Malaking delubyo ang rehimeng Aquino sa mamamayang Pilipino

Editoryal
Ang Bayan
Agosto 21, 2012

Isang malaking kalamidad ang humagupit sa Metro Manila, Southern Tagalog, Central at Northern Luzon nitong mga unang araw ng Agosto. Bunsod ng mahigit sampung araw na pag-ulan dala ng mga hanging habagat, napakalawak na lugar ang nalubog sa baha na tumangay at nagwasak sa mga bahay at ari-arian ng umaabot sa dalawang milyong mamamayan, kumitil sa maraming buhay at sumalanta sa kanilang mga lupain, palaisdaan at pinagkukunan ng kabuhayan.


Sinariwa ng sakunang ito ang mapait na alaala ng bagyong Ondoy ng 2009 na naglubog sa malaking bahagi ng Metro Manila, ng bagyong Sendong noong 2011 na naglubog sa malaking bahagi ng Northern Mindanao at Visayas at iba pang bagyo at pagbaha nitong nagdaang mga taon. Palala nang palala ang idinudulot na sakuna sa buhay, ari-arian at kabuhayan ng mga dumadaang bagyo bunga ng labis na pagkasira ng kapaligiran at kawalan at pagkabulok ng mga kinakailangang imprastruktura para sa pagkontrol ng baha at pangangalaga sa kaligtasan ng mamamayan.


Ipinakita ng malaking sakunang ito ang matalas na pagkakahati sa uri ng lipunang Pilipino. Pangunahing sinalanta ng mga pagbaha ang mga manggagawa, mga maralitang walang hanapbuhay, mga magsasaka, mangingisda, maliliit na kawani at propesyunal at iba pang karaniwang mamamayan.


Sa kalunsuran at mga sentrong bayan, sila ang naninirahan sa mga estero, tabing ilog, lawa at mga lugar na wala o kulang ang imprastruktura para sa kalinisan, pagtatapon ng basura at pagkontrol ng baha. Sa kanayunan, sila ang pinakananganganib na lamunin ng mga umaapaw na ilog at tabunan ng gumuguhong mga bundok.


Sila ang araw-araw na nagpupunyaging maghanapbuhay sa harap ng malalim na krisis at malawak na kahirapan. Sila ang pinakainaapi at pinagsasamantalahang mga uri. Ang kanilang proteksyon at kaligtasan ang nasa pinakamababa na mga prayoridad ng naghaharing uri at estado.


Sa tuwing humahagupit ang bagyo at mga kalamidad, nasa bingit ang buhay at kaligtasan ng masang anakpawis, habang ang malalaking kapitalista, panginoong maylupa at mga burukrata kapitalista ay komportable sa kanilang magagarbong bahay sa mga eksklusibong subdibisyon na malayo sa mga baha. Habang namemeligro ang buhay ng karaniwang mga tao, pinakamalaki na sakit ng ulo ng mayayaman ang panandaliang mawalan ng kuryente o maputulan ng serbisyo ng cellphone.


Ipinamalas ng rehimeng Aquino ang tunay na kulay nitong makauri sa harap ng malaking sakuna at pagkasalanta ng milyun-milyong mamamayan. Lumitaw ang pagiging matapob-re ng asenderong si Aquino nang sumbatan niya ang mga biktima na "Matitigas ang ulo!" at idiniin sila sa dinanas na sakuna, kahit nakahandusay pa sa putik ang daan-daan libong pamilyang biktima ng baha. Kasuka-sukang ginamit pa ni Aquino ang trahedya upang iparada sa mga evacuation center ang kanyang mga manok na kandidato sa darating na eleksyon.


Pero anumang ingay at palabas ang gawin ni Aquino, hindi niya mapagtatakpan ang malalaki niyang kasalanan sa bayan. Bigo siyang isakatuparan ang mga hakbangin laban sa pagbaha at paghahanda para sa mga sakuna. Dapat managot si Aquino sa kautusan niyang nagbabawal na gamitin ang pondong pangkalamidad sa mga kinakailangang paghahanda sa sakuna.


Nitong Agosto, tumunganga lamang si Aquino sa harap ng pag-akyat ng tubig sa mga dam, gayong ilang taon nang sumisigaw ang mamamayan na huwag pahintulutang paabutin sa pelig-rosong antas ang iniipong tubig. Tatlong taon na siya sa poder pero hanggang ngayon ay wala pa siyang ginagawang malakihang pagsasaayos ng pangungolekta at wastong pagtatapon ng basura,  paglilinis ng mga daluyan ng tubig, paghuhukay ng banlik sa mga lawa at ilog at rehabilitasyon ng mga kagubatan at watershed. Taliwas dito, mas abala pa si Aquino sa pag-akit sa mga dayong kumpanya na mamuhunan sa pagmimina ng mga nakalbo nang kabundukan.


Isang mas malaking delubyo ang kakaharapin ng maralitang mamamayan sa pinaplano ng rehimeng Aquino na malawakang demolisyon ng mga maralitang komunidad. Ang tapang pa ng apog niyang gamitin ang naganap na kalamidad at palabasing ang planong pagpapalayas sa mga maralita ay para sa kanilang "kaligtasan." Malaking kabalintunaan ang pinalalabas ni Aquino na "kaligtasan" ng taumbayan ang layunin sa pagwasak (at pagpapasabog pa nga!) sa kanilang mga bahay at kabuhayan. Ilalayo sila sa kanilang mga hanapbuhay at itataboy sa malalayong lugar na peligroso rin sa baha, pagguho ng lupa at iba pang sakuna.


Ang totoong layunin ni Aquino ay itaboy ang mga maralita at ipagamit ang lupaing kinatitirikan ng kanilang mga bahay sa mga kaibigan niyang malalaking negosyante at mga kasosyo nilang malalaking kapitalistang dayuhan. Ito na ang plano ni Aquino mula nang maupo siya sa poder--ang  ilunsad ang kaliwa't kanang mga demolisyon, alinsunod sa mga planong konstruksyon sa ilalim ng kanyang prog-ramang Public-Private Partnership.


Ang higit na malaking delubyong dinaranas ng mamamayang Pilipino ay ang delubyo ng kawalang hanapbuhay, malaaliping sahod, kawalan ng lupa, pumapaimbulog na presyo ng pagkain at iba pang bilihin, di na maabot na mga singilin sa edukasyon at serbisyong pangkalusugan, nabubulok na mga serbisyong panlipunan, tumitinding militarisasyon, panunupil at mga paglabag sa karapatang-tao.


Ang patuloy na pagsisilbi ni Aquino sa interes ng dayong malalaking kapitalista at mga mapagsamantala't mapang-   aping uri ang pinakamatinding delubyong naghahatid ng malaking kapahamakan sa mamamayang Pilipino. Ang dinaranas na pagpapabaya, pagpapahirap at pang-aapi ng mga biktima ng kalamidad at masang anakpawis ay pumupukaw sa kanila na bagtasin ang daan ng paghihimagsik at pagrerebolusyon. Mahirap man at mapanganib ang daang ito, tiyak na ihahatid nito ang mamamayan sa maaliwalas, maunlad, makatarungan at demokratikong kinabuksan.


------------

Iba Pang Artikulo: