Pagbangon at Pagbagsak ng Pasistang Diktadurang Marcos: Mga dahilan at epekto nito hanggang sa kasalukuyan

Ni Prof. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Pampulitikang Konsultant, NDFP Negotiating Panel
Setyembre 11, 2012

Pagsasalin ng Kawanihan sa Impormasyon (PKP)
Setyembre 21, ang araw ng pormal na proklamasyon ng batas militar 40 taon na ang nakararaan, ay nagpapaalala sa atin sa pasistang diktadurang Marcos na 14 na taong pinagdusahan ng mamamayang Pilipino hanggang 1986. Sa gagawin nating paggunita, parangalan natin ang mamamayan at lahat ng martir at bayani sa kanilang determinado at magiting na pakikibaka laban sa diktadura. Magmuni tayo tungkol sa pagbangon at pagbagsak ng dikatadurang ito at ang mga dahilan at epekto nito hanggang sa kasalukuyan, upang malaman ang mga nakamit natin bilang bayan at ano pa ang kailangan upang lubusin ang pakikibakang masa para sa pambansang kalayaan at demokrasya.



Napakahalagang gunitain ito dahil nais baluktutin ng mga tagapagmana sa pulitika ni Marcos at maging ang ilang nakinabang sa pulitika mula sa asasinasyon kay Ninoy Aquino ang tunay at pinakamahahalagang dahilan ng pasistang dikatadurang Marcos at ibaling ang sisi sa pagbangon ng diktadura sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Alinsunod sa makasariling katangian ng mga reaksyunaryo, nanlilinlang sila at nandadahas upang ipreserba ang kanilang naghaharing sistema at sisihin ang mamamayan sa paglaban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Patuloy na nagtutulak at nagpapatupad ng antinasyunal at anti-demokratikong mga patakaran laban sa mamamayan ang mga operatiba sa pulitika ng mga naghaharing uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Palagian silang bigo o tumatangging igawad ang katarungan sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng pasistang diktadurang Marcos, maging ang pagbabayad sa kanila ng danyos mula sa mga pag-aari ni Marcos alinsunod sa desisyon ng korte ng US sa mga kaso ng karapatang-tao. Sadya silang nagbubulag-bulagan sa milyun-milyong mamamayang naghirap, nilapastangan at namatay bunga ng mga operasyong militar at pwersahang paglikas at pagpapalayas.

I. Mga dahilan ng Pagbangon ng Pasistang Diktadurang Marcos


Nang muling itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong (PKP) 1968, kinilala naming mga proletaryong rebolusyonaryo ang papalalang panlipunang krisis at ang pagsadsad ng kakayahan ng mga naghaharing uring malalaking kumprador at panginoong maylupa na makapaghari sa dating pamamaraan, ang lumalakas na mithi ng sambayanan para sa pagbabago ng sistema at ang kagyat na pangangailangan para sa isang rebolusyonaryong partido ng proletaryado na pamunuan ang mamamayan.

Noong 1969, naging mulat kami sa papalaking tunguhin sa pasismo batay sa mga pahayag at aksyon ni Marcos; at ang aklat na Philippine Society and Revolution (Lipunan at Rebolusyong Pilipino) ay nangahas na ilatag ang prediksyon na ipapataw niya ang isang pasistang diktadura sa sambayanang Pilipino. Lalo kaming nakumbinse na mayroon siyang masamang binabalak, nang magtatabil siya tungkol sa napipintong pagsabog ng panlipunang bulkan, sa malalaking bagay na kakamtin niya para sa bansa at sa pangangailangan para sa mas malaking pwersang militar upang ipagtanggol ang bansa.

Ang dalawang pinakamalalaking dahilan ng pasistang diktadurang Marcos ay una, ang obhetibong mga kundisyon at talamak na krisis ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at ikalawa, ang suhetibong salik, ang aroganteng ambisyon ni Marcos na manatili sa poder. Tinataya ni Marcos na kaya niyang gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang presidente upang manipulahin ang buong sistema para sa kanyang personal na bentahe at mag-imbento ng kapani-paniwalang dahilan upang gumamit ng dahas at panlilinlang para supilin ang oposisyon at kamtin ang kanyang despotikong mga layunin.

