion, bayan ng Lacub, Abra. Nakapwesto ang mga pasistang tropa sa gilid ng Poblacion Lacub Elementary School. Ginawa ring pananggalang ng mga sundalo ang nakapaligid sa kanilang 15 bahay at mga palayan.

Pero dahil sa mahigpit na suporta ng mamamayan, nagawang gapangin at paputukan ng isang pangkat ng PTF ang detatsment ng Charlie Company noong ganap na alas-5:20 ng madaling araw. Napatay kaagad ang tatlong sundalo.

Nagsitakbuhan ang mga sundalong pinamumunuan ng isang Lieutenant Totoy para magtago sa Poblacion. Nagtawanan naman ang mga residente nang makita nilang nakapaa na lamang ang tumatakbong mga pasistang tropa.

Matamang sinubaybayan ng BHB ang reaksyon ng kaaway sa isinagawa nilang pambubulabog. Namonitor nilang may pumasok na isang platung reimporsment ng 41st IB sa Mt. Inuman, Poblacion, Lacub. Nakasibilyan sila at nagpanggap na mga kasapi ng BHB.  Bandang alas-10 ng umaga ng Abril 27, inisnayp sila ng isa pang yunit ng PTF. Tatlong elemento ng kaaway ang agad na napatay.

Pinarusahan ang yunit na ito dahil sa tuluy-tuloy na pagsisilbing pwersang panseguridad ng malalaking minahan, pananakot sa mga mamamayang tutol sa malawakang pagmimina, pang-aabuso sa kababaihan at bata at iba pang krimen nila laban sa bayan, ani Ka Diego Wadagan, tagapagsalita ng Agustin Begnalen Command.

Samantala, sa Mountain Province, binigo ng isang yunit ng Leonardo Pacsi Command noong Abril 21 ang tangkang pagkubkob ng 54th IB sa pansamantalang base nila sa Sityo Tappo, Banawel, sa bayan ng Natonin.

Kahit marami ang kaaway kumpara sa BHB at naunang magpaputok, magiting silang hinarap ng mga Pulang mandirigma. Nawasak ng BHB ang linyang pagkubkob ng 54th IB kahit may suporta pa itong dalawang helikopter at gumamit ng mga aso para tugisin ang mga gerilya. Ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma na walang kaswalti. 

Para tabunan ang kabiguang lipulin ang BHB, ipinagyayabang ng mga propagandista ng militar na anim daw ang napatay sa BHB. Dinala pa umano ang mga bangkay sa bayan ng Alfonso Lista at pagkatapos ay sa isang punerarya sa Santiago, Isabela. Para makumpleto ang panlilinlang ay nagpakita pa ang militar sa midya ng mga dati na nilang nakumpiskang armas.