ANG BAYAN, 21 September 2012

ANG BAYAN
21 September 2012

Patuloy na umiiral ang paghaharing militar sa bansa


Umiiral pa rin ang terorismong militar sa buong bansa. Nagpapatuloy ang paghaharing militar kahit 40 taon na ang nakalilipas mula nang pormal na ideklara ni Ferdinand Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972 at 26 na taon na ang nakararaan mula nang ibagsak ito sa pamamagitan ng pag-aalsang bayan noong Pebrero 1986. 


Download PDF here or here.
 Ginamit ni Marcos ang batas militar upang panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at palakasin ang paghahari ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista.

Sa kabila ng ipinangangalandakang pagbalik umano ng demokrasya, walang malaking pinagkaiba ang mga sumunod na rehimen sa kinamumuhiang pasistang diktadurang Marcos. Kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar, nakapagpapatuloy ang terorismo ng estado. Nakapangyayari pa rin ang mga mapagsamantala at mapang-aping sinuhayan ng batas militar.

Nagagawa ito sa pamamagitan ng paigting nang paigting na militarisasyon sa bansa mula sa rehimen ni Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyang rehimen ng anak niyang si Benigno Aquino III, kung kailan walang puknat ang malawakang mga operasyong militar at may makapal na presensya ang mga tropa ng AFP mismo sa mga komunidad ng mga magsasaka at maralitang lunsod sa buong bansa.

Para mapanatili ang bulok at bangkaroteng sistemang malakolonyal at malapyudal, pinalaki ang bilang at pinatingkad mula noong 1972 ang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong galamay ng reaksyunaryong estado. Ang pinalaking papel ng AFP sa maraming aspeto ng lipunang Pilipino ay indikasyon ng nagpapatuloy at palalang krisis ng naghaharing sistema. Kailangang lakasan ang mapaniil na pwersa ng estado para supilin ang lumalakas na paglaban ng mamamayan.

Pinalaki ni Marcos ang kabuuang pwersa ng AFP mula 60,000 tungong 100,000 tropa noong ipataw ang batas militar. Umabot ang kabuuang bilang ng AFP sa 250,000 noong kalagitnaan ng 1975 matapos isanib dito ang mga pwersa ng PC-INP. Pagkatapos ng batas militar, tuluy-tuloy na pinalaki ang pwersa ng AFP tungong 200, 000 at ang PNP mula 115,000 tungong 140,000 sa kasalukuyan. Hindi pa kabilang dito ang pagpapalobo ng mga pwersang paramilitar tulad ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at iba pang mga armadong grupong hawak din ng militar.

Ang AFP ay di lamang pinakamalakas na haligi ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Ito rin ang pinakapinagkakatiwalaang instrumento ng imperyalismong US para mapanatili ang dominasyon nito sa Pilipinas. Ang AFP ang pinakasinasaligang pwersa ng US para sa pangangalaga ng estratehikong interes nito sa Pilipinas, pagpapatatag ng reaksyunaryong sistemang pampulitika, pangangalaga sa dayong pamumuhunan at pagsupil sa mga pwersang anti-imperyalista at rebolusyonaryo. Tungo rito, malaki ang mga pagsisikap ng imperyalismong US na palakasin ang organisasyon ng AFP, suplayan ito ng mga armas at sanayin ang mga tauhan nito batay sa umiiral na doktrina ng US.

Sa katunayan, nag-ugat ang kasalukuyang AFP at PNP sa unang mga mersenaryong tropa mula sa Macabebe, Pampanga na ginamit ng mga kolonyalistang Amerikano sa pagtugis sa mga rebolusyonaryong Pilipinong lumalaban sa pananakop ng US noong 1899-1903. Sila kalaunan ang naging Philippine Scouts (na malao'y naging Philippine Scout Rangers) at Philippine Constabulary.

Sinasanay ang mga susing upisyal ng AFP sa mga paaralang militar ng US tulad ng West Point Military Academy, Annapolis Naval Academy at Fort Benning at nirerekluta sila bilang mga ahente ng imperyalistang Central Intelligence Agency (CIA).

Sinusuplayan ng mga armas ang AFP sa pamamagitan ng US Foreign Defense Financing Program at ang pagbili ng mga armas mula sa ibang bansa sa ilalim ng AFP Modernization Program ay ginagabayan ng mga tagapayong militar ng US.

Nakapadron naman ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng papet na gubyerno ng Pilipinas sa doktrina ng US. Ang kasalukuyang Oplan Bayanihan ng AFP ay halos kopya mula sa US Counterinsurgency Guide of 2009.

Sa 14 na taong pag-iral ng batas militar, naipundar ng AFP ang pulitiko-militar na kapangyarihan nito sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino. Ang inabot ng militarisasyon ng sistemang panlipunan sa Pilipinas ay pinatitingkad din ng laksa-laksang mga dating upisyal militar na nakapwesto sa burukrasyang sibil. Hinihirang o nagpapahalal sila sa iba't ibang ahensya ng gubyerno, kongreso at lokal na gubyerno. Sa pamamagitan ng militarisasyon ng burukrasya, nabibigyan ng akomodasyon ang mga retiradong matataas na upisyal na militar na alipures ng mga reaksyunaryong pulitiko. Sa gayon, nagagawang saklawin at gamitin ng AFP ang burukrasyang sibil sa pagsusulong nito ng mga programang kontra-rebolusyonaryo.

Laganap din ngayon ang paggamit ng militar para maghatid ng mga serbisyong dapat ay ibinibigay ng mga sibilyang ahensya ng gubyerno. Lalo itong lumaganap nang ipatupad ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino sa anyo ng "peace and development organizing teams" ng AFP, mga civil-military operations na sumasaklaw pati sa pagtuturo umano ng karapatang-tao sa mga paaralan, pagsasagawa ng mga sensus, paglulunsad ng mga misyong medikal at dental, at pagtatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan na kalauna'y gagawing mga baraks ng mga sundalo sa loob ng ilang buwan hanggang isang taon.