May mahusay na pagtaya si Marcos na pahihintulutan siya ng imperyalistang US na manatili sa poder hangga't nagsisilbi siya sa kanilang interes pang-ekonomya, pampulitika, pangmilitar at pangkultura: at hanggang sinusupil niya ang mga pwersang patriyotiko at progresibo na naggigiit ng pambansang kalayaan at demokrasya. Tutal, wala pa namang lakas ang mga pwersang ito para tunay na hamunin ang pangingibabaw ng US at ang naghaharing sistema. Sa likod nito, hinikayat pa niya ang Korte Suprema na maglabas ng ilang desisyong kontra sa interes ng US. Subalit lihim niyang tiniyak sa US na babalewalain at babaliktarin niya ang gayong mga desisyon.

Mayroong din siyang mahusay na pagtaya sa lakas ng kanyang mga karibal sa pulitika sa hanay ng kapwa niya reaksyunaryo.

Ang mga ito'y mahilig magngangakngak laban kay Marcos subalit wala naman silang hawak higit sa mga pulutong at kumpanya na pribadong hukbo. Marami sa kanila ang nag-ilusyon na si Marcos mismo ay may planong repormahin at ayusin ang sistema sa pamamagitan ng konstitusyunal na kumbensyon. Ang ultimong layunin ni Marcos ay magkaroon ng bagong konstitusyong mag-aalis sa itinakdang limitasyon na dalawang magkasunod na apat-na-taong termino sa pagkapresidente at lalong amyendahan ang bagong konstitusyon sa ilalim ng batas militar at pasistang diktadura. Natantya rin niyang papayagan ni Cardinal Santos at ng pamunuan ng simbahang Katoliko ang proklamasyon ng batas militar at bibigyan si Marcos ng pagkakataong magsagawa ng mga reporma.

Mula 1969 hanggang 1972, ipinamalas ni Marcos ang kanyang pagkiling sa paggamit ng dahas laban sa mga manggagawa, magsasaka at kabataan. Malupit niyang inatake ang First Quarter Storm (Sigwa ng Unang Kwrato) ng 1970 at nagpatupad ng serye ng mga pagmasaker sa Tarlac (sa mga baryo ng Culatingan, Sta. Rosa, Sta. Lucia, etc). Siya at ang naghaharing pangkatin ang may pananagutan sa pambobomba sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971, subalit sa loob lamang ng ilang oras at kahit wala pang imbestigasyon ay kagyat niyang ibinintang ito sa kanyang mahigpit na karibal sa pulitika na si Benigno Aquino at sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at idineklara ang suspensyon ng writ of habeas corpus noong 1971. Ang suspensyon ng writ of habeas corpus ang paghahanda para sa proklamasyon ng batas militar noong 1972.

Ang huwad na tangkang asasinasyon kay Enrile sa bisperas ng proklamasyon ng batas militar, ay maliit lamang na drama para gatungan ang sensasyunalismo ng midya. Ang pinakamalaking kasinungalingan ni Marcos para iproklama ang batas militar ay ang eksaherasyon na ang armadong lakas ng BHB ay umabot na sa 10,000 riple. Hindi hihigit sa 400 ang mga riple ng NPA noong panahong iyon. Subalit magaling si Marcos na magpakana ng ilusyon hinggil sa banta ng mga komunista, separatista at anarkista sa naghaharing sistema upang bigyang matwid ang islogan niyang "isalba ang republika at itayo ang isang bagong lipunan."

II. Pakikibaka Laban sa Pasistang Diktadura


Bago pa iproklama ni Marcos ang batas militar noong 1972, isinusulong na ng Partido Komunista ng Pilipinas at ang Bagong Hukbong Bayan laban sa rehimeng Marcos na dinidireksyunan ng US ang bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng digmang bayan. Isinanib nila ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa tunay na reporma sa lupa at ang pagtatayo ng baseng masa sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika batay sa alyansang manggagawa-magsasaka at ng mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, bata at mga aktibistang pangkultura.

