Rebolusyonaryong Hustisya para sa mga Biktima ng nangyaring Karumal-dumal na Krimen sa Carranglan!



NPA - Nueva Ecija
Hunyo 12, 2012

Mariing kinokondena ng BHB-Nueva Ecija ang brutal na pagpaslang sa driver at pahinante ng CCFS Trucking Services sa Brgy.Piut, Carranglan, Nueva Ecija noong gabi ng June 10, 2012. Nang matiyak na ng tatlong armadong kalalakihan na patay na ang mga biktima ay binuhusan ng gasolina at sinunog ang minamaneho nilang trailer truck.


Kasamang natupok ng apoy ang katawan ng driver na si Romeo Ballesteros, 46 taong gulang, at ang kasama nitong si Randy Vergara, 27 taong gulang na parehong residente ng Brgy.Pugo, Jones, Isabela.

Matapos ang karumal-dumal na krimen ay agad na tumakas ang naka-bonet na mga salarin sakay ng motorsiklo at puting van pa-Hilaga.

Di nagtagal ay sumugod sa pinangyarihan ang tatlong truck ng mga sundalo mula sa 81st Infantry Battalion Headquarters ng Philippine Army na nakabase sa San Jose City, at kaagad nagkakalat ng intriga.

Muli na naman silang naglubid ng buhangin. Hindi pa man nagsasagawa ng imbestigasyon ay malisyoso nang ibinibintang sa BHB ang krimen. Gayunman, sanay na mamamayan sa mga kasinungalingan nila.

Hindi na bago ang ganitong krimen at gawain ng reaksyonaryong armadong pwersa sa lugar.

Ang lantad na masasamang mga elemento sa kahabaan ng Maharlika highway sa Carranglan ay hawak ng mga pulis, sundalo, at mga opisyal sa paniktik nila. Sila ay aktibo nilang inagamit para sa paniktik, operasyong psywar laban sa rebolusyonaryong kilusan, at sa extortion.  Kabilang din sa mga ito ang ilang nagtaksil sa rebolusyonaryong kilusan at nakikipagsabwatan sa AFP at PNP sa mga kontra-rebolusyonaryo at kontra-mamamayang aktibidad.

Sa nakaraan, hindi lang ilang beses na nasabat ng ilang matitinong pulis ang nabanggit na mga kriminal--na mga sundalo at intel pala, at nagpapanggap na mga NPA, kaya agad ding nailalabas ng kanilang kinabibilangang mga yunit.

Likas ang ganitong maruruming pakana sa isang bayaran, korap, at anti-mamamayang AFP-PNP na pangunahing naglilingkod sa interes ng malalaking panginoong-maylupa, burgesya-kumprador, at sa amo nilang imperyalista.  Nagpakadalubhasa sila sa paggamit ng dahas at panlilinlang upang supilin, lituhin, iligaw, at hati-hatiin ang mamamayang naghahangad ng panlipunang pagbabago laban sa kasalukuyang bulok na sistema.

Naninindigan ang BHB sa matapat na layunin nitong paglingkuran ang sambayan laban sa lahat ng uri ng pagsasamantala at pang-aapi. Sinasalamin ito sa Saligang Alintuntunin ng BHB, Programa ng Pambansa-Demokratikong Rebolusyon, at sa mayamang praktika nito sa loob ng 43 taon sa mula nang itatag ito.

Kasama ang buong mamamayang matagal nang naghahangad ng tunay na demokrasya, at ganap na kalayaan, ang Bagong Hukbong Bayan dito sa lalawigan at sa buong bansa ay ubos-kayang kikilos at makikipaglaban upang isulong at ipagtagumpay ang digmang bayan. Sa ganitong balangkas lamang mapapawi ang pinag-uugatan ng laganap na kriminalidad at makakamit ang tunay na hustisya para sa lahat ng biktima ng mga kriminal at kalaban ng mamamayan.###