Pilit binubura sa kamalayan ng mamamayan ang imbing papel ng reaksyunaryong militar sa paghahasik ng teroristang lagim at pagpepreserba sa mapagsamantala at mapang-aping naghaharing sistema. Sinasanay ang bayan sa makapal na presensya at pang-aabuso ng militar upang pumurol ang kanilang pagtutol sa militarisasyon at maging katanggap-tanggap ang panunupil.

Hungkag ang lahat ng pagsisikap na ito ng AFP, ng rehimeng Aquino at amo nilang imperyalismong US. Kailanman ay hindi maaaring bumango at maging positibong pwersa ang isang institusyong nasa kaibuturan na ang pagiging papet, mapanupil, bulok at mersenaryo.

Sa malagim na kasaysayan ng diktadurang Marcos ay nasaksihan ng mamamayan ang pinakamasahol na mukha ng lantarang paghaharing militar. Mapait na pamana ng batas militar ni Marcos ang tagus-tagusang militarisasyon at pag-iral pa rin ng panunupil militar, na pilit ikinukubli gamit ang mapanlinlang na mga karatula ng "kapayapaan" at "kaunlaran." Ito ang dapat patingkarin sa bawat paggunita ng batas militar.

Walang ibang nararapat na tugon sa walang puknat na panunupil militar kundi ang walang pagod na paglalantad sa katotohanan at walang puknat ding paglaban ng mamamayan.

 

Mga bakas ng batas militar


Sa kalakhan ay kinilalang ligal ang mga batas na pinairal noon ng pasistang diktadurang Marcos, maliban sa ilang ibinasura ni Corazon Aquino sa unang mga araw ng pagkakaluklok niya sa poder at yaong mga pinawalambisa ng Korte Suprema.

Pinairal ni Corazon Aquino ang mapaniil na mga batas at dikretong presidensyal tulad ng Batas Pambansa (PB) 880 na nagbabawal sa mamamayan na magtipun-tipon sa publiko, ang General Order (GO) 66 na nagpapahintulot sa militar at pulisya na magtayo ng mga tsekpoynt sa mga daan at mga paaralan. Pinahihintulutan naman ng GO 67 ang pag-aresto nang walang mandamyento. Ang Presidential Decree (PD) 1866 ay nagpaparusa sa iligal na pag-iingat ng mga armas kaugnay ng rebelyon. Pinahihintulutan naman ng Executive Order (EO) 129 ang mga demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lunsod.

Niligalisa rin ni Corazon Aquino ang pag-iral ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) nang ibaba niya ang EO 264 na nagsailalim sa kinamumuhiang yunit paramilitar sa superbisyon ng AFP. Katulad ng kanyang ina, pinananatili ni Benigno Aquino III ang mga yunit paramilitar sa kabila ng malakas na pagtutol ng mamamayan. Aniya, ang CAFGU at iba pang yunit paramilitar ay kinakailangan bilang pandagdag na pwersa sa Oplan Bayanihan ng AFP.

Sa abiso ng gubyernong US ay buong-buong ring tinanggap ni Corazon Aquino sa kanyang gubyerno ang mga upisyal at tauhan ng AFP sa kabila ng malakas na panawagang usigin at parusahan ang mga upisyal ng militar at pulisya na sangkot sa malalaking kaso ng korapsyon at malawakang paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng diktadurang Marcos. Imbes na panagutin sila sa kanilang malalaking kasalanan sa bayan, hinirang ni Aquino sa matataas na pusisyon ang mga susing tagapagpatupad ng batas militar tulad nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos na bumaligtad lamang nang lubhang nahiwalay na si Marcos sa mamamayang Pilipino. Ibinalik ni Aquino si Enrile bilang Secretary of National Defense at ginawang hepe ng AFP si Ramos na dating hepe ng Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP).

Iniluklok din sa ilalim ng sumunod pang rehimen ang maraming upisyal ng militar at pulisya sa mga susing pwesto sa gubyerno hanggang sa naging lubhang militarisado na ang sibilyang burukrasya. Noong 2009, iniluklok ni Gloria Arroyo sa mahahalagang pusisyong sibilyan ang 25 retiradong heneral. Ilan lamang dito sina Gen. Eduardo Ermita bilang Executive Secretary; Gen. Angelo Reyes, kalihim ng Department of Energy; Gen. Leandro Mendoza, kalihim ng Department of Transportation and Communications; at Gen. Hermogenes Ebdane, kalihim ng Department of Public Works and Highways.

Hinirang naman ng rehimeng Aquino si Col. Voltaire Gazmin bilang Defense Secretary; Gen. Danilo Lim sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA); Gen. Benito Ramos sa NDRRMC; dating AFP chief of staff Ricardo David bilang Commissioner ng Bureau of Immigration; at si PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome, ipapalit sa pinatalsik na DILG Undersecretary Rico Puno.

Nagiging kredensyal din ang rekord militar para mailuklok bilang mga mambabatas kahit wala silang ibang pagsasanay. Halimbawa rito si senador at ngayo'y Rep. Rodolfo Biazon, dating hepe ng AFP; senador at ngayo'y Mayor Alfredo Lim, dating hepe ng Manila Police Department at National Bureau of Investigation; Sen. Panfilo Lacson, dating hepe ng PNP; Sen. Gregorio Honasan, dating koronel ng AFP at lider ng Reform the Armed Forces Movement; at Rep. Roilo Golez, dating koronel at nagtapos sa Annapolis Naval Academy.

Pananalasa ng militarisasyon sa kanayunan


Tulad ng diktadurang US-Marcos, nakapaghahari sa ilalim ng rehimeng US-Aquino ang kapangyarihang militar sa malaking bahagi ng bansa. Pero di katulad ni Marcos, naghahari ang batas ng militar, laluna sa kanayunan, nang walang pormal na proklamasyon ni Aquino.

Pamana ito ng batas militar. Ang militarisasyon ay bahagi na ng naghaharing sistemang pampulitika at isa sa mga susi nitong instrumento para sa preserbasyon ng bulok na sistemang panlipunan.

Katulad noon, nakatuon ang kapangyarihan ng AFP sa mga lugar na pinakamasigasig ang mga pakikibakang masang antipyudal at armadong pakikibaka. Pangunahing target ng brutal na panunupil ang mahihirap na magsasaka at pambansang minorya. Malawakan at sustenido ang militarisasyon sa layong supilin ang malawakang paglaban ng mamamayan at wasakin ang ipinupundar nilang demokratikong kapangyarihan. Simula noong panahon ni Arroyo, militarisado rin ang mga komunidad ng maralitang lunsod na sinasaklaw ng mga makadayuhang proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership.

Partikular ding masidhi ngayon ang militarisasyon sa mga lugar kung saan lumalarga ang operasyon ng mga dayuhang minahan, komersyal na plantasyon, malalaking asyenda at agribisnes. Matindi rin ang militarisasyon sa mga lugar na pinagtatayuan ng mga dambuhalang dam at iba pang mapangwasak na proyektong "pangkaunlaran" na nakatuon sa mga pangangailangan ng dayuhang mga kumpanya. Layunin ng militarisasyon ang bigyang-daan ang pagpasok ng dayuhan at komersyal na mga interes.

Tampok ngayon ang matitinding kaso ng militarisasyon, pang-aabuso at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon ng Bicol, laluna sa Albay (sa loob at mga bayan sa paligid ng Legazpi City) at Camarines Norte. Mahigit walong batalyon ng mga pasistang sundalo ang nakakalat ngayon sa malalawak na asyenda sa Bondoc Peninsula, higit sa inabot ng militarisasyon dito noong panahon ng diktadurang US-Marcos.

Masidhi rin ang militarisasyon sa mga lugar ng pagmimina sa mga rehiyon ng Caraga at Cordillera at iba't ibang bahagi ng Southern, Far South at Western Mindanao. Matindi rin ang militarisasyon sa Bukidnon kung saan itinatayo ang dambuhalang mga dam.

Inilulunsad ang pinakamalulupit na anyo ng panunupil at terorismo. Walang pakundangan ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, panghahalughog, iligal na pag-aresto at detensyon, at iba pang paglabag sa karapatang-tao.

Laganap ang pambobomba at walang patumanggang istraping at mga pangmamasaker. Winawasak ng mga operasyong ito ang kanilang kabuhayan, mga bahay at ari-arian. Ilampung libong mamamayan ang napipilitang magbakwit para sa kanilang kaligtasan. Sapilitang nirerekrut ang mamamayan sa mga grupong paramilitar.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan simula 2011, ang mga brutal na operasyong militar ay ipinatutupad sa tabing ng “kapayapaan at kaunlaran.” Sa ilalim ng binansagang Community Organizing for Peace and Development (COPD), nagsasagawa ng matagalang “special operation” ang mga pangkat ng mga sundalo para isailalim ang taumbaryo sa kanilang kapangyarihan. Ginagamit nila bilang base ng operasyon ang mga eskwelahan, barangay hall at iba pang istrukturang sibilyan. Nilalabag ng AFP ang mga internasyunal na batas sa digma sa pamimilit ng mga sundalo na tumira sa mga bahay ng mga magsasaka.

Gamit ang upisyal na pondo ng AFP, tinatarget ng mga sundalo ang mga kabataan at kababaihan ng pakikipagbarkada o panliligaw. Hinihikayat at pinakikinabangan ng AFP ang iligal na droga, paglalasing at iba pang mga antisosyal na gawi. Ang mga elementong antisosyal ay nirerekrut nila bilang mga tauhan sa paniniktik sa baryo.

Kasabay nito, mahigpit na minamanmanan ng militar ang mga aktibidad sa baryo. Nagbabahay-bahay sila sa ngalan ng pagsesensus para tukuyin ang mga indibidwal at organisasyong tumututol sa mga programa ng reaksyunaryong estado at tiktikan ang kanilang mga kilos. Nagpapataw sila ng curfew at iba pang mapaniil na kalakarang di naiiba sa patakaran ng deklaradong batas militar. Malisyoso nilang pinararatangang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa kanilang mga palakad.

Nagpapalaganap ang mga sundalo ng disimpormasyon at mapanlinlang na mga programa para wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan at idiskaril ang kanilang paglaban. Direktang ipinatutupad ng mga sundalo ang mga programang counterinsurgency ng reaksyunaryong rehimen. Kabilang dito ang pag-oorganisa ng tinaguriang Agrarian Reform Communities sa ilalim ng balangkas ng CARPER (tingnan ang kaugnay na artikulo) at pamumudmod ng perang limos sa balangkas ng 4Ps.

ANG PAMPULITIKANG PODER ng militar ay nagmumula sa kapangyarihan nitong sumupil at pumuksa. Kung saan sila nakapangyayari, sila ang nagtatakda ng batas. Ang satsat ng “demokrasya” at “kapangyarihang sibilyan” ay pawang kamoplahe lamang na pantabing sa malupit na pasistang paghahari.

Dahil ang militar ang pangunahing instrumento para suhayan ang mga dayong malalaking kapitalista, malalaking burgis komprador at panginoong maylupa, ang pakikibakang anti-militarisasyon ay bahagi ng pakikibakang anti-imperyalista at antipyudal ng mamamayang Pilipino. Dapat paigtingin ng sambayanan ang pagtatanggol sa kanilang mga karapatang-tao kaakibat ng pagsusulong nila ng kanilang demokratikong pakikibaka para sa repormang agraryo at sa pambansang karapatan sa sariling pagpapasya.

Paggunita ng ika-40 anibersaryo ng batas militar


Ginunita ng malawakang aksyong protesta ng mga kabataang aktibista, pag-aayuno ng mga detenido pulitikal sa mga bilangguan sa buong bansa at pagtatanghal ng isang eksibit ang ika-40 anibersaryo ng pagpataw ng batas militar.

Naglunsad ng isang linggong welga at mga walkout sa kanilang mga klasrum sa buong bansa ang mga kabataang-estudyante noong Setyembre 17 hanggang 21. Pinamunuan ang mga kilos-protestang ito ng League of Filipino Students katuwang ang Anakbayan, KARATULA, Student Christian Movement of the Philippines, National Union of Students of the Philippines at Kabataan Partylist. Iginigiit nila ang pagbabasura sa Education Act of 1982, na kabilang sa masasamang pamana ng dating diktador na si Ferdinand Marcos.

Binatikos ng mga kabataang aktibista si Benigno Aquino III hindi lamang dahil sa paglabag niya sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataan kundi sa iba pang mga karapatang-tao. Anila, isang kabalintuan na ang administrasyong pinamumunuan ng isang nagmula sa mga pamilyang biniktima ni Marcos ang siya ngayong nagpapatupad ng mistulang batas militar.

Nag-ayuno naman noong Setyembre 14-21 ang 300 abugado ng karapatang-tao, 200 estudyante ng abugasya at mga paraligal mula sa 18 panrehiyon at panlalawigang sangay ng National Union of People's Lawyers (NUPL). Iginigiit nila sa rehimeng Aquino ang pagpapalaya ng mahigit 350 bilanggong pulitikal na nakapiit sa iba't ibang kulungan ng bansa.

Kasabay ding nag-ayuno ang mga detenidong pulitikal sa Southern Mindanao, Central Visayas, Eastern Visayas, Iloilo, Batangas, Isabela, New Bilibid Prison sa Muntinglupa City at Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Nagtanghal ng eksibit sa University of the Philippines-Diliman, Quezon City noong Setyembre 12-21 ang Karapatan katuwang ang SELDA (Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto). Pinamagatan itong "Himagsik at Protesta: Apatnapung taon ng Batas Militar." Muli nitong sinariwa ang mga aral ng 14 taong paghahari ng terorismong militar ng diktadurang Marcos.

Militarisasyon ng mga paaralan, tinututulan


Mariing tinututulan ng mga organisasyong nagtataguyod sa karapatang- tao ang paggamit ng militar sa mga paaralang publiko. Ito ang ipinaabot ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers Partylist sa isang dayalogo kay Undersecretary Alberto Muyot, pinuno ng Legal and Legislative Affairs ng Department of Education (DepEd).

Kabilang sa nakipagdayalogo sa DepEd ang Katribu Partylist, Dinteg (Cordillera Indigenous Peoples Legal Center) at Children's Rehabilitation Center (CRC).

Iginigiit nila ang pagpapalayas sa mga sundalo ng gubyerno dahil ginagamit nila ang mga paaralan sa bansa para ipatupad ang Oplan Bayanihan ng gubyernong Aquino. Bunsod nito, nilalabag ng militar ang karapatan sa edukasyon ng mga bata.

Bago magtapos ang dayalogo, nangako si Undersecretary Muyot na maglabas ng isang memorandum na babawi sa lahat ng umiiral na Memorandum of Agreement sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at mga DepEd School Division.

Sa Mindanao, tinatakot ng militar ang mga guro at estudyante sa ilang paaralan ng mga Lumad tulad ng pinatatakbo ng Center for Lumad Advocacy and Services (CLANS) sa Sarangani at Rural Missionaries of the Philippines (RMP) sa Agusan Del Sur, Bukidnon at Compostela Valley.

Samantala, pwersahang nagsara ang B'laan Community Literacy School sa Malapatan, Sarangani at Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development (ALCADEV) sa Lianga, Surigao del Sur dahil sa sapilitang ebakwasyon bunsod ng nagpapatuloy na operasyong militar sa nasabing mga lugar.

Ang mga paaralang ito ay itinatag mismo ng mga katutubong mamamayan at sinusuportahan ng ilang _non-government organization_ at relihiyosong grupo. Layon ng mga paaralang ito na mabigyan ng edukasyon ang mga komunidad na biktima ng kapabayaan ng gubyerno.

Sa Cordillera, nabunyag ang kasunduan sa pagitan ng Department of Education-Baguio City Division at 5th Civil-Military Operations Battalion ng 5th ID ng Philippine Army para magtulungan sa paglulunsad ng kampanyang _counterinsurgency_. Nagdaraos sila ng mga talakayan sa mga estudyanteng nasa Grade 6 at hayskul.

Ipinagbabawal ng RA 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination ang paggamit ng militar ng mga paaralan, ospital at mga _health center_ bilang _command post_, baraks, mga detatsment at imbakan ng mga suplay ng armadong mga pwersa.

Hinamon naman ni Jaqueline Ruiz, _executive director_ ng CRC, ang gubyernong Aquino na itaguyod ang mga karapatan sa edukasyon ng mga bata. Aniya, dapat pakinggan ng gubyerno ang mga reklamo ng mga bata at kanilang mga komunidad at agarang alisin sa mga sibilyang komunidad ang mga tropang militar.

Romeo Capulong, abugado ng bayan, pumanaw na


Pumanaw si Atty. Romeo (Ka Romy) T. Capulong sa edad na 77 taong gulang noong Setyembre 16. Atake sa puso ang sanhi ng kanyang kamatayan.

Si Ka Romy, na siyang tawag sa kanya ng mga kasama't kaibigan, ang nagtatatag at naging presidente ng Public Interest Law Center para bigyan ng ligal na serbisyo ang mahihirap. Pinamunuan din niya ang National Union of People's Lawyers (NUPL). Bago niyon, nahalal siya bilang delegado sa Constitutional Convention noong 1970.

Lubos na pinasalamatan si Ka Romy ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ng lahat nitong mga alyadong organisasyon, at ng NDFP Negotiating Panel, mga konsultant at istap nito sa maraming taong ibinigay niya ng di matutumbasang serbisyo sa negosasyong pangkapayapaan at sa iba pang larangan ng pakikibaka ng mamamayan.

Nagsilbing Chief Legal Counsel si Ka Romy sa negosasyong pangkapayapaan noong 1986-1987 hanggang sa mamatay siya. Ayon sa NDFP, gumampan si Ka Romy ng susing papel sa pormulasyon at negosasyon ng The Hague Joint Declaration, ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at iba pang kasunduang bilateral. Lubusan niyang ginamit ang kanyang kasanayang ligal at mapanghikayat na kakayahan para makakuha ng konsesus sa pinakamahihirap na usapin. Lahat ng 12 kasunduang bilateral mula 1992 hanggang 2004 ay nabuo sa tulong ng kanyang kahusayang ligal at matatag na paninindigan para sa rebolusyonaryong kilusan. Nagawa niya ito sa kabila ng kanyang mahigpit na iskedyul bilang abugado ng mga bilanggong pulitikal, mga magsasaka, manggagawa at iba pang biktima ng panggigipit sa pulitika.

Kinampihan ni Ka Romy ang pakikibaka ng 10,000 magbubukid sa Hacienda Looc sa Batangas. Bilang anak din ng isang magsasaka sa Nueva Ecija, naging madali para sa kanya ang pakikisalamuha sa mga taga-Hacienda Looc at makiisa sa kanilang pakikibaka laban sa mga nais magpalayas sa kanila. Dahil dito, tinawag siyang "Hulog ng Langit" ng mamamayan ng Hacienda Looc.

Hindi rin siya napatigil ng mga pagbabanta ng militar at patuloy niyang tinulungan ang mga magsasaka at manggagawa ng Hacienda Luisita. Ito ay sa kabila ng pagmasaker sa kanila at asasinasyon kina Bishop Alberto Ramento, Konsehal Abel Ladera, Fr. William Tadena at iba pang lider-manggagawa.

Kinilala rin sa ibayong dagat ang kahusayan ni Ka Romy. Ihinalal siya ng United Nations (UN) General Assembly bilang isang UN Judge _ad litem_ sa UN International Tribunal sa dating Yugoslavia. Nagsilbi rin siya bilang isa sa mga abugado ni Prof. Jose Maria Sison sa European Court mula Abril 2003 hanggang sa kanilang pagkapanalo noong Setyembre 2009. Kasama ni Ka Romy ang magagaling na abugado mula sa Belgium, Germany, France at The Netherlands.

Pumanaw man ang abugado ng bayan at bayani ng sambayanan, ang diwa at inspirasyon ni Ka Romy ay nananatiling buhay sa puso ng kanyang mga pinaglingkuran, anang NDFP.

Naulila ni Ka Romy ang kanyang asawang si Sofia, mga anak na sina Alex, Eduardo at Roma Pia at iba pang kamag-anak. Ililibing siya sa Everest Hill Memorial Park sa Susana Heights, Muntinlupa City sa Setyembre 22 ng umaga.

Pang-aatake sa kabuhayan ng mga magsasaka sa Albay


Mariing pinabulaan ng mga magsasaka sa Guinobatan, Albay na matagumpay ang ipinagmamayabang ng 2nd IB na pamamahagi nito ng lupa sa lugar sa balangkas ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension With Reforms o CARPER. Ang totoo, pananabotahe sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa ang ginawang ito ng 2nd IB.

Mula pa noong dekada 1980 ay ipinaglalaban na ng mga magsasaka ang kanilang karapatan sa lupang binubungkal sa ilang asyenda sa Guinobatan. Bunga ng kanilang pakikibaka, makailang-ulit na nakapaglunsad ang mga magsasaka ng mga kampanya para ibaba ang upa, paunlarin ang produksyon at pusisyunan ang ilang bahagi ng mga asyenda rito. Ang mga lupang ito na malaon nang ipinagtagumpay ng mga magsasaka rito ang tinatarget ngayon ng 2nd IB na ipamahagi.

Nang tumanggi ang mga magsasaka rito na sumunod sa palakad ng 2nd IB, inakusahan sila ng mga sundalo na mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa maraming pagkakataon, ang ganitong malisyosong pagpaparatang ay unang hakbang sa ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, iligal na pang-aaresto at detensyon at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan.

Layunin ng 2nd IB na wasakin ang pagkakaisa ng mga magsasaka sa Guinobatan at guluhin ang kanilang makatwirang pagpusisyon sa mga lupang tiwangwang. Desperado ang 2nd IB na pagtakpan ang kontra-insurhensyang kampanya nito na patuloy na kinamumuhian ng mga residente sa mga barangay na saklaw ng mga operasyon ng mapanlinlang na Community Organizing for Peace and Development o COPD tim. Pati ang pananabotahe nito sa kabuhayan ng mga residente at simpleng pag-eskort sa pagsusurbey ng Municipal Agrarian Reform Office (MARO) ay pinalalabas pa nilang "tagumpay." Nais din ng tropa ng 2nd IB na pawalansaysay ang naging pagkilos ng mga magsasaka rito at patahimikin ang panawagan para palayasin ang mga tim ng COPD. Mahigit isang taon nang sinasalanta ng mga operasyong militar ng mga COPD tim ng 2nd IB ang lugar.

Matatag ang paninindigan ng mga magsasaka na makatwiran ang pagpusisyon nila sa lupa. Tumatanggi silang kilalanin ang pamamahagi ng 2nd IB. Batid ng mga magsasaka rito na hindi ang CARPER, at lalong hindi sa pamamagitan ng COPD na nakabalangkas sa Oplan Bayanihan makakamit antunay na reporma sa lupa. Makakamit lang ito sa patuloy na nagkakaisang pagkilos.

Lider ng katutubo sa Agusan, tinortyur at pinatay


Tinortyur at pinaslang ng mga elemento ng CAFGU ang isang lider-katutubo sa Agusan del Sur noong Setyembre 13 ng gabi. Si Genesis Ambason, 23 taong gulang at pangkalahatang kalihim ng Tagdumahan, isang grupong lumalaban sa malalaking minahan ay pinatay sa Km. 39, Barangay Binikalan, bayan ng San Luis.

Ayon sa mga saksi, takipsilim na nang magpasyang magpahinga sa paglalakad sina Ambason at iba pa niyang kasamahan mula sa small-scale mining. Nagpahinga sila sa isang lugar mga 200 metro ang layo sa Sityo Tambo at natatanaw mula sa detatsment ng 26th IB. Pagkatapos ng ilang sandali ay nakarinig sila ng nagmamadaling mga yabag patungo sa kanilang pwesto. Nang tutukan ito ni Ambason ng kanyang flashlight ay nakarinig sila ng sunud-sunod na mga putok. Nagtakbuhan ang mga kasama ni Ambason ngunit siya ay naiwan dahil sa natamong sugat.