Mula maagang bahagi ng 1960, umunlad na ang ligal na kilusan ng mga patriyotiko at progresibong pwersa, na mas nauna sa digmang bayan na nagsimula noong 1969. Pagkaproklama ng batas militar noong 1972, kumilos na nang lihim ang mga nasabing ligal na pwersa, nagmantine ng ilang aktibistang ligal at naghikayat sa iba na lumahok sa digmang bayan sa kanayunan. Nanatili sa kalunsuran ang Preparatory Commission ng National Democratic Front (NDF) upang magpaunlad ng mga bagong pwersa at oportunidad para sa tuluy-tuloy na paglaban.

Di mapasusubaliang katotohanan na ang PKP, BHB, NDF at iba pang rebolusyonaryong pwersa ang pinakamagiting na nakipaglaban sa pasistang diktadurang Marcos alinsunod sa linyang antipasista, anti-imperyalista at antipyudal. Lumakas at sumulong sila sa lahat ng rehiyon ng bansa sa loob ng 14 na taon ng diktadura, kahit pa pinagbayaran nila nang malaki ang kanilang mga tagumpay ng araw-araw na pagpupunyagi, militanteng pakikibaka at mapapait na sakripisyo.

Kabilang sa mga nangahas na lumaban sa diktadura at umanib sa BHB ang pinamahuhusay at pinakamatatalinong kabataan at estudyante noong panahong iyon. Kabilang dito sina Edgar Jopson, Gregorio Rosal, Lorena Barros at Maita Gomez, na ilan lamang sa libu-libong kabataang nag-armas laban sa diktadura.

Kabilang sila sa pinakanagdusa sa mga krimen ng pasistang diktadura tulad pagdukot, tortyur at ekstrahudisyal na pagpaslang. Subalit nagbigay sila ng inspirasyon at nagtiyak sa sambayanan na epektibong nilalabanan ang makapangyarihang diktadura sa pamamagitan ng armadong pakikibaka sa kanayunan at ng lihim na rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran.

Naglunsad ng magiting na paglaban ang malawak na masa ng sambayanan, kahimat sinosona at binobomba ng dikatadura ang mga komunidad sa lunsod upang palayasin ang masa mula sa kanilang mga tahanan at bukid at kamkamin ang kanilang mga lupain para sa mga plantasyong pag-aari ng mga dayuhang korporasyon sa agrikultura at malalaking kumprador-panginoong maylupa. Karamihan sa mga iligal na ikinulong, tinortyur, sinalbeyds at minasaker ay mga manggagawa at magsasaka.

Ikinulong ni Marcos ang kanyang kapwa mga reaksyunaryong pulitiko sa oposisyon na itinuring niyang pinakamapanganib sa katatagan ng kanyang awtokratikong paghahari. Subalit marami sa mga di niya naipakulong o pinalaya mula sa piitan ay naghintay na lamang sa pagbabago ng aktitud ng US kay Marcos at  nakipag-areglo sa pamamagitan ng pagrerekomenda sa kanya ng bagong eleksyon sa ilalim ng konstitusyon ng 1935 o ng pasistang konstitusyon. Palagian nilang tinanggihan ang inihahapag ng NDF na pagbubuo ng malawak na nagkakaisang prente at nakadistiyerong gubyerno.

Kinaharap din ni Marcos ang sesesyunistang kilusan ng armadong Bangsa Moro na pinamumunuan ng Moro National Liberation Front (MNLF). Naobligang magtalaga ang AFP ng halos kalahati ng mga panlabang pwersa nito noong maagang bahagi ng batas militar sa mga eryang Moro, laluna sa Southwest Mindanao, kung saan dumanas ito ng malalaking pagkatalo. Obhetibong nagkatulungan ang armadong pakikibaka ng sambayanang Pilipino at Bangsamoro laban sa komun na kaaway, kahimat walang pormal na alyansa. Nang lagdaan ng MNLF ang Tripoli Agreement kasama ang gubyerno ng Maynila noong 1976, lumitaw ang MILF upang maglunsad ng armadong pakikibaka.

Nang mamatay si Cardinal Santos at halinhan ni Cardinal Sin, nagbukas ang pamunuang Katoliko at pinakinggan ang mga reklamo hinggil sa mga paglabag sa karapatang-tao at naging mas aktibo sa paggigiit ng katarungan. Kinailangan ang puspusang pagsisikap ng Christians for National Liberation at ng NDF para kumbinsihin ang mayorya ng mga obispo na manindigan para sa karapatang-tao at hayagang batikusin ang mga paglabag.

Sinuportahan ng gubyerno ng US ang pasistang diktadura hangga't nagsisilbi ito sa interes ng US at nananatiling aset at di pabigat. Ang pananatili ng mga base militar ng US sa Pilipinas, ang pagpapalaki ng mga pribilehiyo para sa pamumuhunan ng US at karapatan ng mga korporasyon ng US na magmay-ari at gamitin ang likas na yaman ng bansa ang mga dahilan ng US upang magbigay ng tulong pang-ekonomya at militar sa pasistang rehimen. Subalit noong 1982, kinilala ng US na lubhang nahihiwalay at kinamumuhian ng sambayanan si Marcos dahil sa sukdulang brutalidad at korapsyon nito; na mayroon na siyang malalang karamdaman at di malinaw at di sigurado ang papalit sa kanya; at makikinabang sa mabuway na sitwasyon ang rebolusyonaryong kilusan. Kaya isinaayos ng US ang pagbalik ni Aquino sa Pilipinas.

Subalit nagpasya sina Marcos at ang kanyang pinakamalalapit na kroni at heneral na patayin si Aquino pagbalik niya noong 1983. Sinubukan nilang palabasin na isang "komunistang mamamatay-tao" ang pumaslang kay Aquino. Alam ng mamamayan na si Galman ay ginamit lamang sa eksenang kontrolado nina General Ver at ibang heneral na nasa iba't ibang sangay ng AFP. Pinasiklab ng asasinasyon ang pag-aalsa ng antipasistang kilusang masa mula 1983 hanggang sa bumagsak sa poder si Marcos noong 1986. Sa loob ng tatlong taon, gumampan ng krusyal na papel ang rebolusyonaryong armadong kilusan at ang mga ligal na pwersa ng pambansang demokratikong kilusan sa pagpapalawak ng kilusang anti-pasista na nagbunsod ng pagbagsak ni Marcos.

III. Mga Dahilan ng Pagbagsak ng Diktadura


Kahit bago ang asasinasyon kay Aquino, labis nang nag-aalala ang matataas na upisyal ng Washington na habang nagtatagal si Marcos sa poder, ibayong lalakas ang rebolusyonaryong armadong kilusang pinamumunuan ng PKP at mas malaki ang poproblemahin ng US sa hinaharap. Ginanap ang mga inter-ahensyang pulong noon pa mang maagang bahagi ng 1982 upang pag-aralan at magrekomenda kung paano sasansalain ang ibayong pagyabong ng rebolusyonaryong armadong kilusan sa Pilipinas at kung paano ilalatag ang huwad na demokrasya mula sa  pasistang diktadura. Malinaw na ang patuloy na pagsulong ng digmang bayang pinamumunuan ng PKP ay mayor na dahilan at nagtatakdang salik sa desisyon ng US na bitawan na si Marcos.

Pagkatapos ng asasinasyon kay Aquino noong 1983, mas lubhang nabahala ang mga upisyal ng US sa pagkapit ni Marcos sa poder at nagalit nang patayin si Aquino sa kabila ng pagtiyak ng mga upisyal ng rehimen kina Solarz at Wolfowitz na hindi siya gagalawin. Ang US State Department ang pinakanaiunsulto at lumarga nang husto sa pagpapabagsak kay Marcos. Di kaagad sumang-ayon ang Pentagon dahil sa argumentong mangangahulugan ang pagpapabagsak ng malalang pagkakahati sa reaksyunaryong militar sa Pilipinas. Di nagtagal ay tinanggap din ang "Armacost formula" na magpapahintulot sa unti-unting pagkakahati na kukumpunihin sa tamang panahon. Kaya nilagdaan ni Reagan ang isang direktiba sa pambansang seguridad para tanggalin na si Marcos.

Tulad sa naunang pagpapatalsik kay Duvalier sa Haiti, binalangkas ng US ang panukalang Laxalt para sa isang dagliang eleksyong presidensyal ng 1986 upang linlangin si Marcos na ipatupad ito ("gawin siyang bahagi ng solusyon" ang pang-uuyam ng US) at pagkatapos ay aakusahan siya ng pandaraya upang bigyang-daan ang pagpapabagsak sa pamamagitan ng kudeta at paralisasyon ng reaksyunaryong armadong pwersa; at sa pamamagitan ng mga aksyong masa. Nobyembre 1985 pa lamang, inutusan na ng US si Cory Aquino na ietsa-pwera sa kanyang makinaryang pangkampanya ang mga lider ng Kaliwa, na huwag kantihin ang isyu ng mga base militar ng US at huwag magtalaga ng sinuman sa Kaliwa sa bubuuin niyang gabinete. Si Marcos ang nanalo sa eleksyon sa pamamagitan ng bilangan ng sarili niyang Comelec at ng huwad na proklamasyon ng parlamento, subalit sa inaasahang serye ng mga pangyayari, mapapatalsik siya at mababalewala ang kanyang inangking tagumpay.

Pagkatapos na pagkatapos ng huwad na resulta ng dagliang eleksyong presidensyal, pinakauna ang PKP sa pagbatikos sa resulta at pananawagan para sa pag-aalsang masa, taliwas sa sabi-sabing naparalisa ang PKP dahil sa patakarang boykot nito sa elesyon. Pagkatapos lamang ng ilang araw nanawagan si Cory Aquino ng civil disobedience. Ang pangatlong makapangyarihang bigwas sa ulo ni Marcos ay nagmula sa mga obispong Katoliko na tumuligsa sa rehimeng Marcos bilang imoral at ilehitimo sa kanilang liham pastoral. Pagkatapos, nagtangkang magkudeta ngunit nabigo ang Reform the AFP Movement (RAM). Subalit nanawagan sina Cardinal Sin, Butch Aquino at BAYAN sa mamamayan na tumungo sa EDSA upang suportahan ang mga nag-alsang sundalo at biguin ang inaasahang opensibang militar ni Marcos.

Noong nalalabing mga araw ng pasistang diktadurang Marcos, pinakilos ng mga pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan ang malawak na masa ng sambayanan na magtipon sa EDSA at sa harap ng palasyo ng MalacaƱang at sa iba't ibang pampublikong lugar sa bansa, laluna sa mga kabisera ng prubinsya at mayor na mga syudad. Di kukulangin sa 20% ng daanlibong mamamayan sa EDSA ang napakilos ng BAYAN, at ang iba ay napakilos pangunahin ng mga panawagan ni Cardinal Sin at pagsasahimpapawid sa Radio Veritas. Subalit 85% ng libu-libong mamamayan sa harap ng palasyo ng MalacaƱang ay napakilos ng KMU at LFS.

Sa mga prubinsya, ang BAYAN ang nangungunang pwersa sa pag-organisa ng mga aksyong masa. Banggitin natin ang ilang matingkad na halimbawa. Kahanga-hanga ang pagpigil ng BAYAN-Angeles City sa mga tangke ni General Palafox na galing sa Tarlac. Sa Bicol, ang matalik na kaibigan ni Ramos, si General de Villa ay nagmukhang malakas bilang katunggali ni Marcos dahil sinuporthan siya ng BAYAN bukod sa kanyang mga tagasunod sa militar. Kabulastugang sabihin ninuman na dahil sa patakarang pagboykot sa eleksyon ng mga pwersa ng Kaliwa ay ihiniwalay nila ang sarili hindi lamang sa huwad na eleksyon kundi maging sa pag-aalsang masa na nagpatalsik kay Marcos.

