Sibilyan, biktima ng pagpatay ng tropang 8SRC,PA sa Bulan, Sorsogon

Ka Samuel Guerrero
Celso Minguez Command, BHB-Sorsogon
17 Hunyo 2012

AMariing kinukondena ng Celso Minguez Command-BHB ang walang-awang pagpatay kay Cezar Habla, 47 taong gulang, isang sibilyang magsasaka na residente ng Brgy. Palale, Bulan, Sorsogon nitong umaga ng Hunyo 17, 2012 ng 8th Scout Ranger Company (SRC), Philippine Army. Nangyari ang pagpatay kay Cesar Habla pagkatapos ng isang bigong strike operation ng 8th SRC-PA laban sa isang yunit ng CMC-BHB sa parehong baranggay.

Naganap ang labanan bandang alas 5:30 ng umaga nitong Hunyo 17 habang pansamantalang nakahimpil ang mga kasama sa isang bahay na may layong 200 metros sa “agunan o koprasan” ng pamilyang Habla at 300 metros mula sa bahay mismo ni Cesar Habla. Ang mag-asawang Cesar at Doris Habla, kasama ang ilang anak nila, ay nasa agunan nang mangyari ang labanan kaya pagkatapos ng 15 minuto na putukan ay dali-daling umuwi sa bahay nila si Cesar, kasama ang bunsong anak, upang tiyakin na ligtas ang iba pa nilang mag-anak. Rinatrat ng baril si Cesar Habla habang naglalakad pauwi sa bahay nila kasama ang kanyang bunsong anak na si Jovan, 10 taong gulang.

Batay mismo sa salaysay ng kanyang asawa na nakasaksi sa krimen ng pasistang tropa, lahat sa likuran ni Cesar ang mga tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Nakararanas ng matinding takot at trauma ang kanyang bunsong anak na si Jovan, matapos makaligtas sa pamamaril ng mga militar.

Buong-kahambugan inanunsyo agad ni Lt. Teody Toribio, ang commanding officer ng 31st IBPA, sa isang lokal na istasyon ng radyo na myembro umano ng BHB si Cesar Habla at naging tagumpay daw ang kanilang strike operation. Pinagpatuloy pa nito ang kanyang pagsasalamangka ng katotohanan sa pagsasabi na buong ingat daw nilang tiniyak na tumatalima sa batas ng digma ang pagsagawa ng strike operation sa Brgy. Palale. Kabaliktaran sa kanilang pahayag, ang walang-awa at sadyang pagpatay ng 8th SRC-PA sa sibilyang si Cesar Habla. Hindi ito nadamay sa labanan, at hindi rin ito kasapi ng BHB.

Sa bigong pag-atake ng mga 8th SRC, magiting na nakapanlaban ang mga pulang mandirigma ng at ligtas na umatras ang yunit ng BHB, habang wounded-in-action (WIA) ang isang elemento ng 8th SRC. Matagal nang gawain ng pasistang AFP ang pag-atake sa masang sibilyan.

Pagbayarin ang 8SRC,PA sa kanilang pagpatay kay Cesar Habla!