Ang pagbaluktot sa kasaysayan ay di magpapatahimik sa pagigiit ng kaparusahan kina Enrile at iba pa sa mga abuso ng batas militar--PKP


Kawanihan sa Impormasyon
Partido Komunista ng Pilipinas
Oktubre 02, 2012

A translation of the Statement:

Revision of history will not silence demand for punishment of Enrile etal's martial law abuses--CPP


Hinikayat ng Partido Komunista ng Pilipinas ang sambayanang Pilipino na ibasura ang pagbaluktot sa kasaysayan ni Juan Ponce Enrile na nais bigyan ng bagong kahulugan ang 14-taong ng paghahari ng batas militar ni Marcos. Dapat nilang igiit na parusahan si Enrile at iba pang arkitekto at tagapagpatupad ng batas militar ng rehimeng Marcos noong 1972-1986 dahil sa kanilang naging susing papel sa pagpatay sa libu-libong magsasaka at manggagawa at sa walang patumanggang paglabag sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong bats.


Inilabas ng PKP ang pahayag na ito kaugnay ng kamakailang paglabas ng talambuhay ni Enrile, na may mga sipi rebyung nalathala nitong nagdaang mga araw. Si Enrile, kasalukuyang presidente ng reaksyunaryong senado, ay nagsilbi bilang isa sa pinagkakatiwalaang upisyal mula huling bahagi ng 1960 hanggang 1986. Sa kanyang "A Memoir," "Pinagaganda ni Enrile ang naging papel niya sa batas militar ng rehimen, inilalarawan ang sarili bilang isang kritiko ni Imelda Marcos, di malapit sa MalacaƱang at atubiling tagapagpatupad ng batas militar sa imbing pagtatangkang takasan ang paghusga sa kanya ng kasaysayan."

"Bago pa man nagkaroon ng isang General Palparan, may isa nang Juan Ponce Enrile, ang pasistang berdugo ng batas militar," anang PKP. "Mula 1972 hanggang sa pagbagsak ng diktadurang US-Marcos, Si Enrile, bilang ministro sa depensa, ang lumagda sa mga mandamyento de aresto na ginamit ng mga armadong ahente ng pasistang estado upang ilagak sa mga kulungan ng militar at pulisya ang mahigit 120,000 magsasaka, manggagawa, estudyante, kababaihan, taong relihiyoso at iba pang karaniwang mamamayan. Marami sa kanila ang ibinartolina at pinalasap ng pisikal at sikolohikal na tortyur."

Habampanahong mantsado ang mga kamay ni Enrile ng dugo ng halos 4,000 katao na 'sinalbeyds' noong panahon ng teroristang paghahari ni Marcos," dagdag ng PKP. "Kapantay siya ni Marcos at mga pangunahing upisyal militar at panseguridad nito, kabilang ang mga heneral militar tulad nina Fidel Ramos at Fabian Ver, na dapat managot sa malalang pag-abuso sa mga karapatang-tao sa ilalim ng pasistang diktadurang Marcos."

"Kapantay din siya ng malalaking kumprador at mga burukrata kapitalistang gaya nina Eduardo "Danding" Cojuangco, Antonio Floirendo (ang "Banana King") at Roberto Benedicto (ang "Sugar Baron"), na siyang pinakamalalaking kroni ni Marcos na nakinabang nang husto sa batas militar," dagdag ng PKP. "Sa ilalim ng paghahari ng batas militar ni Marcos, ginawaran si Enrile ng malaking konsesyon sa pagtotroso at nagwasak sa daanlibong ektarya ng kagubatan. Nagkamal siya ng daan milyong piso bilang isa sa mga 'dummy' ni Marcos na nagsilbing upisyal ng Coconut Producers Federation (CocoFed) na may kontrol sa pondong coco levy."

Dagdag sa pampulitika at pang-ekonomyang kaharian niya sa prubinsya ng Cagayan, kinopo ni Enrile ang 95,000 ektarya ng konsesyon sa pagtotroso sa Samar, pinakamalaki sa isla, na sumasaklaw sa dapat ay protektadong Samar Island Natural Park. Sa kasigasigan ni Enrile na protektahan ang kanyang pang-ekonomyang interes ay nagbunsod sa Las Navas Massacre noong Steyembre 1981 kung saan 45 lalaki, babae at mga bata ang walang-awang pinatay ng pribadong hukbong naggugwardya sa konsesyon sa pagtotroso ni Enrile. Ang masaker na ito na ipinatupad sa interes ni Enrile ay nananatiling isa sa pinakakarumal-dumal na paglabag sa internasyunal na makatong batas sa ilalim ng paghaharing militar ni Marcos.

"Sa kanyang bagong aklat, itinambad ni Enrile ang pagiging sinungaling. Iginiit niya dito na walang dahilan para isagawa ang isang huwad na ambus noong 1972 sa Mandaluyong. Binaliktad niya ang kanyang sariling pahayag noong 1986 nang tinalikuran niya si Marcos kung kailan inilahad niya na ang 'ambus' noong 1972 ay isinagawa nila upang magsilbing isa sa mga tuntungan para sa pagdedeklara ng Batas Militar," pagdidiin ng PKP.

"Ang pagbaluktot ni Enrile sa kasaysayan ay isang labis na kasuklam-suklam na bagay na layong iligaw ang sambayanang Pilipino, laluna ang kasalukuyang henerasyon ng kabataang Pilipino, na sinasalaksakan ng mali at kulang-kulang na impormasyon hinggil sa batas militar," anang PKP.

"Bilang isa mga prinsipal at pinakamapagkakatiwalaang tuta ng mga imperyalistang US, ang talambuhay ni Enrile ay naglalayong pabanguhin ang kanyang imahe bilang estadista, akuin ang papel bilang pampulitikang tagakumpas, idirihe ang reaksyunaryong uri at pangasiwaan ang kanilang alitan sa gabay ng gubyerno ng US," anang PKP. "Sa pakikipagtulungan sa mga upisyal ng gubyerno ng US, binubuo ni Enrile ang konsensus ng mga reaksyunaryo na amyendahan ang konstitusyon ng 1987 at baklasin ang mga restriksyon laban sa dayuhang pamumuhunan at kalakalan."

"Dapat itakwil ng sambayanang Pilipino ang nagsisilbi-sa-sariling pagsisinungaling ni Enrile sa kanyang upisyal na talambuhay," anang PKP. "Nais ni Enrile na linlangin ang sambayanang Pilipino, ipresenta ang sarili bilang isa sa mga pangunahing tagalikha ng kasaysayan, panatilihing mangmang ang mamamayan sa kasaysayan at habampanahon silang kundenahin sa panlipunang pagkamanhid."

"Gayunpaman, pangkasaysayang tadhana ng mga inaapi at pinagsasamantalahan na alisin sa kasaysayan ang mga sapot na nilubid ni Enrile at ng kanyang mga kauri, tumindig at angkinin ang kanilang papel sa pag-ukit ng landas ng lipunang Pilipino habang nagmamartsa ito tungo sa pagsulat ng bagong kabanata ng modernong rebolusyonaryong pagsulong."