Patuloy na umiiral ang paghaharing militar sa bansa

ANG BAYAN
21 Setyembre 2010

Umiiral pa rin ang terorismong militar sa buong bansa. Nagpapatuloy ang paghaharing militar kahit 40 taon na ang nakalilipas mula nang pormal na ideklara ni Ferdinand Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972 at 26 na taon na ang nakararaan mula nang ibagsak ito sa pamamagitan ng pag-aalsang bayan noong Pebrero 1986.

Ginamit ni Marcos ang batas militar upang panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at palakasin ang paghahari ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking burgesyang kumprador, panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista.
Sa kabila ng ipinangangalandakang pagbalik umano ng demokrasya, walang malaking pinagkaiba ang mga sumunod na rehimen sa kinamumuhiang pasistang diktadurang Marcos. Kahit walang pormal na deklarasyon ng batas militar, nakapagpapatuloy ang terorismo ng estado. Nakapangyayari pa rin ang mga mapagsamantala at mapang-aping sinuhayan ng batas militar.

Nagagawa ito sa pamamagitan ng paigting nang paigting na militarisasyon sa bansa mula sa rehimen ni Corazon Aquino hanggang sa kasalukuyang rehimen ng anak niyang si Benigno Aquino III, kung kailan walang puknat ang malawakang mga operasyong militar at may makapal na presensya ang mga tropa ng AFP mismo sa mga komunidad ng mga magsasaka at maralitang lunsod sa buong bansa.

Para mapanatili ang bulok at bangkaroteng sistemang malakolonyal at malapyudal, pinalaki ang bilang at pinatingkad mula noong 1972 ang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong galamay ng reaksyunaryong estado. Ang pinalaking papel ng AFP sa maraming aspeto ng lipunang Pilipino ay indikasyon ng nagpapatuloy at palalang krisis ng naghaharing sistema. Kailangang lakasan ang mapaniil na pwersa ng estado para supilin ang lumalakas na paglaban ng mamamayan.

Pinalaki ni Marcos ang kabuuang pwersa ng AFP mula 60,000 tungong 100,000 tropa noong ipataw ang batas militar. Umabot ang kabuuang bilang ng AFP sa 250,000 noong kalagitnaan ng 1975 matapos isanib dito ang mga pwersa ng PC-INP. Pagkatapos ng batas militar, tuluy-tuloy na pinalaki ang pwersa ng AFP tungong 200, 000 at ang PNP mula 115,000 tungong 140,000 sa kasalukuyan. Hindi pa kabilang dito ang pagpapalobo ng mga pwersang paramilitar tulad ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at iba pang mga armadong grupong hawak din ng militar.

Ang AFP ay di lamang pinakamalakas na haligi ng reaksyunaryong naghaharing sistema. Ito rin ang pinakapinagkakatiwalaang instrumento ng imperyalismong US para mapanatili ang dominasyon nito sa Pilipinas. Ang AFP ang pinakasinasaligang pwersa ng US para sa pangangalaga ng estratehikong interes nito sa Pilipinas, pagpapatatag ng reaksyunaryong sistemang pampulitika, pangangalaga sa dayong pamumuhunan at pagsupil sa mga pwersang anti-imperyalista at rebolusyonaryo. Tungo rito, malaki ang mga pagsisikap ng imperyalismong US na palakasin ang organisasyon ng AFP, suplayan ito ng mga armas at sanayin ang mga tauhan nito batay sa umiiral na doktrina ng US.

Sa katunayan, nag-ugat ang kasalukuyang AFP at PNP sa unang mga mersenaryong tropa mula sa Macabebe, Pampanga na ginamit ng mga kolonyalistang Amerikano sa pagtugis sa mga rebolusyonaryong Pilipinong lumalaban sa pananakop ng US noong 1899-1903. Sila kalaunan ang naging Philippine Scouts (na malao'y naging Philippine Scout Rangers) at Philippine Constabulary.

Sinasanay ang mga susing upisyal ng AFP sa mga paaralang militar ng US tulad ng West Point Military Academy, Annapolis Naval Academy at Fort Benning at nirerekluta sila bilang mga ahente ng imperyalistang Central Intelligence Agency (CIA).

Sinusuplayan ng mga armas ang AFP sa pamamagitan ng US Foreign Defense Financing Program at ang pagbili ng mga armas mula sa ibang bansa sa ilalim ng AFP Modernization Program ay ginagabayan ng mga tagapayong militar ng US.

Nakapadron naman ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng papet na gubyerno ng Pilipinas sa doktrina ng US. Ang kasalukuyang Oplan Bayanihan ng AFP ay halos kopya mula sa US Counterinsurgency Guide of 2009.

Sa 14 na taong pag-iral ng batas militar, naipundar ng AFP ang pulitiko-militar na kapangyarihan nito sa lahat ng aspeto ng lipunang Pilipino. Ang inabot ng militarisasyon ng sistemang panlipunan sa Pilipinas ay pinatitingkad din ng laksa-laksang mga dating upisyal militar na nakapwesto sa burukrasyang sibil. Hinihirang o nagpapahalal sila sa iba't ibang ahensya ng gubyerno, kongreso at lokal na gubyerno. Sa pamamagitan ng militarisasyon ng burukrasya, nabibigyan ng akomodasyon ang mga retiradong matataas na upisyal na militar na alipures ng mga reaksyunaryong pulitiko. Sa gayon, nagagawang saklawin at gamitin ng AFP ang burukrasyang sibil sa pagsusulong nito ng mga programang kontra-rebolusyonaryo.

Laganap din ngayon ang paggamit ng militar para maghatid ng mga serbisyong dapat ay ibinibigay ng mga sibilyang ahensya ng gubyerno. Lalo itong lumaganap nang ipatupad ang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino sa anyo ng "peace and development organizing teams" ng AFP, mga civil-military operations na sumasaklaw pati sa pagtuturo umano ng karapatang-tao sa mga paaralan, pagsasagawa ng mga sensus, paglulunsad ng mga misyong medikal at dental, at pagtatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan na kalauna'y gagawing mga baraks ng mga sundalo sa loob ng ilang buwan hanggang isang taon.

Pilit binubura sa kamalayan ng mamamayan ang imbing papel ng reaksyunaryong militar sa paghahasik ng teroristang lagim at pagpepreserba sa mapagsamantala at mapang-aping naghaharing sistema. Sinasanay ang bayan sa makapal na presensya at pang-aabuso ng militar upang pumurol ang kanilang pagtutol sa militarisasyon at maging katanggap-tanggap ang panunupil.

Hungkag ang lahat ng pagsisikap na ito ng AFP, ng rehimeng Aquino at amo nilang imperyalismong US. Kailanman ay hindi maaaring bumango at maging positibong pwersa ang isang institusyong nasa kaibuturan na ang pagiging papet, mapanupil, bulok at mersenaryo.

Sa malagim na kasaysayan ng diktadurang Marcos ay nasaksihan ng mamamayan ang pinakamasahol na mukha ng lantarang paghaharing militar. Mapait na pamana ng batas militar ni Marcos ang tagus-tagusang militarisasyon at pag-iral pa rin ng panunupil militar, na pilit ikinukubli gamit ang mapanlinlang na mga karatula ng "kapayapaan" at "kaunlaran." Ito ang dapat patingkarin sa bawat paggunita ng batas militar.

Walang ibang nararapat na tugon sa walang puknat na panunupil militar kundi ang walang pagod na paglalantad sa katotohanan at walang puknat ding paglaban ng mamamayan.