Kinabukasan, dumating sa lugar si Datu Amay, pinuno ng tribo sa Barangay Tambo at natuklasan ang bangkay ni Ambason mga 130 metro mula sa detatsment ng 26th IB. Nagtamo siya ng dalawang tama ng bala sa kanang dibdib, dalawang tama sa kanyang hita at dalawang tama sa ibang bahagi ng katawan. May mga pasa din siya sa kanyang mukha at dibdib.

Pinalalabas ng 26th IB na napatay si Ambason sa isang engkwentro sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at CAFGU.

5 sundalo, napatay sa ambus ng BHB-Negros


Limang sundalo ang napatay nang ambusin ng isang yunit ng Armando Sumayang Jr. Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang komposit na yunit ng 47th IB at Scout Rangers sa Sityo Magboto, Barangay Cabia-an, Candoni, Negros Occidental noong Agosto 14. Marami ring sundalo ang nasugatan.

Tinangkang kubkubin ng militar ang pansamantalang kinakampuhan ng mga Pulang mandirigma sa Southwest Negros Guerrilla Front bandang alas-3:20 ng hapon. Subalit nakapagmaniobra ang mga gerilya at ang militar ang kanilang tinambangan. Pinagbalingan ng militar ng kanilang galit ang mamamayan bunsod ng pagkatalo nila sa pakikipaglaban sa BHB, ani Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng Armando Sumayang Jr. Command.

Ilang residente ng Sityo Magboto ang pwersahan nilang kinunan ng impormasyon at ginamit bilang mga giya sa pagtukoy sa kinaroroonan ng BHB. Nagpataw din sila ng curfew kaya naapektuhan ang hanapbuhay at kalayaan ng taumbaryo sa pagkilos. Bago ang labanan noong Agosto 14, nakapaglunsad ng serye ng mga taktikal na opensiba ang BHB sa naturang larangang gerilya. Noong gabi ng Hunyo 28, hinaras ng isang tim ng BHB ang detatsment ng Bactolon sa Barangay Camindangan, Sipalay City na ikinasugat ng isang elemento ng CAFGU. Kinabukasan, Hunyo 29, hinaras ng isa pang tim ng BHB ang Reo trak ng 47th IB at isang elemento ng 47th IB ang nasugatan. Sa isang operasyong partisano laban sa 47th IB sa Sityo Cambogui-ot, Barangay Camindangan, Sipalay City noong Hunyo 19, nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng isang .45 kal pistola at dalawang magasin na puno ng bala mula sa isang sundalo.

Walang hiyang nagkakampo ang 47th IB sa mga bahay ng sibilyan sa Sityo Indangawan, Barangay. Manlocahoc, Sipalay City. Dahil dito, napipilitang matulog sa isang day care center ang may-ari ng isa sa mga bahay na ginagamit ng militar. Inookupahan din ng mga sundalo ang mga pwesto sa pamilihang bayan sa Sityo Cambogui-ot na napapalibutan ng maraming tao. Ginagawa nilang pananggalang ang mga residente laban sa atake ng mga gerilyang pwersa na tumutugon lamang sa hiling ng mamamayan na palayasin ang mga tropa.

NDF-SMR, nagbayad ng danyos


Binayaran ng danyos perwisyos ng National Democratic Front-Southern Mindanao Region (NDF-SMR) ang di bababa sa 36 na residente ng Barangay Fatima, Paquibato District, Davao City na nasugatan nang hagisan ng granada ng isang yunit ng 1st Pulang Bagani Company ang detatsment ng militar sa lugar noong gabi ng Setyembre 1. Ang mga biktima ay namamasyal noon sa karnabal malapit sa detatsment.

Agad na nagpuna ng sarili at nagpaumanhin sa publiko ang Merardo Arce Command (Bagong Hukbong Bayan-Southern Mindanao). Nangako itong gumawa ng mga kongkretong hakbang upang bayaran ng danyos ang mga nasugatan at gawaran ng karampatang aksyong pandisiplina ang sangkot na yunit ng BHB.

Alinsunod sa rekomendasyon ng Merardo Arce Command, iniutos ng NDF Regional Council ng Southern Mindanao ang pagbigay ng tig-P5,000 danyos sa mga biktima. Ipinamahagi ito noong Setyembre 19 sa pamamagitan ng mga taong-simbahan, kagawad ng midya, abugado at mga NGO.

Ang pagbayad ng danyos ay bahagi ng pagtalima ng NDF sa mga komitment nito kapwa sa ilalim ng pandaigdigang makataong batas at mga rebolusyonaryong prinsipyong nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), mga gabay sa pagtatatag ng demokratikong gubyernong bayan at mga batayang alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan.

Paglaban sa Balangiga, Eastern Samar

Paggunita sa armadong paglaban ng masang magsasaka


Nitong Setyembre 28, gugunitain ng mamamayang Pilipino ang ika-111 anibersaryo ng armadong pag-aklas ng mamamayan ng Balangiga, Eastern Samar laban sa okupasyong militar ng mga tropang Amerikano. Walang kapantay na kagitingan ang ipinamalas ng mamamayang taga-Balangiga sa paglabang ito. Pero higit dito, ipinamalas nila ang kakayahan ng armadong mamamayan na gapiin ang isang mas malaking hukbong sandatahang armado ng malalakas na armas.

Isa ang paglaban sa Balangiga sa matitingkad na halimbawa ng armadong pakikipagsagupaan ng masang Pilipino sa pananakop ng mga dayuhang tropa at pag-iral ng kamay na bakal. Ipinakikita nito na noon pa ma'y laganap na ang pag-oorganisa ng mga armadong grupo sa hanay ng mamamayan para depensahan ang kanilang sarili at kanilang mga komunidad nang hindi humihiwalay sa pang-araw-araw na gawaing pangkabuhayan.

Setyembre 28, 1901 nang salakayin ng mga magsasakang taga-Balangiga ang mga tropang Amerikano na nakatalaga sa kanilang bayan. Sa pang-aatakeng ito, nasamsam ng mga magsasaka ang 100 riple at 25,000 bala ng mga tropang Amerikano ng Company C ng 9th US Infantry Regiment. Umabot sa 44 ang namatay na mga sundalong Amerikano, kabilang ang lahat ng mga upisyal nito. Dalawampu't dalawa ang nasugatan sa kaaway, apat ang nawala at apat ang nakatakas.

