Ulat ng Mga Labanan sa Bikol (Agosto 26 - Setyembre 6, 2012)

Ka Greg Bañares
NDFP- Bicol
Setyembre 12 2012


Setyembre 6, 2012. 2 sundalo patay, 4 sugatan sa engkwentro sa Sorsogon.

Namatay ang dalawang sundalo ng 31st Infantry Battalion ng Philippine Army habang malubhang nasugatan ang tatlo pang iba nang makasagupa ang isang iskwad (hindi platun ayon sa naunang ulat) ng mga pulang mandirigma bandang alas-diyes ng umaga sa Sityo Kapirikuhan, Bgy. San Isidro, Bulusan, Sorsogon.

Kinilala ang mga sugatang sundalo na sina Pfc. Jaypee Retardo, Cpl. Rolando Cruzado,Pfc. Ryan Royales at Pfc. Rodel Llandelar habang ang isang namatay na sundalo ay kinilalang si Pfc. Michael Bigay. Ayaw pangalanan ng mga upisyal ng 9th Infantry Division ang isang namatay na pinaniniwalaang upisyal ng 31st IBPA.


Ayon sa Celso Minguez Command ng BHB-Sorsogon ilang araw nang naglulunsad ng operasyong kombat ang mga tropa ng 31st IBPA sa mga bayan ng Bulusan at Barcelona. Ipinakita ng isang iskwad ng BHB ang katapangan sa laban, disiplina at pagkabisa ng tereyn kung kaya't walang pinsala sa panig ng mga pulang mandirigma.

Setyembre 4, 2012. Operasyong haras ng BHB sa San Miguel, Catanduanes.

Inatake ng mga pulang mandirigma ang tropa ng 83rd Infantry Battalion ng Philippine Army na nagpapanggap na "peace and development team" sa Bgy. JMA, San Miguel, Catanduanes bandang alas-nuwebe ng umaga. Ang tropang ito ay bahagi ng malaking tropa ng 83rd IBPA na naglulunsad ng kontra-insurhensyang Oplan Bayanihan sa labing-isang barangay ng tatlong bayan ng San Andres, San Miguel, at Virac na nagsimula noong Agosto 16.

Engkwentro ng BHB at tropa ng 2nd IBPA sa Guinobatan, Albay.

Nakasagupa ng isang tim ng mga pulang mandirigma ang isang iskwad ng Alpha Company ng 2nd Infantry Battalion sa Bgy. Balete, Guinobatan, Albay bandang tanghali nitong Setyembre 4. Walang pinsala sa panig ng mga pulang mandirigma at wala ring naiulat na kaswalti sa militar.

Hinaharas ng mga sundalo ang mga magsasakang nagbubungkal sa isang dating asyenda at tinatakot ang mga ito upang ipailalim sa huwad na programang CARPER. Matagal nang naipagtagumpay sa pagkilos ng mga magsasaka ang karapatan sa pagbubungkal ng lupa at pagpapababa ng upa sa lugar. Tinatangkang buwagin ng nagpapanggap na "peace and development team (PDT)" ng 2nd IBPA ang pagkakaisa ng mga magsasaka at palayasin sila sa kanilang binubungkal na lupa.

Setyembre 3, 2012. Operasyong haras ng BHB sa Camarines Norte

Tuluy-tuloy ang mga operasyong haras ng BHB sa probinsya ng Camarines Norte laban sa walang puknat na pag-atake at pagsuyod ng mga tropa ng 902nd Brigade sa ilalim ng 9th Infantry Division ng Philippine Army.

Setyembre 3 ng gabi ay inisnayp ng mga pulang mandirigma ang mga sundalo ng 49th IBPA sa Bgy. Peter, bayan ng Capalonga.

Noong Setyembre 1 bandang alas-9:30 ng gabi ay inatake ng mga pulang mandirigma ang mga tropa ng 49th IBPA sa Bgy. Maot, Labo, Camarines Norte. Nasugatan ang isang sundalo. Sa sobrang galit at pagkabigla ng mga sundalo ay walang habas itong nagpaputok sa iba't ibang direksyon.
 

Setyembre 3, 2012. Atritibong Aksyon ng BHB sa Camarines Sur

Bandang alas-3:30 ng hapon,  inatake ng mga pulang mandirigma ang mga sundalo na nagtatayo ng detatsment sa Bgy. Tabion, bayan ng Del Gallego, Camarines Sur.

Agosto 30, 2012. Operasyong haras ng BHB sa Mobo, Masbate.

Hinaras ng mga pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate ang kampo ng Special Action Force ng PNP sa Bgy. Lalaguna, Mobo, Masbate bandang alas-tres ng madaling araw. Isang pulis ang naiulat na namatay habang sugatan ang dalawa pang iba. Walang kaswalti sa panig ng BHB.

Agosto 29, 2012. Mga Taktikal na Opensiba ng BHB sa Catanduanes

Pinaputukan ng mga pulang mandirigma ng Nerissa San Juan Command ng BHB-Catanduanes ang hedkwarters ng Charlie Company ng 83rd Infantry Battalion Philippine Army sa Bgy. Oga, Catanduanes bandang alas-12:05 ng madaling araw nitong Agosto 29.

Noong Agosto 22 ng tanghali ay inatake ng mga pulang mandirigma ang tropa ng 83rd IBPA na nagsasagawa ng kontra-insurhensyang pananalakay sa mamamayan sa Bgy. San Marcos, San Miguel, Catanduanes. Nagpapanggap na Peace and Development Team (PDT) ang mga sundalo habang isinasagawa ang operasyong paniktik, operasyong kombat, at operasyong sibil-militar sa lugar.

Nagsimula noong Agosto 16 ang paghahasik ng takot at karahasan ng militar sa mga barangay ng tatlong bayan ng Virac, San Miguel, at San Andres. Malaking perwisyo at abala sa mamamayan ang mga operasyong militar at naghahatid ito ng matinding takot at pangamba sa kanila. Ginagamit ding baraks ng militar ang mga pampublikong pasilidad ng mga sibilyan tulad ng barangay hall, daycare center, simbahan, paaralan at bahay ng mga sibilyan.

Agosto 26, 2012. Lumang Detatsment ng Militar Sinunog ng BHB sa Daraga, Albay

Sinunog ng isang tim ng mga pulang mandirigma ng Santos Binamera Command ng BHB-Albay ang 13 kubong ginagamit ng Charlie Company ng 2nd Infantry Battalion sa Bgy. San Ramon, Daraga, Albay bandang alas-9 ng gabi.

Ang naturang mga kubo ay nasa loob ng isang lumang detatsment ng militar na pansamantalang iniwan at lumipat sa Bgy. Alobo upang magbantay sa mga kagamitan ng malaking kumpanya sa konstruksyon na pag-aari ni Zaldy Co.

Matagal nang pinalalayas ng mamamayan sa lugar ang detatsment ng militar dahil sa pagkakasangkot nito sa napakaraming krimen at pag-abuso sa karapatang pantao. Ang yunit na ito ang sangkot sa pagmasaker sa pamilya ni Kgd. Wilfredo Lotino ng Bgy. Nabas-an, Daraga, Albay noong Oktubre 2010.