Maaaring sumahin na sa mahabang panahon mula 1969 hanggang 1986 at maging sa maikling panahon ng pakikibaka noong 1983-1986 para patalsikin ang pasistang diktadurang Marcos, ang tuluy-tuloy, pinakamahalaga at pinakaepektibo sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sambayanan ay ang rebolusyonaryong armadong kilusan at ang mga ligal na pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan na saklaw ng BAYAN. Nag-umpisa lamang labanan ng US at ng pinakasagadsaring mga reaksyunaryong maka-US ang diktadura noong 1983, pagkatapos ng asasinasyon kay Aquino. Pwedeng sabihin na sa maikling panahon, ang magkakatunggaling pwersa ng pambansa- demokratikong kilusan, ang US, ang simbahang Katoliko at ang mga reaksyunaryong anti-Marcos ay nagsama-sama upang patalsikin si Marcos.

Totoong hanggang sa ngayo'y ang pamilyang Aquino at mga katulad nito (tulad nina Ramos at Arroyo) ang pangunahing nakinabang sa pagpapabagsak kay Marcos sa usapin ng pagkakaroon ng reaksyunaryong kapangyarihang pampulitika at pagkakamal ng yaman. Subalit di nito binibigyan ng lisensya ang mga bumubuntot at propagandista ng rehimeng Aquino na palabasing wala ang mga pwersa ng pambansang-demokratikong kilusan sa pakikibaka upang patalsikin si Marcos. Nakinabang nang malaki ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng PKP sa proseso ng pagpapabagsak sa diktadurang Marcos, subalit ang pakinabang nito ay hindi para makihati sa reaksyonaryong poder ni makipag-agawan sa ilang pusisyon sa reaksyunaryong gubyerno kundi mas sa pagtitipon ng lakas para sa pagpapabagsak ng buong naghaharing sistema.

IV. Kabuluhan sa Kasalukuyan


Hindi sapat ang lakas ng pakikibang masa para ibagsak ang pasistang dikatadura upang ibagsak ang buong naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kaya ang sagadsaring pasistang diktadura ay sinundan ng serye ng mga antinasyunal at huwad na demokratiko at anti-demokratikong rehimen. Pareho lang sila sa saligan sa rehimeng Marcos sa usapin ng pagpapakatuta sa US, mapagsamantalang katangian, korapsyon at karahasan laban sa mamamayan. Ang litaw na pagkakaiba lamang ng mga rehimen pagkatapos ni Marcos sa pasistang rehimeng Marcos ay nakapaghahasik sila ng terorismo nang di nagdedeklara ng batas militar.

May napakalaking halaga sa mga reaksyunaryong anti-Marcos, laluna sa malalaking komprador-panginoong maylupa na mga Cojuangco-Aquino, sa kanilang mga alyado at propagandista, na pasubalian ang naging papel ng rebolusyonaryong kilusan sa pagpapabagsak sa pasistang diktadurang Marcos at palabasing mas malaki ang bahagi nila sa proseso upang palitawin silang mga tagapagligtas ng mamamayan at kampyon ng demokrasya at maipagpatuloy ang kontra-rebolusyonaryong papel ni Marcos sa pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Nang kinokonsolida pa lamang ng rehimeng Cory Aquino ang poder nito laban kina Marcos, Enrile at iba pang reaksyunaryong pwersa, nag-alok ito ng negosasyon para sa tigil-putukan sa PKP, NPA at NDF at lumagda sa isang kasunduan para sa tigil-putukan. Subalit iwinaksi nito ang kasunduan sa tigil-putukan at "pinakawalan ang espada ng digma" matapos imasaker sa Mendiola ang mga magsasaka at kanilang mga tagasuporta sa kalunsuran. Sinunod nito ang neoliberal na patakaran sa ekonomya na dikta ng US. Nagpatupad ito ng serye ng estratehikong kampanyang militar sa tangkang wasakin ang rebolusyonaryong kilusan. Pagkatapos ng ilang taon, nang maharap ito sa sunud-sunod na bantang kudeta noong 1989, nag-alok itong makipag-usap sa mga rebolusyonaryong pwersa para sa negosasyong pangkapayapaan.