Ang pang-aatake ng mga taga-Balangiga ay reaksyon sa pamamasista, pagsasamantala at matitinding paglabag sa karapatang-tao ng mga tropang Amerikanong nagpairal ng batas militar sa kanilang bayan.

Masusing pinaghandaan ng mga residente ang kanilang pang-aatake. Itinaon nila ang petsa sa panahong maraming residente ang nagtitipun-tipon sa sentro ng bayan dahil parating ang ilang mga upisyal-militar ng US. Tinapatan nila ng superyor na laki ang pwersang Amerikano at kanilang malalakas na armas. Ang mga babae at mga bata ay dinala sa ligtas na lugar. Nagbihis-babae ang tatlumpu't apat na lalaki at nagpanggap na mga magdadasal sa misa sa madaling araw. Ang mga lalaking ito ay may dalang maliliit na mga kabaong at dito nila itinago ang kanilang mga itak at iba pang mga armas. Hindi naghinala ang nagtsekpoynt na sundalong Amerikano dahil nakita nila sa isang kabaong ang bangkay ng isang bata na namatay sa epidemyang kolera na laganap noon.

Sinimulan ng mga residente ang pag-atake bandang alas-6:30 ng umaga. Ang pagtunog ng kampana ang naging senyales sa pagsisimula ng atake. Itak, punyal at palakol ang kanilang mga sandata laban sa mga riple ng mga tropang Amerikano.

Namartir sa labanang ito ang 28 residente habang 22 naman ang nasugatan. Dahil sa tindi ng natamong kabiguan ng US, inutusan ng presidente ng US noon na si Theodore Roosevelt na sugpuin ang pakikibaka ng mga taga-Balangiga at binigyan ng otoridad si Gen. Jacob Smith na ipatupad ang tinaguriang Balangiga masaker. "Burn all, kill all, loot all," (Sunugin, patayin at dambungin ang lahat) ang mando ni Smith sa kanyang mga tauhan. Mahigit 50,000 sibilyan ng Balangiga ang minasaker ng mga sundalong Amerikano at halos naabo ang buong bayan. Ninakaw pa nila ang tatlong kampana ng simbahan at idinispley sa dating kampo ng 11th Infantry Regiment at F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming, USA at sa kampo ng 9th Infantry Regiment sa Camp Red Cloud, Uijeongbu, South Korea. Ang patuloy na pagtanggi ng mga upisyal ng US na ibalik ang tatlong kampana ay tanda lamang ng kanilang matinding pagyurak sa soberanya ng Pilipinas. Hanggang ngayon ay ayaw nilang panagutan ang kanilang karumal-dumal na krimen laban sa mamamayang Pilipino.

Ang pag-aalsa sa Balangiga ay isa sa pinakamatatapang na laban sa buong gerang Pilipino-Amerikano na sumiklab noong Pebrero 4, 1899. Bukod rito, nagkaroon din ng mga armadong paglaban ang mamamayan sa Northern Samar at iba pang bahagi ng bansa, kasama na ang pag-aalsa ng mamamayang Moro sa Mindanao. Isa rito ang tinaguriang "Siege of Catubig" (o "Pagkubkob sa Catubig") kung saan nilabanan ng armadong masang magsasaka ang mga pwersang Amerikano sa naturang bayan ng Northern Samar mula Abril 15 hanggang Abril 19, 1900.

Buhay na buhay ang tradisyon ng pagbubuo ng armadong lakas sa hanay ng mamamayan at pagpapalakas ng kanilang armadong paglaban sa matinding panunupil at pang-aatake sa kanilang mga komunidad.

Sa iba't ibang bahagi ng bansa, binubuo ngayon ang mga grupong pandepensa sa ilalim ng mga sangay ng partido sa lokalidad at mga yunit milisya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa direksyon at pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga armadong yunit na ito ng mamamayan ang magdadagdag, magdudugtong at susuporta sa mga regular na pwersang panlaban ng BHB. Binibigyan sila ng batayang pagsasanay para sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin kaugnay sa panloob na seguridad para malayang makakilos at tumupad ng mga gawain sa mas masaklaw na lugar ang mga Pulang mandirigma.

Korapsyon sa PNP, nabunyag sa gitna ng girian


Nabunyag nitong Setyembre ang anomalyang kinasasangkutan ni Rico Puno, undersecretary sa Department of Interior and Local Government (DILG) at isa sa pinakamalalapit na kroni ni Benigno Aquino III.

Inakusahan ng isang kumpanyang lumahok sa bidding na minadali ni Puno ang paggawad ng kontrata ng pagbili ng armas ng PNP para hindi na ito mapakialaman ni Mar Roxas, ang bagong kalihim ng DILG. Iginawad ang kontrata sa pagbili ng mahigit 56,904 pistolang 9 mm sa Glock Asia Pacific Ltd sa gitna ng mga iregularidad sa proseso ng bidding at testing ng mga baril. Nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon ang kontrata.

Noong 2011, nasangkot na rin sa anomalya si Puno nang lumitaw sa isang imbestigasyon na nagkaroon ng sobrang pagpepresyo sa mga baril na nakatakdang bilhin ng PNP sa isang kumpanyang Israeli. Inamin ni Puno noon na hiningi niyang huwag nang ipailalim sa public bidding ang kontrata at makipagnegosasyon na lamang ang PNP sa Espineli Company at Israeli Military Industries (IMI), ang pinaburan niyang mga kumpanya. Habang nasa proseso ng bidding, nabunyag na pinondohan ng dalawang kumpanya ang dalaw ni Puno sa Israel noong Mayo.

Ang IMI ay pag-aari ng gubyerno ng Israel. Kilala itong korap sa pagkopo ng mga kontrata. Dahil dito, napilitan ang PNP na kanselahin ang kontrata noong Agosto. Dating suplayer ng armas at bala si Puno bago siya hirangin sa gubyerno.

