Sunud-sunod na operasyong partisano ng Jose Rapsing Command - Masbate laban sa mga elemento sa paniktik ng militar

Gregorio Bañares
NDF-Bicol
May 15, 2012

Mga ulat ng iba’t ibang kumand ng BHB sa rehiyon
 
Napatay sa operasyong partisano ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate ang isang aktibong elemento sa paniktik ng 9th Infantry Battalion na kinilalang si Pacifico "Boy" Endraca Jr. nitong Mayo 14, 2012 ng umaga sa Bgy. Polot, Mobo.

Si Boy Endraca ay masugid na giya sa mga operasyong pangkombat ng AFP at sa pagtatayo ng grupo ng mga impormer laban sa mga yunit ng BHB sa bayan ng Mobo. Mahigit apat na taon itong naging kasapi ng CAFGU at pagkatapos ay inilipat sa gawaing paniktik ng 9th IBPA.

Bago nito noong Abril 29 bandang alas-11 ng hatinggabi, nasukol at napatay ng isang yunit ng BHB ang isa pang sagadsaring elemento sa paniktik ng AFP at PNP na matagal nang hinahanap ng BHB sa isla ng Ticao, Masbate.

Kinilala ang napatay na si Joseph Letada at nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 pistola at mga bala. Naganap ang pangyayari habang nakikipag-inuman si Letada sa Bgy. Talisay, San Fernando, Masbate.

Si Letada ang nagturo at naggiya sa mga tropa ng PNP-RMG sa pagsalakay sa isang yunit ng BHB noong Abril 2007 sa Sityo Bugang, Bgy. Altavista, San Fernando. Nagresulta ito sa isang matagal at madugong labanan kung saan namatay ang isang pulang mandirigma at nasugatan ang dalawa pa habang 15 ang patay sa RMG at lima ang sugatan. Sa sobrang galit ng PNP-RMG at sumaklolong mga sundalo, sinunog nila ang 15 kabahayan ng mga sibilyan, ninakaw ang kanilang mga alagang hayop at iba pang kagamitan, at pinalikas ang maraming mamamayan sa lugar.

Noon namang Abril 23, 2012 bandang alas-4 ng hapon tinarget ng operasyong partisano ng BHB ang isang elemento sa paniktik ng AFP sa Sityo Napokdol, Bgy. Maravilla, Palanas, Masbate. Napatay sa naturang operasyon si Aldrin Aresubal at nakumpiska sa kanya ang isang kalibre .45 baril at mga bala na ginagamit nito sa mga kriminal na aktibidad.

Si Aresubal ay kilala bilang lider ng tinatawag na Gaid Boys, isang notoryosong bayarang grupo ng mamamatay-tao ng malalaking pulitiko sa ikatlong distrito ng Masbate at sangkot sa maraming kaso ng panghoholdap, pagnanakaw at pagpatay. Hindi ito kayang arestuhin ng PNP dahil sa proteksyong ibinibigay ng malalaking pulitiko.

Noong Abril 21, 2012 ng tanghali napatay ng BHB sa isa pang operasyong partisano ang isang masugid na elemento sa paniktik ng AFP sa Bgy. Domurog, Esperanza, Masbate. Si Pidol Balsa ay tinarget ng BHB dahil sa aktibong pagrerekrut ng mga impormer sa lugar na nagresulta sa ilang labanan sa pagitan ng yunit ng BHB na kumikilos sa lugar at sa AFP.

Labis ang panghihinayang ng militar sa pagkamatay ng kanilang ahente sa paniktik kung kaya't ginawaran pa ito ng 21-gun salute ng militar sa araw ng libing nito.

Abril 28, 2012. ALBAY. Tinambangan ng isang tim ng partisano ng Santos Binamira Command ng BHB-Albay si Teodorico Dasal Jr. ng Sityo Banao, Bgy. Nagotgot, Manito, Albay dahil sa malulubhang krimen nito sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng pagiging masugid na impormer at giya ng militar sa mga operasyon nito laban sa BHB.

Ang pinakamabigat na krimen nito ay ang pagtataksil sa rebolusyonaryong kilusan at pagkakanulo sa mga kasama. Si Dasal ang naging giya sa dalawang kaso ng pagkubkob sa mga yunit ng BHB na nagresulta sa pagkamatay ng isang pulang mandirigma at isang sibilyan.

Noong Mayo 11, 2009 ay naging giya ito sa pagkubkob ng militar sa isang yunit ng BHB sa Bgy. Del Rosario, Jovellar, Albay na nagresulta sa pagkamatay ng sibilyan na si Danilo Nuel. Ilang buwan pagkalipas nito, si Dasal ang naging giya sa pagkubkob sa yunit ng BHB sa Sityo Bonga, Bgy. Pawa, Manito, Albay noong Setyembre 24, 2009 na nagresulta sa pagkamatay ng pulang mandirigma na si Ka Santy.

Si Teodorico Dasal Jr. ay dating kasapi ng BHB na sumuko sa pasistang militar at naging espiya at giya sa mga operasyong pangkombat ng AFP laban sa BHB.

Abril 25, 2012. KLINIKANG BAYAN NG BHB SA MASBATE. Nagsagawa ng Klinikang Bayan ang mga medik ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate noong Abril 25, 2012. Ginanap ito sa isang pinakaliblib na baryo sa hangganan ng mga bayan ng Uson, Milagros at Mobo na matagal nang hindi nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan ng reaksyunaryong gubyerno at mga bulok na pulitiko sa lugar.

Nakinabang ang mahigit 100 katao sa libreng panggagamot ng BHB na kinabibilangan ng mga serbisyong dental, libreng tsek-ap at pamamahagi ng gamot, minor surgery at accupuncture. Labis ang tuwa at pasasalamat ng mamamayan sa mga medik ng BHB at higit na napatatag ang pagtutulungan ng masa at kanilang hukbo sa pagsusulong ng digmang bayan sa lugar.

Abril 8, 2012. SORSOGON. Binigo ng isang platun ng BHB sa ilalim ng Celso Minguez Command ang patraydor na pag-atake ng 31st Infantry Battalion sa Bgy. Salvacion, Magallanes, Sorsogon noong Abril 8, bandang alas-6:35 ng umaga.

Nagpapahinga ang mga pulang mandirigma nang mabalitaan mula sa mga taumbaryo na papalapit sa kanilang pwesto ang 24 sundalo ng 31st IBPA. Agad na pumusisyon ang mga pulang mandirigma, magiting na nakipaglaban at ligtas na nakamaniobra nang walang nasugatan o namatay sa kanilang hanay. Wala ring gamit na naiwan sa lugar. Sa kabilang banda, isang sundalo ang namatay sa naturang labanan ngunit itinago sa publiko ng mga upisyal ng batalyon.

Marso 26, 2012. CATANDUANES. Hinaras ng isang tim ng mga pulang mandirigma sa ilalim ng Nerissa San Juan Command ng BHB-Catanduanes ang mga tropa ng 83rd IBPA sa Bgy. Kilikilihan, San Miguel noong Marso 26, 2012 ng madaling araw.

Namatay si Pfc. Edel Llamas at sugatan naman si Pfc. Gran na tinamaan sa hita. Pauwi na sa kanilang kampo ang mga sundalo mula sa ilang araw na operasyong militar at sakay ng isang trak nang paputukan ng mga pulang mandirigma. Ligtas na nakamaniobra ang mga pulang mandirigma.