Tusong inihanda ng US at ginawang presidente si Ramos upang isakatuparan ang "Armacost Formula" at kumpunihin ang mga pagkakahati na naganap sa reaksyunaryong militar bago at pagkatapos ng pagpapabagsak kay Marcos. Binigyan ni Ramos ng amnestiya ang mga sundalong anti-Aquino na nagkudeta at mga bilanggong pulitikal upang ipakitang patas siyang nakikipagharap sa Kanan at sa Kaliwa. Sa buong panahon ng rehimeng Ramos, gumamit ito ng dalawahang patakaran ng pwersa militar at usapang pangkapayapaan. Lubusan nitong ipinatupad ang neoliberal na patakaran sa ekonomya sa malaking kapinsalaan ng sambayanang Pilipino.

Humina ang rebolusyonaryong armadong kilusan sa unang hati ng dekada 1990, hindi pa dahil sa usapang pangkapayapaan o sa pagiging epektibo ng mga kampanyang militar ng kaaway kundi dahil sa mga mayor na pagkakamali ng rebolusyonaryong kilusan mula dekada 1980 at sa pangangailangang iwasto ang mga ito at muling makapagpalakas ang PKP at iba pang rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Noong ikalawang hati ng dekada 1990, nakapaglulunsad at naipagwawagi na ng BHB ang maraming taktikal na opensiba sa pambansang saklaw. Lubusang nasira ang neoliberal na patakaran ni Ramos sa ekonomya nang tamaan nang matindi ang Pilipinas ng "krisis sa pinansya sa Asia" noong 1998.

Humalili si Estrada kay Ramos at ipinagpatuloy ang patakaran ng panunupil, hanggang sa sukdulang itigil ang usapang pangkapayapaan sa NDFP at maglunsad ng magastos at mapangwasak na "todo gera" laban sa MILF na may masamang epekto sa ekonomya. Lubhang apektado ang kanyang rehimen ng pandaigdigan at lokal na krisis sa ekonomya na dulot ng neoliberal na patakaran sa ekonomya. Hindi maitago ni Estrada ang direktang pananagutan sa korapsyon dahil sa pagtanggap ng pera mula jueteng at paglimas sa pondo para sa panlipunang seguridad sa mga kaduda-dudang kontrata. Tulad ng pagpapabagsak kay Marcos, ginamit ng pambansa-demokratikong kilusan ang malawak na nagkakaisang prente upang ihiwalay si Estrada, ipanawagan ang kanyang pagpapatalsik; at aktwal siyang ibagsak sa pamamagitan ng pag-aalsang masa. Napaikli ang kanyang panunungkulan dahil napwersa siyang magbitiw nang ilampung libong kabataan ang nagtipon sa mga tarangkahan ng palasyo ng presidente sa mapagpasyang sandali.

Tumagal ang rehimeng US-Arroyo nang sampung taon at mas papet, mapagsamantala, mapandambong, korap at brutal kaysa sa pinatalsik na rehimen. Nagtagumpay ang patakaran ng malawak na nagkakaisang prente sa paghiwalay kay Arroyo subalit bigo itong patalsikin siya mula sa poder. Sa sulsol ng US at Vatican, ng mga reaksyunaryong uri, ng kanilang mga mayor na institusyon (paaralan, simbahan at masmidya) at ng maka-Arroyo at mga anti-Arroyo na reaksyunaryong pulitiko, pinalaganap ang linya na ang mamamayan ay pagod na sa mga protesta at ang pinakamahusay na paraan para kamtin ang pagbago ng rehimen ay sa pamamgitan ng eleksyon.