Inaakusahan din si Puno na tumatanggap ng suhol mula sa malalaking jueteng lord sa bansa at sangkot sa iligal na pagtotroso.

Sa harap ng mga anomalyang ito, malinaw ang kahungkagan ng "matuwid na daan" ng rehimeng Aquino. Masahol pa, tinangka ng MalacaƱang na pagtakpan si Puno kahit kabi-kabila na ang pagsingaw ng mga anomalya. Nagpatawag ng imbestigasyon ang Senado matapos looban ni Puno ang tirahan ni Robredo, isang araw matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano ng kalihim.

Noong Setyembre 11, bumaba sa pwesto si Puno para iwasan ang imbestigasyon subalit itinuloy ito ng Senado. Hindi na pinasipot ni Aquino ang ibang alyado nitong senador at mga pinatawag na myembro ng gabinete sa ikalawang pagdinig sa Senado. Ito ay para matigil na ang imbestigasyon at pagsingaw ng dagdag pang katiwalian sa mga kontrata ng PNP. ~

4 residente, nasaktan, 6 arestado sa marahas na demolisyon


Apat na residente ang nasaktan at anim ang inaresto nang marahas na idemolis ang isang komunidad ng mga maralita sa Fort Bonifacio, Taguig City noong Setyembre 19.

Umabot sa 1,400 pulis at myembro ng demolition team ang sumalakay sa komunidad sa utos ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Dalawang backhoe at isang buldoser ang ginamit nila para gibain ang may 100 bahay sa isang 10.3 ektarytang lupain sa Lawton Street, Consular Area Gate 2 sa McKinley Hills.

Lumaban ang daan-daang residente sa pamamagitan ng paghagis ng bato. Karamihan sa mga apektadong residente ay mga pamilya ng mga aktibo at retiradong sundalo. Tinanggihan nila ang alok ng BCDA na relokasyon sa Rodriguez, Rizal dahil binabaha ang lugar na paglilipatan sa kanila.

Ibinenta ng BCDA ang lupain sa Megaworld Corp. na may planong magtayo ng P20-bilyong mamahaling proyektong residensyal at komersyal sa lugar.

Kilusang welga ng mga minero sa South Africa, lumalawak


Lumawak na ang kilusang welga ng mga minero sa South Africa. Mula sa welga ng mga minero sa Marikana Platinum Mine (MPM) na mabangis na inatake ng mga pulis at ikinamatay ng 34 welgista noong Agosto 16, lumaganap ang mga welga sa iba pang minahan.

Noong Setyembre 11, mahigit 4,000 minero ang nagmartsa dala ang kanilang mga itak, pana at iba pang armas para kumprontahin ang maneydsment ng MPM. Sinalubong sila ng mga pulis na armado ng malalakas na armas. Hindi rin nila tinanggap ang alok ng kumpanya na 1,000 rand ($120) na dagdag sa kanilang buwanang sahod na suportado ng National Union of Miners (NUC), isang dilawang unyon. Iginiit nila ang umentong umaabot sa 12,500 rand ($1,500).

Bago ito, noong Agosto 31, sama-samang kumilos ang 12,000 minero laban sa KDC East Mine bilang suporta sa 34 na minerong minasaker at para ipalabas ang kanilang pagkamuhi sa NUC. Sa parehong araw, naglunsad din ng pagkilos ang 15,000 minero ng KDC West Mine.

Higit na panunupil at karahasan ang tugon ng MPM, kasabwat ang mga armadong galamay ng gubyerno. Mahigpit na ipinagbawal ng kumpanya ang pag-uumpukan ng mga manggagawa. Inaaresto ang mga nagtitipong manggagawa at marahas na binubuwag ang kanilang mga piketlayn. Umaabot na sa 45 ang napapaslang na mga welgista sa pandarahas ng mga pulis sa serye ng mga pagkilos.

Samantala, nagbantang magwelga ang 15,000 minero sa Implats Platinum Mine, isang kumpanyang pag-aari ng US at Britain. Iginigiit ng mga minero ang 10% umento sa kanilang sweldo. 

Protesta kontra-US, sumiklab sa Middle East


Sumiklab sa iba't ibang bansa sa Middle East ang protesta at paglaban sa imperyalismong US nitong Setyembre matapos lumaganap ang isang kontra-Islam na pelikulang gawa ng isang Amerikano. Inilarawan sa pelikulang ito, na pinamagatang "Innocence of Muslims," si Muhammad, ang propeta ng Islam, bilang huwad na propeta, mamamatay-tao at babaero.

Sa Libya, nilusob ng mga armadong grupo ang US Embassy sa Benghazi noong Setyembre 11. Pinasok ng mga armado ang embahada sa kabila ng mahigpit na seguridad nito at pinaputukan ng mga rocket-propelled grenade (RPG) at matataas na kalibreng armas ang mga pwersang panseguridad ng embahada. Winasak at sinunog nila ang lahat ng ari-arian nito. Namatay sa pang-aatakeng ito si US Ambassador Chris Stevens at tatlo pang Amerikano.

Matatandaang sinalakay ng mga pwersa ng North Atlantic Treaty Organization sa pamumuno ng US ang Libya noong 2011. Sa tulong ng mga pwersang pinondohan ng US, napatay si Muammar Gaddafi, presidente ng Libya, at ipinwesto ng US ang isang gubyernong kontrolado nito. Gayunpaman, hindi lubos na napanghawakan ng US ang samutsaring armadong grupo rito.

Mula nang lumaganap ang pelikula noong Setyembre 9, sunud-sunod na nagsiklaban ang mga kilos-protesta sa mga Arabong bansa tulad ng Egypt, Tunisia, Yemen, Lebanon, Syria, Iraq, Afghanistan at Pakistan. Nagpapatuloy ang mga kilos-protesta at kumalat na sa  mga bansang mayroong populasyong Muslim tulad ng Pilipinas, India, Indonesia, Malaysia, Britain, US at iba pa.

Binatikos din sa mga rali at demonstrasyon ang gubyernong US sa interbensyunista at mapanakop na patakaran nito at ang panggagatong nito sa girian ng mga Muslim at Kristyano para magsilbi sa sariling interes.