Sa katunayan, takot sila na makapagpalakas ang rebolusyonaryong kilusan mula sa mga ekstra-konstitusyunal na proseso ng sunud-sunod na pagpapabagsak ng rehimen sa pamamagitan ng pag-aalsang masa, kahimat di armado. Bigo ang pambans-demokratikong kilusan na gamitin ang kalayaan at inisyatiba upang mapalaki ang kanilang mga aksyong protesta nang wala ang partisipasyon ng mga alyadong reaksyunaryo at sa pag-igpaw sa paulit-ulit na mga taktika ng mga alyadong anti-Arroyo na reaksyunaryo na ipokus ang mga aksyong protesta sa Ayala, Makati maging sa pamalagiang taktika ng rehimeng Arroyo na bulabugin, antalain at guluhin ang mga lakbayan at mga martsa sa kalunsuran. Napigilan ni Arroyo ang malakihang rali ng mga estudyante sa university belt at ang mga martsa na nagtatagpo at nag-ookupa ng lugar malapit sa palasyo ng presidente.

Ang kasalukuyang rehimeng Aquino ay mahusay sa paggamit ng mga ritwal ng selebrasyon ng people power (parang “manpower” o “horse power”, hindi people's power o kapangyarihan ng bayan) sa paggunita ng pagbabagsak kay Marcos at pagluluklok sa poder ng reaksyunaryong pangkating Aquino ng mapagsamantalang uri. Dagdag pa, mahusay magpanggap ang kasalukuyang rehimeng Aquino sa pagbatikos sa korapsyon at mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Arroyo. Subalit nananatiling talamak ang korapsyon sa lahat ng antas ng reaksyunaryong gubyerno. Kinunsinte at sinuportahan ng rehimeng Aquino ang lansakan at sistematikong paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Arroyo. At ito ngayon ay may pananagutan sa pagdami ng gayong mga paglabag sa karapatang-tao.

Sa ilalim ng Oplan Bayanihan na dinisenyo ng US, mapanlinlang na tinatawag ni Aquino na "peace and development operations" ang mga operasyong militar at pinalalakas ang loob ng militar, pulis at mga pwersang paramilitar na isagawa ang pagdukot, iligal na detensyon, tortyur, ekstrahudisyal na pamamaslang at pwersahang pagpapalayas sa buu-buong komunidad para sa kapakinabangan ng mga kumpanya sa pagmimina, pagtotroso at plantasyon. Lulong siya sa pagwasak sa rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng pwersang militar at humantong na sa pagparalisa sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanyang gubyerno at ng NDFP.

Malinaw na ipinakita ng mapagsamantala at marahas na katangian ng mga rehimen pagkatapos ni Marcos, mula kay Cory hanggang kay Noynoy Aquino, na walang naganap na panlipunang rebolusyon noong 1986. Ang pasistang diktadurang Marcos na naitayo noong 1972 ay hindi nagbunga ng bagong lipunan na kaiba sa malakolonyal at pyudal na sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Ni hindi nagbunsod ng pambansa at panlipunang paglaya ng sambayanang Pilipino ang pagbagsak ng diktadura noong 1986. Nananatili tumpak at makatarungan ang pagsisikhay ng rebolusyonaryong kilusan laban sa paggugumiit ng reaksyunaryong naghaharing sistema sa ilalim ng hegemonya ng US.

Lalakas at lalago ang rebolusyonaryong pakikibaka habang walang kahiya-hiyang nakikipagsabwatan ang rehimeng Aquino sa US at nakikinabang mula sa kamakailang pag-anunsyo ng US ng pagpihit ng estratehikong balanse tungo sa Asia-Pacific. Layunin nito ang ibayong paghigpit ng hegemonya ng US sa rehiyon. Nangangailangan ito ng malaking presensya ng militar at panghihimasok ng US, ng paglala ng pampulitika at pang-ekonomyang dominasyon, at pagtindi ng pagsasamantala at pang-aapi sa sambayanang Pilipino.

Habang lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng naghaharing sistema, patuloy na nakikipagpaligsahan ang mga reaksyunaryo sa isa't isa para sa kapangyarihan at burukratikong pangungulimbat. Habang dumaranas ang sambayanang Pilipino ng ibayong pagsasamantala at pang-aapi, ng higit na karalitaan at pagdurusa, matutulak silang paigtingin at isulong ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya, pag-unlad sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, katarungang panlipunan at pandaigdigang kapayapaan.